Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . May Problema ba Ako sa Pagkain? (Oktubre 2006) Pagkabasa ko po ng artikulong ito, lungkot na lungkot ako. Buong buhay ko na pong pinaglalabanan ang problema sa pagkain. Parang sinabi sa akin ng artikulong ito na dapat sana’y “nalutas” ko na ito noong bata pa ako. Pero hanggang ngayon, pinaglalabanan ko pa rin ang napakalaking problemang ito, at sa tingin ko’y wala na po akong pag-asang gumaling pa. Parang sinasabi ng artikulong ito na malulutas lamang ang aking karamdaman kung malakas ang pananampalataya ko.
J. J., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Bagaman pangunahin nang para sa mga kabataan ang mga paksang tinatalakay sa serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ,” ang mga simulaing nilalaman ng mga artikulong ito ay kapit din sa lahat ng tao anuman ang kanilang edad. Alam naming isa sa pinakamahirap gamutin ang problema sa pagkain. Hindi sinasabi ng artikulong ito na ang mga taong hindi gumagaling sa sakit na ito ay kulang sa pananampalataya. Iminumungkahi lamang nito na puwede silang manalangin kay Jehova na tulungan silang malutas ang kanilang problema sa pagkain. Bukod sa paglapit sa Diyos, pinapayuhan din silang lumapit sa “isang magulang o iba pang adulto.” Isa pa, sinasabi sa artikulo na “hindi madali ang paggaling” at maaaring umulit ang sakit na ito. Yamang pinaglalabanan mo pa rin hanggang ngayon ang problema sa pagkain, nangangahulugan lamang na hindi ka pa nawawalan ng pag-asa.
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Gagawin Ko sa Aking Buhay? (Hulyo 2006) Malapit na po akong magtapos sa aking pag-aaral, at panahon na para gumawa ng mga plano sa buhay. Natulungan po ako ng artikulong ito na lalong maging determinado na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Wala nang iba pang gawaing mas kapaki-pakinabang at makapagdudulot sa akin ng tunay na kaligayahan.
H. W., Hong Kong
Gustung-gusto ko po ang artikulong ito dahil natulungan ako nitong maunawaan na sa materyalistikong daigdig na ito, wala nang pinakamabuting dapat gawin ang isang kabataang tulad ko kundi unahin ang espirituwal na mga tunguhin.
A. S., Brazil
Dahil masyado po akong abala sa araw-araw, palagi ko pong nalilimutan ang aking mga tunguhin. Nang mabasa ko ang artikulong ito, muli pong nanariwa ang aking determinasyong gawin ang lahat ng aking makakaya na maglingkod kay Jehova. Marami pong salamat sa inyong pagmamalasakit sa mga kabataang tulad ko.
E. M., Hapon
Kung Paano Magtatatag ng Maligayang Pag-aasawa (Hulyo 2006) Napakagaganda ng mga artikulong ito. Wala nang gaganda pa sa paggamit ninyo sa halimbawa ni Jesus sa pakikitungo niya sa kaniyang mga apostol upang ipakita kung paano dapat pakitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa. Ipagpatuloy sana ninyo ang paglalathala ng ganitong magagandang babasahin. Buong-pananabik naming hihintayin ang aming kopya buwan-buwan.
S. C., Estados Unidos
Mula sa Kawalang-Pag-asa Tungo sa Kaligayahan (Hulyo 2006) Gaya ni Brother González, nakadama rin po ako ng pagkukulang. Sinabi ko po sa aking sarili, ‘Hindi na ako puwedeng mahalin ni Jehova dahil sa aking mga nagawang kasalanan noon.’ Talagang nakapagpapatibay malaman na si Jehova ay mabait, mapagpatawad, at maibigin! Sa pamamagitan ng mga payo, maibiging suporta ng kongregasyon, at banal na espiritu ni Jehova, natulungan po akong ikapit sa aking buhay ang mga katotohanan sa Bibliya. Salamat po sa napapanahong espirituwal na pagkaing ito.
T. A., Estados Unidos