Nagkakasakit Ka ba Dahil sa Paghahabol sa Pera?
Nagkakasakit Ka ba Dahil sa Paghahabol sa Pera?
KUNG ikaw ay magiging napakayaman bukas, ano ang gagawin mo? Magrerelaks ka na lamang ba at magpapakasasa sa buhay? Magbibitiw sa trabaho at gugugol ng mas maraming panahon kasama ng iyong pamilya at mga kaibigan? Kukuha ng isang karera na gustung-gusto mo? Kapansin-pansin, wala sa mga ito ang ginagawa ng mga nagiging mayaman. Sa halip, ginugugol nila ang kanilang buhay para kumita pa ng mas maraming pera—upang mabayaran ang bago nilang mga utang o para lalo pang yumaman.
Pero napapansin ng mga gumagawa ng gayon ang masamang epekto ng materyalismo sa kanilang kalusugan, buhay pampamilya, at sa pag-uugali ng kanilang mga anak. Kamakailan, nagbabala ang mga aklat, artikulo, programa sa telebisyon, at mga video laban sa pagpapakasasa, at sa halip ay pinasigla ang mga tao na “kusang mamuhay nang simple.” Ipinakikita ng maraming reperensiya na ang sobrang paghahabol sa mga materyal na bagay ay nagdudulot ng sakit—sa mental, emosyonal, at maging sa pisikal.
Sabihin pa, noon pa ma’y tinukoy na ang mga panganib ng materyalismo. Ganito ang sinabi ng Bibliya halos 2,000 taon na ang nakalilipas: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:9, 10.
Pero totoo ba ito? Talaga nga kayang nagdurusa ang mga taong wala nang hinangad kundi pera at mga materyal na bagay? O nasa kanila na ba ang lahat—kayamanan, kalusugan, at maligayang pamilya? Tingnan natin.