Hakbang 3
Gamitin ang Iyong Awtoridad
Bakit mahalaga ito? Ipinakikita ng mga pag-aaral na “ang mga batang pinalaki ng mga magulang na mapagmahal pero gumagamit ng awtoridad—mga magulang na mabait sa kanilang mga anak pero mahigpit—ay magaling sa klase, marunong makisama, may tiwala sa sarili, at mas masayahin kaysa sa ibang batang ang mga magulang ay alinman sa sobrang luwag o sobrang higpit,” ang sabi ng magasing Parents.
Ang hamon: Mula sa pagkasanggol hanggang sa pagiging tin-edyer, tututol ang iyong mga anak sa iyong awtoridad sa kanila. “Madaling mahalata ng mga bata kung takót gumamit ng awtoridad ang kanilang mga magulang at kung pagbibigyan na sila,” isinulat ni John Rosemond, awtor ng aklat na Parent Power! “Pagdating sa tanong na ‘Sino ang dapat masunod?,’ kung hindi kokontrolin ng mga magulang ang pamilya, ang mga anak ang kokontrol dito,” ang sabi niya.
Ang solusyon: Huwag kang mabahala na baka lumayo ang loob ng mga anak mo sa iyo o masiraan sila ng loob kung gagamitin mo sa kanila ang iyong awtoridad. Hindi nilayon ng Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng buhay pampamilya, na bigyan ng karapatan ang mga anak sa pagpapatakbo ng pamilya. Sa halip, ibinigay niya ito sa mga magulang at inutusan niya ang mga anak: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang.”—Efeso 3:14, 15; 6:1-4.
Magagamit mo ang iyong awtoridad sa paraang hindi malupit. Paano? Sundin mo ang halimbawa ni Jehova. May kapangyarihan siyang pilitin ang mga taong itinuturing niyang mga anak na gawin ang kaniyang kalooban, pero hinimok niya tayo na sumunod sa kaniya nang kusang loob. “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog,” ang sabi ng kaniyang Salita. (Isaias 48:18) Nais ni Jehova na sundin natin siya, hindi dahil takót tayo sa kaniya, kundi dahil mahal natin siya. (1 Juan 5:3) Siya ay makatuwiran sa kaniyang mga hinihiling sa atin at alam niyang mapapabuti tayo kung mamumuhay tayo ayon sa kaniyang mga pamantayang moral.—Awit 19:7-11.
Paano mo matitiyak na magagamit mo ang iyong awtoridad bilang magulang sa timbang na paraan? Una, kailangang kumbinsido kang ang Diyos ang humihiling nito sa iyo. Ikalawa, dapat na kumbinsido kang ang pamumuhay ayon sa mga pamantayang moral ng Diyos ang pinakamabuti para sa iyo at sa iyong mga anak.—Roma 12:2.
Anong partikular na mga bagay ang dapat mong gawin sa paggamit ng iyong awtoridad?
[Blurb sa pahina 5]
“Disiplinahin mo ang iyong anak, at dudulutan ka niya ng . . . kasiyahan.”—Kawikaan 29:17, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino