Shark Bay—Hiwaga sa Karagatan
Shark Bay—Hiwaga sa Karagatan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANG Shark Bay ay isang malawak na ilug-ilugan na may lalim na siyam na metro sa dulong kanluran ng Australia at mga 650 kilometro sa hilaga ng lunsod ng Perth. Noong 1629, binansagan ng manggagalugad na Olandes na si Francois Pelsaert ang disyertong ito na “tigang at isinumpang lupain na walang anumang luntian o pananim.” Binigyan naman ito ng sumunod na mga nakarating sa lugar na ito ng mga pangalang tulad ng Lugar na Salat sa Pag-asa, Walang-Silbing Ilug-Ilugan, at Nakadidismayang Rehiyon.
Pero sa ngayon, mahigit 120,000 katao ang dumaragsa sa Shark Bay taun-taon. Napakaganda ng liblib na rehiyong ito kaya isinama ito sa World Heritage List noong 1991. *
Parang na Namumutiktik sa Buhay
Nakita sana ni Pelsaert ang kaniyang luntiang parang kung tumingin lamang siya sa ilalim ng tubig, dahil nasa Shark Bay ang pinakamalawak at pinakasari-saring damong-dagat sa daigdig na mahigit 4,000 kilometro kuwadrado ang lawak. Ang Wooramel Seagrass Bank pa lamang ay may haba nang 130 kilometro sa silangang bahagi ng Shark Bay.
Ang mga damong-dagat na ito, na sa katunayan ay mga halamang namumulaklak, ang bumubuhay sa pagkarami-raming uri ng nilalang sa dagat. Naninirahan sa luntiang lugar na ito ang mga sugpo, maliliit na isda, at napakaraming iba pang hayop-dagat. Naglalaan din ng sapat na pagkain ang halamanan ng damong-dagat para sa mga 10,000 dugong, o mga sea cow, na nakatira rito. Kung minsan, kawan-kawan ng mahigit 100 maamo at mausisang mamalyang ito, na bawat isa ay tumitimbang nang hanggang 400 kilo, ang tahimik na nanginginain sa saganang parang na ito sa ilalim ng tubig. Ang hilagang Australia, mula Shark Bay sa kanluran hanggang Moreton Bay sa silangan, ay pinaninirahan sa ngayon ng pinakamaraming dugong sa daigdig. *
Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, maraming pating na higit pa sa sandosenang uri ang matatagpuan sa Shark Bay. Kasama rito ang
nakatatakot na tiger shark at ang dambuhala pero maamong butanding, ang pinakamalaking isda sa daigdig. Magkasamang naninirahan dito ang mga pating at mga dolphin, na nagpapatunay na mali ang akalang kung saan may dolphin ay walang mga pating. Sa katunayan, natuklasan ng mga mananaliksik na mga 70 porsiyento ng mga dolphin dito ay may pilat dahil sa pag-atake ng mga pating. Kabilang din sa sari-saring hayop sa Shark Bay ang libu-libong humpback whale na humihinto rito para magpahinga sa kanilang taunang pandarayuhan patimog. At gayon ding dami ng mga pagong ang dumadayo rito taun-taon para mangitlog sa mga baybayin.Talaga Bang Bato ang mga Ito?
Di-tulad ng ibang lugar sa Shark Bay, tila walang sigla at buhay ang Hamelin Pool na nasa dulong timog ng look. Dahil sa mabilis na ebaporasyon, doble ang alat ng maligamgam na tubig dito kaysa sa karaniwang tubig-dagat. May waring mapusyaw na kulay-abong mga bato sa kahabaan ng hangganan ng Hamelin Pool. Pero kung titingnang mabuti, ang mga “batong” ito pala ay mga stromatolite, na binuo ng pagkarami-raming mikroorganismo na may isang selula at tinatawag na cyanobacteria o mangasul-ngasul na berdeng lumot. May mga tatlong bilyon nito sa bawat metro kuwadrado!
Pinaghahalo ng malalakas na mikrobyong ito ang malagkit na likidong ibinubuga nila at ang mga elementong nakukuha nila sa tubig-dagat para makagawa ng semento, na unti-unti nilang pinagpapatung-patong sa kanilang tulad-batong tirahan. Napakabagal ng prosesong ito. Kaya kapag tumaas na ito ng 30 sentimetro, mga sanlibong taon na ang isang stromatolite!
Matatagpuan sa Hamelin Pool ang pinakamarami at sari-saring uri ng stromatolite sa daigdig. Karagdagan pa, ito ay isa sa mga natitirang lugar na maraming stromatolite.
Ang mga Superstar ng Shark Bay
Ang pinakasikat na dinadayo sa Shark Bay ay ang mga bottlenose dolphin ng Monkey Mia, isang baybayin sa dulo ng Denham Peninsula. Isa ang baybayin ng Monkey Mia sa iilang lugar sa daigdig na madalas pasyalan ng ligáw na mga dolphin para lumapit sa mga tao. Walang nakaaalam kung kailan nag-umpisa ang interaksiyong ito.
Nagkukuwento ang ilan na noong dekada ng 1950, itinataboy ng mga dolphin ang mga isda papunta sa pampang—na ginagawa pa rin nila hanggang sa ngayon. Maaaring sinamantala ng mga tao ang pagkakataong ito para pakainin at kaibiganin ang mga dolphin. Noong 1964, isang mangingisdang babae na tagarito ang naghagis ng isda sa isang dolphin na paligid-ligid sa kaniyang bangka sa Monkey Mia. Ang dolphin, na pinanganlan nilang Charlie, ay
bumalik nang sumunod na gabi at kinuha ang isda mula sa kaniyang kamay mismo. Nang maglaon, sumama na rin ang mga kaibigan ni Charlie sa kaniya.Mula noon, tatlong henerasyon na ng mga dolphin ang nagpapasaya sa milyun-milyong mga dumadayo rito. Pinasaya rin ng mga ito ang mga biyologo, na mahigit 100 sa kanila ay mula pa sa iba’t ibang bansa na pumaparito para magsaliksik tungkol sa mga hayop, kaya ang mga dolphin na ito ang pinakamadalas pag-aralan sa buong daigdig.
Sa ngayon, halos tuwing umaga ay pumupunta sa baybayin ng Monkey Mia ang mga dolphin at madalas na kasama nila ang kanilang mga anak. Maraming bisita ang sabik na naghihintay sa kanilang pagdating, pero ilan lamang sa mga ito ang puwedeng magpakain sa mga dolphin. Bakit? Dahil nais tiyakin ng mga bantay sa parke na hindi dedepende ang mga hayop na ito sa ibinibigay na pagkain. Gayunman, napapanood naman ng lahat ang mga dolphin. “Sana lahat ng hayop sa mundo ay malalapitan nang ganito!” ang bulalas ng isang babae.
Isinisiwalat ng Bibliya na masasalamin sa gayong pagnanasa ang orihinal na layunin ng Diyos na mapayapang mapamahalaan ng mga tao ang lahat ng hayop. (Genesis 1:28) Kung mahilig ka sa mga hayop, matutuwa kang malaman na ang layunin ng Diyos, bagaman pansamantalang naudlot dahil sa kasalanan, ay lubusang matutupad kapag ang Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan sa kamay ni Jesu-Kristo, ay namahala na sa buong lupa.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 11:15.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, mapupuno ng likas na kagandahan ang buong lupa at mag-uumapaw ito sa sigla at buhay. Higit pang kamangha-manghang kagandahan ang malapit nang masaksihan sa mga lugar na tulad ng Shark Bay.—Awit 145:16; Isaias 11:6-9.
[Mga talababa]
^ par. 4 Idinaragdag ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization sa kanilang World Heritage List ang mga likas na kapaligiran na natatangi at napakahalaga sa kultura.
^ par. 7 Bagaman may hawig sa mga manatee, ibang uri ang mga dugong. Bilugan ang buntot ng mga manatee samantalang patulis ang sa mga dugong tulad ng sa dolphin.
[Mga mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
AUSTRALIA
SHARK BAY
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang baybayin ng Monkey Mia kung titingnan mula sa itaas
[Larawan sa pahina 16, 17]
Isang maamong dugong, o “sea cow”
[Credit Line]
© GBRMPA
[Larawan sa pahina 16, 17]
Binubuo ng bilyun-bilyong maliliit na organismo ang mga “stromatolite”
[Larawan sa pahina 17]
Madalas na pumupunta sa baybayin ng Monkey Mia ang ligáw na mga dolphin
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
© GBRMPA; satellite map: Jeff Schmaltz, MODIS Rapid Response Team, NASA/GSFC
[Picture Credit Line sa pahina 17]
All images, except dugong, supplied courtesy Tourism Western Australia