Ang Resipi ng Tunay na Kaligayahan
Ang Resipi ng Tunay na Kaligayahan
TIYAK na masarap ang pagkain kapag mahusay ang resipi at magaling ang tagapagluto! Sa diwa, gayundin sa kaligayahan. Hindi ito resulta ng iisang salik lamang, kundi ng maraming bagay sa buhay na pinagsama-sama upang maging maligaya ang isa. Kasama rito ang pagtatrabaho, paglalaro, paglalaan ng panahon kasama ng mga kapamilya at mga kaibigan, at pakikibahagi sa espirituwal na mga gawain. Pero nariyan din ang ilang di-gaanong napapansing salik gaya ng saloobin, hangarin, at mga tunguhin sa buhay.
Mabuti na lamang at hindi na natin kailangan pang isipin kung saan makikita ang resipi ng tunay na kaligayahan. Bakit? Dahil pinagkalooban tayo ng ating Maylalang ng isang kamangha-manghang aklat ng tagubilin, ang Bibliya, na makukuha na ngayon sa kabuuan o bahagi nito sa 2,377 wika at diyalekto—di-hamak na mas maraming wika kung ihahambing sa iba pang publikasyon sa buong daigdig!
Ipinakikita ng kahanga-hangang estadistikang ito na interesado ang Diyos sa kaligayahan at espirituwal na kapakanan ng lahat ng tao. (Gawa 10:34, 35; 17:26, 27) “Ako . . . ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka,” ang sabi ng Diyos. Kung susundin natin ang kaniyang mga utos, nangangako siya na ang ating kapayapaan ay magiging “gaya ng ilog.”—Isaias 48:17, 18.
Ipinaaalaala sa atin ng pangakong iyan ang mga salita ni Jesus na sinipi sa naunang artikulo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Ang espirituwalidad na binabanggit dito ay hindi pagiging bahagi lamang ng isang relihiyon. Sa halip, nasasangkot dito ang buong buhay natin. Ipinakikita nito ang ating pagnanais na makinig at magpaturo sa Diyos dahil tinatanggap natin na mas kilala niya tayo kaysa sa pagkakilala natin sa ating sarili. “Ang talagang nakakumbinsi sa akin na ang Bibliya ay mula sa Diyos,” ang sabi ni Errol, isang estudyante sa Bibliya sa loob ng mahigit 50 taon, “ay kapag ikinapit mo ang mga turo nito, napakabisa ng mga ito!” Halimbawa, isaalang-alang ang napakainam na payo ng Bibliya hinggil sa mga bagay na gaya ng pagtataguyod ng kayamanan at kaluguran.
Matalinong Payo Hinggil sa Pera
“Kahit na may kasaganaan ang isang tao,” ang sabi ni Jesus, “ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Oo, ang iyong tunay na halaga bilang indibiduwal, lalo na sa paningin ng Diyos, ay hindi nakadepende sa laki ng deposito mo sa bangko. Sa katunayan, ang pagkakamal ng kayamanan ay kadalasan nang nakadaragdag ng kabalisahan, na nakababawas naman sa kagalakan sa buhay at umaagaw ng panahon para sa mas mahahalagang bagay.—Marcos 10:25; 1 Timoteo 6:10.
Ayon kay Richard Ryan, isang propesor ng sikolohiya sa Estados Unidos, miyentras sinisikap ng mga tao na hanapin ang kasiyahan sa materyal na mga bagay, lalo naman nila itong hindi masumpungan. Ganito ang pagkakasabi ng manunulat ng Bibliya na si Solomon: “Sinumang umiibig sa salapi ay hindi nasisiyahan dito kahit kailan; sinumang nagmamahal sa kayamanan ay hindi nasisiyahan sa kanyang tinatanggap.” (Eclesiastes 5:10, Ang Biblia—New Pilipino Version) Maihahambing ang kalagayan sa isang makating kagat ng lamok—miyentras kinakamot mo, lalo itong kumakati, hanggang sa magsugat ito.
Pinasisigla tayo ng Bibliya na magpagal at masiyahan sa bunga ng ating pagpapagal. (Eclesiastes 3:12, 13) Sa paggawa nito, nadaragdagan ang ating paggalang sa sarili—isa pang napakahalagang sangkap sa kaligayahan. Maaari rin tayong masiyahan sa ilang kapaki-pakinabang na kaluguran ng buhay. Subalit may kaibahan ang pagtatamasa ng ilang mabubuting bagay na naibibigay ng pera at ang pagsesentro ng ating buhay sa pagkakamal ng kayamanan.
Ang Wastong Dako ng Kaluguran sa Ating Buhay
Ang pagkakaroon ng espirituwal na pananaw sa buhay ay nakatutulong sa atin na makinabang nang husto sa paglilibang at iba pang kaluguran. Nasiyahan si Jesus sa nakalulugod na mga okasyon na may inihandang mga pagkain at inumin. (Lucas 5:29; Juan 2:1-10) Pero maliwanag na hindi ito ang pangunahing pinagmumulan ng kaniyang kagalakan. Sa halip, lubha siyang nalulugod sa pagtataguyod ng espirituwal na mga bagay, kasama na rito ang pagtulong sa iba na makilala ang Diyos at matutuhan ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan.—Juan 4:34.
Sinubukan ni Haring Solomon ang iba’t ibang kaluguran upang makita kung ang mga ito ay magdudulot ng kaligayahan. “Magpapakasasa ako sa mga kaluguran at masisiyahan mula rito,” ang sabi niya. Hindi lamang basta tikim ang ginawa ng mayamang haring ito. Nagpakasasa siya sa mga kalugurang ito! Pero ano ang nadama niya pagkatapos? “Ito rin ay walang kabuluhan,” ang isinulat niya.—Eclesiastes 2:1, New English Bible.
Kabiguan—iyan ang karaniwang nadarama ng mga naghahanap at nagtataguyod ng kaluguran. Sa katunayan, nang ihambing ng mga mananaliksik ang pagtataguyod ng kaluguran at ang mga bagay na gaya ng makabuluhang paggawa, espirituwal na mga gawain, at paggawang kasama ng pamilya, nasumpungan nila na ang paghahanap at pagtataguyod ng kaluguran ay walang gaanong naidudulot na kaligayahan sa mga tao.
Maging Bukas-Palad at Mapagpasalamat
Sa halip na maging makasarili, ugali ng maliligayang tao na maging bukas-palad at mapagmalasakit sa iba. “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” ang sabi ni Jesus. (Gawa 20:35) Bukod sa pagbibigay sa materyal na paraan, maibibigay rin natin ang ating panahon at lakas, na malamang na mas pahahalagahan, lalo na sa loob ng pamilya. Ang mga mag-asawa ay dapat gumugol ng panahon upang mapanatili nilang matibay at maligaya ang kanilang ugnayan, at kailangang maglaan ng sapat na panahon ang mga magulang para sa kanilang mga anak, anupat kinakausap sila, ipinakikitang mahal nila sila, at tinuturuan sila. Kapag ang mga miyembro ng pamilya ay nagbibigay sa gayong mga paraan, sumusulong sila at ang kanilang tahanan ay nagiging kanlungan ng kaligayahan.
Sa kabilang panig naman, kapag ang iba ay nagbibigay sa iyo—ito man ay ang kanilang lakas at panahon o sa ibang paraan—‘ipinakikita mo bang ikaw ay mapagpasalamat’? (Colosas 3:15) Ang pamumuhay alinsunod sa mga pananalitang ito ay may malaking epekto sa ating pakikipag-ugnayan sa iba at lalong makadaragdag sa ating kagalakan. Kapag may taos-pusong nagpapasalamat sa iyo, hindi ba’t nalilipos ng kagalakan ang iyong puso?
Ang pagiging mapagpasalamat ay tumutulong din sa atin na higit na makita ang mabubuting bagay na tinatamasa natin. Sa isang masusing eksperimento, isang mananaliksik sa University of California sa Riverside, E.U.A., ang nagpagawa sa mga taong sinusuri niya ng isang “talaarawan ng pasasalamat”—isang pang-araw-araw na rekord ng mga bagay na ipinagpapasalamat nila. Hindi kataka-taka na sa loob ng anim na linggo, nadama ng mga taong ito na higit silang nasisiyahan sa kanilang buhay.
Ano ang aral? Anuman ang kalagayan mo, bulay-bulayin ang mga pagpapalang tinatamasa mo. Sa katunayan, hinihimok tayo ng Bibliya na gawin iyon sa pagsasabi: “Lagi kayong magsaya. May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” (1 Tesalonica 5:16, 18) Siyempre, upang magawa iyan, kailangan tayong magsikap na alalahanin ang mabubuting bagay na tinatamasa natin. Bakit hindi mo gawing tunguhin iyan?
Pag-ibig at Pag-asa—Mahalaga sa Kaligayahan
Wastong sabihin na mula pagkasilang hanggang sa kamatayan, kailangan ng tao ang pag-ibig. Kung wala ito, manlulumo at manghihina ang tao. Subalit ano ba talaga ang pag-ibig? Bagaman sa ngayon ay iba-iba na ang pagpapakahulugan sa salitang ito, maganda ang pagkakalarawan dito ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait,” ang sabi nito. “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.”—1 Corinto 13:4-8.
Talaga ngang hindi makasarili ang tunay na pag-ibig! Dahil ‘hindi nito hinahanap ang sarili nitong kapakanan,’ inuuna nito ang kaligayahan ng iba bago ang sarili nitong kapakinabangan. Nakalulungkot, nagiging bihira na ngayon ang gayong pag-ibig. Sa katunayan, sa kaniyang napakahalagang hula hinggil sa kawakasan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, sinabi ni Jesus na “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—Mateo 24:3, 12; 2 Timoteo 3:1-5.
Subalit ang kalagayang ito ay hindi mananatili magpakailanman, yamang insulto ito sa Maylalang—ang mismong personipikasyon ng pag-ibig! (1 Juan 4:8) Di-magtatagal, aalisin ng Diyos mula sa lupa ang lahat ng taong punô ng poot o kasakiman. Ang iingatan lamang niyang buháy ay ang mga masikap na naglilinang ng pag-ibig na inilarawan sa itaas. Bilang resulta, mananaig ang kapayapaan at kaligayahan sa buong lupa. Tiyak na matutupad ang hula ng Bibliya: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Isip-isipin na ang bawat araw ay lipos ng “masidhing kaluguran”! Kaya kataka-taka bang sabihin ng Bibliya: “Magsaya kayo sa pag-asa”? (Roma 12:12) Nais mo bang makaalam pa nang higit hinggil sa kamangha-manghang pag-asa na iniaalok ng Diyos sa masunuring sangkatauhan? Kung gayon, pakisuyong basahin ang susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 7]
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Mga Kuwento ng Tagumpay—Gaano Katotoo ang mga Ito?
Paminsan-minsan, nakaririnig tayo ng mga salaysay hinggil sa mga indibiduwal na lumaki sa magulong pamilya subalit nagpunyagi nang husto at naging napakayaman. “Kung minsan, binabanggit ang gayong mga kuwento bilang patotoo na nadaig nila ang di-kaayaayang mga kalagayan, at nagtagumpay sila sa kabila ng o dahil sa di-magandang pagpapalaki sa kanila,” ang paliwanag ng isang ulat sa San Francisco Chronicle hinggil sa kaligayahan. “Ang problema sa interpretasyong ito, ayon sa pagsasaliksik, ay na maaaring hindi naman talaga sila naging maligaya. Naging mayaman lamang sila.”
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Nagdudulot ng Mabuting Kalusugan ang Kaligayahan
Nakabubuti sa kalusugan ang masayang disposisyon. “Ang kaligayahan o kaugnay nitong mga saloobin gaya ng pagkakaroon ng pag-asa, optimismo at pagkakontento ay lumilitaw na nakababawas sa panganib o sa kalubhaan ng sakit sa puso, sakit sa baga, diyabetis, alta presyon, sipon at mga impeksiyon sa palahingahan,” ayon sa isang ulat sa magasing Time. Karagdagan pa, kamangha-manghang malaman na ayon sa isang siyam-na-taóng pagsusuri sa mga may-edad nang pasyente sa Holland, ang isang maligaya at positibong saloobin ay nakabawas nang 50 porsiyento sa panganib na mamatay ang isa!
Hindi pa malinaw kung paano nakaaapekto sa pangangatawan ang kalagayan ng isip. Subalit ipinakikita ng pagsasaliksik na ang positibo at optimistikong mga tao ay may mas mababang antas ng cortisol, isang hormon na inilalabas ng katawan kapag nakadarama ito ng kaigtingan at kilala na nagpapahina sa sistema ng imyunidad ng isa.
[Larawan sa pahina 4, 5]
Kung paanong makapagluluto ka ng masarap na pagkain kapag sinunod mo ang isang mahusay na resipi, makakamit mo ang kaligayahan kapag sinunod mo ang patnubay ng Diyos