Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Gagawin Ko sa Aking Buhay?
“Noong una, hindi ko iniisip ang kinabukasan. Pero nang papalapit na nang papalapit ang pagtatapos ko sa paaralan, naisip kong sasabak na ako sa tunay na daigdig, sa tunay na mga trabaho. At sa tunay na mga gastusin.”—Alex, 17.
NOONG maliit ka pa, ano ang pinangarap mo paglaki mo? Iyon pa rin ba ang pangarap mo hanggang ngayon? Naguguluhan ka ba kung paano mo susuportahan ang sarili mo ngayong malaki ka na? Kung oo, hindi ka nag-iisa. “Ang pagpili ng karera ang isa sa pinakamahirap na hamon sa mga kabataan,” ang sabi ng aklat na Career Coaching Your Kids.
Sa kabilang banda, baka naman wala pa sa isip mo ngayon ang karera. Baka wiling-wili ka pa sa pagpapakasaya. Wala namang masama sa pagpapakasaya, yamang sinasabi sa iyo ng Bibliya na “magsaya ka, binata, sa iyong kabataan”! (Eclesiastes 11:9) Gayunman, ngayon na ang tamang panahon para pag-isipan mo ang gagawin mo sa iyong buhay. “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang sabi ng Kawikaan 14:15. Paano mo pag-iisipan ang iyong mga hakbang?
“Alamin Mo Kung Saan Ka Pupunta”
Ipagpalagay mong maglalakbay ka sa isang lugar na malayo sa tahanan ninyo. Malamang na titingin ka muna sa mapa para alamin kung alin ang pinakamagandang daan. Ganiyan din ang pagpaplano sa iyong kinabukasan. “Marami kang pagpipilian,” ang sabi ni Michael, isang kabataan na naglilingkod ngayon sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Paano ka pipili sa lahat ng ito? “Malaki ang papel ng iyong mga tunguhin,” ang sabi ni Michael.
Isipin mo na ang iyong tunguhin ay gaya ng isang lugar na gusto mong puntahan. Hindi mo mararating iyon kung magpapagala-gala ka kung saan-saan. Mas mabuting maglabas ng mapa at magplano ng landas na tatahakin mo, wika nga. Sa ganitong paraan, sinusunod mo ang payo sa Kawikaan 4:26: “Patagin mo ang landasin ng iyong paa.” Ganito ang pagkakasalin ng Contemporary English Version sa pariralang ito: “Alamin mo kung saan ka pupunta.”
Sa darating na mga taon, gagawa ka ng maraming mabibigat na pasiya tungkol sa pagsamba, trabaho, pag-aasawa, pamilya, at iba pang mahahalagang bagay. Mas madaling gumawa ng matatalinong pasiya kung alam mo na kung saan ka pupunta. At habang pinaplano mo ang iyong
buhay, may isang bagay na hindi mo maisasaisantabi.‘Alalahanin Mo ang Iyong Maylalang’
Upang maging maligaya ka talaga, dapat mong dibdibin ang salita ng matalinong hari na si Solomon: “Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.” (Eclesiastes 12:1) Ang daang pipiliin mong tahakin ay dapat maimpluwensiyahan ng paghahangad mong paluguran ang Diyos.
Bakit ito mahalaga? Sinasabi ng Bibliya sa Apocalipsis 4:11: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Oo, ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa langit at lupa ay may utang na loob sa Maylalang. Nagpapasalamat ka ba dahil binigyan ka niya ng “buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay”? (Gawa 17:25) Hindi ba’t nauudyukan kang suklian ang Diyos na Jehova bilang pasasalamat sa lahat ng ibinigay niya sa iyo?
Palibhasa’y palaging nasa isip ang kanilang Maylalang, maraming kabataang Saksi ni Jehova ang pumasok sa buong-panahong ministeryo. Ang totoo, ang buong-panahong ministeryo ay isang marangal na tunguhin, at nagdudulot ito ng maraming pagpapala. (Malakias 3:10) Pero kailangan ang patiunang pagpaplano. Halimbawa, itanong mo sa iyong sarili, ‘Ano ba ang aking mga kakayahan at kasanayan na magagamit ko upang suportahan ang aking sarili sa buong-panahong ministeryo?’
Maagang nagplano sa buhay si Kelly, edad 27 na ngayon. Desidido siya sa kaniyang tunguhing pumasok sa buong-panahong ministeryo. Noong huling mga taon ng pagiging tin-edyer ni Kelly, sinimulan na niyang planuhin ang
kaniyang trabaho. “Kailangan kong piliin noon ang trabahong makasusuporta sa aking ministeryo,” ang sabi niya.Nagsanay si Kelly bilang assistant ng dentista sa isang vocational program sa haiskul. Nanalo pa nga siya sa isang pang-estadong paligsahan. Sa kabila ng kaniyang tagumpay, hindi niya nalimutan ang kaniyang pangunahing tunguhin. “Ang buong-panahong ministeryo ang gusto kong pagkaabalahan,” ang sabi ni Kelly. “Pangalawahin na lamang ang lahat ng ibang bagay.” Nasa buong-panahong ministeryo pa rin si Kelly hanggang ngayon. “Ito ang pinakamagandang pasiya na ginawa ko,” ang sabi niya.
Humingi ng Patnubay
Kung naglalakbay ka sa isang lugar na di-pamilyar, malamang na magtanong ka pa rin ng direksiyon—kahit may mapa ka na. Maaari mo ring gawin iyan sa pagpaplano ng iyong kinabukasan. Humingi ka ng payo sa iba. Sinasabi ng Kawikaan 20:18: “Sa pamamagitan ng payo ay matibay na natatatag ang mga plano.” Sabihin pa, napakalaki ng maitutulong ng iyong mga magulang. Maaari ka ring magtanong sa mga may-gulang na Kristiyano na ang buhay ay kakikitaan ng makadiyos na karunungan. “Pansinin mo ang mga adultong may magandang halimbawa sa inyong kongregasyon o sa kalapit na lugar,” ang mungkahi ni Roberto. “Magugulat ka sa sasabihin nila.”
Higit kaninuman, nais ng Diyos na Jehova na tulungan kang gumawa ng mga pasiya sa buhay na talagang magpapaligaya sa iyo. Kaya hilingin mo sa kaniya na tulungan kang ‘patuloy na unawain kung ano ang kalooban niya’ may kinalaman sa iyong kinabukasan. (Efeso 5:17) Kung magtitiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso, “siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ypa
PAG-ISIPAN
▪ Anu-ano ang kakayahan at kasanayan mo?
▪ May naiisip ka bang mga paraan upang magamit ang mga kakayahang ito sa pagpuri kay Jehova?
▪ Aling anyo ng buong-panahong paglilingkod na binanggit sa artikulong ito ang nagustuhan mo?
[Kahon sa pahina 23]
DAAN NA WALANG PATUTUNGUHAN
Sinasabi ng Bibliya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” Baku-bako ang daan patungo sa pagyaman! Walang patutunguhan ang daang ito sa dakong huli kundi pagkakautang, kabalisahan, at espirituwal na kapinsalaan.—1 Timoteo 6:9, 10.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 24, 25]
PAGPAPAYUNIR
Ang mamamahayag na payunir ay isang uliran at bautisadong Kristiyano na nagsaayos gumugol ng di-kukulangin sa 70 oras bawat buwan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Pinahuhusay ng mga payunir ang kanilang kasanayan bilang mga guro ng Bibliya sa pamamagitan ng pagsasanay at karanasan.
PAGLILINGKOD SA BETHEL
Naglilingkod ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, kung saan sila tumutulong sa paghahanda, paggawa, at paghahatid ng mga literatura sa Bibliya. Bawat atas sa Bethel ay sagradong pribilehiyo ng paglilingkod.
PAGLILINGKOD KUNG SAAN MAS MALAKI ANG PANGANGAILANGAN
Ang ilang payunir ay lumilipat sa mga lugar kung saan mas malaki ang pangangailangang magkaroon ng mga tagapagpahayag ng Kaharian. Ang iba naman ay nag-aaral ng ibang wika at naglilingkod sa ibang lupain o sa kongregasyong nagsasalita ng gayong wika.
INTERNASYONAL NA PAGLILINGKOD
Dumadayo ang mga international servant sa ibang lupain upang tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at pasilidad ng mga sangay. Isa itong anyo ng sagradong paglilingkod na maihahambing sa gawain ng mga nagtayo ng templo ni Solomon.—1 Hari 8:13-18.
MINISTERIAL TRAINING SCHOOL
Sa walong-linggong kursong ito, ang kuwalipikadong matatanda at mga ministeryal na lingkod na walang asawa ay sinasanay sa mga bagay na may kinalaman sa organisasyon at sa pagsasalita sa madla. Ang ilang nagtapos dito ay inaatasan sa kanilang bansang pinanggalingan; ang iba naman ay ipinadadala sa ibang lupain.
PAGLILINGKOD BILANG MISYONERO
Ang kuwalipikadong mga payunir na malalakas ang pangangatawan ay sinasanay sa paglilingkod sa banyagang mga lupain. Kapana-panabik at kasiya-siya ang buhay ng mga misyonero.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
WHAT WILL I DO WITH MY LIFE?
Ang palabas na ito, na ginawa ng mga Saksi ni Jehova, ay nagtatampok ng makatotohanang mga pakikipanayam sa mga kabataan sa Alemanya, Brazil, Britanya, at Estados Unidos. Malapit na itong makuha sa ilan pang wika.
[Larawan sa pahina 23]
“Malaki ang papel ng iyong mga tunguhin.”—Michael, miyembro ng pamilyang Bethel
[Larawan sa pahina 24]
“Ito ang pinakamagandang pasiya na ginawa ko.”—Kelly, anim na taon nang payunir
[Larawan sa pahina 25]
“Pansinin mo ang mga adultong may magandang halimbawa.”—Roberto, miyembro ng pamilyang Bethel