Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Makatutulong sa mga Nangangailangan?

Paano Ako Makatutulong sa mga Nangangailangan?

“Sana maging elektrisyan po ako kapag nakatapos na ako ng pag-aaral. Gusto ko po kasing tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall.”​—Tristan, 14.

“Gusto ko pong iabuloy ang 20 dolyar na ito para sa bagong palimbagan. Baon ko po ito, pero gusto ko itong ibigay sa inyo.”​—Abby, 9.

SA PANAHONG ito na ang mga kabataan ay karaniwan nang inilalarawan bilang makasarili, maraming kabataan​—kasama na ang mga binanggit sa itaas​—ang siyang kabaligtaran. Sa mga Saksi ni Jehova, maraming kabataan ang gumagamit ng kanilang panahon, lakas, at pag-aari upang paglingkuran ang iba. (Awit 110:3) Isaalang-alang ang ilan pang halimbawa.

Hindi pa natatagalan pagkamatay ng kaniyang lola, ang pitong-taóng-gulang na si Jirah na taga-Australia ay niregaluhan ng $50 ng kaniyang lolo. Ano ang ginawa ni Jirah sa pera? Inilagay niya ang buong halaga sa kahon ng donasyon nang sumunod na pulong ng kongregasyon. Bakit? “Marami na po akong laruan, pero iisa lang ang lola ko,” ang paliwanag ni Jirah sa kaniyang nanay. “Alam ko po na magugustuhan ni Lola na iabuloy ko ang perang ito, dahil mahal na mahal niya si Jehova.”

Mahilig sa kabayo ang limang-taóng-gulang na si Hannah na taga-Estados Unidos. Gusto niyang bumili ng isang laruang kabayo na nagkakahalaga ng $75. Sa kanilang pagsisikap na maturuan siya ng kahalagahan ng pag-iipon, ang mga magulang ni Hannah ay paminsan-minsang nagbibigay sa kaniya ng pera para ihulog sa alkansiya. Hindi nagtagal, mayroon nang sapat na pera si Hannah na pambili ng laruan.

Ngunit nang panahon ding iyon, sinalanta ng Bagyong Katrina ang Gulf Coast. Nag-alala si Hannah sa mga biktima, kaya ipinasiya niyang iabuloy ang lahat ng naipon niya​—mahigit $100​—para matulungan sila. Sumulat si Hannah sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova: “Gusto ko pong ibigay sa inyo ang perang ito dahil mahal ko si Jehova at gusto kong makatulong.” Napapansin kaya ni Jehova ang gayong pagkabukas-palad? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”​—Hebreo 13:16.

Isang batang babae na nagngangalang Tiffany, na nagmula rin sa Estados Unidos, ang nakipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova pagkatapos ng dalawang bagyong tumama sa Florida noong 2004. “Kami ng kapatid kong si Timothy ay nagnanais na mag-abuloy ng $110,” ang sulat niya. “Hindi po masyadong nasira ang bahay namin, pero nakita namin kung paano sinira ng mga bagyo ang ibang bahay. Gusto po naming makatulong, kaya nag-ipon kami ng pera. Binigyan si Timothy ng $10 dahil tumulong siya sa pagbaklas ng dingding ng isang bahay, at nakapag-ipon naman po ako ng $100.” Si Tiffany ay 13 taóng gulang, at ang kapatid niyang si Timothy ay 7 taóng gulang lamang! Ano ba ang nagiging resulta kapag inuuna natin ang kapakanan ng iba kaysa sa atin? Ang Kawikaan 11:25 ay nagsasabi: “Ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”

Nabalitaan ng isang grupo ng mga kabataang Saksi sa Estados Unidos, na edad 4 hanggang 15, na ang kanilang mga kapananampalataya sa Aprika ay nangangailangan ng mga Kingdom Hall. Kaya gumawa sila ng paraan. “Nagtinda po kami ng mga biskuwit at tinapay sa harap ng bahay namin, at kumita kami ng $106.54. Sinabi po namin sa mga tao na gagamitin ang pera para magkaroon ng mga dakong pinagtitipunan sa Aprika, kung saan maaaring matuto ang mga tao tungkol sa Bibliya. Marami ang bumili. Siyam na oras po kaming nagtinda, pero sulit naman po ang pagsisikap namin​—para iyon kay Jehova!”

Maaari Kang Tumulong

Napatunayan ng mga kabataang ito, na binanggit ang karanasan sa itaas, ang katotohanan ng pananalita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Maaari mo ring maranasan ang kaligayahan sa pagbibigay. Sa anu-anong paraan?

May nabalitaan ka bang mga kapananampalatayang nangangailangan ng tulong? Halimbawa, nagkaroon ba ng likas na kasakunaan? Isip-isipin kung ano ang kalagayan ng mawalan ng tahanan, pag-aari, o mamatayan pa nga ng mahal sa buhay. Isinulat ni apostol Pablo na dapat ‘ituon ng mga Kristiyano ang kanilang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng kanilang sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’ (Filipos 2:4) Kahit na malayo ang tirahan mo sa lugar kung saan nangyari ang likas na kasakunaan, baka puwede kang magbigay ng donasyon para sa gawaing pagtulong ng mga Saksi ni Jehova. *

May iba pang paraan upang makatulong ka sa mga nangangailangan. Halimbawa, kung isa ka sa mga Saksi ni Jehova, bakit hindi mo subukang magmasid sa inyong Kingdom Hall? Mayroon kayang may-edad na o iba pa na nangangailangan ng tulong? Maaari mo kaya silang tulungan sa ilang gawain? Sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Roma: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Kaya kapag nakita mong may pangangailangan, ikaw na mismo ang magkusa. Kusang-loob mong gawin kahit ang waring hamak na mga gawain. At tandaan na ang paglilingkod sa iba ay lubhang nauugnay sa paglilingkod sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.”​—Kawikaan 19:17.

Siyempre pa, ang pinakamabuting paraan para makatulong ka sa iba ay ang pagbabahagi sa kanila ng mga nalalaman mo tungkol sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ngayon higit kailanman, kailangang marinig ng mga tao ang nagliligtas-buhay na mensahe ng katotohanan mula sa Bibliya. Kaya magpatuloy ka sa regular at masigasig na pakikibahagi sa gawaing pangangaral, na nagtitiwalang “ang [iyong] pagpapagal . . . ay hindi sa walang kabuluhan.”​—1 Corinto 15:58.

Marami pang artikulo mula sa serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa wikang Ingles ang makikita sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 13 Pinasasalamatan ang mga donasyon para sa espesipikong pagtulong sa nangangailangan. Gayunman, mas mainam kung ang mga donasyong ito ay ibibigay sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova, yamang dito kumukuha ng pondo kapag may pangangailangan.

PAG-ISIPAN

▪ May naiisip ka ba na maaaring nangangailangan ng tulong?

▪ Ano ang magagawa mo para makatulong?

[Blurb sa pahina 25]

“Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”​—Hebreo 13:16

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24, 25]

BAKIT KAILANGANG MATUTONG MAGBIGAY?

“Ang halimbawa ng aking mga magulang sa paggamit ng kanilang panahon at lakas sa paglilingkod kay Jehova at sa kanilang kapuwa ang nag-udyok sa akin na ganoon din ang gawin. Sinabi sa akin ng tatay ko: ‘Gaanuman kaliit ang ginagawa mo para kay Jehova, mananatili ito magpakailanman. Si Jehova ay nabubuhay magpakailanman, at maaalaala niya ito magpakailanman. Subalit walang saysay ang mamuhay para lamang sa iyong sarili. Kapag namatay ka, malilimutan na ang lahat ng ginawa mo.’”​—Kentaro, 24, Hapon.

“Sa totoo lang, ayokong pumunta at tumulong sa mga may-edad na sa kanilang gawaing-bahay kapag Sabado ng hapon. Ang gusto ko lang ay magsaya kasama ng mga kaibigan ko. Ngunit nasiyahan ako nang gumugol ako ng panahon kasama ng matatanda. Nalaman ko na katulad ko rin sila dahil sila’y naging bata rin noon. Ito ang nag-udyok sa akin na tulungan sila.”​—John, 27, Inglatera.

“Noong bata pa ako, tumutulong ako sa paglilinis ng Kingdom Hall at sa marami pang gawain. Nasisiyahan din akong magtrabaho nang manu-mano para sa mga kakongregasyon ko. Kapag natulungan mo ang isang tao, nakikita mo ang ligayang idinudulot nito sa kanila. Halimbawa, minsan ay tumulong ako kasama ng iba pa upang maglagay ng wallpaper sa apartment ng isang may-edad nang kapatid na babae. Talagang tuwang-tuwa siya! Kapag napaligaya mo ang isang tao, maligaya ka rin.”​—Hermann, 23, Pransiya.

[Larawan sa pahina 24]

Maraming kabataan ang nag-aabuloy ng pera para makatulong sa mga biktima ng kasakunaan