Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Ka Bang Manalangin kay Birheng Maria?

Dapat Ka Bang Manalangin kay Birheng Maria?

KILALANG-KILALA si Maria ng karamihan ng mga taong may alam sa Kristiyanismo. Sinasabi sa Kasulatan na pantanging pinagpala ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang dalagang ito sa pamamagitan ng pagpili sa kaniya na maging ina ni Jesus. Naiiba ang kapanganakan ni Jesus sapagkat birhen noon si Maria nang ipaglihi niya siya. Si Maria ay matagal nang pantanging pinagpipitaganan ng ilang simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Noong 431 C.E., ipinroklama siya ng Konseho ng Efeso bilang “Ina ng Diyos,” at maraming tao sa ngayon ang tinuturuang manalangin sa kaniya. *

Alam ng taimtim na mga mananamba na dapat nilang iukol ang kanilang mga panalangin sa tamang persona. Ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa bagay na ito? Dapat bang manalangin ang mga Kristiyano kay Birheng Maria?

“Turuan Mo Kaming Manalangin”

Iniuulat ng salaysay ng Ebanghelyo ni Lucas na ang isa sa mga alagad ni Jesus ay humiling sa kaniya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” Bilang tugon, ganito ang unang sinabi ni Jesus: “Kailanma’t mananalangin kayo, sabihin ninyo, ‘Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’ ” Sa kaniyang Sermon sa Bundok, itinuro rin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”​—Lucas 11:1, 2; Mateo 6:9.

Kaya unang-unang matututuhan natin dito na ang panalangin, o mapagpitagang pakikipagtalastasan, ay dapat iukol sa Ama ni Jesus, si Jehova. Walang mababasa sa Bibliya na nagpapahintulot sa atin na manalangin kanino pa man. Angkop ito yamang, gaya ng sinabi kay Moises nang tanggapin niya ang Sampung Utos, si Jehova ay “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.”​—Exodo 20:5.

Kumusta Naman ang Rosaryo?

Marami sa mga nananalangin kay Maria ang tinuruan na matatamo nila ang mga pagpapala sa pamamagitan ng pag-uulit sa espesipikong mga pormula​—mga panalanging gaya ng Aba Ginoong Maria, Ama Namin, at iba pa. Para sa mga Katoliko, “ang pinakalaganap na anyo ng debosyon kay Maria ay walang alinlangang ang rosaryo,” ang sabi ng aklat na Symbols of Catholicism. Ang rosaryo ay isang relihiyosong gawaing nagpaparangal kay Birheng Maria. Tumutukoy rin ang termino sa kuwintas na yari sa mga butil na ginagamit na pamilang ng mga panalangin. “Ang limang set ng tigsasampung butil, na pinaghihiwalay ng isa pang butil,” ang paliwanag ng aklat ding iyon, “ay paanyaya na bigkasin ang limampung ‘Aba Ginoong Maria’, limang ‘Ama Namin’, at limang ‘Luwalhati sa Ama.’ ” Nakikinig ba nang may pagsang-ayon ang Diyos sa taimtim na pagrorosaryo?

Ang mga tagubiling ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay naglalaan din sa atin ng mapananaligang sagot. “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa,” ang sabi niya, “sapagkat inaakala nila na pakikinggan sila dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita.” (Mateo 6:7) Kaya espesipikong sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na iwasang ulit-ulitin ang itinakdang mga pormula sa kanilang mga panalangin.

‘Subalit hindi ba tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ulit-ulitin ang Ama Namin, na bahagi ng rosaryo?’ baka itanong ng isa. Totoong naglaan si Jesus ng modelong panalangin, na nakilala bilang Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon. Gayunman, pansinin natin na ginawa niya ito karaka-raka pagkatapos ibigay ang babala sa itaas laban sa pagsasabi ng “gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” Ang pagkakaiba sa kaniyang pananalita sa dalawang nakaulat na pangyayari kung saan tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin ay nagpapakita rin na hindi nilayon ni Jesus na kabisaduhin at ulit-ulitin ang modelong panalangin. (Mateo 6:9-15; Lucas 11:2-4) Magkatulad ang mga ideyang ipinahayag ni Jesus sa mga pagkakataong iyon, subalit magkaiba ang mga salitang ginamit niya. Inaakay tayo nito sa konklusyon na naglalaan lamang si Jesus ng modelo o halimbawa kung paano maaaring manalangin ang kaniyang mga tagasunod at kung ano ang angkop na maipananalangin nila. Higit na mahalaga, ipinahihiwatig ng kaniyang pananalita kung kanino tayo dapat manalangin.

Paggalang kay Maria

Bagaman hindi itinuturo ng Kasulatan na manalangin ang mga Kristiyano kay Maria, hindi ito nagpapahiwatig ng kawalang-galang sa papel na ginampanan niya sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. Ang mga pagpapalang nagmumula sa kaniyang Anak ay para sa walang-hanggang kapakinabangan ng lahat ng masunuring sangkatauhan. “Ipahahayag akong maligaya ng lahat ng mga salinlahi,” ang sabi mismo ni Maria. At sinabi ng kaniyang pinsan na si Elisabet na “pinagpala [si Maria] sa gitna ng mga babae.” At totoo nga iyon. Isang kamangha-manghang pribilehiyo para kay Maria na mapili upang magsilang sa Mesiyas.​—Lucas 1:42, 48, 49.

Gayunman, hindi lamang si Maria ang babaing tinawag ng Kasulatan na pinagpala. Dahil sa mga ginawa ni Jael alang-alang sa sinaunang bansang Israel, sinabi rin na ‘lubha siyang pinagpala sa mga babae.’ (Hukom 5:24) Ang mga tapat na sina Jael, Maria, at ang marami pang makadiyos na mga babaing binanggit sa Bibliya ay tiyak na karapat-dapat nating tularan​—subalit hindi nararapat sambahin.

Si Maria ay tapat na tagasunod ni Jesus. Naroroon siya sa iba’t ibang pagkakataon sa panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus at gayundin sa kaniyang kamatayan. Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, ‘nagpatuloy siya sa pananalangin’ kasama ng mga kapatid ni Jesus. Nagbibigay ito sa atin ng dahilan upang maniwalang pinahiran din siya ng banal na espiritu kasama nila noong Pentecostes 33 C.E. at sa gayon ay may pag-asang maging bahagi ng uring kasintahan na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit.​—Mateo 19:28; Gawa 1:14; 2:1-4; Apocalipsis 21:2, 9.

Gayunman, hindi ito nagpapahintulot sa atin na manalangin kay Maria. Mahalagang bahagi ng pagsamba ang taos-pusong panalangin, at pinasisigla ang mga Kristiyano na ‘magmatiyaga sa pananalangin.’ (Roma 12:12) Subalit ang lahat ng gayong mapagpitagang debosyon ay dapat iukol lamang kay Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.​—Mateo 4:10; 1 Timoteo 2:5.

[Talababa]

^ Ang ideya na si Maria ang ina ng Diyos ay batay sa di-makakasulatang doktrina ng Trinidad, na nagsasabing si Jesus ang Diyos.