Maghapong Paglilibot sa Chernobyl
Maghapong Paglilibot sa Chernobyl
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA UKRAINE
Wala pang nangyaring aksidente na katulad ng naganap sa plantang nuklear sa Chernobyl 20 taon na ang nakalilipas. Noong Abril 26, 1986, naging kapaha-pahamak ang nangyaring aksidente sa isa sa apat na reaktor sa plantang iyon. Pagkatapos ng karamihan sa mga sakuna—likas man o gawa ng tao—posible pa ring maglinis at magtayong muli. Gayunman, ang kontaminasyong idinulot ng aksidenteng ito ay may matagal at masasamang epekto.
NITONG nakalipas na mga taon, tuwing Mayo 9, ang dating mga residente ng mga bayang malapit sa planta—kung minsan kasama ng mga kaibigan at kamag-anak—ay nagpupunta sa inabandonang mga bahay na dati nilang tinirhan. Kung minsan, nakikipaglibing sila. Nagpupunta roon ang mga siyentipiko upang pag-aralan ang mga epekto ng radyasyon. Bukod dito, ang mga ahensiyang nagsasaayos ng pamamasyal sa Ukraine ay nag-oorganisa ng maghapong paglilibot sa lugar na ito kamakailan.
Noong Hunyo 2005, sa unang pahina ng The New York Times, binanggit sa isang ulat ang tungkol sa maiikling “pagdalaw [sa Pripet] na may kasamang giya” na “hindi delikado sa kalusugan.” * Ang Pripet—isang lunsod na may mga 45,000 katao, at mga tatlong kilometro ang layo mula sa mga reaktor—ay itinatag noong dekada ng 1970. Subalit inabandona na ito—gaya ng maraming iba pang lunsod—pagkatapos ng nuklear na sakuna. Ipinagbawal na mula noon ang pagpunta sa gayong mga lugar dahil sa radyoaktibidad. Noong nangyari ang aksidente, mga isang taon nang nakatira sina Anna at Victor Rudnik sa Pripet. *
Ang mas maliit na bayan ng Chernobyl (pangalan din ng plantang nuklear) ay mga 15 kilometro ang layo mula sa mga reaktor. May ilang taon nang pinahihintulutan ang dating mga residente nito na pumasyal doon nang minsan sa isang taon. Yamang dating taga-Chernobyl ang pamilya Rudnik, pumasyal sila sa Chernobyl sa pagkakataong ito. Hayaan mong ikuwento ko ang pagdalaw naming mag-asawa kasama nila ilang taon na ang nakalilipas.
Malungkot na Pamamasyal
Mula sa Kiev, ang kabisera ng Ukraine, nagbiyahe kami pahilaga sa makitid na kalsada. Sa maliliit na bayang nadaanan namin, may mga bahay sa tabi ng kalsada, mga tulip sa bakuran, at mga taniman ng gulay. Sa pagitan ng mga bayan, may mga bukid na natatamnan ng mais, trigo, at sunflower hanggang sa abot ng iyong tanaw.
Pero biglang nagbago ang tanawin, na para bang dumaan kami sa hangganan. Walang karatula sa daan, pero napansin namin ang pagbabagong iyon. Nakapangingilabot ang katahimikan sa mga bayang nadaanan namin. Sa sira-sirang mga bahay, basag ang mga bintana at nakakandado ang mga pinto. Puno ng damong ligaw ang mga bakuran sa harapan, at napabayaan ang mga hardin.
Nakarating kami sa sonang hindi basta-basta napapasok—mga 30 kilometro ang layo mula sa mga reaktor. “Mataas ang antas ng radyasyon sa mga bayan sa lugar na ito,” ang sabi sa amin ni Anna. “Mula rito, mahigit 150,000 katao mula sa maraming bayan at nayon ang inilikas sa bagong mga tirahan sa iba’t ibang bahagi ng dating Unyong Sobyet.”
Nagpatuloy kami sa paglalakbay at narating namin ang isa pang sona, na nakabukod dahil nababakuran ito ng napakataas na mga alambreng
may tinik. May mga bantay sa kalapit na istasyong gawa sa kahoy—na parang mga istasyong naniningil ng buwis sa customs—na nag-iinspeksiyon sa mga pumapasok. Isang guwardiya ang nagsiyasat sa aming pasaporte, nagrehistro ng aming sasakyan, at nagbukas ng pintuang-daan.Nasa loob na kami ngayon ng sonang hindi basta-basta napapasok. Nagsisilbing berdeng bubong sa mga daan ang mga punungkahoy na may kauusbong lamang na mga dahon. Makapal ang mga halaman sa pinakasahig ng kagubatan—ibang-iba sa naguguniguni kong sunóg na mga puno at kuluntoy na mga pananim. Sa unahan, nakasulat ang pangalan ng bayang Chernobyl sa asul na mga titik sa puting karatula na gawa sa ladrilyo.
May botika sa hangganan ng Chernobyl. Dating nagtatrabaho roon ang ina ni Victor. Nakasabit pa rin sa maalikabok at maruming bintana ang kupas na karatulang nagsasaad ng oras ng bukás ng botika. Nakatayo malapit sa parke sa sentro ng bayan ang gusaling pangkultura. Nagunita ni Anna na noon pagkatapos ng trabaho, nagrerelaks siya roon pati na ang iba pang residente, habang nanonood ng mga palabas ng iba’t ibang dalubsining. Kalapit nito ang sinehan, na tinatawag na Ukraina, at madalas puntahan ng mga bata noon para matakasan ang init at mapanood ang pinakabagong mga pelikula sa malamig at maalwang lugar. Matagal nang hindi naririnig ang tawanan mula sa madilim na awditoryum. Dinala kami nina Anna at Victor sa dati nilang bahay—sandaling lakarin mula sa sentro ng bayan. Naharangan ng mga punong napabayaan na ang pinto sa harap, kaya isa-isa kaming dumaan sa gitna ng mga damong ligaw patungo sa pinto sa likod—na butas na lamang sa pader nang panahong iyon.
Pawang pagkawasak ang tumambad sa amin sa loob. May nakalundong kutson na puro tagulamin sa ibabaw ng kinakalawang na kama. Nakalaylay na parang maruruming palawit ang natuklap na mga wallpaper. Pinulot ni Anna ang isang lumang litrato mula sa mga gamit na nakakalat sa silid. “Noon ko pa gustong bumalik at makita ang lahat na nakaayos na gaya ng dati,” ang malungkot na sabi niya. “Napakasakit makitang nagmukhang basurahan ang aming tahanan; ninakaw ang aming ari-arian sa paglipas ng mga taon!”
Umalis kami sa bahay ng pamilya Rudnik at naglakad sa kalye. Isang grupo ng mga tao sa kanto ang masayang nagkukuwentuhan. Naglakad pa kami nang kalahating kilometro patungo sa dulo ng kalye kung saan may parkeng nasa talampas at matatanaw ang tahimik na ilog. Sumasayaw sa hihip ng hangin ang puting mga bulaklak ng punong kastanyas. Sa hagdanang pababa sa daungan,
daan-daan ang naghintay noong 1986 upang mailikas ng barko.Noong nakaraang taon, nadalaw ng pamilya Rudnik sa kauna-unahang pagkakataon ang kanilang dating tirahan sa Pripet. Umalis sila sa lunsod pagkaraan ng nuklear na sakuna 19 na taon na ang nakalilipas.
Panahon Para Magbulay-bulay
Ngayong Abril 2006, iba’t ibang pagdiriwang ang gagawin bilang pag-alaala sa ika-20 anibersaryo ng nuklear na sakuna. Para sa marami, nagsisilbing seryosong paalaala ang mga ito sa kawalan ng kakayahan ng tao—sa kabila ng kaniyang taimtim na pagsisikap—na matagumpay na pangasiwaan ang mga gawain sa lupa nang walang patnubay ng Diyos.—Jeremias 10:23.
Inilabas nitong nakaraang Setyembre ang resulta ng makasiyentipikong ulat na muling nagsuri sa trahedya. Ayon sa ulat, na ipinagawa ng United Nations, ang aksidente ay kumitil sa buhay ng 56 katao noong simula at tinatayang 4,000 lamang na pagkamatay ang tuwirang maiuugnay sa bandang huli sa sakit na dulot ng radyasyon. Ayon sa mas naunang mga prediksiyon, mga 15,000 hanggang 30,000 ang bilang ng mga namatay. Ayon sa isang editoryal ng New York Times, sa isyu ng Setyembre 8, 2005, ang ulat ng UN “ay binatikos ng maraming grupong pangkapaligiran bilang may-kinikilingang pagtatangka na itago ang potensiyal na mga panganib ng lakas-nuklear.”
Si Victor, na natuto hinggil sa kaniyang Maylalang, ang Diyos na Jehova, pagkatapos ng sakuna, ay nagsabi: “Hindi na kami nanlulumo, yamang alam namin na pagdating ng Kaharian ng Diyos, hindi na mauulit ang gayong kalunus-lunos na mga aksidente. Inaasam-asam namin ang panahon na ang mga lalawigan sa palibot ng aming tahanan malapit sa Chernobyl ay maiaahon mula sa kalagayan nito sa ngayon at magiging bahagi ng kamangha-manghang paraiso.”
Mula noong maganap ang sakuna sa Chernobyl, naging matibay ang pananalig ng milyun-milyon sa pangako ng Bibliya na muling ibabalik ang orihinal na Paraiso at palalawakin ito sa buong lupa. (Genesis 2:8, 9; Apocalipsis 21:3, 4) Sa Ukraine pa lamang, mahigit nang 100,000 indibiduwal ang nanghawakan sa pag-asang iyan sa nakaraang 20 taon! Mapakilos ka rin nawa na pag-isipan ang magandang kinabukasan na ipinangangako para sa mga nagnanais makaalam sa mga layunin ng Diyos.
[Mga talababa]
^ par. 5 Bagaman idineklara ng iba’t ibang awtoridad na ligtas ang gayong maiikling pagdalaw, hindi nagrerekomenda ang Gumising! ng anumang personal na mga planong maglakbay sa lugar na iyon.
^ par. 5 Tingnan ang Abril 22, 1997, isyu ng Gumising! pahina 12-15.
[Kahon/Larawan sa pahina 16]
Monumento Para Sa Mga Liquidator
Pinararangalan ng pagkalaki-laking monumentong ito ang mga tagapaglinis sa naganap na sakuna sa Chernobyl, na kilala bilang mga liquidator. Sila ang pumatay sa sunog, gumawa ng paraan upang gawing selyado ang nagbabagang plantang nuklear, at nag-alis ng kontaminasyon. Sa bandang huli, umabot sa daan-daang libo ang bilang nila. Tinatayang mga 4,000 pagkamatay ang tuwirang maiuugnay sa aksidente at ang karamihan sa mga ito ay mula sa mga tagapaglinis na ito.
[Mga larawan sa pahina 15]
Karatula ng bayan ng Chernobyl, at ang sinehan nito
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang pamilya Rudnik at ang kanilang bahay sa Chernobyl
[Mga larawan sa pahina 16]
Planta ng kuryente kung saan nangyari ang aksidente, mga tatlong kilometro mula sa apartment ng pamilya Rudnik sa Pripet (nakasingit na larawan)