Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?

Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?

SINASABI ng maraming tao na pinasisinungalingan ng siyensiya ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. Pero ang talagang nagkakasalungatan ay hindi siyensiya at Bibliya, kundi siyensiya at opinyon ng tinatawag na mga Kristiyanong Pundamentalista. Ang ilan sa mga grupong ito ay nagkakamali sa pagsasabing ayon sa Bibliya, ang paglalang ng lahat ng pisikal na bagay ay naganap sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras mga 10,000 taon na ang nakalilipas.

Gayunman, ang konklusyong ito ay hindi sinusuportahan ng Bibliya. Kung sinusuportahan ito, pinag-alinlanganan na sana ang Bibliya dahil sa maraming bagay na natuklasan sa siyensiya nitong nakalipas na mga dantaon. Kapag sinuring mabuti ang nakasulat sa Bibliya, wala ritong makikitang salungat sa mga katotohanang napatunayan na ng siyensiya. Dahil dito, hindi sang-ayon ang mga Saksi ni Jehova sa mga “Kristiyanong” Pundamentalista at sa maraming creationist. Ipinakikita ng sumusunod kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.

Kailan ba ang “Pasimula”?

Simple ngunit mapuwersa ang pambungad na pangungusap ng Genesis: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Sang-ayon ang mga iskolar sa Bibliya na ang binabanggit na pangyayari sa talatang ito ay iba kaysa sa mga araw ng paglalang na binabanggit mula sa talata 3 patuloy. Napakahalaga ng kahulugan nito. Ayon sa pambungad na pangungusap ng Bibliya, ang uniberso, pati na ang ating planetang Lupa, ay umiiral na nang napakatagal na panahon bago pa magsimula ang mga araw ng paglalang.

Ayon sa tantiya ng mga heologo, ang lupa ay mga 4 na bilyong taon na, at ayon sa kalkulasyon ng mga astronomo, ang uniberso ay maaaring 15 bilyong taon na. Ang mga natuklasan bang ito​—o ang posibleng mga pagbabago nito sa hinaharap​—ay salungat sa Genesis 1:1? Hindi. Hindi espesipikong binabanggit ng Bibliya kung gaano na talaga katagal “ang langit at ang lupa.” Hindi pinasisinungalingan ng siyensiya ang nakasulat sa Bibliya.

Gaano Katagal ang mga Araw ng Paglalang?

Kumusta naman ang haba ng mga araw ng paglalang? Literal bang 24 na oras ang mga ito? Sinasabi ng ilan na yamang ang araw na kasunod ng anim na araw ng paglalang ay ginamit ni Moises​—manunulat ng Genesis​—bilang parisan ng lingguhang Sabbath, ang haba ng bawat araw ng paglalang ay literal na 24 na oras. (Exodo 20:11) Sinusuportahan ba ng mga salita sa Genesis ang konklusyong ito?

Hindi. Ang totoo, ang salitang Hebreo na isinaling “araw” ay maaaring mangahulugan ng iba’t ibang haba ng panahon, hindi lamang 24 na oras. Halimbawa, nang ibuod ni Moises ang paglalang ng Diyos, tinukoy niya ang buong anim na araw ng paglalang bilang isang araw. (Genesis 2:4) Bukod dito, sa unang araw ng paglalang, “pinasimulan ng Diyos na tawaging Araw ang liwanag, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Genesis 1:5) Dito, isang bahagi lamang ng 24 na oras ang tinukoy bilang “araw.” Talagang walang basehan sa Kasulatan para basta na lamang sabihing 24 na oras ang bawat araw ng paglalang.

Kung gayon, gaano kahaba ang mga araw ng paglalang? Ipinahihiwatig ng mga salita sa Genesis kabanata 1 at 2 na mahahabang yugto ng panahon ang nasasangkot.

Unti-unting Lumitaw ang mga Nilalang

Isinulat ni Moises ang kaniyang ulat sa wikang Hebreo at isinulat niya ito ayon sa natatanaw ng isang taong nakatayo sa ibabaw ng lupa. Dahil sa dalawang bagay na ito, pati na ang pagkaalam na umiiral na ang uniberso bago pa magsimula ang mga yugto o mga “araw” ng paglalang, nabawasan ang kontrobersiya tungkol sa ulat ng paglalang. Paano?

Mula sa maingat na pagsusuri sa ulat ng Genesis, makikita na ang mga pangyayaring nagsimula sa isang “araw” ay nagpatuloy pa rin hanggang sa sumunod na araw o mga araw. Halimbawa, bago magsimula ang unang “araw” ng paglalang, hindi pa makatagos sa ibabaw ng lupa ang liwanag mula sa araw na umiiral na noon, malamang na dahil sa makapal na ulap. (Job 38:9) Nahawi ang takip na ito sa unang “araw,” anupat nakatagos ang liwanag sa atmospera. *

Sa ikalawang “araw,” paaliwalas pa rin nang paaliwalas ang atmospera, anupat nagkaroon ng puwang sa pagitan ng makapal na ulap sa itaas at sa karagatan sa ibaba. Sa ikaapat na “araw,” umaliwalas na nang husto ang atmospera anupat lumitaw na ang araw at buwan “sa kalawakan ng langit.” (Genesis 1:14-16) Sa ibang salita, mula sa natatanaw ng isang taong nasa lupa, naaaninag na ang araw at buwan. Unti-unting naganap ang mga bagay na ito.

Sinasabi rin sa ulat ng Genesis na habang umaaliwalas ang atmospera, nagsimulang lumitaw sa ikalimang “araw” ang mga lumilipad na nilalang​—pati na ang mga insekto at mga nilalang na may lamad sa pakpak. Pero ipinahihiwatig ng Bibliya na sa ikaanim na “araw,” patuloy pa ring ‘inaanyuan ng Diyos mula sa lupa ang bawat mailap na hayop sa parang at bawat lumilipad na nilalang sa langit.’​—Genesis 2:19.

Maliwanag na mula sa pananalita ng Bibliya, may posibilidad na ang mahahalagang pangyayari sa bawat “araw,” o yugto ng paglalang ay unti-unting naganap sa halip na biglaan, marahil ang ilan pa nga ay umabot hanggang sa sumunod na mga “araw” ng paglalang.

Ayon sa Kani-kanilang Uri

Yamang unti-unting lumitaw ang mga halaman at hayop, nangangahulugan ba ito na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para magkaroon ng sari-saring mga bagay na may buhay? Hindi. Maliwanag na sinasabi ng ulat na nilalang ng Diyos ang lahat ng pangunahing “uri” ng halaman at hayop. (Genesis 1:11, 12, 20-25) Nakaprograma ba sa orihinal na mga ‘uring’ ito ng mga halaman at hayop ang kakayahang umangkop sa nagbabagong mga kalagayan sa kapaligiran? Ano ang hangganan ng isang “uri”? Hindi ito binabanggit ng Bibliya. Gayunman, sinasabi nito na ang mga nilalang na buháy ay ‘bumukal ayon sa kani-kanilang uri.’ (Genesis 1:21) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na may hangganan kung gaano karaming pagbabago lamang ang maaaring mangyari sa isang “uri.” Pinatutunayan ng mga fosil at ng modernong pananaliksik na halos hindi nabago ang saligang mga kategorya ng halaman at hayop sa loob ng mahahabang yugto ng panahon.

Salungat sa pag-aangkin ng ilang Pundamentalista, hindi itinuturo ng Genesis na ang uniberso, pati na ang lupa at ang lahat ng nilalang na nabubuhay roon, ay nilalang sa maikling yugto ng panahon nitong kamakailan lamang. Sa halip, ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang ng uniberso at sa pag-iral ng buhay sa lupa ay kaayon ng maraming kamakailang tuklas sa siyensiya.

Dahil sa kanilang pilosopikal na mga paniniwala, maraming siyentipiko ang hindi naniniwala sa sinasabi ng Bibliya na Diyos ang lumalang sa lahat ng bagay. Gayunman, kapansin-pansin na sa sinaunang aklat ng Bibliya na Genesis, isinulat ni Moises na may simula ang uniberso at unti-unting umiral ang buhay sa paglipas ng mga yugto ng panahon. Paano nalaman ni Moises ang gayon katumpak na impormasyon sa siyensiya mga 3,500 taon na ang nakalilipas? May isang makatuwirang paliwanag. Ang Isa na may kapangyarihan at karunungan na lalangin ang langit at lupa ang tiyak na makapagbibigay kay Moises ng gayon katumpak na kaalaman sa siyensiya. Katibayan ito ng sinasabi ng Bibliya na ito ay “kinasihan ng Diyos.”​—2 Timoteo 3:16.

[Talababa]

^ par. 14 Sa pagbanggit kung ano ang nangyari sa unang “araw,” ang ginamit na salitang Hebreo para sa liwanag ay ʼohr, liwanag sa pangkalahatang diwa; ngunit sa ikaapat na “araw,” ang ginamit na salita ay ma·ʼohrʹ, na tumutukoy naman sa pinagmumulan ng liwanag.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

▪ Gaano na katagal mula nang lalangin ng Diyos ang uniberso?​—Genesis 1:1.

▪ Nilalang ba ang lupa sa loob lamang ng anim na araw na may tig-24 na oras?​—Genesis 2:4.

▪ Paano naging tumpak ayon sa siyensiya ang mga isinulat ni Moises tungkol sa pasimula ng lupa?​—2 Timoteo 3:16.

[Blurb sa pahina 19]

Hindi itinuturo ng Genesis na ang uniberso ay nilalang sa maikling yugto ng panahon nitong kamakailan lamang

[Blurb sa pahina 20]

“Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Universe: IAC/RGO/David Malin Images

[Picture Credit Line sa pahina 20]

NASA photo