Pagdalaw sa “Bundok ng Apoy”
Pagdalaw sa “Bundok ng Apoy”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
BIBIHIRA ang mga lugar sa mundo kung saan makapigil-hininga ang tanawin ng bulkan ikaw man ay nasa lalawigan, karagatan, o lunsod. Kung ang lunsod na iyan ay Catania, ang pinagmamasdan mo ay malamang na ang Bundok Etna, ang pinakamataas na aktibong bulkan sa Europa, na mahigit 3,300 metro ang taas at nasa gawing hilaga ng silangang baybayin ng Sicily.
Matagal Nang Inoobserbahang Bulkan
Ang bulkan ay tinawag na Bundok ng Apoy ng mga Arabe na matagal na nagkaroon ng kapangyarihan sa Sicily, at bagay na bagay ang pangalan ng Etna sapagkat regular itong nagbubuga ng pagkainit-init na lava mula sa kailaliman. Ang dalawa sa pinakamatandang umiiral na patotoo sa pagputok ng Etna ay isinulat nina Pindar at Aeschylus, na kapuwa naglarawan sa pagsabog na naganap noong 475 B.C.E. Hindi lamang minsan nagpakitang-gilas ang lava nang gumawa ito ng maapoy at malaahas na landas pababa sa bundok bago lumusong sa karagatan. Nangyari ito noong 396 B.C.E., 1329 C.E., at 1669 C.E.—ang pinakahuli ang siyang itinuturing na pinakatanyag sa “modernong” mga pagsabog nito. Sa pagkakataong iyon, isang mahabang daloy ng lava na mga 2 kilometro ang lapad at 25 kilometro ang haba ang umapaw sa mga pader ng lunsod ng Catania, lumamon sa tahanan ng mahigit sa 27,000 katao, at tumabon sa bahagi ng daungan ng lunsod.
Pinaniniwalaang lalong naging aktibo ang bulkan noong ika-20 siglo, nang sumabog ito nang maraming ulit. Ang pinakamalakas, noong 1928, ay nagwasak sa nayon ng Mascali. Nitong nakalipas na mga taon, ang pagbuga ng lava at abo ay nagdudulot pa rin ng mga suliranin at ikinabahala ng mga tagaroon.
Kayarian ng “Big Mamma”
Sinasabing nagsimulang mabuo ang Bundok Etna di-kukulangin sa 170,000 taon na ang nakalilipas dahil sa pagbuga ng magma, o lusaw na mga batong materyal. Ang humigit kumulang 250 mas maliliit na bulkang hugis-apa sa gilid ng malaking bulkan ay resulta ng iba’t ibang yugto ng pagsabog nito. Medyo kahawig ang mga ito ng mga sanggol na nakapalibot sa kanilang ina, at dahil dito, ang palayaw ng bulkan ay Big Mamma.
Kung sasakay ka ng kotse o tren paikot sa Etna, mapapansin mo ang iba’t ibang magagandang tanawin. Kabilang dito ang Monti Rossi (Mapupulang Burol) malapit sa Nicolosi, ang Silvestri Craters, at ang napakalaking depresyon ng Valle del Bove (Libis ng Barakong Tupa), na matatanaw mula sa Giarre at Zafferana.
Ang heolohikang kasaysayan ng bulkan, bagaman hindi lubusang nauunawaan, ay mula pa noong sinaunang panahon. Ang pagbuga ng magma sa ilalim ng karagatan at mga baybayin ang bumuo sa baybayin sa hilaga ng Catania. Ang bahagi ng baybaying iyan ay kilala bilang Riviera dei Ciclopi, o Baybayin ng Cyclopes, na may maiitim na dalisdis ng lava. Sa harap mismo ng dalisdis sa Aci Trezza, may nakalitaw sa karagatan na mga batong kakaiba ang hugis, na tinatawag na Faraglioni.
Di-pangkaraniwang Pagmamahal
Baka iniisip mo kung natatakot ang mga taong nakatira sa paanan ng bulkang ito sa pagsabog nito anumang oras. Kapag tahimik ang Etna,
nalilimutan ng mga Etneano, gaya ng tawag sa mga tagaroon, na may bulkan doon. “Tahimik ang halimaw,” ang isinulat ng Pranses na awtor noong ika-19 na siglo na si Guy de Maupassant sa kaniyang Journey to Sicily. “Natutulog ito doon sa malayo.” Kapag may pumapailanlang na usok, baka sandaling sulyapan lamang ng mga Etneano ang bundok. Pero kapag nakarinig sila ng malakas na dagundong sa kalagitnaan ng gabi, natakpan ng abo ang kanilang mga balkonahe at lansangan, o nalagyan ang kanilang mga ilong at mata ng abo, iba na ito. Sa panahong iyon, matalino silang nagpapakita ng mapitagang pagkatakot sa Etna—lalo na kapag may nakikita nang mapulang ilog ng lava na dahan-dahan ngunit tuluy-tuloy na umaagos mula sa bundok, anupat nilalamon ang lahat ng nasa daraanan nito.Sa kabila nito, ang Etna ay itinuturing ng mga naninirahan malapit dito na “palakaibigang higante.” Tutal, bagaman malaki ang napinsala nito—nawasak ang mga lunsod, pananim, at nitong kamakailan, pasyalan ng mga turista—kakaunti lamang ang nasawi rito. Pagkaraan ng mapangwasak na mga pagsabog nito nang tangayin nito ang mga pinagpagalan ng tao, basta muling nagtatrabaho at nagsisimula sa kanilang buhay ang determinadong mga tagaroon.
Maganda ang pagkakalarawan ng makatang Italyano na si Giacomo Leopardi sa pagmamahal sa kanilang lupain ng mga taong naninirahan sa paanan ng bulkan. Inihalintulad niya ang gayong mga tao sa broom, palumpong na madalas na tumutubo sa mga dakong malapit sa bulkan. Maganda at matingkad na dilaw ang mga bulaklak nito. Nakatingala ang mga ito at ayaw malagas hanggang ibaon ito ng agos ng lava. Sa sandaling matapos ang pagsabog at lumamig ang bato, muling sumisibol ang broom, matibay at matapang, habang matiyaga itong bumabalik sa trabaho!
Nagbabago ang Etna
Sa opinyon ng mga bulkanologo, waring nagbabago ang “palakaibigang higante” na ito. Kamakailan lamang, hindi naman malakas sumabog
ang Etna, subalit ngayon, ang sabi ng magasing Focus, “pinaghihinalaan na ang itinuturing namin noon na aktibo ngunit hindi mapanganib na bulkan.” Ayon sa babalang ibinigay ng mga mananaliksik na Pranses at Italyano, “unti-unting binabago [ng Etna] ang sarili nito mula sa bulkan na . . . mabagal maglabas ng lava at mahinahong magbuga ng gas, tungo sa bulkang malakas sumabog.” Kaya naman, sinabi ni Paola Del Carlo, mananaliksik sa Italian National Geophysical and Volcanology Institute of Catania, na “nitong nakalipas na 30 taon, kitang-kita na mas tumindi kapuwa ang mabagal at malakas na pagsabog [ng bulkan], at mahirap mahulaan nang tumpak kung ano ang mangyayari sa hinaharap.”Pambihirang Panoorin
Sa kabila ng takot at paggalang na ipinadarama ng Etna, nagtatanghal ito ng pambihirang panoorin. Kapag namumuti sa niyebe sa taglamig o kulay-kape sa tag-araw o kapag tahimik na nakatindig sa baybayin, nagpapayanig sa lupa at nagpapakabog ng dibdib, o nagbibigay-liwanag sa gabi sa pamamagitan ng apoy, pinatototohanan ng bulkan ang kapangyarihan ng Isa na lumalang dito. (Awit 65:6; 95:3, 4) Kung magkaroon ka ng pagkakataong pumunta sa marikit na Sicily, huwag mong kaligtaan ang Etna. Makikita mo ito mula sa malayo dahil sa karaniwan nitong usok na pumapailanlang. “Huwag kang mag-alala kapag may narinig kang dagundong,” ang sasabihin kaagad ng mga tagaroon. “Paraan lamang iyon ng pagbati ng Etna.”
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ITALYA
SICILY
Bdk. Etna
[Larawan sa pahina 14]
Iginuhit na larawan ng Bundok Etna noong 1843
[Credit Line]
Culver Pictures
[Larawan sa pahina 15]
Hulyo 26, 2001
[Larawan sa pahina 15]
Hulyo 28, 2001, nasa likod ng bundok ang Catania
[Larawan sa pahina 15]
Oktubre 30, 2002
[Larawan sa pahina 15]
Setyembre 12, 2004
[Larawan sa pahina 16]
Kakaibang hugis ng mga bato na tinatawag na Faraglioni
[Larawan sa pahina 17]
Tinatawag ng mga tagaroon na “palakaibigang higante” ang Bundok Etna
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
All photos: © Tom Pfieffer; map: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Background: © WOLFGANG KAEHLER 2005, www.wkaehlerphoto.com; Faraglioni: Dennis Thompson/Unicorn Stock Photos