Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Maringal na Monolito

Isang Maringal na Monolito

Isang Maringal na Monolito

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA

SA LOOB ng maraming siglo, ginamit ito ng mga mangingisda at nabigante bilang maaasahang palatandaan ng lugar. Palibhasa’y nababanggit sa mga akda at gawang-sining ng mga makata, manunulat, at dalubsining, nananatili itong buháy sa alaala ng marami. Inilarawan ng isang reperensiya ang monolitong ito, o malaking bato, bilang “mahiwaga at kahali-halina.” Sa dulong silangan ng Gaspé Peninsula sa Gulpo ng St. Lawrence, makikita ang maringal na Percé Rock sa maasul at kumikinang na tubig ng Karagatang Atlantiko. Ang malaking batong ito ay 430 metro ang haba, mga 90 metro ang lapad, at mahigit 88 metro ang taas.

Noon, inaakyat ng matatapang na tagaroon ang matarik na monolitong ito upang manguha ng mga itlog sa mga pugad ng ibon. Pero upang maingatan at maprotektahan ang monolito gayundin ang mga ibong nanganganlong dito, ipinagbawal ng pamahalaan ng Quebec noong 1985 ang panghuhuli ng mga ibon at pangunguha ng mga itlog sa Percé Rock at sa kalapit na Isla ng Bonaventure. Ang Isla ng Bonaventure ay ikalawa sa pinakamalaking lugar sa daigdig kung saan nanganganlong at nagpaparami ang mga ibong northern gannet.

Sinasabi ng ilan na ang Percé Rock noon ay karugtong ng kontinente at may apat na arko. Subalit sa ngayon, may isang arko na lamang ito​—mahigit 30 metro ang lapad​—na makikita sa dulo ng monolito na nakaharap sa laot. Kapag mababa ang tubig, lumilitaw ang buhanginan na nagdurugtong sa malaking batong ito at sa dalampasigan. Sa loob ng apat na oras na mababa ang tubig, nakapaglalakad ang malalakas ang loob sa paanan ng bato habang hinahampas sila ng alon sa loob ng 15 minuto hanggang sa marating nila ang arko.

Pero dapat mag-ingat ang mahihilig makipagsapalaran. Ganito ang inilahad ng isang turista na tumuntong at gumapang sa nahulog na mga bato para marating ang arko: “Halos sa bawat sandali, maririnig mo ang nakakatakot na tunog ng mga batong bumabagsak sa tubig, na parang maliliit na bombang sumasabog. At kapag tumama naman ang mga bato sa ibang bato, para itong putok ng baril.”

Gaya ng napansin ng maraming turista, talagang makapigil-hininga ang ganda ng Percé Rock. Pero isa lamang ito sa maraming mariringal na tanawin na makikita sa ating kawili-wiling lupa. Napakarami at sari-sari nga ang mga ito! Kapag nakikita mo ang mga ito, marahil ay nauudyukan ka ring ‘tumigil at magbigay-pansin sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos.’​—Job 37:14.

[Picture Credit Line sa pahina 23]

© Mike Grandmaison Photography