Nakaligtas Sila sa mga Pagsabog sa Mumbai
Nakaligtas Sila sa mga Pagsabog sa Mumbai
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA
ANG lunsod ng Mumbai, na dati’y nakilala bilang Bombay, ay may lumalaking populasyon na mahigit 18 milyon. Araw-araw, mula anim hanggang pitong milyon sa mga residenteng ito ang sumasakay sa mga tren na mabilis at madalas maglakbay patungo sa mga lugar ng trabaho, paaralan, pamilihan, o mga pasyalan. Ang bawat tren ay may siyam na pampasaherong kotse at karaniwan nang nakapagsasakay ng 1,710 pasahero subalit sa abalang mga oras, punung-puno ito ng mga pasahero na umaabot ng mga 5,000. Sa abalang mga oras na ito noong Hulyo 11, 2006 binomba ng mga terorista ang mga tren sa Mumbai. Sa loob ng wala pang 15 minuto, pitong bomba ang sumabog sa iba’t ibang tren sa Western Railway, anupat mahigit 200 ang namatay at mahigit 800 ang nasugatan.
Marami-raming indibiduwal na nakaugnay sa 22 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mumbai at sa kalapit na mga bayan nito ang regular na sumasakay sa mga tren at nakasakay sila sa mga tren na binomba. Mabuti na lamang at wala sa kanila ang namatay, pero ang ilan sa kanila ay nasugatan. Pauwi noon si Anita galing sa trabaho. Siksikan sa tren, kaya nakatayo siya malapit sa pintuan ng seksiyong first class upang madali siyang makalabas. Habang tumatakbo ang tren, biglang nagkaroon ng malakas na pagsabog, at napuno ng makapal at maitim na usok ang seksiyong kinalalagyan niya. Nang dumungaw siya sa labas ng pinto at tumingin sa kanan, nakita niyang natuklap at nakabitin sa kaha ng tren ang metal na bahagi ng kasunod na seksiyon. Nangilabot siya nang makita niya ang mga katawan at mga bahagi ng katawan na tumilapon sa riles. Para sa kaniya, tila wala na itong katapusan—na ang totoo ay mga ilang segundo lamang—subalit sa wakas ay huminto ang tren. Siya at ang iba pang mga pasahero ay lumabas at tumakbo palayo sa tren. Tinawagan ni Anita sa kaniyang cellphone ang kaniyang asawang si John, at mabuti na lamang at nakausap niya ito; sa loob lamang
ng ilang minuto napuno ang mga linya ng telepono ng mga nag-aalalang tumatawag. Kalmado si Anita ngunit nang makausap niya ang kaniyang asawa, napahagulhol siya. Sinabi niya ang nangyari at nagpasundo siya rito. Habang hinihintay niya ang kaniyang asawa, bumuhos ang ulan at tinangay nito ang maraming ebidensiyang makatutulong sana sa mga imbestigador.Si Claudius, isa ring Saksi ni Jehova, ay maagang lumabas sa kaniyang opisina para umuwi. Sumakay siya sa seksiyong first class ng tren noong 5:18 n.h. sa Churchgate Station, ang terminal ng Western Railway sa lunsod. Yamang isang oras ang biyahe patungo sa istasyon ng Bhayandar, naghanap siya ng mauupuan at nakita niya si Joseph, na kaugnay sa isang malapit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Mabilis na lumipas ang oras sa kanilang pagkukuwentuhan. Pagkatapos, nakatulog si Joseph dahil sa pagod sa maghapong pagtatrabaho. Yamang siksikan sa tren, tumayo na si Claudius bago ang istasyong bababaan niya at lumapit siya sa pinto. Habang nakatayo roon si Claudius, nagising si Joseph at lumingon upang kumaway sa kaniya. Habang nakakapit sa hawakan ng upuan, bahagyang lumapit si Claudius upang kausapin si Joseph. Iyan marahil ang nagligtas kay Claudius. Walang anu-ano, may napakalakas na ingay. Nayanig nang husto ang tren, napuno ito ng usok, at naging napakadilim. Tumilapon si Claudius sa sahig sa pagitan ng mga hilera ng upuan at, maliban sa matinding ingay na narinig niya sa kaniyang tainga, tila tuluyan na siyang nabingi. May napakalaking butas sa lugar na dati niyang kinatatayuan. Ang mga katabi niyang pasahero ay tumilapon sa riles at ang iba naman ay nakahandusay na sa sahig at wala nang buhay. Nakaligtas siya sa ikalima sa pitong pagsabog na yumanig sa mga tren noong kapaha-pahamak na Martes na iyon.
Dinala sa ospital si Claudius na duguan ang damit. Pero ang dugo ay pangunahin nang galing sa namatay na mga pasahero. Kaunting pinsala lamang ang natamo niya—nabasag na eardrum, mga paso sa isang kamay, at bahagyang nasunog ang kaniyang buhok. Sa ospital, nagkita sila ni Joseph at ng asawa nito, si Angela, na nakasakay sa katabing seksiyon na para sa mga babae at hindi naman ito nasaktan. Nagkaroon ng pasa sa kanang mata si Joseph at nawala ang kaniyang pandinig. Nagpapasalamat kay Jehova ang tatlong Saksing ito na buháy sila. Sinabi ni Claudius na ang una niyang naisip nang matauhan siya ay, ‘Wala ngang saysay na maghabol sa pera at materyal na mga bagay sa sistemang ito kung kailan maaaring mawala ang iyong buhay sa isang iglap!’ Talaga ngang natutuwa siya na ginawa niyang pangunahin sa kaniyang buhay ang kaugnayan niya sa kaniyang Diyos na si Jehova!
Sa maikling panahon, ang lunsod ng Mumbai ay dumanas ng matinding pagbaha, kaguluhan, at pagkatapos ay mga pagsabog ng bomba. Gayunman, may mainam at masigasig na espiritu ang mahigit 1,700 Saksi roon. Regular nilang ibinabahagi sa kanilang mga kapitbahay ang napakagandang pag-asa sa isang bagong sanlibutan, kung saan mawawala na ang lahat ng karahasan.—Apocalipsis 21:1-4.
[Blurb sa pahina 23]
May napakalaking butas sa lugar na dati niyang kinatatayuan
[Larawan sa pahina 23]
Anita
[Larawan sa pahina 23]
Claudius
[Larawan sa pahina 23]
Sina Joseph at Angela
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Sebastian D’Souza/AFP/Getty Images