Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Peregrino at mga Puritan—Sino Sila?

Mga Peregrino at mga Puritan—Sino Sila?

Mga Peregrino at mga Puritan​—Sino Sila?

SA DALAMPASIGAN ng Plymouth, Massachusetts sa Hilagang Amerika, makikita ang malaking batong granito na may nakaukit na 1620. Tinatawag itong Plymouth Rock, at pinaniniwalaan ng marami na malapit ito sa lugar na pinagdaungan ng grupo ng mga Europeo halos 400 taon na ang lumipas. Baka kilala mo sila sa tawag na mga Peregrino (Pilgrim).

Marami ang nakaaalam sa mga kuwento tungkol sa mapagpatuloy na mga Peregrino na nag-aanyaya sa kanilang mga kaibigang Katutubong Amerikano sa saganang kainan sa panahon ng pag-aani. Subalit sino ang mga Peregrino, at bakit sila nagtungo sa Hilagang Amerika? Upang masagot ito, bumalik tayo sa panahon ng haring Ingles na si Henry VIII.

Relihiyosong Kaligaligan sa Inglatera

Wala pang 100 taon bago maglayag ang mga Peregrino, ang Inglatera noon ay Romano Katolikong lupain at si Haring Henry VIII ang may hawak ng titulong Tagapagtanggol ng Pananampalataya na iginawad ng papa. Subalit nagkaroon ng alitan nang tumanggi si Pope Clement VII na pawalang-bisa ang kasal ni Henry kay Catherine ng Aragon, ang una sa anim na asawa ng hari.

Noong mga panahong binubulay-bulay ni Henry ang kaniyang mga problema sa pamilya, naliligalig naman ang Simbahang Romano Katoliko sa kalakhang bahagi ng Europa dahil sa Repormasyong Protestante. Yamang nangangamba siyang maiwala ang karangalang ipinagkaloob sa kaniya ng simbahan, sa simula ay hindi pinahintulutan ni Henry ang impluwensiya ng mga Repormador sa loob ng Inglatera. Ngunit nagbago ang isip niya. Dahil ayaw pawalang-bisa ng Simbahang Katoliko ang kaniyang kasal, pawawalang-bisa ni Henry ang kapangyarihan ng simbahan. Noong 1534, winakasan niya ang kontrol ng papa sa mga Katolikong Ingles at idineklara niya ang kaniyang sarili bilang pinakamataas na pinuno ng Church of England. Di-nagtagal, ipinasara niya ang mga monasteryo at ipinagbili ang malalaking pag-aari nito. Nang mamatay si Henry noong 1547, nagiging bansang Protestante na ang Inglatera.

Hindi rin nagpasakop sa Papa ang anak ni Henry na si Edward VI. Pagkamatay ni Edward noong 1553, si Mary, ang Romano Katolikong anak ni Henry kay Catherine ng Aragon, ang naging reyna at tinangka niyang ipasakop ang bansa sa awtoridad ng papa. Sapilitang niyang ipinatapon ang maraming Protestante at ipinasunog niya sa tulos ang mahigit 300 katao, kaya binansagan siyang Bloody Mary. Pero hindi niya napigil ang agos ng pagbabago. Namatay si Mary noong 1558, at tiniyak ng kapatid niya sa ama na humalili sa kaniya, si Elizabeth I, na mawala na ang impluwensiya ng papa sa relihiyosong buhay ng mga Ingles.

Gayunman, hindi sapat ang basta paghiwalay sa Simbahan ng Roma ayon sa ilang Protestante​—dapat alisin ang lahat ng bakas ng Romanong Katolisismo. Gusto nilang dalisayin ang pagsamba ng simbahan, kaya tinawag silang mga Puritan (hango sa salitang Ingles na pure). Para sa ilang Puritan, hindi kailangan ang mga obispo at dapat pangasiwaan ng bawat kongregasyon ang sarili nito nang hiwalay sa pambansang simbahan. Tinawag silang mga Separatist.

Lumitaw ang mapamunang mga Puritan noong namamahala si Elizabeth. Hindi nagustuhan ng reyna ang di-pormal na pananamit ng ilang klerigo, kaya iniutos niya noong 1564 sa Arsobispo ng Canterbury na magpatupad ng alituntunin sa kasuutan. Yamang nakikini-kinita ng mga Puritan ang pagbabalik ng pananamit ng mga paring Katoliko, hindi sumunod ang mga Puritan. Marami pang alitan ang bumangon tungkol sa matagal nang herarkiya ng mga obispo at arsobispo. Pinanatili ni Elizabeth ang mga obispo at hinilingan silang manumpa ng katapatan sa kaniya bilang pinuno ng simbahan.

Mga Separatist na Naging mga Peregrino

Si James I ang humalili kay Elizabeth noong 1603, at lubha niyang ginipit ang mga Separatist upang magpasakop sa kaniyang awtoridad. Noong 1608, lumikas ang isang kongregasyong Separatist mula sa bayan ng Scrooby patungong Holland upang maging malaya sa bansang iyon. Subalit sa paglipas ng panahon, naging mas asiwa ang mga Separatist doon kaysa noong nasa Inglatera sila dahil sa pagkunsinti ng mga Olandes sa ibang relihiyon at sa mababang moralidad. Nagpasiya silang umalis ng Europa at mamuhay sa Hilagang Amerika. Dahil sa pagiging handa ng grupong ito ng mga Separatist na maglakbay nang malayo mula sa kanilang tahanan alang-alang sa kanilang mga paniniwala, nakilala sila sa paglipas ng panahon bilang mga Peregrino.

Humingi ng pahintulot ang mga Peregrino, kabilang na ang maraming Separatist, na manirahan sa Virginia na kolonya ng Britanya at nagtungo sila sa Hilagang Amerika noong Setyembre 1620 lulan ng barkong tinatawag na Mayflower. Tiniis ng humigit-kumulang 100 adulto at mga bata ang dalawang buwang mabagyo sa Hilagang Karagatang Atlantiko bago nakarating sa Cape Cod, na nasa hilaga ng Virginia at daan-daang milya ang layo. Doon nila isinulat ang Kasunduang Mayflower, isang dokumentong nagsasaad ng kanilang paghahangad na bumuo ng pamayanan at magpasakop sa mga batas nito. Nanirahan sila sa kalapit na Plymouth noong Disyembre 21, 1620.

Panibagong Buhay sa Bagong Daigdig

Hindi handa sa taglamig ang mga lumikas pagdating sa Hilagang Amerika. Pagkalipas ng ilang buwan, kalahati sa grupo ang namatay. Pero laking tuwa nila nang magtagsibol. Ang mga natira ay nagtayo ng simpleng mga bahay at natuto mula sa Katutubong mga Amerikano kung paano magpasibol ng makakaing mga pananim doon. Pagsapit ng taglagas ng 1621, napakaunlad na ng mga Peregrino anupat nagtakda sila ng panahon para magpasalamat sa Diyos sa kaniyang mga pagpapala. Sa okasyong ito nagsimula ang kapistahang Thanksgiving na ipinagdiriwang ngayon sa Estados Unidos at sa iba pang lugar. Marami pang dayuhan ang dumating, anupat sa loob ng wala pang 15 taon, lumampas sa 2,000 ang populasyon sa Plymouth.

Samantala, naniwala rin ang ilang Puritan sa Inglatera, gaya ng mga Separatist, na ang kanilang “Lupang Pangako” ay nasa kabilang ibayo ng Atlantiko. Noong 1630, isang grupo nila ang dumating sa isang lugar sa hilaga ng Plymouth at nagtatag ng Massachusetts Bay Colony. Pagsapit ng 1640, mga 20,000 nandayuhang Ingles ang naninirahan na sa New England. Nang makontrol ng Massachusetts Bay Colony ang Plymouth noong 1691, hindi na gaanong hiwalay ang mga Peregrinong Separatist. Boston ang naging sentro ng relihiyon para sa rehiyon, yamang ang mga Puritan ang nangingibabaw na noon sa relihiyosong buhay sa New England. Paano sila sumamba?

Ang Pagsamba ng mga Puritan

Nagtayo muna ang mga Puritan sa Bagong Daigdig ng mga dakong pulungan na yari sa kahoy kung saan sila nagtitipon tuwing Linggo ng umaga. Matitiis ang kalagayan doon sa loob kapag maganda ang lagay ng panahon, subalit ang serbisyo kapag taglamig ay susubok sa pagtitiis maging ng pinakadebotong Puritan. Walang sistema ng pampainit sa mga dakong pulungan, at di-nagtatagal ay nangangatog sa lamig ang mga miyembro. Kadalasang nakaguwantes ang mga mangangaral upang proteksiyunan ang kanilang kumukumpas na mga kamay sa pagkalamig-lamig na hangin sa loob.

Ibinatay ng mga Puritan ang kanilang mga paniniwala sa mga turo ng Pranses na Protestanteng repormador na si John Calvin. Nanghawakan sila sa pagtatadhana at naniwalang patiuna nang itinakda ng Diyos kung sino sa mga tao ang ililigtas niya at kung sino ang hahatulan niya sa walang-hanggang apoy ng impiyerno. Anuman ang gawin ng mga tao, hindi na nila mababago ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos. Hindi alam ng isang tao kung sa kamatayan ay malalanghap niya ang banayad na simoy sa langit o masusunog siyang tulad ng mitsa ng lampara magpakailanman.

Sa kalaunan, ipinangaral ng mga ministrong Puritan ang pagsisisi. Nagbabala sila na bagaman maawain ang Diyos, ang mga sumusuway sa kaniyang mga kautusan ay mapupunta sa impiyerno. Pinag-alab ng mga mangangaral na iyon ang mga apoy ng impiyerno, anupat pinanatili itong mainit, upang mapasunod ang mga tao. Isang mangangaral noong ika-18 siglo na nagngangalang Jonathan Edwards ang minsang nagsermon hinggil sa paksang “Mga Makasalanan sa Kamay ng Galít na Diyos.” Nakapangingilabot ang paglalarawan niya sa impiyerno anupat kinailangang magbigay ng emosyonal na suporta ang ibang klerigo sa nahintakutang mga miyembro ng kongregasyon na nakinig sa sermong iyon.

Nanganib sa Massachusetts ang dayuhang mga ebanghelisador na nangangaral doon. Tatlong beses pinalayas ng mga awtoridad ang isang mangangaral na Quaker na nagngangalang Mary Dyer; pero sa bawat pagkakataon, bumalik siya at nagpahayag pa rin ng kaniyang mga pananaw. Binitay nila siya sa Boston noong Hunyo 1, 1660. Malamang na nakaligtaan ni Phillip Ratcliffe kung gaano kabagsik makitungo sa mga mananalansang ang mga lider ng Puritan. Dahil sa kaniyang mga talumpati laban sa pamahalaan at sa simbahan ng Salem, ipinahagupit nila siya at pinagmulta. At upang hindi siya makalimot, tinagpas nila ang kaniyang mga tainga bago siya palayain. Dahil sa kawalan ng pagpaparaya ng mga Puritan, lumayas ang mga tao mula sa Massachusetts at dumami ang iba pang mga kolonya.

Umakay sa Karahasan ang Pagmamataas

Yamang itinuturing ng mga Puritan na “pinili” sila ng Diyos, naniniwala ang marami sa kanila na ang mga katutubo ay mga taong nakabababa at iskuwater lamang sa lupain. Dahil dito, naghinanakit at nanalakay ang ilang mga katutubo. Kaya niluwagan ng mga lider ng Puritan ang mga batas na may kinalaman sa Sabbath para makapagdala ng baril ang mga lalaking patungo sa dakong pagsamba. Noong 1675, lumala ang kalagayan.

Yamang nakikita niya na mawawalan ng teritoryo ang kaniyang mga kababayan, nilusob ni Metacomet, na kilala rin bilang Haring Philip, ng Wampanoag American Indians ang mga pamayanan ng mga Puritan, sinunog ang mga bahay, at minasaker ang mga naninirahan doon. Gumanti ang mga Puritan, at tumagal nang ilang buwan ang labanan. Noong Agosto 1676, nadakip ng mga Puritan si Philip sa Rhode Island. Pinugutan nila siya ng ulo at pinagpuputol sa apat na bahagi ang kaniyang bangkay. Sa gayong paraan nagwakas ang Pakikidigma ni Haring Philip at ang kasarinlan ng mga katutubo ng New England.

Noong ika-18 siglo, ipinahayag ng mga Puritan ang kanilang sigasig sa bagong paraan. Tinuligsa ng ilang ministro sa Massachusetts ang pamamahala ng Inglatera at pinag-alab ang paghahangad sa kalayaan. Pinaghalo nila ang pulitika at relihiyon sa kanilang mga pagtalakay sa rebolusyon.

Kadalasang masisipag, matatapang, at deboto sa kanilang relihiyon ang mga Puritan. Bukambibig pa rin ng mga tao ang “pagkatao ng mga Puritan” at “katapatan ng mga Puritan.” Subalit hindi sapat ang kataimtiman upang dalisayin ang isang tao mula sa maling mga turo. Ang paghahalo ng pulitika at relihiyon ay isang bagay na iniwasan ni Jesu-Kristo. (Juan 6:15; 18:36) At ang kalupitan ay salungat sa mahalagang katotohanang ito: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”​—1 Juan 4:8.

Itinuturo ba ng iyong relihiyon ang apoy ng impiyerno, pagtatadhana, at iba pang di-makakasulatang mga doktrina? Nakikisangkot ba ang mga lider ng iyong relihiyon sa mga kampanya sa pulitika? Ang taimtim na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay tutulong sa iyo na masumpungan “ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis,” talagang dalisay at katanggap-tanggap sa Diyos.​—Santiago 1:27.

[Kahon/Larawan sa pahina 13]

ANG MGA PURITAN AT ANG APOY NG IMPIYERNO

Sa pangangaral hinggil sa apoy ng impiyerno, sinalungat ng mga Puritan ang Salita ng Diyos. Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang kabatiran, wala nang nadaramang kirot o kaluguran. (Eclesiastes 9:5, 10) Bukod dito, hindi kailanman ‘pumasok sa puso’ ng tunay na Diyos ang pagpapahirap. (Jeremias 19:5; 1 Juan 4:8) Hinihimok niya ang mga tao na baguhin ang kanilang buhay, at mahabagin siyang makitungo sa di-nagsisising mga makasalanan. (Ezekiel 33:11) Salungat sa mga katotohanang ito sa Kasulatan, kadalasang inilalarawan ng mga mangangaral na Puritan ang Diyos bilang malupit at mapaghiganti. Itinaguyod nila ang malupit na pananaw sa buhay kabilang na ang paggamit ng karahasan upang patahimikin ang mga mananalansang.

[Larawan sa pahina 10]

Mga Peregrinong dumadaong sa Hilagang Amerika, 1620

[Credit Line]

Harper’s Encyclopædia of United States History

[Larawan sa pahina 12]

Pagdiriwang ng unang “Thanksgiving,” 1621

[Larawan sa pahina 12]

Dakong pulungan ng mga Puritan, Massachusetts

[Larawan sa pahina 12]

John Calvin

[Larawan sa pahina 12]

Jonathan Edwards

[Larawan sa pahina 13]

Mag-asawang Puritan na may dalang armas patungo sa simbahan

[Picture Credit Line sa pahina 11]

Library of Congress, Prints & Photographs Division

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Pinakaitaas sa kaliwa: Snark/Art Resource, NY; pinakaitaas sa kanan: Harper’s Encyclopædia of United States History; John Calvin: Portrait in Paul Henry’s Life of Calvin, from the book The History of Protestantism (Vol. II); Jonathan Edwards: Dictionary of American Portraits/Dover

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Photos: North Wind Picture Archives