Pagharap sa Hamon ng Pagtanda
Pagharap sa Hamon ng Pagtanda
“PITUMPUNG taon ang haba ng aming mga araw—o walumpu kung taglay namin ang kalakasan; ngunit ang pinakamabuting mga taon ay batbat ng hirap at kalungkutan, sapagkat mabilis itong dumaraan at kami ay ipinapadpad.” (Awit 90:10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Pinatutunayan ng 3,000-taóng patulang awit na ito na ang pagtanda ay napakatagal nang hamon. Sa kabila ng kahanga-hangang pagsulong sa medisina, ang ilang aspekto ng pagtanda ay nagdudulot pa rin ng “hirap at kalungkutan.” Ano ang mga ito at paano nakakayanan ng ilan ang mga hamong inihaharap nito?
Matanda Na Subalit Matalas Pa ang Isip
“Ang labis kong kinatatakutan,” ang daing ni Hans na 79 na taóng gulang, “ay ang pag-uulianin.” Katulad ng maraming may-edad na, nangangamba si Hans na maging malilimutin. Nababahala siya dahil baka hindi na niya makontrol ang tinatawag ng isang sinaunang makata na “ginintuang mangkok”—ang mahalagang utak at ang ginintuang mga alaala nito. (Eclesiastes 12:6) Nagtanong si Hans, “Normal na bahagi ba ng pagtanda ang pagpurol ng isip?”
Kung tulad ni Hans ay nakakalimutan mo ang mga pangalan o nag-aalala ka kung ang pagiging malilimutin ay simula ng malubhang pagpurol ng isip, makaaasa ka: Ang pagkamalilimutin ay nararanasan anuman ang edad, at ang mga pagbabago sa paggana ng utak na nararanasan ng isang may-edad na ay karaniwan nang hindi dahil sa dementia (isang uri ng sakit sa isip). * Bagaman karaniwan na sa huling bahagi ng buhay ang bahagyang pagkawala ng memorya, “karamihan sa mga may-edad na ay may ganap na kontrol sa kanilang mga kakayahang pangkaisipan habang nabubuhay sila,” ang sulat ni Dr. Michael T. Levy, tsirman ng behavioral science sa Staten Island University Hospital sa New York.
Totoong mas mabilis naaalaala ng mga nakababata ang espesipikong mga impormasyon kaysa sa mga nakatatanda. Subalit, “kung hindi oorasan,” ang sabi ng neurologong si Richard Restak, “magkasinghusay ang mga nakababata at nakatatanda sa pangkalahatan.” Sa katunayan, sa pamamagitan ng angkop na edukasyon at pagsasanay, ang malulusog
na utak ng matatanda ay patuloy na natututo, nakaaalaala, at nakapagpapasulong pa nga ng ilang kakayahan.Paghina ng Memorya at mga Sakit na Nalulunasan
Paano kung makaranas ang isa ng mas malubhang paghina ng memorya? Mangyari man ito, hindi niya dapat agad isipin na dementia ang problema. Maraming iba pang nalulunasang sakit, na nararanasan sa huling bahagi ng buhay, ang maaaring maging sanhi ng paghina ng memorya at ng bigla at di-pangkaraniwang pagkalito. Ang gayong mga sakit ay madalas na may kamaliang tinatawag na “pagtanda” o “pag-uulianin”—kung minsan kahit ng mga propesyonal sa paggagamot na tumanggap ng maling impormasyon. Hindi lamang ito mapandusta sa mga may-edad nang pasyente kundi malamang na mahadlangan pa sila nitong kumuha ng angkop na medikal na paggamot. Ano kaya ang ilan sa mga sakit na ito?
Ang bigla at di-pangkaraniwang pagkalito ay maaaring dahil sa malnutrisyon, pagkaubos ng tubig sa katawan, anemya, pinsala sa ulo, mga problema sa thyroid, kakulangan sa bitamina, masasamang epekto ng gamot, o nakalilito pa ngang pagbabago sa kapaligiran. Ang mga problema sa memorya ay maaaring dahil sa nagtatagal na kaigtingan, samantalang ang impeksiyon ay kilalang sanhi ng pagkalito ng mga may-edad na. Ang depresyon ay maaari ring sanhi ng paghina ng memorya at pagkalito ng may-edad nang mga pasyente. Kaya “kapag biglang nagsimula ang pagkalito,” ang payo ni Dr. Levy, “hinding-hindi ito dapat ipagwalang-bahala o ituring na di-malulunasang pag-uulianin.” Maaaring makatulong ang masusing medikal na pagsusuri upang matukoy ang pangunahing sanhi ng mga sintomas.
Pagharap sa Depresyon
Hindi na bago sa mga tao ang depresyon, kahit pa nga sa tapat na mga lingkod ng Diyos. Halos dalawang libong taon na ang lumipas, kinailangang payuhan ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Sa ating maigting na panahon, lalong higit na kailangan iyan. Gayunman, nakalulungkot na ang depresyon ng mga may-edad na ay kadalasang hindi nasusuri o mali ang pagkakasuri.
Dahil sa laganap na maling akala na lalong nalulumbay at nagiging sumpungin ang mga tao kapag nagkakaedad na, ang mga sintomas ay maaaring ituring—ng iba at maging ng mga may-edad na—na normal na bahagi ng pagtanda. “Gayunman, hindi ito totoo,” ang sabi ng aklat na Treating the Elderly. “Ang depresyon ng mga may-edad na ay hindi bahagi ng normal na proseso ng pagtanda.”
Ang nagtatagal na clinical depression (malulubhang uri ng depresyon)—na naiiba sa karaniwan o panandaliang kalungkutan—ay isang malubhang sakit na maaaring magkaroon ng malulubhang resulta at hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang depresyon na hindi naagapan ay maaaring lumubha at mamalagi kaya ang ilang pasyente ay *—Marcos 2:17.
nagpapatiwakal. Ang kalunus-lunos sa depresyon ng may-edad nang mga pasyente, ang paliwanag ni Dr. Levy, ay na “sa lahat ng sakit sa isip, ang may pinakamalaking pag-asa na malunasan ay siya pang pinakanakamamatay.” Kung magtagal ang depresyon, ang pasyente ay maaaring kailangang gamutin ng isang propesyonal na may karanasan sa paggamot sa may mga mood disorder.Makatitiyak ang mga dumaranas ng depresyon na si Jehova “ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Siya ay “malapit sa mga wasak ang puso.” (Awit 34:18) Tunay nga na siya ang pangunahing “umaaliw sa mga nalulugmok.”—2 Corinto 7:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Hindi Kailangang Makadamang Walang Silbi
“Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan,” ang ipinanalangin ng tapat na si Haring David mahigit 3,000 taon na ang lumipas. (Awit 71:9) Maging sa ika-21 siglo, karaniwang ganiyan ang damdamin ng mga matatanda na nangangambang baka ituring na silang walang pakinabang. Ang limitadong mga kakayahan dahil sa mahinang kalusugan ay madaling humahantong sa pagkadama na di-sapat ang nagagawa ng isa, at ang sapilitang pagreretiro ay maaaring makabawas sa pagpapahalaga sa sarili.
Subalit sa pagtutuon ng pansin sa kaya nating gawin sa halip na panghinaan ng loob dahil sa hindi na natin magagawa, mapananatili natin ang pagkadama ng pagpapahalaga sa sarili at pagiging kapaki-pakinabang. Kaugnay nito, inirerekomenda ng isang ulat mula sa UN ang ‘patuloy na pagsulong sa pamamagitan ng pormal at di-pormal na pagkatuto, pagsali sa mga organisasyon sa komunidad, at relihiyosong mga gawain.’ Makikita sa halimbawa ni Ernest, isa sa mga Saksi ni Jehova na bihasang panadero at retirado na mula sa Switzerland, ang kapakinabangan ng ‘patuloy na pagsulong sa pamamagitan ng pagkatuto.’ Noong nasa mga edad 70 na, nagpasiya siyang bumili ng computer at pag-aralang gamitin iyon. Bakit niya ginawa iyon gayong marami sa kaniyang kaedad ay natatakot sa teknolohiya? “Una,” ipinaliwanag niya, “upang panatilihing aktibo ang aking isip habang ako ay tumatanda. At ikalawa, upang makaalinsabay sa teknolohiya na makatutulong sa aking pagsasaliksik sa Bibliya at sa aking gawain sa kongregasyong Kristiyano.”
Ang pagiging abala sa makabuluhang mga gawain ay makapupuno sa maraming mahahalagang pangangailangan ng matatanda: Tumutulong ito upang makadama sila ng layunin at kasiyahan at maaari pa ngang makapaglaan ng dagdag na kita. Naobserbahan ng matalinong haring si Solomon na kaloob ng Diyos sa tao ang “magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal.”—Eclesiastes 3:12, 13.
Paggawa ng Ating Buong Makakaya
Sa maraming lipunan, ang matatanda ang siyang nagpapasa ng kaalaman pati ng moral at espirituwal na mga simulain sa susunod na mga henerasyon. Sumulat si Haring David: “Kung matanda na ako’t maputi na ang buhok, huwag mo akong itatakwil, O Dios, hanggang maipahayag ko ang kapangyarihan mo sa lahing susunod, at ang kalakasan mo sa lahat ng darating.”—Awit 71:18, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Paano kung ang matatanda ay lubhang nahahadlangan ng mahinang kalusugan o mga kalagayan? Ang ganitong kalagayan ay nakabahala sa 79-na-taóng-gulang na si Sarah, isa sa mga Saksi ni Jehova, na nagsabi ng kaniyang panghihina ng loob sa isang Kristiyanong elder. Ipinaalaala sa kaniya ng Santiago 5:16) “Sa paglipas ng mga taon,” ipinaliwanag niya, “naitatag mo na ang isang malapít na kaugnayan sa Diyos. Ngayon ay maaari kaming makinabang sa kaugnayang iyan kapag personal kang nananalangin para sa amin.” Labis siyang napatibay nang sabihin ng elder, “Sarah, kailangan namin ang panalangin mo alang-alang sa amin.”
elder ang simulain sa Bibliya na ang ‘pagsusumamo ng taong matuwid ay may malakas na puwersa.’ (Gaya ng natanto ni Sarah, ang pananalangin ay isang kapaki-pakinabang at makahulugang paraan para sa marami sa mga may-edad na upang magpagal gabi at araw alang-alang sa iba. (Colosas 4:12; 1 Timoteo 5:5) Kasabay nito, ang gayong mga panalangin ay nakatutulong sa tapat na mga may-edad na upang maging malapít sa “Dumirinig ng panalangin,” si Jehova.—Awit 65:2; Marcos 11:24.
Ang nakatatandang mga adulto na may limitasyon subalit nagbabahagi ng kanilang karanasan at mga tinataglay ay itinuturing na mahalagang yaman sa kanilang mga komunidad. Pinatutunayan nila na ang “ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.”—Kawikaan 16:31.
Gayunman angkop na maitatanong natin: Anong kinabukasan ang naghihintay sa ating pagtanda? Makatotohanan bang umasang magkakaroon ng mas mabuting kalagayan sa huling bahagi ng ating buhay?
[Mga talababa]
^ par. 5 Sinasabi ng ilang mananaliksik na “halos 90 porsiyento ng mga tao na mahigit 65 ang edad ay walang dementia.” Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paggamot sa dementia, pakisuyong tingnan ang seryeng “Alzheimer’s Disease—Iniibsan ang Kirot,” sa isyu ng Gumising! ng Setyembre 22, 1998.
^ par. 13 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Kailangang tiyakin ng mga Kristiyano na ang paraan ng paggamot na pipiliin nila ay kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Pakisuyong tingnan ang serye na “Pag-unawa sa mga Mood Disorder,” sa Enero 8, 2004, isyu ng Gumising!
[Blurb sa pahina 5]
Madalas madama ng matatanda na napag-iiwanan sila sa ating moderno at mabilis-magbagong daigdig
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Paano Mo Matutulungan ang Matatanda
▪ Ingatan ang Kanilang Dignidad. “Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki. Sa halip, mamanhik ka sa kaniya gaya ng sa isang ama, . . . sa matatandang babae gaya ng sa mga ina.”—1 Timoteo 5:1, 2.
▪ Makinig Nang Mabuti. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.”—Santiago 1:19.
▪ Magpakita ng Empatiya. “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip, na hindi gumaganti ng pinsala sa pinsala o ng panlalait sa panlalait.”—1 Pedro 3:8, 9.
▪ Unawain Kung Kailan Kailangan ng Pampatibay-Loob. “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.”—Kawikaan 25:11.
▪ Isali Sila sa Inyong mga Aktibidad. “Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy.”—Roma 12:13.
▪ Mag-alok ng Praktikal na Tulong. “Ang sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikitang nangangailangan ang kaniyang kapatid at gayunma’y pinagsasarhan siya ng pinto ng kaniyang magiliw na pagkamahabagin, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos? Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:17, 18.
▪ Magkaroon ng Mahabang Pagtitiis. “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”—Colosas 3:12.
Sa pag-aalaga sa matatanda, iginagalang natin ang pamantayan ng Diyos dahil nakasaad sa kaniyang Salita: “Pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.”—Levitico 19:32.
[Larawan sa pahina 6]
Baka makatulong ang masusing medikal na pagsusuri