Arka ni Noe at Arkitekturang Pambarko
Arka ni Noe at Arkitekturang Pambarko
MAHIGIT 40 taon na akong nagtatrabaho bilang arkitekto at inhinyero ng mga barko. Nagdidisenyo ako ng mga sasakyang pandagat na may iba’t ibang hugis at laki, pati na ng mekanikal at iba pang sistemang nagpapatakbo sa mga ito. Noong 1963, samantalang naninirahan ako sa British Columbia, Canada, ipinakita sa akin ng isang Saksi ni Jehova na inilalarawan ng aklat ng Bibliya na Genesis ang arka ni Noe bilang isang mahabang kahon. Pinag-isip ako ng paglalarawang iyon, kaya ipinasiya kong suriin ito.
Ipinakikita ng ulat ng Genesis na ipinasiya ng Diyos na alisin ang labis na kasamaan sa lupa sa pamamagitan ng delubyo. Pinagawa niya si Noe ng arka upang iligtas sa malaking Bahang ito ang kaniyang sarili, ang kaniyang pamilya, at ang pangunahing uri ng mga hayop. Nagpagawa ang Diyos kay Noe ng arkang 300 siko ang haba, 50 siko ang lapad, at 30 siko ang taas. (Genesis 6:15) Sa katamtamang pagtantiya, ang arka ay mga 134 na metro ang haba, 22 metro ang lapad, at 13 metro ang taas. * Kaya may kabuuang volume ito na 40,000 metro kubiko na halos katumbas niyaong sa maluhong barkong Titanic.
Disenyo ng Arka
Ang arka ay may tatlong palapag kaya lalo itong tumatag at nagkaroon ng kabuuang espasyo na mga 8,900 metro kuwadrado. Gawa ito sa madagta—at sa gayo’y di-tinatagos ng tubig—na kahoy, marahil sipres, at selyado ng alkitran ang loob at labas nito. (Genesis 6:14-16) Hindi sinasabi sa atin kung paano pinagdugtung-dugtong ni Noe ang mga kahoy. Subalit bago pa man iulat ang tungkol sa Baha, may binabanggit na ang Bibliya hinggil sa mga panday ng kasangkapang tanso at bakal. (Genesis 4:22) Sa paanuman, ginagamit pa rin hanggang ngayon ang mga tulos na kahoy na tinatawag na mga treenail sa paggawa ng ilang kahoy na barko.
May mga kompartment sa loob ng arka, isang pinto sa gilid nito, at tsoʹhar na isang siko ang taas, na maaaring patulis na bubong na may mga puwang sa gawing ibaba nito para makapasok ang hangin at liwanag. Gayunman, walang binabanggit ang ulat ng Genesis na may kilya o proa o anumang layag, sagwan, o timon ang arka. Sa katunayan, ang salitang Hebreo para sa “arka” ang siya ring ginamit para ilarawan ang basket na pinahiran ng alkitran at ginamit ng ina ng sanggol na si Moises upang palutangin siya sa katubigan ng Ilog Nilo.—Exodo 2:3, 10.
Matatag sa Dagat
Ang haba ng arka ay anim na beses ng lapad nito at sampung beses naman ng taas nito. May gayunding proporsiyon ang maraming makabagong barko, pero ang proporsiyon ng haba at lapad nito ay iniaangkop sa lakas na kailangan para umusad ito sa dagat. Samantala, ang arka naman ay dinisenyo para lamang lumutang. Gaano ito katatag?
Ang galaw ng sasakyang pandagat kapag hinampas ng hangin at alon ay tinatawag na seakeeping behavior. May kaugnayan din ito sa proporsiyon ng sasakyang pandagat. Inilalarawan ng Bibliya ang napakalakas na buhos ng ulan na naging sanhi ng Baha at binabanggit din nito na pagkaraan, ang Diyos ay nagpahihip ng hangin. (Genesis 7:11, 12, 17-20; 8:1) Hindi sinasabi ng Kasulatan kung gaano kalakas ang alon at hangin noon, pero malamang na napakalakas at pabagu-bago ito, gaya rin naman sa ngayon. Miyentras mas matagal at mas malakas ang bugso ng hangin, mas matataas at magkakalayo ang nalilikha nitong alon. Kahit ang mahinang pagyanig ng lupa ay maaari ding pagmulan ng malalakas na alon.
Dahil sa proporsiyon ng arka, naging matatag ito anupat naiwasan ang pagtaob. Ang arka ay dinisenyo rin para hindi ito siklut-siklutin ng maunos na karagatan. Ang sobrang pagsiklut-siklot—kapag iniangat ng alon ang isang dulo ng sasakyang pandagat at bumulusok ito—ay magpapahirap nang husto sa mga tao at hayop na sakay nito. Ang pagsiklut-siklot ng sasakyang pandagat ay maaari ding magpahina sa istraktura nito. Kailangang matibay ang kayarian nito para hindi lumundo ang gitnang bahagi kapag sabay na iniangat ng malalaking alon ang magkabilang dulo ng sasakyang pandagat. Gayunman, kapag iniangat ng malaking alon ang pinakagitna ng arka, anupat walang suporta ang magkabilang dulo nito, lalaylay ang proa at popa nito. Sinabi ng Diyos kay Noe na ang haba ng arka ay gawing sampung beses ng taas nito. Dumanas muna ng masaklap na karanasan ang mga tagagawa ng barko bago nila natuklasang matatagalan pala ng barko ang mga puwersang ito kung mayroon itong gayong proporsiyon.
Ligtas at Komportable
Dahil hugis-kahon ang arka, ang buoyancy nito—ang puwersa na nagpapalutang sa barko—ay tiyak na pantay mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo nito. Tiyak na pantay rin ang bigat nito. Malamang na tiniyak ni Noe na balanse ang pagkakalagay ng kargada—pati na ng mga hayop at ng mahigit isang taóng suplay ng pagkain. Kung balanse ang bigat ng kargada, hindi masyadong mapupuwersa ang istraktura ng barko. Kaya dalawang mahalagang salik ang nakatulong para makaligtas sa pangglobong Baha ang arka at ang mga sakay nito—ang disenyo ng arka na mula sa Diyos at ang mapagsanggalang na pangangalaga ni Jehova. Walang-alinlangang tiniyak ng Diyos na sumadsad ang arka sa ligtas at angkop na lokasyon.
Matapos ang masusing pagsasaliksik hinggil sa paksang ito, napatunayan kong makatotohanan nga at kasuwato ng makabagong paraan ng paggawa ng barko ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa arka ni Noe. Mangyari pa, maraming detalye hinggil sa arka at sa Baha ang hindi binanggit sa ulat ng Genesis. Sana balang-araw, pagkatapos ng pagkabuhay-muli, makita ko si Noe dito sa lupa, kasama ng mga pamilya ng tao at hayop na umiral dahil sa arka na masikap niyang itinayo sa loob ng napakahabang panahon. (Gawa 24:15; Hebreo 11:7) Pasasalamatan ko muna siya at ang kaniyang pamilya. Saka ko siya pauulanan ng mga tanong.—Ipinadala.
[Talababa]
^ par. 3 Ang siko ay isang sinaunang yunit ng pagsukat na halos katumbas ng distansiya mula sa siko hanggang sa dulo ng mga daliri. Noong panahon ng mga Israelita, karaniwan nang mga 44.5 sentimetro ang itinakdang sukat ng isang siko.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
MALIIT NA MODELO NG ARKA
Gamit ang kalakip na padron, maaari kang gumawa ng sarili mong maliit na modelo ng arka at maaari mong subukin ito. (Puwede kang gumawa ng mas malaking modelo kung palalakihin mo ayon sa proporsiyon ang padron na nasa ibaba.) Para hindi makatagos ang tubig sa ordinaryong papel, maaari itong pahiran ng pagkit o kuskusan ng krayola. Maaari mo nang itupi ang papel at lagyan ng tape o pandikit ang mga kanto nito. Latagan mo ng pabigat ang sahig ng iyong modelo—gaya ng ilang barya na pare-pareho ang pagitan at nilagyan ng tape o pandikit—hanggang sa lumubog sa tubig ang sangkatlo hanggang sa kalahati ng taas nito.
Upang makita ang katatagan ng arka sa tubig, ilagay ang natapos mong modelo sa gitna ng palanggana. Hawak ang isang karton ng gatas o iba pang nakakatulad na bagay, marahan at paulit-ulit na kawkawin ang tubig upang makagawa ng maliliit na alon.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ITUPI PALOOB ITUPI PALOOB
ITUPI PALOOB ITUPI PALOOB
[Larawan]
Ang proporsiyon ng arka ay katulad niyaong sa mga sasakyang pandagat
[Dayagram/Mga Larawan sa pahina 20, 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Harap
Gilid
Ibabaw
Harap
Gilid
Ibabaw
[Mga larawan]
Ang kabuuang “volume” ng arka ay halos katumbas niyaong sa “Titanic”
[Credit Lines]
Titanic plan: Courtesy Dr. Robert Hahn/www.titanic-plan.com; photo: Courtesy of The Mariners’ Museum, Newport News, VA