Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Ang pagmamaneho nang nakainom ang isa sa pinakanakamamatay na krimen sa Amerika,” ang sabi ng tumatayong kalihim ng transportasyon na si Maria Cino. Sa mga nasawi sa trapiko sa Estados Unidos noong 2005, 39 na porsiyento ang dahil sa alak.—U.S. DEPARTMENT OF TRANSPORTATION.
◼ “Mahigit 18,000 basurang plastik ang palutang-lutang sa bawat kilometro kuwadrado ng dagat sa ngayon.”—UNITED NATIONS ENVIRONMENT PROGRAMME.
◼ “Sa panahon ng trabaho, kalahating bilyong oras taun-taon ang nauubos ng mga empleado sa Estados Unidos sa paglalaro [sa computer], na katumbas ng $10 bilyon na pagkalugi.” Hindi pa kasama rito ang panahong “ginagamit sa paggalugad sa Internet na wala namang kinalaman sa trabaho.”—MANAGEMENT-ISSUES WEB SITE.
Mga Batang Biktima ng Karahasan
“Para sa maraming bata, ang karahasan ay pangkaraniwan na lamang, bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay,” ang sabi ng World Health Organization. Ayon sa isang kamakailang report ng kalihim-panlahat ng UN, “halos 53,000 bata sa buong daigdig ang naging biktima ng pagpaslang noong 2002.” Bukod dito, milyun-milyong bata ang ginagamit sa sapilitang pagtatrabaho, prostitusyon, o pornograpya. Maiiwasan kaya ang ganitong kasamaan? Ganito ang sinabi ng report ng kalihim-panlahat: “Ang ilan sa mga salik na malamang na makapagbigay ng proteksiyon sa mga bata sa tahanan at sa iba pang situwasyon ay mabuting pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang anak, pagiging malapít ng mga magulang sa mga anak at nakapagpapatibay na disiplina na hindi ginagamitan ng dahas.”
Mabubuting Kaibigan, Pampahaba ng Buhay!
Ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan ay posibleng magpahaba ng buhay ng isang tao, ayon sa report ng Journal of Epidemiology and Community Health. Sinuri ng isang pag-aaral, na umabot nang mahigit sampung taon, sa 1,500 Australiano na edad 70 pataas kung paano nakaaapekto ang pakikipagkaibigan sa haba ng buhay ng isang tao. Mas mababa nang 22 porsiyento ang namamatay sa mga taong may malalapít na kaibigan kaysa sa mga taong kakaunti ang kaibigan. Ang aktibong pakikipagkaibigan ay may mabuting epekto rin sa mga may-edad na may kinalaman sa “pagdaig sa depresyon, kumpiyansa at paggalang sa sarili, pagharap sa problema, pagkakaroon ng masiglang disposisyon, o kakayahang kontrolin ang sariling buhay,” ang sabi ng report.
Mga Britanong Baón sa Utang
“Mahigit sangkatlo ng mga adultong may deposito sa bangko ang umaasa sa overdraft [paglalabas ng pera kahit kulang ang pondo] para lamang makaraos,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Sa halip na gamitin lamang sa biglaang pangangailangan, ang overdraft ay “pangunahin nang bumubuhay” sa 3.5 milyong Britano na permanente nang nakabaon sa utang. Sinisi ni Keith Tondeur, punong ehekutibo ng institusyong pangkawanggawa na Credit Action, ang “kalakarang nananaig sa ating lipunan na sapatan agad ang pagnanasa.” Nagbabala si Tondeur: “Milyun-milyon sa atin ang permanenteng namumuhay nang higit sa ating kaya, at dahil sa kawalan ng kahit saligang edukasyon sa tamang paghawak ng pera, karamihan sa atin ay walang kaide-ideya kung gaano talaga kalaki ang nagagastos natin.”
Paglipad sa Gabi at Pag-init ng Globo
Nakaaapekto sa temperatura ng atmospera ang mga condensation trail, o contrail, ang nakikita nating guhit na naiiwan ng dumaraang jet, ang sabi ng Scientific American. Kung araw, ang tumatamang sinag ng araw sa mga contrail ay hindi nakatatagos, kaya naman lumalamig ang atmospera. Pero kung gabi, nakukulob ng mga contrail ang init sa ilalim nito. Natuklasan ng mga mananaliksik na Ingles na “60 hanggang 80 porsiyento ng pag-init ng klima ay dulot ng mga contrail mula sa mga jet na lumilipad mula ika-6 N.G. hanggang ika-6 N.U., bagaman 25 porsiyento lamang sa kabuuang dami ng mga eroplanong lumilipad sa himpapawid ang paglipad na iyon ng mga jet,” ayon sa ulat.