Ang Pinakadakilang Tao sa Buong Kasaysayan
Ang Pinakadakilang Tao sa Buong Kasaysayan
SINO ang pipiliin mong pinakadakilang tao na nabuhay kailanman? Si Noe ba na nakaligtas sa Baha at naging ninuno ng lahat ng nabubuhay ngayon? (Genesis 7:1, 21, 22; 9:18, 19) Si Nabucodonosor ba, isang tagapamahala sa sinaunang daigdig at tagapagtayo ng marilag na lunsod na tinawag niyang Babilonyang Dakila? (Daniel 4:28-30) Baka si Alejandrong Dakila, na binanggit maging sa hula ng Bibliya dahil sa kaniyang mga nagawa? (Daniel 8:5-8, 21-22) O si Julio Cesar, ang bantog na pinunong Romano?
Wala pang 45 taon mula nang mamatay ang kababanggit na Cesar, isinilang sa Betlehem ang isang batang nagngangalang Jesus. Naging pinakadakilang tao ba siya sa buong kasaysayan? Mga sandaang taon na ang nakalipas, ganito ang sinabi ng reperensiyang akda na The Historians’ History of the World: “Ang epekto ng mga nagawa [ni Jesus] sa kasaysayan, kahit sa pangmalas ng mga di-relihiyoso, ay mas mahalaga kaysa sa nagawa ng sinumang tao. Karaniwan nang kinikilala ng pangunahing mga sibilisasyon sa daigdig na nagsimula ang isang bagong panahon nang isilang siya.”
Hanggang sa ngayon, interesadung-interesado pa rin ang mga tao kay Jesu-Kristo. Ilang taon na ang nakalilipas, sabay-sabay na itinampok ng kilalang magasing pambalita sa Estados Unidos na Time, Newsweek, at U.S.News and World Report ang mga artikulo sa pabalat tungkol sa kaniya. Sa katunayan, parang lalo pang tumitindi ang gayong interes tungkol kay Jesus. “Nariyan pa rin ang kaniyang impluwensiya sa mga pelikula, musika at moda,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star noong 2004. “Napabilang siya sa mga bayaning tinitingala natin.”
Subalit ang nakapagtataka, may panahon noon na ikinatuwiran ng ilan na hindi raw kailanman umiral si Jesus. Isa na rito si Bruno Bauer (1809-82) na isang prominenteng guro. Ang isa sa kaniyang mga estudyante ay si Karl Marx. Kamakailan, ganito ang isinulat ni Robert E. Van Voorst sa kaniyang aklat na Jesus Outside the New Testament: “Isinama ni Marx sa kaniyang ideolohiya ang mga ideya ni Bauer tungkol sa maalamat na pinagmulan ni Jesus, at nang maglaon, ikinalat naman ng opisyal na literatura ng Sobyet at ng iba pang propagandang Komunista ang pag-aangking ito.”
Subalit sa ngayon, iilan-ilan lamang ang hindi naniniwalang nabuhay talaga si Jesus. Sa katunayan, sasang-ayon agad ang karamihan na isa siyang tunay at napakaimportanteng tao. Ganito ang pamagat ng isang editoryal noong Disyembre 2002 sa Wall Street Journal: “Hindi Maitatanggi ng Siyensiya na Umiral si Jesus.” Ganito ang naging konklusyon ng manunulat nito: “Tinanggap na ng karamihan sa mga iskolar, maliban sa mangilan-ngilang ateista, na si Jesus ng Nasaret ay isang makasaysayang tao.”
Subalit si Jesus ay hindi lamang basta isang makasaysayang tao. “Kailangan ng kakaibang pangangatuwiran,” pag-uulat ng magasing Time, “upang itanggi na si Jesus ng Nasaret ang nag-iisang pinakamaimpluwensiyang tao—hindi lamang sa loob ng dalawang milenyong ito kundi sa buong kasaysayan ng tao.” Dagdag pa nito: “Maaaring siyento-porsiyentong ikatuwiran na walang sinumang makapapantay sa kapangyarihan at impluwensiya ni Jesus.”
Magkagayunman, itinatanong pa rin: Sino ba siya talaga? Saan siya galing? Ano ang layunin niya sa lupa? At bakit napakahalagang malaman natin ang lahat ng maaari nating malaman tungkol sa kaniya?