Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Tinatayang 200 milyon katao, 5 porsiyento ng populasyon sa daigdig na 15 hanggang 64 na taóng gulang, ang gumamit ng bawal na mga gamot noong nakaraang taon.—2005 WORLD DRUG REPORT, OFFICE ON DRUGS AND CRIME NG UNITED NATIONS.
▪ Ayon sa ipinahihiwatig ng mga pagsasaliksik, ang isang tin-edyer na nakasaksi ng barilan ay halos dalawang beses na mas malamang na masasangkot sa karahasan sa loob ng susunod na dalawang taon.—MAGASING SCIENCE, E.U.A.
▪ Sa São Paulo, Brazil, 16.8 porsiyento ng mga may kanser sa suso na nasuri sa isang ospital sa loob ng isang taon ay mga babaing wala pang 35 taóng gulang. Kung masusuri nang maaga, 90 porsiyento ang tsansa na gumaling ang pasyente.—FOLHA ONLINE, BRAZIL.
Pagdaig sa Pagkabagot
Sinasabi ng mga mananaliksik, na nag-aaral hinggil sa pagkabagot, na ito ay “isa sa pangunahing mga karamdaman sa ating panahon,” ang ulat ng The Vancouver Sun. Natuklasan sa isang surbey na “halos tatlo sa apat na taga-Hilagang Amerika ang nagsasabing gustung-gusto nila ng kakaiba at bago sa kanilang buhay.” Kabilang sa mga mungkahi ng pahayagan upang madaig ang pagkabagot ay: “Bagu-baguhin ang iyong rutin,” “mag-aral ng bagong mga bagay,” “magboluntaryo sa makabuluhang gawain,” “mag-ehersisyo, gaya ng . . . paglalakad,” at “maging mapagpasalamat.”
Makabagong Pang-aalipin
“Di-kukulangin sa 12.3 milyon katao ang biktima ng puwersahang pagtatrabaho sa buong daigdig,” ang ulat ng pag-aaral ng International Labor Organization (ILO) ng United Nations. Tinataya na sa mga ito, mahigit 2.4 milyon ang ibinenta bilang mga alipin. Ang mga halimbawa ng puwersahang pagtatrabaho—sapilitang pagtatrabaho o paglilingkod na may pagbabanta—ay prostitusyon, pagsusundalo, at pagtatrabaho bilang pambayad-utang, kaya maliit o wala pa ngang kinikita ang mga manggagawa. Ayon sa director general ng ILO na si Juan Somavia, ang gayong pagtatrabaho ay “nagkakait sa mga tao ng kanilang saligang karapatan at dignidad.”
Kauna-unahang Kumpletong Bibliya sa Wikang Kriol
“Ang kauna-unahang salin ng Bibliya mula Genesis hanggang Apocalipsis sa katutubong wika ng Australia ay natapos na,” ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Ang bagong salin sa wikang Kriol, na nakatakdang ilabas sa taóng 2007, ay pakikinabangan ng mga 30,000 Aborigine mula sa liblib na mga rehiyon ng Hilagang Australia. “Sinimulan ang proyekto 27 taon na ang nakalilipas,” ang sabi ng pahayagan. Ayon sa United Bible Societies, “22 bagong mga salin ng Bagong Tipan ang nairehistro noong 2004.” Mababasa na ngayon ang buong Bibliya o ang bahagi nito sa 2,377 wika at diyalekto.
Temperatura sa Loob ng Nakaparadang Sasakyan
Noong 2004, 35 bata ang namatay sa Estados Unidos dahil sa heat stroke matapos iwanan sa loob ng nakaparadang sasakyan, ang sabi ng magasing Pediatrics. Ipinakikita ng pag-aaral na kapag ang temperatura sa labas ay mahigit 30 digri Celsius, ang temperatura sa loob ng sasakyan ay mabilis na aabot sa 57 hanggang 68 digri Celsius. Kahit na 22 digri Celsius ang temperatura sa labas, maaaring uminit pa ng karagdagang halos 22 digri ang temperatura sa loob ng sasakyan. Ang pagtaas ng temperatura ay karaniwang nangyayari sa loob ng 15 hanggang 30 minuto matapos maiparada ang sasakyan. Ganito rin ang kalagayan kahit iwang nakabukas nang apat na sentimetro ang mga bintana at kahit paandarin pa ang air-conditioner bago patayin ang makina ng sasakyan. Sinasabi ng mga awtor ng lathalain na ang kabatiran ng publiko sa panganib ay makapagliligtas ng buhay.