Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Kailan Ako Puwede Nang Makipag-date?
“Sa paaralan, parang hindi ka normal kapag hindi ka nakikipag-‘date’—kaninuman!”—Brittany.
“Napakaraming panggigipit na makipag-‘date.’ Napakarami ring guwapong binata.”—Whitney.
◼ May nakita kang isang lalaki at babae na magkahawak-kamay habang mabagal na naglalakad sa koridor ng paaralan patungo sa susunod na klase. Ano ang madarama mo?
□ Wala lang
□ Medyo inggit
□ Inggit na inggit
◼ Nanonood ka ng sine kasama ng iyong mga kaibigan nang mapansin mong lahat sila ay may kapareha—maliban sa iyo! Ano ang madarama mo?
□ Wala lang
□ Medyo inggit
□ Inggit na inggit
◼ Kamakailan lamang, nagkagusto sa isang di-kasekso ang pinakamatalik mong kaibigan at nakikipag-“date” na ngayon. Ano ang madarama mo?
□ Wala lang
□ Medyo inggit
□ Inggit na inggit
KUNG minarkahan mo ang “medyo inggit” o “inggit na inggit” bilang sagot sa alinmang tanong sa itaas, hindi ka nag-iisa. Sa mga bansang karaniwan na lamang ang pakikipag-date, ganiyan din ang isasagot ng maraming kabataan. “Kung minsan, naiisip mong napag-iiwanan ka dahil ikaw na lamang sa iyong mga kasamahan ang walang kasintahan,” ang sabi ni Yvette na 14 na taóng gulang.
Maaaring gustung-gusto mong makasama ang isang taong espesyal sa iyo—at makasama ang isang taong espesyal ang tingin sa iyo. “Araw-araw, patindi nang patindi ang kagustuhan kong magkaroon ng kasintahan, at napakahirap paglabanan nito!” ang sabi ng isang lalaking tin-edyer. Ang ilan ay nakikipag-date na kahit napakabata pa. Halimbawa, isinisiwalat sa surbey ng magasing Time na 25 porsiyento ng mga 13-anyos na kabataan ang “lumalabas o nakikipag-date” na. Sa palagay mo, handa na kaya sila para dito? Handa ka na bang makipag-date? Upang masagot ito, kailangan muna nating talakayin ang isang mas mahalagang tanong.
Ano ba ang “Pakikipag-date”?
◼ Palagi kang lumalabas kasama ng taong iyon na hindi mo kasekso.
Nakikipag-“date” ka ba? □ Oo □ Hindi
◼ Sa isang araw, maraming beses kang
nagtetext o nakikipag-usap sa telepono sa isang partikular na kaibigang hindi mo kasekso.Nakikipag-“date” ka ba? □ Oo □ Hindi
◼ May lihim na pakikipagkaibigan ka sa isang taong hindi kasekso. Hindi ito alam ng mga magulang mo. Hindi mo sinasabi sa kanila dahil alam mong tututol sila.
Nakikipag-“date” ka ba? □ Oo □ Hindi
◼ Tuwing magsasama-sama kayong magkakaibigan, iyo’t iyon ding taong iyon na hindi mo kasekso ang lagi mong kapareha.
Nakikipag-“date” ka ba? □ Oo □ Hindi
Malamang na hindi ka nahirapang sagutin ang unang tanong, pero nag-isip-isip ka muna siguro bago sagutin ang iba pa. Ano nga ba ang pakikipag-date? Sa pagtalakay na ito, bibigyang-katuturan natin ito bilang anumang pakikisalamuha kung saan ang iyong romantikong interes ay nakatuon sa isang partikular na tao at ang romantikong interes naman ng taong iyon ay nakatuon sa iyo. Sa grupo man o pribado, sa telepono man o personal, hayagan man o palihim, kung may pagtingin kayo sa isa’t isa ng isang kaibigang hindi mo kasekso, pakikipag-date iyon.
Pero handa ka na ba rito? Tatalakayin natin ang tatlong tanong para malaman mo ang sagot.
Ano ang Intensiyon Mo?
Sa maraming kultura, ang pakikipag-date ay itinuturing na wastong paraan para higit na magkakilala ang dalawang tao. Subalit dapat na marangal ang layunin ng pakikipag-date—upang tulungan ang isang kabataang lalaki o babae na malaman kung nababagay sila sa isa’t isa bilang mag-asawa. Bakit?
Ginagamit ng Bibliya ang pariralang “kasibulan ng kabataan” upang ilarawan ang isang yugto ng buhay kung kailan nagiging masidhi ang seksuwal na mga damdamin at romantikong emosyon. (1 Corinto 7:36) Kung masyado kang malapít sa isang di-kasekso samantalang nasa “kasibulan [ka pa] ng kabataan,” maaaring mag-alab ang pagnanasa at matutuhan mo sa masaklap na paraan ang karunungan ng binabanggit sa Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”
Totoo, maaaring nakikipag-date ang ilan sa
mga kasama mo kahit wala silang intensiyong mag-asawa. Baka itinuturing nila ang kanilang kaibigang di-kasekso na gaya lamang ng isang tropeo o palamuti na maipangangalandakan nila para itaas ang kanilang sarili. Isang kalupitan na paglaruan ang damdamin ng iba sa gayong paraan, at hindi nga nakapagtatakang madalas na panandalian lamang ang gayong relasyon. “Maraming kabataang nagde-date ang naghihiwalay rin makalipas ang isa o dalawang linggo,” ang sabi ng kabataang nagngangalang Heather. “Itinuturing nilang panandalian lamang ang gayong mga relasyon—na sa totoo lang ay inihahanda sila sa diborsiyo sa halip na sa pag-aasawa.”Ang pakikipag-date bilang katuwaan o para lamang masabing may kasintahan ka na ay malamang na makasakit ng damdamin. Halimbawa, inakala ni Eric, 18 taóng gulang, na malapít lamang silang magkaibigan ng isang babae. Saka niya natuklasan na higit pa pala sa pagkakaibigan ang gusto nito. “Wow! Nabigla ako dahil napakabilis nahulog ang loob niya sa akin,” ang sabi ni Eric. “Ang akala ko talaga ay magkaibigan lang kami!”
Siyempre pa, hindi naman masamang makisalamuha sa mga di-kasekso sa isang grupo na wastong napangangasiwaan. Gayunman, pagdating sa pakikipag-date, makabubuting maghintay ka muna hanggang sa lampas ka na sa kasibulan ng kabataan at handa ka nang seryosong pag-isipan ang pag-aasawa. Ganiyan ang napag-isip-isip ng kabataang nagngangalang Chelsea. “Kung minsan, naiisip kong katuwaan lang ang pakikipag-date,” ang pag-amin niya, “pero hindi na nakatutuwa kapag ang isa ay seryoso at ang isa naman ay hindi.”
Ilang Taon Ka Na?
◼ Sa palagay mo, sa anong edad angkop na makipag-“date” ang isang kabataan? ․․․․․
◼ Itanong mo naman ito sa iyong mga magulang, at isulat ang kanilang sagot. ․․․․․
Malamang na mas mababa ang bilang na una mong isinulat kaysa sa ikalawa. O baka naman hindi! Maaaring isa ka sa maraming matalinong kabataan na hindi muna nakikipag-date hanggang sa sumapit na sila sa hustong gulang anupat mas kilala na nila ang kanilang sarili. Ganiyan ang ipinasiya ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Sondra, bagaman nasa hustong gulang na siya para mag-asawa. Ganito ang katuwiran ni Sondra: “Sa pakikipag-date, gusto mong makilala ka ng kapareha mo. Pero kung hindi mo kilala ang sarili mo, maaasahan mo bang makikilala ka ng iba?”
Ganiyan din ang nadarama ni Danielle na 17 anyos. Ganito ang sabi niya: “Ibang-iba na ngayon ang hahanapin ko sa isang mapapangasawa
kaysa noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Kahit ngayon nga, hindi pa rin ako makapagdesisyon. Kapag hindi na pabagu-bago ang aking personalidad sa loob ng ilang taon, saka ko pag-iisipan ang pakikipag-date.”Handa Ka Na Bang Mag-asawa?
Yamang pag-aasawa ang kasunod ng pakikipag-date, makabubuting pag-isipan mo muna kung handa mo na nga bang balikatin ang responsibilidad ng pagiging isang asawang lalaki o asawang babae—o pagiging ama o ina. Paano mo malalaman kung handa ka na nga rito? Pag-isipan ang mga sumusunod.
◼ Relasyon Paano mo pinakikitunguhan ang iyong mga magulang at mga kapatid? Madalas ka bang nawawalan ng pagpipigil sa sarili, anupat nakapagbibitiw ka ng masasakit o mapanghamak na mga salita para idiin ang sinasabi mo? Ano ang masasabi nila sa iyo hinggil sa bagay na ito? Ang pakikitungo mo sa mga kapamilya mo ang siya ring magiging pakikitungo mo sa iyong mapapangasawa.—Efeso 4:31, 32.
◼ Pananalapi Gaano ka kahusay humawak ng pera? Lagi ka bang nagkakautang? Nakatatagal ka ba sa trabaho? Kung hindi, bakit? Dahil ba sa trabaho mismo? sa amo? O baka naman dahil sa ugali mo? Kung hindi ka responsable sa paghawak sa iyong sariling pananalapi, paano pa kaya kung may pamilya ka na?—1 Timoteo 5:8.
◼ Espirituwalidad Kung isa kang Saksi ni Jehova, ano ang espirituwal na mga katangian mo? Nagkukusa ka bang magbasa ng Salita ng Diyos, maglingkod sa larangan, at makibahagi sa Kristiyanong mga pulong? Kung hindi mo iniingatan ang sarili mong espirituwalidad, paano mo hihimukin ang iyong asawa na gawin ito?—2 Corinto 13:5.
Ilan lamang ito sa mga bagay na kailangan mong isaalang-alang kapag nag-iisip ka nang makipag-date o mag-asawa. Samantala, maaari ka namang makisalamuha sa mga di-kasekso na kasama ng grupo. Sa kalaunan, kapag ipinasiya mo nang makipag-date, mas kilala mo na ang iyong sarili at kung ano ang hinahanap mo sa isang panghabang-buhay na kapareha.
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Higit pang impormasyon ang mababasa sa pahina 13-26 ng aklat na ito, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Mas marami pang artikulo ang mababasa mula sa seryeng “Young People Ask . . .” sa Web site na www.watchtower.org/ype
PAG-ISIPAN
◼ Sa anong angkop na mga pagkakataon maaari kang makisalamuha sa mga di-kasekso?
◼ Anong katangian ang kailangan mong pasulungin para maging karapat-dapat ka bilang asawa?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 28]
Kung Ano ang Sinasabi ng Ilang Kabataang Tulad Mo
“Kung minsan, naiinggit ako sa magkasintahang nagde-‘date’—kahit sa mag-asawa. Pero hindi lamang katuwaan ang pakikipag-‘date.’ Kung katuwaan lamang ito, pinaglalaruan mo ang damdamin ng iba. Para sa akin, ang layunin ng pakikipag-‘date’ ay para alamin kung siya na nga ang nais mong pakasalan.”—Blaine, 17.
“Sa palagay ko, maling makipag-‘date’ sa mga lalaki para ‘mag-ensayo’ bilang paghahanda kapag nakita mo na ang isa na talagang gusto mo. Makasasakit ka lamang ng damdamin.”—Chelsea, 17.
“Sa palagay ko, talagang kailangang nasa hustong gulang ka na bago ka makipag-‘date.’ Kung hindi, para kang magpapa-interbyu sa isang buong-panahong trabaho gayong nag-aaral ka pa at wala namang intensiyong tanggapin ang trabaho.”—Sondra, 21.
[Larawan sa pahina 30]
PAALAALA SA MGA MAGULANG
Sa malao’t madali, tiyak na mapapaharap ang inyong mga anak sa isyu ng pakikipag-date. “Wala na akong kailangang gawin!” ang sabi ni Phillip. “Mga babae na ang nagyayayang lumabas kami, at nag-iisip tuloy ako, ‘Ano ang gagawin ko?’ Napakahirap tumanggi dahil ang gaganda ng ilan sa kanila!”
Ang pinakamabuting magagawa ninyo bilang mga magulang ay ipakipag-usap sa inyong mga anak ang tungkol sa pakikipag-date. Maaari mong gamitin ang artikulong ito bilang batayan ng inyong pag-uusap. Alamin kung ano ang nadarama ng inyong mga anak sa mga hamon na napapaharap sa kaniya sa paaralan at maging sa kongregasyong Kristiyano. Kung minsan, maaari ninyong pag-usapan iyon sa di-pormal na mga pagkakataon, gaya ng “kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan.” (Deuteronomio 6:6, 7) Anuman ang tagpo, tandaan na maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.
Kapag nagkakagusto na ang inyong anak sa isang di-kasekso, huwag masyadong mabahala. “Nang malaman ng tatay ko na may kasintahan na ako, alalang-alala siya!” ang sabi ng isang babaing tin-edyer. “Para takutin ako, pinaulanan niya ako ng mga tanong hinggil sa kung handa na akong mag-asawa—at kung kabataan ka, sisikapin mong patagalin ang relasyon para patunayang mali ang iyong mga magulang!”
Kung iniisip ng inyong anak na tin-edyer na hindi dapat pag-usapan man lamang ang pakikipag-date, masama ang mangyayari: Baka itago niya ang relasyon at palihim na makipag-date. “Kapag sobra naman ang reaksiyon ng mga magulang,” ang sabi ng isang kabataang babae, “lalo lamang itatago ng mga kabataan ang kanilang relasyon. Hindi sila titigil. Lalo lamang silang magiging malihim.”
Mas mabuti ang magiging resulta kung malayang nasasabi ng isa’t isa ang kanilang niloloob. Ganito ang sabi ng isang kabataang babae na 20 taóng gulang: “Malayang nasasabi sa akin ng aking mga magulang ang hinggil sa pakikipag-date. Importante sa kanila na malaman kung sino ang nagugustuhan ko, at maganda iyon! Kakausapin siya ng tatay ko. At kung may problema, sasabihin nila iyon sa akin. Kadalasan, napag-iisip-isip kong wala talaga akong gusto sa kaniya bago pa man kami umabot sa punto ng pagde-date.”
[Larawan sa pahina 29]
Ang pakikisalamuha sa mga di-kasekso na kasama ng grupo ay maaaring maging malinis at kapaki-pakinabang