Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Magtatatag ng Maligayang Pag-aasawa

Kung Paano Magtatatag ng Maligayang Pag-aasawa

Kung Paano Magtatatag ng Maligayang Pag-aasawa

“Pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”​—GENESIS 2:24.

ANG ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, ang nagtatag ng pag-aasawa bilang permanenteng pagbubuklod ng lalaki at babae. Binabanggit sa Genesis 2:18, 22-24: “Sinabi ng Diyos na Jehova: ‘Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya.’ At ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova mula sa lalaki ay ginawa niyang isang babae at dinala niya ito sa lalaki. Nang magkagayon ay sinabi ng lalaki: ‘Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Ito ay tatawaging Babae, sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.’ Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”

Totoo, hindi madaling magtatag ng pangmatagalan at maligayang pag-aasawa, ngunit tiyak na posible ito. Maraming mag-asawa ang maligayang nagsasama sa loob ng 50, 60, o higit pang mga taon. Paano nila ito nagagawa? Patuloy at walang-pag-iimbot nilang sinisikap na ‘makamit ang pagsang-ayon’ ng kani-kanilang asawa. (1 Corinto 7:33, 34) Nangangailangan ito ng malaking pagtitiyaga. Kung handa kang mamuhunan ng panahon at pagsisikap, makapagtatatag ka rin ng maligayang pag-aasawa, isa na tatagal nang mahabang panahon.

Maingat na Sundin ang Plano

Hindi kailanman sisimulan ng isang mapagkakatiwalaang kontratista ang konstruksiyon nang hindi muna tinitingnan ang plano. Sa katulad na paraan, hindi tayo magtatagumpay sa pagtatatag ng maligayang pag-aasawa kung hindi muna natin titingnang mabuti ang mga plano ng Diyos para sa proyektong ito. Makikita ito sa mga pahina ng Salita ng Diyos. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang . . . sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay,” isinulat ni apostol Pablo.​—2 Timoteo 3:16.

Napakaraming matututuhan ng mag-asawa kung isasaalang-alang nila ang paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Bakit? Sa Bibliya, ang relasyon ni Jesus at ng makakasama niyang tagapamahala sa langit ay inihahalintulad sa relasyon ng mag-asawa. (2 Corinto 11:2) Nanatiling tapat si Jesus sa kaniyang mga kasama, kahit sa napakahirap na mga panahon. ‘Inibig niya sila hanggang sa wakas.’ (Juan 13:1) Dahil mahabaging lider si Jesus, palagi niyang isinasaalang-alang ang mga limitasyon at kahinaan ng kaniyang mga tagasunod. Hindi niya sila kailanman hinanapan ng higit sa kanilang magagawa o maibibigay.​—Juan 16:12.

Kahit noong biguin siya ng kaniyang pinakamalalapít na kaibigan, nanatili pa ring mahinahon si Jesus. Hindi niya sila kinagalitan, kundi sa halip, sinikap niyang ibalik sila sa ayos taglay ang makadiyos na kapakumbabaan at kabaitan. (Mateo 11:28-30; Marcos 14:34-38; Juan 13:5-17) Kaya naman, kung susuriin mong mabuti ang magiliw na pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod at kung paano naman nila siya sinuklian ng pag-ibig, may matututuhan kang praktikal na mga aral sa pagtatatag ng maligayang pag-aasawa.​—1 Pedro 2:21.

Itatag Ito sa Matibay na Pundasyon

Hindi maiiwasan ang paghampas ng tulad-bagyong mga pagsubok sa pundasyon ng inyong pag-aasawa. Susubukin nito ang pundasyon ng relasyon mo sa iyong asawa. Gayunman, ang pinakamatibay na pundasyon ng maligayang pag-aasawa ay ang pagiging tapat sa sinumpaang pangako na salig sa pag-ibig. Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng sinumpaang pangako nang sabihin niya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Kabilang sa pananalitang “sinumang tao” ang asawang lalaki at ang kaniyang kabiyak, na nagsumpaang mananatiling tapat sa isa’t isa.

Itinuturing ng ilan na isang pabigat ang pananagutan dahil nangangailangan ito ng malaking panahon at salapi. Sa ngayon, mas pinipili ang pagkakaroon ng kumbinyenteng buhay kaysa sa pagsasakripisyong kaakibat ng pananagutan sa isang tao.

Paano matutupad ng isa ang kaniyang sinumpaang pangako sa pag-aasawa? Sumulat si apostol Pablo: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.” (Efeso 5:28, 29) Kung gayon, sa isang bahagi, ang pagiging “pinagtuwang” ay nangangahulugan ng pagmamalasakit sa kapakanan ng iyong asawa na gaya ng sa iyong sarili. Kailangang baguhin ng mga may-asawa ang kanilang kaisipan anupat iniisip ang “atin” sa halip na “akin,” at “tayo” sa halip na “ako.”

Kapag napagtagumpayan mo ang mga tulad-bagyong pagsalakay sa inyong pagsasama, magiging marunong ka. Ang karunungang ito ay magdudulot ng kaligayahan. “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan,” ang sabi ng Kawikaan 3:13.

Gumamit ng mga Materyales na Di-nasusunog sa Apoy

Upang magtagal at maging ligtas ang isang bahay, dapat na matibay ang pagkakagawa nito. Kung gayon, itatag ang inyong pag-aasawa taglay ang layuning magtagal ito. Gumamit ng matitibay na materyales, na makatatagal sa maapoy na pagsubok sa inyong katapatan sa isa’t isa. Pag-ingatan na parang ginto ang napakahahalagang katangiang gaya ng makadiyos na karunungan, pagkabukas-palad, kaunawaan, pagkatakot sa Diyos, pagiging magiliw, tunay na pananampalataya at maibiging pagpapahalaga sa mga kautusan ng Diyos.

Ang kaligayahan at pagkakontento sa pag-aasawa ay hindi itinatatag sa materyal na tinatangkilik o pag-asenso. Itinatatag ito sa puso at isip at tumitibay ang mga katangiang ito sa tulong ng mga katotohanang mula sa Salita ng Diyos. Ang payong “Patuloy na ingatan ng bawat isa kung paano siya nagtatayo” ay puwede ring ikapit sa pag-aasawa.​—1 Corinto 3:10.

Kapag Bumangon ang mga Problema

Para tumagal ang isang gusali, kailangan ang mahusay na pagmamantini. Kapag ang mag-asawa ay palaging nagtutulungan sa kanilang mga tunguhin at nagpapakita ng dangal at paggalang sa isa’t isa, mananatiling matibay ang kanilang pagsasama. Hindi nag-uugat ang pagkamakasarili, at napipigil ang galit.

Ang kinikimkim at di-mawala-walang galit at pagkainis ay pumapatay ng pag-ibig at pagmamahal ng mag-asawa sa isa’t isa. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga lalaki: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) Kapit din sa mga asawang babae ang simulaing ito. Kapag sinisikap ng mag-asawa na maging makonsiderasyon, mabait, at maunawain, pareho silang nagiging maligaya at kontento. Kapag napipigilan ang pag-init ng ulo at pagiging agresibo, naiiwasan ang pagtatalo kung may mga problema. “Maging mabait kayo sa isa’t isa,” ang paghimok ni Pablo, “mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.”​—Efeso 4:32.

Paano kung naiinis ka dahil nadarama mong wala kang silbi o hindi ka pinahahalagahan? Sa mahinahong paraan, malinaw mong sabihin sa iyong kabiyak ang dahilan kung bakit ka nababahala. Gayunman, makabubuting takpan na lamang ng pag-ibig ang maliliit na bagay.​—1 Pedro 4:8.

Isang asawang lalaki, na nakaranas na ng maraming pagsubok sa loob ng 35 taon nilang pagsasamang mag-asawa, ang nagsabi na gaano man katindi ang galit mo sa iyong asawa, “huwag na huwag [kayong] titigil sa pag-uusap.” May-katalinuhan pa niyang idinagdag: “Huwag na huwag ninyong iwawala ang pag-ibig.”

Kaya Mong Magtatag ng Maligayang Pag-aasawa!

Totoo, hindi madaling magtatag ng maligayang pag-aasawa. Subalit kapag desidido ang mag-asawa na sikaping ilakip ang Diyos sa kanilang pagsasama, kaligayahan at katiwasayan ang magiging kapalit nito. Kung gayon, bantayang mabuti ang espirituwalidad ng inyong pamilya; maging tapat sa iyong sinumpaang pangako sa iyong asawa. At tandaan na ayon sa mga salita ni Jesus, hindi ang mag-asawa ang tumatanggap ng lahat ng kapurihan sa pagkakaroon ng maligayang pag-aasawa. Sa halip, ang papuri ay pangunahing iniuukol sa Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova. “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”​—Mateo 19:6.

KARAGDAGANG MATERYAL NA MABABASA

Ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay naglalaan ng praktikal na mga mungkahi sa pagtatatag ng maligaya at matagumpay na pag-aasawa. Napatunayan ng daan-daang libong mag-asawa sa buong daigdig na ang praktikal at salig-Bibliyang payo nito ay nakatulong sa kanila na pasulungin ang kalidad ng kanilang pagsasama.​—Tingnan ang pahina 32 ng magasing ito.

[Kahon sa pahina 9]

Ano ang Makatutulong sa Iyo na Magtatag ng Maligayang Pag-aasawa?

▪ Regular na mag-aral ng Salita ng Diyos kasama ang iyong asawa, at manalangin sa Diyos para sa tulong at patnubay sa paglutas ng mga problema.​—Kawikaan 3:5, 6; Filipos 4:6, 7; 2 Timoteo 3:16, 17.

▪ Sa iyong asawa lamang iukol ang pagnanais na makipagtalik.​—Kawikaan 5:15-21; Hebreo 13:4.

▪ Malaya, tapat, at maibiging pag-usapan ang inyong mga problema at di-pagkakasundo.​—Kawikaan 15:22; 20:5; 25:11.

▪ Kausapin ang iyong asawa sa paraang mabait at makonsiderasyon; iwasan ang silakbo ng galit, nakaririnding pangungulit, at pamimintas.​—Kawikaan 15:1; 20:3; 21:9; 31:26, 28; Efeso 4:31, 32.

▪ Mapagpakumbabang ikapit ang payo ng Bibliya kahit na waring hindi ginagawa ng iyong asawa ang lahat ng dapat niyang gawin.​—Roma 14:12; 1 Pedro 3:1, 2.

▪ Sikaping linangin ang espirituwal na mga katangiang binabanggit sa Bibliya.​—Galacia 5:22, 23; Colosas 3:12-14; 1 Pedro 3:3-6.

[Mga larawan sa pahina 7]

Sundin ang plano ng Diyos sa pag-aasawa na mababasa sa Bibliya

[Larawan sa pahina 7]

Gawin mong matibay na pundasyon ang di-makasariling pag-ibig at pagkamatapat

[Mga larawan sa pahina 8]

Linangin ang espirituwal na mga katangiang makatatagal sa maaapoy na pagsubok

[Mga larawan sa pahina 8]

Kailangang magsikap para mapanatili ang maligayang pag-aasawa