Mabubuting Kaibigan—Masasamang Kaibigan
Mabubuting Kaibigan—Masasamang Kaibigan
IBINUHOS ng isang kabataang babae na tatawagin nating Sarah ang kaniyang sama ng loob. Isa palang mamamatay-tao ang lalaking itinuring niyang kaibigan. ‘Kung nagawa ng isang taong pinagkakatiwalaan ko ang gayong bagay, sino pa ang maaari kong pagtiwalaan?’ ang tanong niya. Itinanong kay Sarah ng kaniyang kausap kung alam ba niya ang uri ng mga pamantayang sinusunod ng lalaking ito. Sumagot siya, “Ano’ng ibig mong sabihin?” Hindi man lamang alam ni Sarah ang kahulugan ng “pamantayan.” Kumusta ka naman? Alam mo ba kung ano ang mga pamantayan ng iyong mga kaibigan?
Ang sagot sa tanong na iyan ay maaaring literal na mangahulugan ng buhay o kamatayan, gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Sarah. Ganito ang pagkakasabi hinggil dito ng isang kawikaan sa Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Gayunman, gaya ni Sarah, ang batayan lamang ng maraming tao sa pagpili ng mga kaibigan ay kung nagkakasundo sila—kung ano ang kanilang nadarama kapag sila’y magkakasama. Likas lamang na gustuhin nating makasama ang mga taong nagpapasaya sa atin. Subalit kung iyon lamang ang tanging batayan natin sa pagpili, anupat bahagya lamang o hindi pa nga binibigyang-pansin ang panloob na mga katangian ng isang tao, baka lubha lamang tayong mabigo sa dakong huli. Paano mo malalaman kung may mabubuting pamantayan ang isang tao?
Kailangan ang Matataas na Pamantayang Moral
Unang-una, kailangang tayo mismo ay may mabubuting pamantayan. Kailangan nating malaman kung ano ang tama at mali, mabuti at masama, at laging manghawakang mahigpit sa matataas na simulain sa moral. Sinasabi ng isa pang kawikaan sa Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal ay napatatalas. Gayundin pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Kung may mataas na mga pamantayang moral ang magkaibigan, matutulungan nila ang bawat isa na maging maygulang, at mas titibay ang buklod ng kanilang pagkakaibigan.
Ganito ang sabi ni Pacôme, mula sa Pransiya, “Para sa akin, ang tunay na kaibigan ay isa na nakikinig at nagsasalita sa akin nang may kabaitan subalit may kakayahan ding sumaway sa akin kapag nakagawa ako ng kamangmangan.” Oo, ang ating matatalik na kaibigan—bata man sila o matanda—ay yaong tumutulong sa atin na manatili sa tamang landas at nagtutuwid sa atin kapag naiisip nating gumawa ng kamangmangan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga sugat ng isang kaibigan ay tapat.” (Kawikaan 27:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Upang patibayin ang ating sarili sa moral at espirituwal na paraan, kailangan tayong makisama sa iba na umiibig sa Diyos at sa kaniyang mga simulain. “Palibhasa’y ako lamang sa aming paaralan ang may mga pamantayan at paniniwalang Kristiyano,” ang naalaala ni Céline mula sa Pransiya, “natutuhan ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano. Malaki ang naitulong nila sa akin upang manatiling timbang.”
Kilalanin ang Potensiyal na mga Kaibigan
Kung gusto mong makipagkaibigan sa isa na nakilala mo, baka nanaisin mong itanong sa iyong sarili, ‘Sino kaya ang kaniyang mga kaibigan?’ Marami kang malalaman hinggil sa isang tao batay sa uri ng kaniyang matalik na mga kasamahan. Gayundin, ano ang pagkakilala sa kaniya ng may-gulang at iginagalang na mga tao sa komunidad? Karagdagan pa, isang katalinuhan na isaalang-alang hindi lamang ang kanilang paraan ng pakikitungo sa atin kundi ang kanila ring paraan ng pakikitungo sa iba, lalo na roon sa mga walang maitutulong sa kanila. Maliban na lamang kung nagpapamalas ang isang tao ng mabubuting katangian—gaya ng pagkamatapat, integridad, pagkamatiisin, at pagiging makonsiderasyon—sa lahat ng panahon at sa lahat ng tao, makatitiyak ka kaya na lagi ka niyang pakikitunguhan nang mabuti?
Kailangan ang pagkamatiisin at kasanayan, gayundin ang panahon upang makilala ang totoong ugali ng isang tao at ang kaniyang tunay na kulay. Sinasabi ng Bibliya: “Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” (Kawikaan 20:5) Dapat nating ipakipag-usap sa potensiyal na mga kaibigan ang seryosong mga paksa—yaong magsisiwalat ng kanilang tunay na personalidad, motibo at siyempre, ng kanilang mga pamantayan. Anong uri sila ng mga tao? Mabait ba sila o malamig makitungo? Pangunahin nang positibo at masayahin o negatibo at mapanuya? Di-makasarili o mapagpalugod sa sarili? Mapagkakatiwalaan o di-matapat? Kung kapintasan ng iba ang ipinakikipag-usap niya sa iyo, hindi kaya magagawa rin niyang pintasan ka nang talikuran? “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 12:34) Dapat nating isaalang-alang ang sinasabi ng iba dahil isinisiwalat nito ang kanilang pagkatao.
Ang Pinakamahahalagang Bagay na Dapat Pagkasunduan
Iniisip ng ilan na dapat ay parehong-pareho ang hilig ng magkakaibigan. Iginiit ng isang batang lalaki, “Hindi ako makikipagkaibigan sa mga ayaw kumain ng cheesecake.” Totoo naman na kailangang magkasundo sa maraming bagay ang magkaibigan upang maunawaan nila ang isa’t isa, at ang pinakamahalaga ay magkatulad ang sinusunod nilang saligang mga pamantayan sa moral at espirituwal. Subalit hindi kailangang magkapareho sila ng personalidad at pinagmulan. Sa katunayan, ang pagkakaiba sa mga karanasan sa buhay ay magpapatibay sa pagkakaibigan at kapaki-pakinabang sa bawat isa.
Ang dalawang di-kumukupas na halimbawa ng pagkakaibigan na nakaulat sa Bibliya—yaong kina Jonatan at David at kina Ruth at Noemi—ay nakasalig sa kanilang debosyon sa Diyos at sa kaniyang mga simulain. * Kapansin-pansin na sa dalawang halimbawang ito, nagtagumpay ang kanilang pagkakaibigan bagaman malaki ang agwat ng mga edad nila at magkakaiba ang kanilang pinagmulan. Kaya itinuturo ng mga ito sa atin ang isa pang bagay hinggil sa pagkakaibigan: Malaki ang maitutulong ng mga kabataan at matatanda sa isa’t isa bilang magkakaibigan.
Nakikinabang sa Pagkakaiba ng Edad
Ang pakikipagkaibigan sa mga mas matanda o mas bata kaysa sa atin ay kapaki-pakinabang sa bawat isa. Isaalang-alang ang sumusunod na mga komento ng mga kabataan batay sa kanilang personal na mga karanasan.
Manuela (Italya): “Nakipagkaibigan ako kamakailan sa isang adultong mag-asawa. Ipinagtapat ko sa kanila ang aking niloloob, at natuwa ako dahil sinabi rin nila sa akin ang kanilang niloloob. Hindi nila ako minaliit dahil mas bata ako. Kaya naman napalapít ako sa kanila. Malaking tulong sa akin ang pakikipagkaibigan ko sa kanila kapag napapaharap ako sa mga problema. Nasumpungan ko na kapag nagsasabi ako ng mga problema sa mga kaedad ko, kung minsan ay binibigyan ako ng aking mga kaibigang babae ng mga payo na di-gaanong
pinag-isipan. Subalit ang aking nakatatandang mga kaibigan ay makaranasan, may kaunawaan, at wastong pagkatimbang na hindi pa taglay ng mga kabataang tulad ko. Sa tulong nila, nakagagawa ako ng mas mahuhusay na desisyon.”Zuleica (Italya): “Sa mga pagtitipon, hindi lamang mga kabataan ang isinasama namin kundi ilan ding nakatatanda sa amin. Napansin ko mismo na kapag nagsasama-sama ang matatanda at mga kabataan, talagang napatitibay kami kapag natapos na ang pagtitipon sa gabing iyon. Tuwang-tuwa kami dahil bawat isa ay medyo may magkakaibang pananaw.”
Mga nakatatanda, makapagpapakita rin kayo ng interes sa mga kabataan. Gaya ng ipinakita ng nabanggit na mga komento, lubhang pinahahalagahan ng maraming kabataan ang inyong malawak na karanasan at nasisiyahan silang makasama kayo. Ganito ang sabi ni Amelia, isang balo na mahigit nang 80 taóng gulang: “Ako mismo ang lumalapit at nakikipag-usap sa mga kabataan. Bumubuti ang pakiramdam ko kapag nakikita ko ang kanilang sigasig at kasiglahan!” Ang mabubuting resulta ng gayong pampatibay-loob sa isa’t isa ay may pangmatagalang mga epekto. Kinikilala ng maraming maliligayang kabataang adulto na naging matagumpay sila dahil sa mga kaibigan nila noon na medyo mas matanda sa kanila at nagsilbing mabubuting halimbawa at nagbigay sa kanila ng mahuhusay na payo.
Pasulungin ang Inyong Pagkakaibigan
Upang tamasahin ang mabubuting pagkakaibigan, hindi naman kailangang magkaroon ka ng bagong mga kaibigan. Kung mayroon ka nang mahuhusay na kasamahan, bakit hindi pag-isipan kung ano ang magagawa mo upang patibayin ang inyong pagiging magkaibigan? Ang matatagal nang kaibigan ay napakahalagang yaman, at dapat na gayon nga ang turing natin sa kanila. Huwag maliitin ang kanilang katapatan.
Higit sa lahat, tandaan na ang tunay na kaligayahan—at ang tunay na mga kaibigan—ay matatamo sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong sarili, ng iyong panahon, at ng iyong mga tinataglay. Mas malaki ang mga gantimpala kung ihahambing sa mga pagsisikap at sakripisyong nasasangkot. Gayunman, kung sarili mo lamang ang iniisip mo kapag humahanap ng mga kaibigan, hindi ka kailanman magtatagumpay. Kaya kapag humahanap ng potensiyal na mga kaibigan, huwag piliin yaon lamang mga hinahangaan mo o yaong may maitutulong sa iyo. Magpakita ka ng interes sa mga tao na maaaring ipinagwawalang-bahala ng iba o sa mga nahihirapan ding makipagkaibigan. Ganito ang sabi ni Gaëlle, mula sa Pransiya: “Kapag bumubuo kami ng isang grupo para sa isang aktibidad at nalaman naming may ilang kabataang nalulungkot dahil nag-iisa, inaanyayahan namin silang sumama. Sinasabi namin: ‘Ayaw mong mag-isa sa bahay. Puwede kang sumama sa amin nang magkakilala tayo nang husto.’ ”—Lucas 14:12-14.
Sa kabilang panig, kapag nakikipagkaibigan sa iyo ang mabubuting tao, huwag padalus-dalos na tumanggi. Ganito ang sabi ni Elisa na taga-Italya: “Baka medyo naghihinanakit ka pa dahil nadama mo noon na walang gustong makipagkaibigan sa iyo. Baka magsimula kang mag-isip, ‘Hindi naman talaga gayon kahalaga sa akin ang pakikipagkaibigan.’ Kaya magmumukmok ka, lalayo sa iba, at magtutuon na lamang ng pansin sa iyong sarili. Sa halip na maghanap ng mga kaibigan, lumilikha ka ng hadlang.” Sa halip na umiwas sa pakikipagkaibigan dahil sa walang-batayang mga pangamba o makasariling interes, sabihin sa iba ang iyong niloloob. May dahilan tayo para lubos na magpasalamat kapag may mga taong nagmamalasakit at gustong makipagkaibigan sa atin.
Maaari Kang Magkaroon ng Tunay na mga Kaibigan
Upang magkaroon ng tunay na mga kaibigan, hindi sapat ang magnais, maghintay, at magbasa ng mga artikulong gaya nito. Ang pakikipagkaibigan ay gaya ng pagbibisikleta. Hindi natin matututuhan ang dalawang kasanayang ito sa pamamagitan lamang ng mga aklat. Kailangan tayong lumabas at mag-ensayo, kahit na matumba pa tayo nang ilang beses. Ipinakikita ng Bibliya na ang pinakamatibay na mga ugnayan ay malalim na nakaugat sa pakikipagkaibigan ng bawat isa sa Diyos. Subalit hindi pagpapalain ng Diyos ang ating mga pagsisikap na makipagkaibigan kung wala naman tayong ginagawang pagsisikap. Determinado ka bang magkaroon ng tunay na mga kaibigan? Huwag sumuko! Manalangin ukol sa tulong ng Diyos, walang pag-iimbot na magpakita ng interes sa iba, at maging isang kaibigan.
[Talababa]
^ par. 12 Mababasa mo ang tungkol sa mga pagkakaibigang ito sa mga aklat ng Bibliya na Ruth, Unang Samuel, at Ikalawang Samuel.
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Mungkahi Para sa mga Magulang
Gaya ng maraming iba pang aral sa buhay, sa tahanan muna unang natututuhan ang pakikipagkaibigan. Dapat sana ay masasapatan ng pamilya ang malaking pangangailangan ng musmos na bata sa pakikipagsamahan. Magkagayunman, ang pag-iisip, damdamin, at paggawi ng isang bata ay lubha pa ring naaapektuhan ng pakikihalubilo niya sa iba. Halimbawa, isaalang-alang kung gaano kabilis na natututo ng bagong wika ang maraming anak ng mga nandayuhan dahil lamang sa pakikisalamuha sa ibang mga bata.
Bilang mga magulang, pribilehiyo ninyong tulungan ang inyong mga anak na pumili ng mga kaibigan nang may katalinuhan. Ang mga bata at mga tin-edyer ay hindi pa lubusang nasasangkapan upang makagawa ng gayong mga pagpapasiya nang walang patnubay ng mga magulang. Gayunman, may problema. Maraming kabataan ang mas malapít pa sa kanilang mga kaedad kaysa sa kanilang mga magulang o sa sinumang nakatatanda sa kanila.
Ayon sa ilang eksperto, humihingi ng payo ang mga tin-edyer sa kanilang mga kaedad sa halip na sa kanilang mga magulang dahil maraming magulang ang walang tiwala sa kanilang sariling kakayahang magpasiya tungkol sa moral na paggawi. Dapat balikatin ng mga magulang ang kanilang bigay-Diyos na pananagutang patnubayan at pagmalasakitan ang kanilang mga anak. (Efeso 6:1-4) Subalit paano? Nakipag-usap ang pampamilyang terapist na si Dr. Ron Taffel sa maraming magulang na hindi makatiyak kung paano makikitungo sa kanilang mga anak na tin-edyer. Sumulat siya na marami ang “sumusunod sa nauusong mga paraan ng pagpapalaki sa mga anak na malawakang itinataguyod ng media” sa halip na talagang gampanan ang papel nila bilang mga magulang ng kanilang mga anak. Bakit sila sumusunod sa gayong mga kausuhan? “Hindi nila maintindihan ang kanilang sariling mga anak dahil hindi nila lubusang kilala ang mga ito.”
Hindi dapat magkaganito. Dapat matalos ng mga magulang na babaling ang mga bata sa kanilang mga kaibigan kung hindi nakukuha ng mga ito sa tahanan ang kailangan nila. At ano iyon? “Kailangan nila ang normal na pangangailangan ng mga kabataan: pagsasanay, pagsang-ayon, katiwasayan, malinaw na mga tuntunin at kabatiran kung ano ang inaasahan sa kanila gayundin ang pagkadama na mahalaga sila sa pamilya,” ang sabi ni Taffel. “Nakalulungkot na sa panahon natin, hindi naibibigay ng mga adulto sa maraming tin-edyer ang pangunahing mga pangangailangang ito at hindi talaga ‘palagay ang loob’ ng mga kabataan kapag kasama ang kanilang sariling pamilya.”
Paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak hinggil sa pakikipagkaibigan? Ang unang hakbang ay isaalang-alang ang inyong sariling paraan ng pamumuhay at pakikipagkaibigan. Marangal ba at hindi makasarili ang mga tunguhin at istilo ng inyong pamumuhay at ng inyong mga kaibigan? Espirituwal ba at hindi materyalistiko? “Mas malakas mangusap ang mga gawa kaysa mga salita, at tiyak na mapapansin ng inyong mga anak ang mga saloobin at paggawi ninyo, ng inyong mga kaibigan, at ng mga anak ng inyong mga kaibigan,” ang sabi ni Douglas, isang Kristiyanong matanda at ama.
Pinakikilos ng katutubong gawi ang maraming hayop na buong-bangis na ipagsanggalang ang kanilang mga anak mula sa ibang mapanganib na mga nilalang. Iniulat ng isang eksperto sa mga oso: “Kilalá ang mga inang oso sa pagsasanggalang sa kanilang mga anak mula sa lahat ng nakikita nitong mga panganib.” Hindi ba gayundin ang dapat gawin ng mga magulang? Ganito ang sabi ni Ruben, mula sa Italya: “Nakipagkatuwiranan sa akin ang mga magulang ko mula sa Kasulatan. Tinulungan nila akong maunawaan na mas mabuti nang umiwas sa ilang uri ng mga kasama. Noong una, naisip ko: ‘Nakaiinis! Wala na akong magiging kaibigan!’ Pero nang maglaon ay nakita kong tama pala sila, at dahil sa kanilang pagkamatiisin, naipagsanggalang ako.”
Gayundin, tulungang mapalapít ang inyong mga anak sa mga indibiduwal na mabubuting huwaran at makatutulong sa kanila na magtakda mismo ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin para sa kanilang sarili. Ganito ang natatandaan ng isang matagumpay at maligayang kabataan na nagngangalang Francis: “Napansin ng aking ina na ibinubukod naming mga kabataan ang aming sarili, kaya tinulungan niya kami. Inimbitahan niya sa aming bahay ang mga kaibigang napakasigasig sa buong-panahong ministeryong Kristiyano. Dahil dito, nakilala at naging kaibigan namin sila, doon mismo sa aming tahanan.” Kung gagawa ka ng gayong mga pagsisikap, ang buhay ng inyong mga anak sa tahanan ay maaaring maging tulad ng matabang punlaan kung saan sisibol at lalago ang mabubuting pagkakaibigan.
[Larawan sa pahina 9]
Pansinin kung paano gumagawi ang potensiyal na mga kaibigan
[Larawan sa pahina 10]
Nagtatagumpay ang di-mapag-imbot na magkakaibigan sa kabila ng pagkakaiba ng edad at pinagmulan