Hakbang 2
Bumuo ng Isang Pamilyang Nagmamahalan
Bakit mahalaga ito? Ang mga anak ay nangangailangan ng pagmamahal at hindi sila susulong kung wala ito. Noong dekada ng 1950, ang antropologong si M. F. Ashley Montagu ay sumulat: “Upang lumaking isang mabuting tao, kailangang busugin ang bata sa pagmamahal; ang pagiging malusog sa halos lahat ng bagay ay madalas na dahil sa pagmamahal, lalo na sa kaniyang unang anim na taon.” Sang-ayon ang modernong mga mananaliksik sa konklusyon ni Montagu na “ang mga bata ay napapariwara kapag kulang sa pagmamahal.”
Ang hamon: Ang pamumuhay sa walang pagmamahal at sakim na daigdig na ito ay nagdudulot ng problema sa ugnayan ng pamilya. (2 Timoteo 3:1-5) Maaaring isipin ng mga mag-asawa na nakadaragdag sa kanilang problema ang gastos at tensiyon sa pagpapalaki ng mga anak. Halimbawa, kapag magkaiba ang opinyon ng mag-asawa kung paano didisiplinahin at gagantimpalaan ang mga anak, maaari itong magpalubha sa tensiyon ng mag-asawang hindi na nga halos nag-uusap.
Ang solusyon: Magtakda ng isang panahon para sa regular na pagsasama-sama ng pamilya. Kailangan ding magtakda ng panahon ang mag-asawa para sa kanilang dalawa lamang. (Amos 3:3) Kapag tulog na ang mga anak, gugulin ang panahon sa matalinong paraan. Huwag hayaang agawin ng TV ang napakahalagang sandaling ito. Patuloy na ipadama ang pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging malambing sa isa’t isa. (Kawikaan 25:11; Awit ni Solomon 4:7-10) Sa halip na palaging ‘maghanap ng kamalian,’ humanap ng dahilan na purihin ang iyong asawa sa araw-araw.—Awit 103:9, 10; Kawikaan 31:28.
Sabihin mo sa iyong mga anak na mahal mo sila. Ipinakita ng Diyos na Jehova ang halimbawang ito sa mga magulang sa pamamagitan ng tuwirang pagsasabi ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang Anak na si Jesus. (Mateo 3:17; 17:5) Si Fleck, isang amang taga-Austria, ay nagsabi: “Napansin kong ang mga bata ay parang ilang uri ng bulaklak. Kung paanong ang maliliit na halamang ito ay humaharap sa araw para tumanggap ng liwanag at init, ang mga bata naman ay umaasa sa kanilang mga magulang ng pagmamahal at katiyakang sila’y mahalaga sa pamilya.”
May asawa ka man o nagsosolong magulang, kung tutulungan mo ang iyong pamilya na umibig sa isa’t isa at sa Diyos, gaganda ang inyong buhay bilang isang pamilya.
Kung gayon, ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa paggamit ng awtoridad bilang magulang?
[Blurb sa pahina 4]
‘Ang pag-ibig ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.’—Colosas 3:14