Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Depende sa kagustuhan ng bawat nagbabayad ng buwis, ibinubukod ng gobyerno ng Espanya ang 0.5 porsiyento ng mga buwis para ibigay alinman sa mga organisasyong Katoliko o pangkawanggawa. Bagaman 80 porsiyento ng mga Kastila ang nagsasabing Katoliko sila, 20 porsiyento lamang ang nagpasiyang iabuloy ito sa simbahan.—EL PAÍS, ESPANYA.
▪ “Ang paninigarilyo sa edad na 30 ay nagpapaikli nang 5 1⁄2 taon sa inaasahang haba ng buhay ng isang lalaki, at mahigit 6 1⁄2 taon naman sa mga babae,” ayon sa talahanayan ng haba ng buhay na ginawa ng Institute of Actuaries. Gayunman, ang paghinto sa edad na 30 ay nagpapababa nang husto sa panganib na mamatay ang isa dahil sa sakit na nauugnay sa paninigarilyo.—THE TIMES, INGLATERA.
▪ Noong 2004, ang dami ng nakokonsumong langis sa buong daigdig ay tumaas nang 3.4 porsiyento at naging 82.4 milyong bariles bawat araw. Ang Estados Unidos na gumagamit ngayon ng 20.5 milyong bariles bawat araw at ang Tsina na gumagamit naman ng 6.6 milyong bariles bawat araw ang dahilan ng halos kalahati ng pagdaming ito.—VITAL SIGNS 2005, WORLDWATCH INSTITUTE.
“Pahalagahan Mo ang Iyong Ina”
Tinataya ng mga analista sa pagtatrabaho na kung susuwelduhan sa lahat ng kaniyang trabaho ang isang ina sa Canada na naiiwan sa tahanan at may dalawang anak na nasa edad na para mag-aral, ang magiging taunang sahod niya, pati na sa obertaym, ay $163,852 (ng Canada). Ang halagang ito ay batay sa katamtamang laki ng suweldo sa kasalukuyan at sa “100-oras na pagtatrabaho sa loob ng isang linggo, na binubuo ng anim na araw na tig-15 oras at isang araw na 10 oras,” ang sabi ng diyaryong Vancouver Sun. Kabilang sa mga responsibilidad ng isang ina na naiiwan sa tahanan ang pag-aasikaso sa mga bata, pagtuturo, pagmamaneho, paglilinis ng bahay, pagluluto, pag-aalaga ng maysakit, at pagkukumpuni ng kagamitan sa bahay. Ganito ang payo ng diyaryo: “Pahalagahan mo ang iyong ina: Malamang na kulang ang suweldo niya.”
Nakalilitong Pamantayan ng mga Kabataan
Parami nang paraming kabataan sa Finland ang “umiimbento ng kanilang sariling mga pamantayang moral,” ang sabi sa pahayagan ng University of Jyväskylä, sa Finland. Sa ngayon, karaniwan nang “kung saan-saan pinupulot ng mga tao ang kanilang pamantayan, na para bang namímilí sila,” ang sabi ng pahayagan. Nagkakasalungatan kung minsan ang mga resulta. Halimbawa, naniniwala ang mga kabataan na mahalagang ipamahagi nang patas ang yaman at kasaganaan; subalit, kasabay nito, “pabor [sila] sa agresibo at mahigpit na kompetisyon.”
Panganib na Maisalin ang Prion
Sa isang opisyal na pahayag sa media kamakailan, sinabi ng Ahensiyang Pangkalusugan at Pangkaligtasan Para sa Medikal na mga Produkto sa Pransiya na mas malaki ang posibilidad na mahawahan ng mga prion ang isang tao sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo kaysa sa dating inaakala. Ang mga prion ay mga molekula ng protina na sinasabing sanhi ng variant Creutzfeldt-Jakob disease (vCJD) sa tao. Ang nakamamatay na sakit na ito na sumisira sa sistema ng nerbiyo at wala pang lunas ay naiibang anyo ng bovine spongiform encephalopathy na nakaaapekto sa tao at mas kilala bilang mad-cow disease. Binanggit ng ahensiya na idineklarang mas malaki ang panganib matapos matuklasan ang dalawang kaso ng posibleng pagkahawa sa vCJD dahil sa pagsasalin ng dugo sa Britanya. Wala pang natutuklasang mapananaligang pagsubok upang masuri ang sakit na ito bago pa lumitaw ang mga sintomas.
Paghahangad ng Mas Balingkinitang Pangangatawan
Natuklasan sa isang pananaliksik na “hindi kontento sa kanilang pangangatawan ang mga batang babae na limang taóng gulang pa lamang at gusto nilang mas pumayat pa,” ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Binanggit ng ulat ang isang pag-aaral sa mga batang babae sa Australia na lima hanggang walong taóng gulang. Gusto ng halos kalahati ng mga batang babae na mas pumayat pa, at gayundin karami ang nagsabing “magdidiyeta sila kapag bumigat ang kanilang timbang.” Sinabi ng isang mananaliksik na ang di-magandang ideya ng mga bata hinggil sa tamang hubog ng katawan ay “maaaring humantong sa kalaunan sa mababang pagtingin sa sarili, depresyon at mga sakit na nauugnay sa pagkain.”