Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kung Sabihin Niyang Wala Siyang Gusto sa Akin?
ITINURING mo siyang kaibigan. Pero umusbong sa iyo ang kakaibang damdamin para sa kaniya. Marahil ang kaniyang mabubuting ugali o ang kaniyang mga ngiti sa iyo kapag nagsasalita siya ang dahilan kung kaya ka nagkagusto sa kaniya. Anuman ang dahilan, lumipas ang panahon pero hindi pa rin siya nagpapakita ng anumang romantikong interes sa iyo. Kaya ipinasiya mong tanungin siya kung gusto niyang maging higit pa kayo sa magkaibigan. Halos madurog ang puso mo nang may kabaitan ngunit matatag niyang sabihing wala siyang gusto sa iyo. *
Natural lamang na masaktan ka. Pero huwag labis na mabalisa; sikaping malasin ang mga bagay-bagay ayon sa wastong punto de vista. Oo, sinabi ng isang binata na wala siyang gusto sa iyo. Tandaan, ang kaniyang pasiya ay hindi naman nakapagpapababa ng iyong pagkatao, ni pinawawalang-saysay man nito ang patuloy na pagmamahal at paggalang ng iba sa iyo. Sa katunayan, baka ang kaniyang pasiya ay wala namang kaugnayan sa pangmalas niya sa iyo kundi sa halip ay iba lamang talaga ang kaniyang mga tunguhin at priyoridad.
Kung isa kang Kristiyano, tandaan mo rin na ‘ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’ (Hebreo 6:10) Ganito ang sinabi ni Sonja * tungkol dito: “Mahalaga ka pa rin. Importante ka kay Jehova bilang isang dalaga.” Yamang ikaw ay napakahalaga sa Kataas-taasan at sa ibang tao, bakit ka mawawalan ng paggalang sa iyong sarili?
Baka nadarama mo pa rin na ikaw ay bigo o nangangamba kang hindi ka na makapag-aasawa. Ang pagiging hindi mo ‘nararapat’ para sa binatang ito ngayon ay hindi nangangahulugang hindi ka na magiging ‘nararapat’ para sa ibang tao. (Hukom 14:3) Kaya sa halip na isiping bigo ka sa paghahanap ng mapapangasawa, ituring mong may isang kapaki-pakinabang na resulta ang iyong mga pagsisikap: Nalaman mo na ang binatang ito ay hindi para sa iyo. Bakit natin nasabi ito?
Siya ba ang Nararapat sa Iyo?
Inuutusan ng Bibliya ang mga asawang lalaki na ‘ibigin ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng Efeso 5:28) Inuutusan din nito ang mga asawang lalaki na ‘pag-ukulan ng karangalan’ ang kanilang asawa. (1 Pedro 3:7) Kaya sa kasong ito, tiyak na pinahahalagahan ka ng binata bilang isang kaibigan. Pero sa pagsasabing wala siyang gusto sa iyo, sa diwa ay ipinakikita niyang hindi siya handa sa pagkakataong ito na ibigin at parangalan ka bilang kaniyang kabiyak. May karapatan siyang magpasiya sa bagay na ito. Pag-isipan ito: Kung ganiyan ang nadarama niya, magiging mabuting asawa kaya siya sa iyo? Gunigunihin ang kalungkutan mo kapag pinakasalan mo ang isang taong hindi pala nagmamahal at nagpapahalaga sa iyo na gaya ng iniuutos ng Kasulatan!
sa kanilang sariling mga katawan.’ (Makatutulong din na kilalanin pang mabuti ang binatang ito, ngayong hindi ka na umaasang magkakatuluyan kayo. Kung minsan, dahil sa pagkahumaling ay nagbubulag-bulagan ang isa sa personal o espirituwal na mga kapintasang kitang-kita ng ibang tao. Halimbawa, wala ba siyang kamalay-malay sa iyong tumitinding damdamin para sa kaniya, o sinasadya niyang paibigin ka sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagsamahan sa iyo? Kung ang huling nabanggit ang mangyari, hindi ba nagpapakita ito na hindi siya handang maging isang makonsiderasyon at madamayin na Kristiyanong asawang lalaki? Kung gayon, mabuti at natuklasan mo ito, bagaman maaaring maging masakit ito sa iyo.
Napukaw ang damdamin ni Marcia nang magpakita sa kaniya ng pantanging atensiyon ang isang binata. Nang tanungin niya kung ano ang layunin ng binata, sinabi nito na wala naman siyang gusto kay Marcia. Ano ang nakatulong kay Marcia upang makayanan ang kabiguan? Sinabi niya, “Ginamit ko ang aking isip sa halip na ang aking puso, kaya nasupil ko ang aking damdamin.” Tinandaan niya ang mga kahilingan ng Bibliya para sa mga asawang lalaki kung kaya natalos niyang hindi ito naabot ng binata. Nakatulong ito sa kaniya upang mapagtagumpayan ang kalungkutan.
Ganito rin ang naging karanasan ni Andrea sa isang binata. Natanto niya nang maglaon na ang pakikitungo nito sa kaniya ay nagpapakita ng kawalan ng pagkamaygulang. Natalos ni Andrea na ang lalaki ay hindi pa handang mag-asawa, at nagpapasalamat siya na binuksan ni Jehova ang kaniyang mga mata sa katotohanang iyon. Sinabi niya, “Naniniwala ako na maipagsasanggalang ka ni Jehova mula sa mga kalagayang makasasakit sa iyo, pero kailangan mong magtiwala sa Kaniya.” Sabihin pa, sa maraming kaso, ang isang binata ay gumagawi nang mahusay at tumatanggi taglay ang marangal na mga kadahilanan. Anuman ang kalagayan, paano mo makakayanan ang kirot ng damdaming dulot ng pagkabigo?
Kung Ano ang Magagawa Mo Tungkol sa Iyong Damdamin
Baka kailangan ng puso mo ang panahon para matanggap ang naging pasiya ng binata. Umusbong ang iyong damdamin para sa kaniya sa paglipas ng panahon, at panahon din ang kailangan para mawala ang damdaming iyan. Bihirang mangyari na mamatay kaagad ang romantikong damdamin tulad ng pagpatay sa swits ng ilaw. May mga araw pa nga na napakatindi nito! Maging matiyaga. Sa paglipas ng panahon, lilipas din ang damdaming iyan. Pero kung gusto mo itong maalis kaagad, iwasan ang mga bagay na pupukaw rito.
Halimbawa, huwag sisihin ang iyong sarili sa nangyari sa pamamagitan ng paggunita sa lahat ng iyong sinabi at ginawa nang ipagtapat mo sa binata ang iyong damdamin. Kung iisipin mo pa rin ang mga bagay na ito, baka sumapit ka sa konklusyon na may gusto naman talaga siya sa iyo o na kailangan mo lamang gumawa ng ibang paraan. Tanggapin mo ang katotohanang hindi mo mababago ang kaniyang nadarama. Malamang na hindi pa rin magbago ang kaniyang pasiya anumang paraan ang subukin mo.
Isa pang silo ang pangangarap nang gising. Baka naglalaro sa iyong isip ang mga tagpo na kayong dalawa ang nagkatuluyan sa bandang huli. Waring nakaaaliw ang gayong pangangarap, ngunit hindi totoo iyon. Kapag natapos na ang mga ito, muli mong madarama ang pangungulila at kasabay nito ang iyong dalamhati. Ang ganitong guniguning kasiyahan na sinusundan ng matinding kalungkutan ay maaaring magpatuloy hangga’t hindi mo pinagsisikapang mabuti na supilin ito.
Tigilan mo na ang pangangarap nang gising. Kapag nagsisimula ito, bumangon ka at maglakad-lakad. Magtrabaho ka—gumawa ka ng isang bagay na magbabaling ng iyong pansin sa ibang direksiyon. Magtuon ng pansin sa mga bagay na nakapagpapatibay sa iyo, hindi sa mga bagay na nakapanlulumo sa iyo. (Filipos 4:8) Mahirap ito sa umpisa, pero sa kalaunan, magtatagumpay ka at makadarama ng kapayapaan ng isip.
Makatutulong ang alalay ng malalapít na kaibigan. (Kawikaan 17:17) Subalit nagbabala si Sonja: “Hindi mabuti kung ang mga kaibigan mo ay pawang mga walang asawa, kasing-edad mo, at gusto na ring mag-asawa. Kailangan mo rin ng nakatatandang mga kaibigan, na makatutulong sa iyo na manatiling timbang at makatotohanan.” At tandaan, may isang higit na makatutulong sa iyo upang mapawi ang iyong hinagpis.
Si Jehova—Isang Kaibigan at Alalay
Nang masiphayo ang isang tapat na tao noong sinaunang panahon, nanalangin siya para sa tulong ni Jehova. Ang resulta? Ganito ang isinulat niya: “Nang maranasan ko ang labis na pagkabalisa, ang iyong kaaliwan ay nagdulot ng kagalakan sa aking kaluluwa.” (Awit 94:19, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Aaliwin at aalalayan ka rin ni Jehova kung mananalangin ka sa kaniya taglay ang pananampalataya. Ganiyan ang ginawa ni Andrea. Sinabi niya, “Napakahalaga ng panalangin upang matulungan kang makayanan ang kirot ng damdamin at makabangon.” Ganito rin ang nasabi ni Sonja tungkol sa panalangin, “Makatutulong ito sa iyo na magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili na hindi nakadepende sa kung ikaw ba ay gusto o ayaw ng iba.”
Walang taong lubos na makauunawa sa iyong damdamin, pero nauunawaan ka ni Jehova. Nilalang niya ang mga tao taglay ang hangaring umibig at ibigin ng isang kabiyak. Alam niya ang tindi ng romantikong pagkaakit, at alam niya kung paano susupilin iyon. Matutulungan ka niyang pagalingin ang iyong pusong sawi, sapagkat sinasabi sa 1 Juan 3:20: “Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.”
Manatiling Timbang
Pinagmumulan ng malaking kagalakan ang pag-aasawa, ngunit hindi lamang ito ang tanging pinagmumulan nito. Ang kagalakan ay nararanasan ng lahat ng naglilingkod kay Jehova, at hindi lamang ng mga may asawa. Sa ilang paraan, may bentaha ang mga walang asawa sa mga may asawa. Hindi nila dinaranas ang “kapighatian sa kanilang laman” na binanggit sa 1 Corinto 7:28. Ang kapighatian na ito ay tumutukoy sa mga kaigtingan at kabalisahan na nararanasan ng lahat ng mag-asawa. May higit na kalayaan din ang mga walang asawa at mas madali nilang magagamit ang kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova. Kaya naman, ganito ang itinuturo ng Bibliya: “Siya . . . na nagbibigay ng kaniyang pagkabirhen sa pag-aasawa ay napapabuti, ngunit siya na hindi nagbibigay nito sa pag-aasawa ay mas mapapabuti.” (1 Corinto 7:38) Kahit na gustung-gusto mo nang mag-asawa, makatutulong sa iyo ang pagbubulay-bulay sa mga turong ito ng Bibliya upang manatili kang timbang at masiyahan sa kalagayan mo ngayon.
Baka sabihin sa iyo ng ilang nagmamalasakit na kaibigan, “Huwag kang mag-alala, balang-araw ay makatatagpo ka rin ng isang lalaking para sa iyo.” At totoo na ang minsang pagkabigo ay hindi naman nangangahulugang bigo ka na habang buhay. Gayunman, ganito ang pangangatuwiran ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Candace: “Talagang nagtitiwala ako kay Jehova. Hindi ko naman inaasahang bibigyan niya ako ng asawa para maging masaya ako. Pero alam kong ibibigay niya sa akin ang kailangan ko upang mapunan ang kakulangang iyon.” Ang ganitong positibong pangmalas ay nakatulong sa kaniya na malampasan ang pagkabigo sa pag-ibig.
Sa daigdig na ito, kadalasang nabibigo ang mga pagtatangkang simulan ang pagliligawan, ngunit ganiyan din naman ang nangyayari sa maraming pag-aasawa. Kung magtitiwala ka kay Jehova at susundin ang kaniyang payo, matutulungan ka niyang mapalitan ng kagalakan ang kabiguan. Mararanasan mo ang gaya ng naranasan ni Haring David, na sumulat: “O Jehova, nasa harap mo ang aking buong pagnanasa, at mula sa iyo ay hindi nakubli ang aking pagbubuntunghininga. Sapagkat sa iyo, O Jehova, ako ay naghintay; ikaw ay sumagot, O Jehova na aking Diyos.”—Awit 38:9, 15.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?” (Oktubre 22, 2004) ay nagpaliwanag na sa ilang lupain, maaaring hindi katanggap-tanggap sa kanilang kultura kung babae ang magpapahayag ng kaniyang damdamin sa isang lalaki. Bagaman hindi hinahatulan ng Bibliya ang ganitong kaugalian, hinihimok naman nito ang mga Kristiyano na iwasang makatisod sa iba. Kaya makabubuting isaalang-alang ng mga nagnanais ng pagpapala ng Diyos ang payo ng Bibliya kapag pinag-iisipan kung ano ang gagawin.—Mateo 18:6; Roma 14:13; 1 Corinto 8:13.
^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 20]
Samantalahin ang tulong na inilalaan ng Diyos