Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit ba Napakaraming Bawal?
“Inis na inis ako sa itinakdang oras ng pag-uwi! Sumasama ang loob ko kapag pinapayagan ang iba na umuwi nang mas gabi kaysa sa akin.”—Allen.
“Inis na inis ako kapag binabantayan ang mga tawag ko sa cellphone. Para naman akong bata!”—Elizabeth.
PAKIRAMDAM mo ba ay nasasakal ka na sa mga pagbabawal sa loob ng inyong tahanan? Natukso ka na bang tumakas sa inyong bahay o magsinungaling sa iyong mga magulang tungkol sa mga ginagawa mo? Kung oo, ang nadarama mo ay baka katulad ng nadarama ng isang tin-edyer na nagsasabing napakahigpit ng kaniyang mga magulang at idinagdag pa: ‘Dapat hayaan naman nila akong makahinga nang kaunti!’
Malamang na nagtakda ang mga magulang mo ng mga bagay na puwede at hindi mo puwedeng gawin. Marahil kabilang dito ang mga dapat mong gawin tungkol sa iyong takdang-aralin, gawain sa bahay, at oras ng pag-uwi, pati na ang mga limitasyon sa paggamit mo ng telepono, TV, o computer. Baka kasali rin ang mga bagay sa labas ng inyong tahanan tulad ng iyong ikinikilos sa paaralan at pinipiling mga kaibigan.
Maraming kabataan ang madalas na lumalabag sa pagbabawal ng kanilang mga magulang. Halos dalawang katlo ng mga kabataang sinurbey ang nagsabing nadisiplina sila dahil lumabag sila sa mga pagbabawal, anupat ito ang pinakamalimit na dahilan ng kaparusahan.
Pero inaamin ng karamihan sa mga kabataan na kailangan din ng ilang alituntunin para maiwasan ang gulo. Pero kung talagang kailangan ang mga pagbabawal sa loob ng bahay, bakit nakayayamot ang ilan sa mga ito? At kung nasasakal ka sa pagbabawal ng iyong mga magulang, paano ka makahihinga?
“Hindi Na Ako Bata”!
“Paano ko ba ipaaalam sa mga magulang ko na hindi na ako bata at dapat na nila akong hayaang magpasiya sa sarili ko?” ang tanong ng tin-edyer na si Emily. Nadama mo na ba ito? Tulad ni Emily, baka naghihimagsik ang iyong kalooban dahil nadarama mong tinatrato kang parang walang-muwang na sanggol. Mangyari pa, malamang na iba ang pananaw ng iyong mga magulang. Malamang na iniisip nilang mahalaga ang mga pagbabawal upang proteksiyunan at ihanda ka sa mga pananagutan kapag malaki ka na.
Kahit na may kalayaan ka, baka isipin mo pa ring hindi na angkop sa edad mo ang mga pagbabawal sa loob ng inyong tahanan. Lalo nang nakayayamot ito kapag mukhang mas maluwag sila sa iba mong kapatid. Ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Marcy: “Ako po ay 17 anyos, at maagang pinauuwi. Hindi ako pinalalabas ng bahay kapag may nagawa akong mali, pero nang nasa edad ko ang aking kuya, wala siyang takdang oras ng pag-uwi at hindi siya ikinukulong sa bahay.” Sa paggunita sa mga taon ng kaniyang kabataan, ganito ang sabi ni Matthew tungkol sa kaniyang nakababatang kapatid at mga pinsang babae, “Nakakalusot sila kahit anong gawin nila!”
Walang Pagbabawal?
Mauunawaan naman kung inaasam-asam mong makaalis na sa poder ng iyong mga magulang. Pero mas makabubuti ba talaga sa iyo kung hindi ka na pagbabawalan? Marahil ay may kakilala kang mga kabataan na kaedad mo pero umuuwi kahit anong oras nila gusto, nagsusuot ng kahit anong damit na gusto nila, at sumasama sa mga kaibigan kahit saan at kahit kailan nila gusto. Baka masyadong abala ang mga magulang para mapansin ang ginagawa ng kanilang mga anak. Anuman ang kalagayan, ang ganitong paraan ng pagpapalaki sa mga anak ay napatunayan nang hindi matagumpay. (Kawikaan 29:15) Ang kawalan ng pag-ibig na nakikita mo ngayon sa daigdig ay dahil puno ito ng mga taong sarili lamang nila ang iniisip, na ang marami sa kanila ay pinalaki sa mga tahanang walang ipinagbabawal.—2 Timoteo 3:1-5.
Baka magbago rin ang pananaw mo balang-araw tungkol sa tahanang walang pagbabawal. Pansinin ang isang pag-aaral tungkol sa mga kabataang babae na lumaki sa tahanang pailan-ilan lamang ang pagbabawal at halos walang patnubay ng magulang. Sa paglingon sa nakaraan, wala ni isa man sa kanila ang sang-ayon sa kawalan ng disiplina. Sa halip, itinuring nila iyon na katibayan ng kawalan ng malasakit o kakayahan ng kanilang mga magulang.
Sa halip na mainggit sa mga kabataang hinahayaang gawin ang kahit anong gusto nila, sikapin mong ituring na katibayan ng pag-ibig at malasakit sa iyo ng mga magulang mo ang kanilang mga pagbabawal. Sa pagpapatupad ng makatuwirang mga hangganan, tinutularan nila ang Diyos na Jehova, na nagsabi sa kaniyang bayan: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”—Awit 32:8.
Pero sa ngayon, parang hindi mo na matiis ang mga pagbabawal. Kung gayon, pag-isipan mo ang ilang praktikal na hakbang na maaari mong gawin para maging mas kasiya-siya ang iyong buhay sa inyong tahanan.
Mabisang Pakikipag-usap
Gusto mo man ng higit na kalayaan o kaya’y mabawasan man lamang ang pagkayamot mo sa taglay mong kalayaan ngayon, ang susi ay ang mahusay na pakikipag-usap. ‘Pero nasubukan ko nang makipag-usap sa mga magulang ko, at wala namang nangyari!’ baka sabihin ng ilan. Kung ganiyan ang iyong nadarama, itanong mo sa iyong sarili, ‘Mapabubuti ko pa ba ang aking paraan ng pakikipag-usap?’ Mahalaga ang pakikipag-usap para (1) makuha mo ang iyong gusto o (2) mas maunawaan mo kung bakit hindi ibinibigay ang iyong gusto. Kung nais mong makuha ang mga pribilehiyong para sa mga adulto, makatuwiran lamang na matuto kang maging mas mahusay makipag-usap.
Pag-aralang kontrolin ang iyong damdamin. Sinasabi ng Bibliya: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” (Kawikaan 29:11) Ang mabuting pakikipag-usap ay hindi lamang puro pagrereklamo. Baka lalo ka lamang masermunan dahil dito! Kaya iwasan mong magmaktol, magmukmok, at magdabog na parang bata. Gusto mo mang ibagsak ang pinto o magdabog kapag hinihigpitan ka ng iyong mga magulang, malamang na lalo ka lamang pagbawalan dahil sa gayong paggawi—sa halip na magkaroon ka ng higit na kalayaan.
Sikaping unawain ang pananaw ng iyong mga magulang. Natuklasan ni Tracy, isang Kristiyanong kabataan na may nagsosolong magulang, na nakatutulong ito. Sabi niya: “Itinatanong ko sa aking sarili, ‘Ano kaya ang gustong mangyari ng nanay ko at pinagbabawalan niya ako nang ganito?’ Tinutulungan niya akong maging mas mabuting tao.” (Kawikaan 3:1, 2) Ang paglalagay ng iyong sarili sa katayuan ng iyong mga magulang ay baka makatulong sa iyo na maunawaan sila. Halimbawa, nagdadalawang-isip sila kung papayagan kang pumunta sa isang pagtitipon. Sa halip na makipagtalo, maaari mong itanong, “Ano po kaya kung magsama ako ng isang may-gulang at mapagkakatiwalaang kaibigan?” Baka hindi laging pumayag ang iyong mga magulang; pero kung nauunawaan mo ang ikinababahala nila, mas malamang na pumayag sila sa mungkahi mo.
Sikaping makuha ang higit na pagtitiwala ng iyong mga magulang. Ang pagtitiwala sa iyo ng mga magulang mo ay tulad ng pag-iimpok sa bangko. Mailalabas mo lamang kung magkano ang perang naideposito mo. Kapag sobra ang inilabas mo, magmumulta ka, at kapag paulit-ulit kang naglabas ng sobra, baka isara na ang account mo. Ang paghingi ng mga pribilehiyo ay tulad ng paglalabas ng pera; papayagan lamang ito kung napatunayang mapagkakatiwalaan ka.
Maging makatotohanan sa iyong mga inaasahan. Pananagutan ng mga magulang na kontrolin ang iyong mga kilos sa makatuwirang paraan. Kaya nga binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “utos ng iyong ama” at “kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 6:20) Magkagayunman, hindi mo dapat isipin na masisira ang buong buhay mo dahil sa mga pagbabawal. Sa kabaligtaran, kung magpapasakop ka sa awtoridad ng iyong mga magulang, nangangako si Jehova na, sa bandang huli, ‘mapapabuti ka’!—Efeso 6:1-3.
PAG-ISIPAN
-
Anu-anong pagbabawal ang pinakamahirap sundin para sa iyo?
-
Anu-anong punto sa artikulong ito ang makatutulong sa iyo na tanggapin ang mga pagbabawal ng iyong mga magulang?
-
Paano mo makukuha ang higit na pagtitiwala ng iyong mga magulang?