Ano ang Pinakamahalagang Likido sa Lahat?
Ano ang Pinakamahalagang Likido sa Lahat?
“Ang dugo ay mahalaga sa paggagamot kung paanong ang langis ay mahalaga sa transportasyon.”—Arthur Caplan, direktor ng sentro ng bioethics sa University of Pennsylvania.
LANGIS. Iyan ba ang pinakamahalagang likido? Sa panahong ito na madalas tumaas ang halaga ng gasolina, marami ang mag-aakalang gayon nga. Subalit ang totoo, ang bawat isa sa atin ay nagdadala ng ilang litro ng di-hamak na mas mahalagang likido. Pag-isipan ito: Habang bilyun-bilyong bariles ng langis ang kinukuha sa lupa taun-taon upang matugunan ang pangangailangan ng tao para rito, mga 90 milyong yunit ng dugo ang kinukuha sa mga tao upang gamitin sa paggamot ng mga maysakit. * Ang malaking bilang na iyan ay katumbas ng dugo ng mga 8,000,000 tao.
Gayunpaman, gaya ng langis, waring may kakapusan sa suplay ng dugo. Nagbabala ang mga manggagamot sa buong daigdig hinggil sa kakapusan sa dugo. (Tingnan ang kahong “Desperado sa Paghahanap ng Dugo.”) Bakit ba napakahalaga ng dugo?
Isang Pambihirang Sangkap ng Katawan
Dahil sa kamangha-mangha ito at masalimuot, kadalasan nang inihahalintulad ang dugo sa isang sangkap ng katawan. “Ang dugo ay isa sa maraming sangkap ng katawan—lubhang kahanga-hanga at pambihira,” ang sabi ni Dr. Bruce Lenes sa Gumising! Talaga ngang pambihira! Inilalarawan ng isang aklat-aralin ang dugo bilang “ang tanging sangkap ng katawan na anyong likido.” Tinatawag din ng reperensiyang iyon ang dugo bilang “isang buháy na sistema ng transportasyon.” Ano ang ibig sabihin nito?
“Ang sistema ng sirkulasyon ng dugo ay gaya ng mga kanal ng Venice,” ang sabi ng siyentipikong si N. Leigh Anderson. “Inihahatid nito ang lahat ng mabubuting bagay,” dagdag pa niya, “at hinahakot din nito ang maraming basura.” Habang dumadaloy ang dugo sa 100,000 kilometro ng ating sistema ng sirkulasyon ng dugo, nadaraanan nito ang halos lahat ng himaymay sa ating katawan, kasama na ang puso, mga bato, atay, at mga baga—napakahalagang mga sangkap na gumagana dahil sa dugo.
Maraming “mabubuting bagay” ang inihahatid ng dugo sa mga selula ng iyong katawan, gaya ng oksiheno, nutriyente, at mga panlaban sa sakit, pero hinahakot din nito ang “basura,” gaya ng nakalalasong carbon dioxide, nilalaman ng nasira at namamatay na mga selula, at iba pang dumi. Ang papel ng dugo sa pag-aalis ng dumi ay nakatutulong upang ipaliwanag kung bakit mapanganib ang dugo kapag lumabas na ito sa katawan. At walang sinuman ang makagagarantiya na ang lahat ng “basura” sa dugo ay nakita at naalis bago ito isinalin sa iba.
Walang alinlangan, mahalaga ang dugo sa mga prosesong tumutustos sa buhay. Iyan ang dahilan kung bakit naging karaniwan na sa mga doktor na salinan ng dugo ang mga pasyenteng nawalan ng dugo. Maraming doktor ang magsasabi na ang gamit na ito ng dugo sa paggagamot ang dahilan kung bakit napakahalaga nito. Gayunman, nagbabago ang mga bagay-bagay sa larangan ng medisina. Nagkakaroon ng unti-unti ngunit malaking pagbabago sa paggagamot. Maraming doktor at siruhano ang hindi na gaanong pabor sa pagsasalin ng dugo di-tulad nang dati. Bakit kaya?
[Talababa]
^ par. 3 Ang bawat yunit ay naglalaman ng 450 mililitro (1 pint) ng dugo.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
Desperado sa Paghahanap ng Dugo
Tinataya ng mga eksperto sa medisina na 200 milyong yunit pa ng iniabuloy na dugo ang kailangan sa buong daigdig taun-taon. Walumpu’t dalawang porsiyento ng mga tao sa buong daigdig ang naninirahan sa papaunlad na mga lupain, pero wala pang 40 porsiyento ng lahat ng iniabuloy na dugo ang nagmula sa gayong mga lugar. Maraming ospital sa mga lupaing iyon ang hindi gumagamit ng dugo sa paggagamot. Iniulat ng The Nation, isang pahayagan sa Kenya, na ‘araw-araw, halos kalahati ng paggagamot na humihiling ng pagsasalin ng dugo ang kinakansela o ipinagpapaliban dahil sa kakulangan sa dugo.’
Pangkaraniwan din ang kakulangan sa suplay ng dugo sa mayayamang bansa. Habang humahaba ang buhay ng mga tao at sumusulong ang mga pamamaraan sa paggagamot, dumarami ang isinasagawang mga operasyon. Karagdagan pa, parami nang paraming donor ng dugo ang tinatanggihan sa ngayon dahil sa kanilang mapanganib na paraan ng pamumuhay o paglalakbay na maaaring naghantad sa kanila sa mga sakit o parasito.
Waring desperado ang mga organisasyong nag-iimbak ng dugo. Kung minsan, ang mga kabataan, na karaniwan nang hindi gaanong mapanganib ang paraan ng pamumuhay, ang pinupuntiryang mapagkukunan ng ligtas na dugo. Halimbawa, ang mga batang nag-aaral ang pinagmumulan ng 70 porsiyento ng suplay ng dugo sa Zimbabwe sa ngayon. Ang mga sentrong nangongolekta ng dugo ay mas maraming oras na bukás sa bawat araw, at pinahihintulutan pa nga ng ilang bansa na bayaran ng mga ito ang mga donor ng dugo para bumalik pa sila. Isang kampanya sa Czech Republic ang nag-alok sa mga mamamayan ng litru-litrong serbesa kapalit ng kanilang dugo! Sa isang lugar naman sa India kamakailan, nagbahay-bahay ang mga awtoridad upang maghanap ng mga donor ng dugo para mapunan ang naubos na suplay ng dugo.