Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alibughang Anak Ako

Alibughang Anak Ako

Alibughang Anak Ako

Ayon sa salaysay ni Meros William Sunday

Mula pagkasanggol, tinuruan na akong umibig sa Diyos; pero noong 18 anyos na ako, nagrebelde ako at naglayas. Sa loob ng 13 taon, namuhay akong gaya ng alibughang anak sa talinghaga ni Jesus. (Lucas 15:11-24) Nagtulak ako ng droga at halos masira na ang buhay ko. Hayaan ninyong ikuwento ko kung paano nagbago ang buhay ko at kung paano ako nanumbalik.

ISINILANG ako noong 1956. Kristiyano ang aking mga magulang at pangalawa ako sa siyam na anak. Nakatira kami sa Ilesha, isang bayan sa timog-kanluran ng Nigeria. Lumaking Katoliko ang tatay ko, pero binigyan siya ng kaniyang tiyuhin ng aklat na The Harp of God noong 1945. * Nang mabasa niya ito, hinanap ni Itay ang mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan siya noong 1946 at di-nagtagal, sumunod naman si Inay.

Natatandaan ko pa kung gaano katotoo sa akin si Jehova noong maliit pa ako at kung gaano ako kasigasig sa pangangaral kasama ng aking mga magulang. Si Itay ang nagturo sa akin ng Bibliya. Tinuturuan din ako paminsan-minsan ni Alice Obarah, ang asawa ng naglalakbay na tagapangasiwa sa aming lugar. Gusto ng mga magulang ko na maging buong-panahong ministro ako. Pero iminungkahi ni Inay na mag-aral muna ako sa haiskul.

Pero kapapasok ko pa lamang at sa edad na 16, nabarkada na ako sa mga kaeskuwelang walang paggalang sa mga simulain ng Bibliya. Napakalaking pagkakamali! Di-nagtagal at nanigarilyo ako at naging imoral. Napag-isip-isip kong salungat sa itinuturo sa mga pulong Kristiyano ang pamumuhay ko ngayon, kaya hindi na ako dumalo sa mga pulong o nakibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Lungkot na lungkot ang mga magulang ko, pero wala na akong pakialam sa damdamin ng iba.

Naglayas Ako

Dalawang taon pa lamang ako sa haiskul, naglayas na ako at nakitira sa aking mga kaibigan sa aming lugar. Palihim akong umuuwi kung minsan, kukuha ng anumang makakain, at dali-daling aalis. Yamang masama ang loob ni Itay, hindi na niya binayaran ang aking matrikula anupat umaasang magbabago rin ako.

Gayunman, halos kasabay nito, naging iskolar ako. Pinadadalhan ako noon ng aking isponsor mula sa Scotland ng matrikula at nagreregalo pa nga siya kung minsan, pati na pera. Samantala, hindi na rin nakisama sa mga Saksi ni Jehova ang dalawa sa kapatid kong lalaki, na lubha namang ikinalungkot ng mga magulang ko. Maraming beses na nakiusap sa akin si Inay habang umiiyak. Bagaman nakokonsensiya ako, hindi pa rin ako nagbago.

Sa Malalaking Lunsod

Pagkatapos kong mag-aral noong 1977, pumunta ako sa Lagos at nagtrabaho roon. Di-nagtagal pagkaraan nito, nagkapera ako sa ilegal na paraan at bumili ako ng taksi. Dahil mas marami na akong pera ngayon, nagdroga ako at nagbabad sa mga nightclub at bahay-aliwan. Madali akong nagsawa sa buhay sa Lagos at noong 1981, lumipat ako sa London. Mula roon, nagpunta ako sa Belgium, kung saan ako nag-aral ng wikang Pranses at nagtrabaho nang part-time sa isang restawran. Pero ang kalakhang bahagi ng panahon ko ay ginamit ko sa negosyo ng pagpapadala ng mga kotse at kagamitang elektroniko sa Nigeria.

Sumulat si Itay sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Belgium at hiniling niya na dalawin ako at sikaping isama sa pag-aaral ng Bibliya. Subalit tuwing pupunta ang mga Saksi sa aking bahay, pinaaalis ko sila. Nagsimula akong dumalo sa isang simbahan kung saan pagkatapos ng serbisyo, kumakain kami, umiinom, at naglalaro ng iba’t ibang isport.

Buhay Bilang Nagtutulak ng Droga

Noong 1982, nagpadala ako ng mamahaling kotse sa Nigeria at pumunta ako mismo sa daungan para ilusot iyon sa adwana. Natuklasan ng Adwana sa Nigeria na peke ang mga dokumento para sa buwis, kaya nakulong ako nang mga 40 araw. Pinyansahan ako ni Itay. Yamang kailangan ko ng pera para ayusin ang kaso, bumalik ako sa Belgium na may dalang mga paninda, kasali na ang kilu-kilong marihuwana. Nang mapawalang-sala ako sa pamemeke ng dokumento sa buwis, nakagawa ako ng pangalan sa kalakalan ng droga.

Minsan, naaresto ako habang naglalakbay sa Netherlands. Sapilitan akong pinaalis ng mga opisyal ng imigrasyon at isinakay sa eroplano papuntang Nigeria. Habang nagbibiyahe, nakilala ko ang iba pang nagtutulak ng droga, at nagsosyo kami sa pagnenegosyo ng droga. Noong Enero 1984, lumipat ako sa isa pang bansa sa Aprika. Yamang marunong ako ng Pranses, ang wika na ginagamit doon, naging kaibigan ko ang mga pulis, sundalo, at mga opisyal sa imigrasyon. Kaya nakapagpuslit kami ng libu-libong kilo ng marihuwana sa bansang iyon.

Inaresto at Ibinilanggo

Nasuong na naman ako sa gulo. Nakipag-usap ako sa isang kapitan ng hukbo para tulungan akong magpuslit ng droga sa bansang iyon. Pero hindi siya dumating sa oras kaya naaresto ako. Binugbog at pinahirapan ako nang husto ng mga pulis na Pranses anupat nawalan ako ng malay. Isinugod nila ako sa ospital at iniwan doon sa pag-aakalang mamamatay na ako. Pero nabuhay ako, at pagkaraan ay inakusahan, sinentensiyahan, at ibinilanggo.

Paglabas ko sa piitan, naglahong parang bula ang kaibigan kong pinagbilinan ko ng aking bahay matapos niyang ibenta ang lahat ng aking ari-arian. Para mabuhay, nagbenta na naman ako ng marihuwana. Pero pagkalipas ng sampung araw, muli akong naaresto at nabilanggo nang tatlong buwan. Nang makalaya ako, malubha na ang sakit ko anupat muntik na naman akong mamatay. Sa paanuman, nakauwi pa rin ako.

“Balik-Negosyo”

Nagkita-kita kami ng ilan sa mga kasosyo ko sa Lagos, at pumunta kami sa India, kung saan kami bumili ng heroin na nagkakahalaga ng mga $600,000. Mula Bombay (Mumbai na ngayon) nagtungo kami sa Switzerland, pagkatapos ay sa Portugal, at sa dakong huli, sa Espanya. Malaki ang kinita ng bawat isa sa amin at nag-iba-ibang ruta kami pabalik sa Lagos. Sa pagtatapos ng 1984, nagbenta na naman ako ng isang buong kargada ng droga. Pangarap kong kumita ng isang milyong dolyar at manirahan sa Estados Unidos.

Noong 1986, tinipon ko ang lahat ng aking pera at bumili ako ng purong heroin sa Lagos. Dinala ko ito sa ibang bansa, pero napasakamay iyon ng isang ganid na nagtutulak ng droga at hindi na ako binayaran. Sa takot na mapatay, bumalik ako sa Lagos nang hindi nagsasalita tungkol sa nangyari. Wala ako ni isang kusing at lumung-lumo ako. Sa kauna-unahang pagkakataon, naupo ako at nagbulay-bulay sa layunin ng buhay. ‘Bakit nagkakaganito ang buhay ko?’ ang tanong ko sa sarili ko.

Panunumbalik sa Diyos

Isang gabi pagkaraan nito, nanalangin ako kay Jehova na tulungan ako. Kinabukasan, kumatok sa aking pinto ang isang may-edad nang lalaki kasama ang asawa niya. Mga Saksi ni Jehova sila. Tahimik akong nakinig sa kanila at kumuha ng magasin. “Mga Saksi ni Jehova ang mga magulang ko,” ang paliwanag ko. “Si Alice Obarah ang dating nagtuturo sa akin ng Bibliya.”

Sumagot ang may-edad nang lalaki, si P. K. Ogbanefe: “Kilalang-kilala namin ang mga Obarah. Naglilingkod sila ngayon sa aming tanggapang pansangay ng Nigeria sa Lagos.” Hinimok nila akong makipagkita sa mga ito. Napatibay ako nang husto nang makita ko ang mga Obarah. Pagkatapos nito, nagsimula kaming mag-aral ng Bibliya ni Brother Ogbanefe, at sinimulan kong baguhin ang aking imoral na pamumuhay. Hindi ito madali sapagkat mahirap daigin ang pagkagumon sa droga. Pero determinado akong ayusin ang aking buhay.

Gayunman, napakaraming tukso at panggigipit! Pumupunta sa aking bahay ang diumano’y mga kaibigan ko at nagbibigay ng nakatutuksong alok. May panahon pa nga na nanigarilyo ako ulit at naging imoral. Taos-puso akong nanalangin sa Diyos. Di-nagtagal at natanto kong yamang ang mga kaibigan ko sa sanlibutan ang nagligaw sa akin, hindi nila ako matutulungan ngayon. Napag-isip-isip ko na kailangan kong umalis sa Lagos upang sumulong sa espirituwal. Pero nahihiya akong umuwi sa Ilesha. Subalit nang dakong huli, sumulat ako sa aking tatay at kuya at tinanong ko kung maaari pa akong umuwi.

Tiniyak sa akin ni Itay na bukás ang pinto para sa akin, at sinabi ng aking kuya na tutulungan niya ako sa pinansiyal. Kaya pagkalipas ng sampung taóng paglayo sa aking mga magulang, umuwi na rin ako sa amin. Malugod nila akong tinanggap. “Salamat, Jehova!” ang bulalas ni Inay. Nang dumating si Itay nang gabing iyon, sinabi niya, “Tutulungan ka ni Jehova.” Kasama ng buong pamilya, nanalangin siya kay Jehova, na tulungan Niya sana ako ngayong bumalik na ako para gawin ang kalooban Niya.

Pagbawi sa Nasayang na Panahon

Itinuloy ko ang aking pag-aaral sa Bibliya at mabilis akong sumulong; nabautismuhan ako noong Abril 24, 1988. Agad akong naging napakaaktibo sa ministeryo. Noong Nobyembre 1, 1989, naglingkod ako bilang payunir​—buong-panahong ebanghelisador. Noong 1995 naman, naanyayahan akong dumalo sa ikasampung klase ng Ministerial Training School sa Nigeria. At noong Hulyo 1998, naatasan ako bilang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkalipas ng isang taon, pinagpala ako at nakilala ko si Ruth, na napangasawa ko at nakasama sa paglalakbay.

Sumulong din sa espirituwal ang iba pang miyembro ng aming pamilya. Nanumbalik sa tunay na pagsamba at nabautismuhan ang isa sa aking mga kuya, na huminto rin noon sa paglilingkod kay Jehova. Natutuwa ako at nasaksihan ni Itay ang panunumbalik namin. Maligaya siyang naglingkod bilang ministeryal na lingkod sa kongregasyon hanggang mamatay siya noong 1993 sa edad na 75. Hanggang ngayon, masigasig pa ring naglilingkod kay Jehova si Inay sa Ilesha.

Naglakbay ako sa kabuuang 16 na bansa sa Europa, Asia, at Aprika sa paghahanap ng kayamanan. Bilang resulta, napagsasaksak ko ang aking sarili ng maraming kirot. (1 Timoteo 6:9, 10) Kapag inaalaala ko ang nakaraan, napakalaki ng pagsisisi ko dahil nasayang ang malaking bahagi ng buhay ko noon sa droga at imoralidad. Pinagsisisihan ko ang kirot na idinulot ko sa Diyos na Jehova at sa aming pamilya. Pero nagpapasalamat ako na hindi pa huli ang lahat nang ako’y matauhan. Determinado akong manatiling tapat kay Jehova at maglingkod sa kaniya magpakailanman.

[Talababa]

^ par. 4 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.

[Larawan sa pahina 13]

Bilang rebeldeng tin-edyer

[Larawan sa pahina 15]

Sa araw ng aking bautismo

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ang aking asawang si Ruth