Mga Dahilan Upang Magtiwala sa Bibliya
5. Natupad na Hula
Isip-isipin ang isang tagapag-ulat na kilalang laging nagsasabi nang tama tungkol sa magiging lagay ng panahon. Kapag sinabi niyang uulan, magdadala ka ba ng payong?
ANG Bibliya ay naglalaman ng napakaraming prediksiyon, o hula. * Laging natutupad ang mga hula nito, gaya ng maliwanag na pinatutunayan ng kasaysayan. Hindi nagkakamali ang hula ng Bibliya.
Pagkakakilanlang katangian.
Karaniwang espesipiko ang mga hula ng Bibliya at natutupad hanggang sa kaliit-liitang detalye. Ang mga ito ay kadalasang tungkol sa mahahalagang pangyayari at humuhula ng kabaligtaran sa inaasahan ng mga taong nabubuhay noong panahong iyon.
Isang namumukod-tanging halimbawa.
Ang sinaunang Babilonya, na estratehikong itinayo sa magkabilang panig ng Ilog Eufrates, ay tinatawag na “sentro ng pulitika, relihiyon, at kultura ng sinaunang Silangan.” Noong mga 732 B.C.E., isinulat ni propeta Isaias ang isang hula na nagbabadya ng kapahamakan—babagsak ang Babilonya. Binanggit ni Isaias ang mga detalye: Isang lider na nagngangalang “Ciro” ang mananakop, “tutuyuin” ang pananggalang na katubigan ng Eufrates, at ‘hindi maisasara’ ang pintuang-daan ng lunsod. (Isaias 44:27–45:3) Pagkalipas ng mga 200 taon, noong Oktubre 5, 539 B.C.E., natupad ang hula hanggang sa kaliit-liitang detalye nito. Ayon sa salaysay ng Griegong istoryador na si Herodotus (ikalimang siglo B.C.E.), sa ganito ngang paraan bumagsak ang Babilonya. *
Tahasang mensahe.
Idinagdag pa ni Isaias ang nakagugulat na prediksiyon tungkol sa Babilonya: “Hindi siya kailanman tatahanan.” (Isaias 13:19, 20) Tahasan nga ang hulang nagsasabing permanenteng magiging tiwangwang ang isang lumalawak na lunsod na napakaganda ng lokasyon. Karaniwang aasahan mong muling maitatayo ang lunsod na iyon kung ito ay mawawasak. Bagaman nanatili pang sandali ang Babilonya matapos itong masakop, nagkatotoo sa dakong huli ang mga salita ni Isaias. Ang kinaroroonan ngayon ng sinaunang Babilonya “ay patag, mainit, tiwangwang at maalikabok,” ang ulat ng magasing Smithsonian.
Kagila-gilalas pag-isipan ang tindi ng hula ni Isaias. Ang inihula niya ay katulad ng paghula kung paano eksaktong mawawasak ang isang makabagong lunsod, gaya ng New York o London, 200 taon mula ngayon at saka pagsasabing tiyak na hinding-hindi na ito muling tatahanan pa. Sabihin pa, ang talagang kamangha-mangha sa lahat ay nagkatotoo ang hula ni Isaias! *
Tumpak na inihula ng Bibliya na sasakupin ng isang lider na nagngangalang Ciro ang makapangyarihang Babilonya
Sa serye ng mga artikulong ito, tinalakay natin ang ilang katibayan na nakakumbinsi sa milyun-milyong tao na mapagkakatiwalaan ang Bibliya. Kaya nagtitiwala sila rito bilang maaasahang giya upang patnubayan ang kanilang mga hakbang. Bakit hindi alamin ang higit pa hinggil sa Bibliya upang matiyak mo kung makapagtitiwala ka rin dito?
^ par. 4 Ang mga ulat tungkol sa magiging lagay ng panahon ay maaaring hindi mangyari. Pero ang hula ng Bibliya ay kinasihan ng Diyos na may-kakayahang maniobrahin ang mga pangyayari kung gugustuhin niya.
^ par. 6 Para sa higit pang detalye tungkol sa katuparan ng hula ni Isaias, tingnan ang pahina 27-29 ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 8 Para sa iba pang halimbawa ng mga hula ng Bibliya at ng katuparan ng mga ito na pinatutunayan ng kasaysayan, tingnan ang pahina 117-33 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.