Determinadong Maging Mayaman sa Espirituwal
Determinadong Maging Mayaman sa Espirituwal
UPANG maging mayaman sa materyal, kailangan ng determinasyon at sakripisyo. Ganito rin ang kailangan upang maging mayaman sa espirituwal. Ito ang ipinahiwatig ni Jesus nang sabihin niya: “Mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.” (Mateo 6:20) Ang espirituwal na kayamanan ay hindi kusang dumarating. Ang basta pagkakaroon lamang ng relihiyon ay hindi nagpapayaman sa espirituwal kung paanong ang basta pagkakaroon lamang ng libreta sa bangko ay hindi nagpapayaman sa materyal. Ang pagkakaroon ng isang matalik na kaugnayan sa Diyos, ang pagiging taong espirituwal, at pagiging mayaman sa espirituwal na mga katangian ay humihiling ng determinasyon, panahon, pagsisikap, at sakripisyo.—Kawikaan 2:1-6.
Puwede Bang Parehong Mapasaiyo ang Dalawang Ito?
Puwede bang makuhang pareho ang espirituwal na kayamanan at ang kasaganaan sa materyal na mga bagay? Marahil nga, pero isa lamang sa mga ito ang matagumpay na maitataguyod. Sinabi ni Jesus: “Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:24b) Bakit hindi? Dahil magkasalungat ang pagtataguyod ng espirituwal na kayamanan at ng materyal na kayamanan. Kaya bago sabihin sa kaniyang mga alagad na mag-imbak ng espirituwal na kayamanan, sinabi muna ni Jesus: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa.”—Mateo 6:19.
Kung ipagwawalang-bahala ang payo ni Jesus at sisikapin na parehong itaguyod ang espirituwal at materyal na kayamanan, ano ang mangyayari? Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa.” (Mateo 6:24a) Kung pareho itong itataguyod, ang espirituwal na mga bagay ay maaaring maging pabigat, isang pang-abala. Sa halip na umasa sa Diyos, ang isa ay baka umasa pa nga sa pera at sa nabibili nito upang harapin ang mga kabalisahan sa buhay. Kagaya ito ng sinabi ni Jesus: “Kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”—Mateo 6:21.
Dapat na lubusang isaalang-alang ng bawat Kristiyano ang payong ito ng Bibliya bago siya magpasiya kung saan niya itutuon ang kaniyang pansin, panahon, at puso. Oo nga’t hindi nagtakda ang Diyos ng espesipikong limitasyon kung gaano karaming ari-arian ang maaaring taglayin ng isang Kristiyano, pero hindi ito nangangahulugang wala nang ilalapat na parusa sa mga taong sakim na hindi nakikinig sa Kaniyang mga babala. (1 Corinto 6:9, 10) Ang mga nagwawalang-bahala sa payo ng Bibliya at naghahangad yumaman ay nagdurusa sa espirituwal, mental, at emosyonal, gaya ng nalaman na natin. (Galacia 6:7) Sa kabaligtaran naman, sinabi ni Jesus na ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay magiging maligaya. (Mateo 5:3) Tiyak na alam ng ating Maylalang at ng kaniyang Anak kung ano ang pinakamabuti para sa atin upang lumigaya tayo!—Isaias 48:17, 18.
Isang Pasiyang Hinding-hindi Mo Pagsisisihan
Ano ang pipiliin mo, Diyos o kayamanan? Maliwanag na kailangan din naman nating bigyang-pansin ang ating materyal na mga pangangailangan. Sa kaniyang unang liham kay Timoteo, sinabi ni apostol Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” Pinasigla rin ni Pablo ang mga Kristiyano na maglagak ng pag-asa, hindi sa pera, kundi sa Diyos at na sila ay “maging mayaman sa maiinam na gawa.” (1 Timoteo 5:8; 6:17, 18) Ano ang pagtutuunan mo ng pansin? Ano ang iyong itataguyod? Ang pangunahin sa maiinam na gawang binanggit ni Pablo ay ang pangangaral at paggawa ng mga alagad na siyang ipinagawa ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Kapag kusang namuhay nang simple ang mga Kristiyano, hindi lamang para magrelaks o masiyahan sa buhay kundi para gumugol ng higit na panahon sa makabuluhang gawaing ito, sila ay “nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap” sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. At maging sa ngayon, nakikita nilang ang espirituwal na kayamanan ay ‘mas mabuti kaysa sa ginto!’—1 Timoteo 6:19; Kawikaan 16:16; Filipos 1:10.
Isaalang-alang ang karanasan ni Eddie, na ang pamilya ay naging mga Saksi ni Jehova noong bata pa siya. Dumating ang pagkakataon na nawala ang lahat ng ari-arian ng kanilang pamilya, at napilitan silang iwan ang kanilang bahay. Ipinaliwanag ni Eddie: “Palagi akong nangangamba sa mangyayari sa amin kung sakaling mawalang lahat ang pag-aari namin. At nawala ngang lahat. Alam mo ba kung ano ang nangyari? Wala! Kumakain pa rin kami, umiinom, at may damit na naisusuot. Inilaan ni Jehova ang aming mga pangangailangan, at nang maglaon ay nakabawi rin kami. Itinuro sa akin ng karanasang ito na dibdibin ang ipinangako ni Jesus sa Mateo 6:33—na kung uunahin natin sa ating buhay ang Kaharian ng Diyos, hindi tayo kailangang mabalisa sa ating materyal na mga pangangailangan.” Sa ngayon, si Eddie ay naglilingkod bilang buong-panahong naglalakbay na ministro kasama ang kaniyang asawa. Taglay nila ang lahat ng kailangan nila sa materyal. Higit sa lahat, mayaman sila sa espirituwal.
Di-mapapantayang mga Pakinabang
Di-tulad ng kayamanan sa lupa, na puwedeng nakawin, maaaring maging permanente ang espirituwal na kayamanan. (Kawikaan 23:4, 5; Mateo 6:20) Totoo, mas mahirap sukatin ang espirituwal na pagsulong. Hindi madaling sukatin kung gaano kalaki ang iyong pag-ibig, kagalakan, o pananampalataya di-tulad ng pananalapi. Pero hindi mapapantayan ang mga gantimpala ng espirituwal na kayamanan. Hinggil sa mga alagad na handang iwan maging ang kanilang bahay at bukid—oo, ang kanilang hanapbuhay—kapalit ng espirituwal na mga bagay, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
Ano ang uunahin mo sa iyong buhay? Diyos o kayamanan?
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Itinataguyod mo ba ang materyal na kayamanan . . .
. . . o espirituwal na kayamanan?