Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Maipagmamatuwid ba ng Romantikong Pag-ibig ang Pagtatalik Bago ang Kasal?

Maipagmamatuwid ba ng Romantikong Pag-ibig ang Pagtatalik Bago ang Kasal?

SA ISANG surbey, halos 90 porsiyento ng mga tinanong na tin-edyer ang nagsabing walang masama sa pagtatalik bago ang kasal kapag nagmamahalan ang dalawang tao. Ang ideyang ito ay mapapansin sa media at madalas na kinukunsinti. Laging ipinalalabas sa telebisyon at mga pelikula na ang pagtatalik ay likas lamang sa dalawang nagmamahalan.

Mangyari pa, ang mga taong gustong magpalugod sa Diyos ay hindi umaasa ng patnubay sa sanlibutan dahil nakikita rito ang kaisipan ng tagapamahala nito, ang Diyablo. (1 Juan 5:19) Nag-iingat din sila na hindi maging sunud-sunuran na lamang sa kanilang damdamin, sapagkat alam nilang “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Sa halip, ang mga taong talagang matalino ay umaasa ng patnubay mula sa Maylalang at sa kaniyang kinasihang Salita.​—Kawikaan 3:5, 6; 2 Timoteo 3:16.

Kaloob ng Diyos ang Sekso

“Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag,” ang sabi ng Santiago 1:17. Ang pagtatalik ng mag-asawa ay isa sa gayong mahahalagang kaloob. (Ruth 1:9; 1 Corinto 7:2, 7) Dahil dito, ang mga tao ay nagkakaanak at ang mga mag-asawa naman ay pisikal at emosyonal na nabubuklod sa napakagiliw at nakalulugod na paraan. “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan,” ang isinulat ng sinaunang hari na si Solomon. “Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon.”​—Kawikaan 5:18, 19.

Mangyari pa, nais ni Jehova na makinabang at masiyahan tayo sa kaniyang mga kaloob. Sa layuning ito, binigyan din niya tayo ng pinakamagagandang batas at simulaing dapat sundin. (Awit 19:7, 8) Si Jehova “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Ipagkakait ba ng ating makalangit na Ama​—ang personipikasyon ng pag-ibig​—ang isang bagay na talagang makabubuti sa atin?​—Awit 34:10; 37:4; 84:11; 1 Juan 4:8.

Hindi Maibigin ang Pagtatalik Bago ang Kasal

Kapag ikinasal ang babae’t lalaki, sila ay nagiging “isang laman,” wika nga. Kapag ang dalawang taong di-kasal ay nagtalik, na tinatawag ding pakikiapid, sila rin ay nagiging “isang katawan”​—subalit marumi sa paningin ng Diyos. * Isa pa, hindi maibigin ang gayong pagbubuklod. Bakit?​—Marcos 10:7-9; 1 Corinto 6:9, 10, 16.

Ang isang dahilan ay sapagkat ang pakikiapid ay pakikipagtalik nang walang tunay na pananagutan. Hindi lamang nito sinisira ang paggalang sa sarili, maaari din itong magdulot ng sakit, di-ninanais na pagdadalang-tao, at paghihirap ng kalooban. Higit sa lahat, labag ito sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Kung gayon, ang pakikiapid ay nagpapakita na ang isa ay halos wala o talagang walang malasakit sa pangkasalukuyan at panghinaharap na kapakanan at kaligayahan ng ibang tao.

Para sa isang Kristiyano, ang pakikiapid ay panghihimasok din sa mga karapatan ng kaniyang espirituwal na kapatid. (1 Tesalonica 4:3-6) Halimbawa, ang mga nag-aangking lingkod ng Diyos na nakikipagtalik nang hindi kasal ay nagdudulot ng karumihan sa kongregasyong Kristiyano. (Hebreo 12:15, 16) Bukod dito, ang pinakiapiran nila ay pinagkakaitan nila ng malinis na moral na katayuan at, kung dalaga o binata pa ang isang ito, pinagkakaitan din nila ito ng pagkakataong mag-asawa sa hinaharap nang may malinis na moral. Dinudumhan din nila ang magandang rekord ng kanilang pamilya mismo, at nagkakasala rin sila sa pamilya ng kanilang seksuwal na kapareha. Pinakahuli, winawalang-bahala nila ang Diyos, na sinaktan nila dahil sa paglabag sa kaniyang matuwid na mga batas at simulain. (Awit 78:40, 41) Si Jehova naman ay ‘maglalapat ng kaparusahan’ para sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ng di-nagsisising mga indibiduwal. (1 Tesalonica 4:6) Kung gayon, nakapagtataka ba kung sabihin sa atin ng Bibliya na “tumakas . . . mula sa pakikiapid”?​—1 Corinto 6:18.

Umiibig ka na ba at nagpaplano nang magpakasal? Kung gayon, bakit hindi mo samantalahin ang panahon ng inyong pagliligawan para makapagtayo ng matatag na pundasyon ng pagtitiwala at paggalang sa isa’t isa? Pag-isipan ito: Paano lubos na pagtitiwalaan ng isang babae ang isang lalaki na napatunayang walang pagpipigil sa sarili? At madali ba para sa isang lalaki na mahalin at igalang ang isang babaing nagwawalang-bahala sa kautusan ng Diyos para lamang sapatan ang kaniyang romantikong damdamin o paluguran ang isang lalaki?

Tandaan din na aanihin ng mga taong hindi sumusunod sa maibiging mga pamantayan ng Diyos kung ano ang inihasik nila. (Galacia 6:7) “Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Corinto 6:18; Kawikaan 7:5-27) Totoo naman na kung ang magkasintahang nagtalik bago ang kasal ay talagang nagsisi, nagsikap na ibalik ang kanilang kaugnayan sa Diyos, at nagpatibay ng kanilang pagtitiwala sa isa’t isa, maaaring maibsan ang negatibong damdamin sa kalaunan. Magkagayunman, karaniwang nag-iiwan ng pilat ang pagkakamali nila noon. Napakalaki ng pagsisisi ng isang mag-asawa, kasal na ngayon, dahil sila ay nakiapid. Kung minsan ay naitatanong ng asawang lalaki sa kaniyang sarili, ‘Ang di-pagkakaunawaan ba naming mag-asawa sa paanuman ay dahil sa di-malinis na simulang ito?’

Hindi Makasarili ang Tunay na Pag-ibig

Bagaman maaaring may kakambal na romantikong damdamin, ang tunay na pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente” ni “naghahanap [man] ng sarili nitong kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Sa halip, hangad nito ang kapakanan at walang-hanggang kaligayahan ng iba. Inuudyukan ng gayong pag-ibig ang babae at lalaki na parangalan ang isa’t isa at ilagay ang pagtatalik sa tamang dako nito na itinakda ng Diyos​—sa higaang pangmag-asawa.​—Hebreo 13:4.

Ang nadaramang pagtitiwala at katiwasayan na nagbubunga ng talagang maligayang pag-aasawa ay lalo nang mahalaga kapag nagkaroon na ng mga anak, sapagkat nilayon ng Diyos na lumaki ang mga bata sa maibigin, matatag, at matiwasay na kapaligiran. (Efeso 6:1-4) Sa kasal lamang talaga nagkakaroon ng sumpaan sa isa’t isa ang dalawang tao. Sa kanilang puso at kadalasan na ring sa salita, sumusumpa silang pangangalagaan at aalalayan ang isa’t isa sa hirap at ginhawa habang nabubuhay sila.​—Roma 7:2, 3.

Napatitibay ng pagtatalik ang buklod ng mag-asawa. Sa maligayang pagsasama, nagiging mas kalugud-lugod at mas makabuluhan din sa mag-asawa ang pagtatalik​—nang hindi bumababa ang kalidad ng pag-aasawa, hindi nababagabag ang budhi, o hindi sumusuway sa Maylalang.

[Talababa]

^ par. 9 Ang salitang Griego na isinaling “pakikiapid” ay tumutukoy sa lahat ng seksuwal na gawain sa pagitan ng dalawang taong di-kasal at nagsasangkot ng paggamit ng mga ari, lakip na ang oral sex.​—Tingnan ang Gumising! ng Hulyo 22, 2004, pahina 12, at Ang Bantayan ng Pebrero 15, 2004, pahina 13, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

Ano ang pananaw ng Diyos sa pagtatalik bago ang kasal?​—1 Corinto 6:9, 10.

▪ Bakit nakapipinsala ang pakikiapid?​—1 Corinto 6:18.

▪ Paano makapagpapakita ng tunay na pag-ibig ang dalawang taong may romantikong damdamin sa isa’t isa?​—1 Corinto 13:4, 5.