Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Ayon sa isang pag-aaral, mahigit tatlong ulit na nanganganib mamatay ang mga inang nagsisilang sa pamamagitan ng Cesarean kaysa sa normal na paraan.—OBSTETRICS AND GYNECOLOGY, E.U.A.
◼ Ibinangon ng siyentipikong si Stephen Hawking ang tanong na ito sa madla sa pamamagitan ng Internet: “Sa isang daigdig na lipos ng kaguluhan sa pulitika, lipunan, at kapaligiran, paano pa mabubuhay ang tao sa susunod na 100 taon?” Pagkalipas ng isang buwan, inamin niya: “Hindi ko alam ang sagot. Nagtanong ako para pag-isipan ito ng mga tao, at alamin nila ang mga panganib na kinakaharap natin ngayon.”—THE GUARDIAN, BRITANYA.
◼ Taun-taon, nasa pagitan ng 14 na milyon at 19 na milyon sa 37 milyong mamamayan ng Tanzania ang may malarya. “Mga 100,000 katao ang namamatay sa sakit na ito bawat taon sa bansa.”—THE GUARDIAN, TANZANIA.
Napoprotektahan ang Suplay ng Tubig Dahil sa Isda
May ilang lunsod sa Hilagang Amerika na gumagamit ng karaniwang mga bluegill, mga isdang sensitibo sa kemikal sa kanilang paligid, upang mabantayan ang kalidad ng tubig na iniinom ng mga tao. Ganito ang iniulat ng Associated Press: “Ang ilang isda ay inilalagay sa mga tangke na regular na dinaragdagan ng tubig mula sa suplay ng lunsod, at may mga sensor ito na umaandar nang 24 oras upang itala ang mga pagbabago sa paghinga, tibok ng puso at paglangoy ng mga bluegill na nangyayari kapag may lason ang tubig.” Minsan ay iniulat ng New York City, “natuklasan ng mga isda na may natapong krudo dalawang oras bago ito matuklasan ng aparato.” Sa gayon, nahahadlangang makarating ang lason sa suplay ng tubig ng mga tao.
Nagdagdag ng Nikotina
Bagaman matagal nang hinihimok ng mga kampanyang pangkalusugan na huminto na sa paninigarilyo ang mga tao, ang mga kompanya naman ng tabako ay “may-katusuhan ginagawang mas nakasusugapa ang sigarilyo” sa pamamagitan ng pagdaragdag ng “10 porsiyento [ng nikotina] sa nakalipas na anim na taon,” iniulat ng The New York Times. Isang bagong pagsusuri na mas maaasahan at nakasalig sa paninigarilyo ng mga sugapa rito ang nagsiwalat na sinisikap ng mga kompanya ng tabako na “gawing sugapa ang mga baguhang kabataang naninigarilyo at pigilan ang mga nakatatanda na huminto sa paninigarilyo.” Sa pagsusuring ito, ‘halos lahat ng sigarilyo ay natuklasang may mataas na antas ng nikotina para lalong maging sugapa ang mga gumagamit nito.’
Artipisyal na Bisig na Pinakikilos ng Utak
Isang lalaki sa Estados Unidos na pinutulan ng bisig dahil sa isang aksidente ang gumagamit ngayon ng artipisyal na bisig na pinakikilos ng utak. Nakaaakyat siya sa nabibitbit na hagdan, nakagagamit ng roler sa pagpipinta, at nayayakap pa nga niya ang kaniyang mga apo. “Ang kaniyang kaliwang bisig ay isang elektronikong aparato na pinakikilos ng kaniyang utak,” ang paliwanag ng Cable News Network. “Kapag inisip niyang, ‘Itikom ang kamay,’ tumitikom nga ito dahil sa mga signal na dumaraan sa mga nerbiyong inopera.” Nakukuha ng maliliit na metal ang galaw ng mga kalamnan na iniuutos ng utak at nababasa naman ito ng isang maliit na computer na inilagay sa loob ng bisig. Pinakikilos ng computer ang artipisyal na bisig, anupat natutularan nito ang ilang galaw ng isang normal na siko at kamay.
Libu-libong Bagong Uri!
Halos 17,000 bagong uri ang natutuklasan taun-taon, ayon sa pahayagang Fenua Info ng Tahiti. Mga 75 porsiyento ng bagong uri ay mga insekto, pero kabilang din sa natuklasan ang mga 450 hayop na may gulugod, pati na ang 250 uri ng isda at 20 hanggang 30 uri ng mamalya. Dalawang-katlo ng bagong mamalya ay mga daga at paniki, at “sa katamtaman,” ang sabi ng pahayagan, “isang bagong uri ng unggoy ang natutuklasan taun-taon,” na ikinagugulat ng mga siyentipiko. May natutuklasan ding mga bagong punungkahoy at halaman.