Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Orihinal na Kasalanan?
MAHALAGA para sa atin ang sagot sa tanong na ito. Bakit? Dahil ang pagsuway nina Adan at Eva sa Diyos ay nakaapekto sa buong sangkatauhan hanggang sa panahon natin. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Pero paano humantong sa gayong kapaha-pahamak na resulta ang basta pagpitas at pagkain sa bunga ng isang puno?
Nang lalangin ng Diyos sina Adan at Eva, inilagay niya sila sa isang magandang hardin na punô ng nakakaing mga pananim at namumungang mga punungkahoy. Isang punungkahoy lamang ang ipinagbawal sa kanila—ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Yamang may kalayaan silang magpasiya, maaaring piliin nina Adan at Eva na sundin o suwayin ang Diyos. Gayunman, binabalaan si Adan na “sa araw na kumain ka mula [sa punungkahoy ng pagkakilala] ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 1:29; 2:17.
Makatuwirang Pagbabawal
Hindi naman naghirap sina Adan at Eva dahil sa pagbabawal na ito; maaari silang kumain sa lahat ng iba pang punungkahoy sa hardin. (Genesis 2:16) Bukod diyan, ang pagbabawal na ito ay hindi nagpahiwatig na may maling mga hilig ang mag-asawa, ni nag-alis man ito ng kanilang dignidad. Kung ang ipinagbawal sa kanila ng Diyos ay ang buktot na mga gawaing gaya ng pagsiping sa hayop o pagpaslang, maaaring igiit ng ilan na ang sakdal na mga tao ay may masasamang hilig na kailangang paglabanan. Gayunman, ang pagkain ay likas lamang at wasto.
Ang ipinagbabawal na bunga ba ay kumakatawan sa pagtatalik, gaya ng paniniwala ng ilan? Hindi sinusuhayan ng Kasulatan ang pananaw na ito. Unang-una, nang sabihin ng Diyos ang pagbabawal, nag-iisa lamang si Adan at nanatili siyang walang kasama sa loob ng ilang panahon. (Genesis 2:23) Ikalawa, sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Tiyak na hindi niya sila uutusang labagin ang kaniyang kautusan at pagkatapos ay hahatulang mamatay dahil dito! (1 Juan 4:8) Ikatlo, si Eva ang naunang kumain ng bunga, at saka lamang niya binigyan si Adan. (Genesis 3:6) Maliwanag, ang bunga ay hindi kumakatawan sa pagtatalik.
Pagtatangkang Gumawa ng Sariling Pamantayang Moral
Ang punungkahoy ng pagkakilala ay literal na punungkahoy. Gayunman, lumalarawan ito sa karapatan ng Diyos bilang Tagapamahala na magpasiya kung ano ang mabuti at masama para sa kaniyang nilalang na mga tao. Kaya ang pagkain sa bungangkahoy ay hindi lamang pagnanakaw—pagkuha ng isang bagay na pag-aari ng Diyos—kundi pangahas na pagtatangka ring gumawa ng sariling pamantayang moral. Pansinin na pagkatapos magsinungaling si Satanas at sabihin kay Eva na silang mag-asawa ay ‘tiyak na Genesis 3:4, 5.
hindi mamamatay’ kapag kinain nila ang bunga, iginiit ni Satanas: “Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Gayunman, nang kainin nila ang bunga, sina Adan at Eva ay hindi nagkaroon ng tulad-diyos na kaunawaan hinggil sa mabuti at masama. Sa katunayan, sinabi ni Eva sa Diyos: “Ang serpiyente—nilinlang ako nito.” (Genesis 3:13) Gayunman, alam niya ang kautusan ng Diyos, at binanggit pa nga niya ito sa serpiyente, na nagsilbing tagapagsalita ni Satanas. (Apocalipsis 12:9) Kaya sinadya ni Eva na sumuway. (Genesis 3:1-3) Sa kabilang panig, si Adan ay hindi nalinlang. (1 Timoteo 2:14) Sa halip na matapat na sundin ang kaniyang Maylalang, nakinig siya sa kaniyang asawa at sumunod sa mapagsariling landasin nito.—Genesis 3:6, 17.
Dahil sa pagtatangkang magsarili, tuluyan nang sinira nina Adan at Eva ang kanilang kaugnayan kay Jehova at ang kasalanan ay nagkaroon ng namamalaging epekto sa kanilang katawan, pati na sa henetikong kayarian nito. Bagaman nabuhay sila nang daan-daang taon, nagsimula na silang mamatay “sa araw” na magkasala sila, gaya ng sangang pinutol mula sa pinakapuno nito. (Genesis 5:5) Karagdagan pa, nawalan sila ng panloob na kapayapaan sa kauna-unahang pagkakataon. Natanto nilang sila ay hubad at tinangka nilang pagtaguan ang Diyos. (Genesis 3:7, 8) Nakadama rin sila ng pagkakasala, kawalang-kapanatagan, at kahihiyan. Dahil sa nagawa nilang kasalanan, hindi na natahimik ang kanilang kalooban, palibhasa’y inuusig sila ng kanilang budhi sa ginawa nilang masama.
Upang matupad ng Diyos ang kaniyang mga sinabi at masunod ang kaniyang banal na mga pamantayan, makatarungan niyang sinentensiyahan ng kamatayan sina Adan at Eva at pinalayas sila sa hardin ng Eden. (Genesis 3:19, 23, 24) Kaya ang Paraiso, kaligayahan, at buhay na walang hanggan ay napalitan ng kasalanan, pagdurusa, at kamatayan. Kaysaklap ngang pagbabago para sa lahi ng tao! Gayunman, karaka-raka matapos sentensiyahan ang mag-asawa, ipinangako ng Diyos na papawiin niya ang lahat ng pinsalang idinulot ng kanilang kasalanan nang hindi ikinokompromiso ang kaniyang matuwid na mga pamantayan.
Layunin ni Jehova na palayain ang mga supling nina Adan at Eva sa nakamamatay na gapos ng kasalanan. Ginawa niya ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Genesis 3:15; Mateo 20:28; Galacia 3:16) Sa pamamagitan niya, papawiin ng Diyos ang kasalanan pati na ang lahat ng epekto nito at gagawing paraiso ang buong lupa, gaya ng nilayon niya sa pasimula.—Lucas 23:43; Juan 3:16.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
▪ Paano natin nalalaman na ang ipinagbabawal na bunga ay hindi kumakatawan sa pagtatalik?—Genesis 1:28.
▪ Ano ang ipinahihiwatig ng pagkain ng ipinagbabawal na bunga?—Genesis 3:4, 5.
▪ Anong kaayusan ang ginawa ng Diyos upang pawiin ang mga epekto ng kasalanan?—Mateo 20:28.
[Blurb sa pahina 29]
Ang ipinagbabawal na bunga ay hindi kumakatawan sa pagtatalik
[Larawan sa pahina 28, 29]
Gusto ni Eva na maging katulad ng Diyos, na makagagawa ng sariling pasiya kung ano ang mabuti at masama