Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sobrang Katabaan—Ano ang mga Sanhi Nito?

Sobrang Katabaan—Ano ang mga Sanhi Nito?

Sobrang Katabaan​—Ano ang mga Sanhi Nito?

“Nasa gitna tayo ng isang epidemya na maaaring magkaroon ng matinding epekto sa kalusugan ng ating mga anak. Kung hindi gagawa ng mga hakbang ngayon ang lipunan upang hadlangan ito, hindi titigil ang pagdami ng mga taong sobra ang katabaan.”​—William J. Klish, propesor ng “pediatrics.”

HILIG ng ilang walang problema sa timbang na hatulan yaong mga taong matataba at sobrang taba at ituring sila na mga taong mahihina ang loob at kulang sa determinasyon. Ngunit ganiyan nga ba kasimple ang problemang ito? Talaga nga bang tamad lamang ang mga taong sobrang taba, anupat umiiwas sa anumang pisikal na ehersisyo? O sa maraming kalagayan ay may iba pang malalalim na dahilan na mas mahirap kontrolin?

Namamana? Kapaligiran? O Pareho?

Sinasabi ng aklat na Food Fight: “Matagal nang pinagtatalunan kung alin nga ba sa pagitan ng henetika o ng kapaligiran ang siyang ugat ng sobrang katabaan.” Ano ba ang kahulugan ng henetika sa kontekstong ito? Nanghahawakan ang ilan sa teoriya na ang katawan ng tao ay likas lamang na nag-iimbak ng labis na kalori para sa posibleng pangangailangan sa hinaharap. Sinasabi pa ng aklat ding ito: “Ilang dekada nang pinag-aaralan ang henetika tungkol sa sobrang katabaan. . . . Marami nang pagsasaliksik ang ginagawa ngayon tungkol sa mga gene at sobrang katabaan ng tao. Gumagamit ng masalimuot na mga pamamaraan upang matukoy ang mga gene na nagiging sanhi ng sobrang timbang ng mga tao at ng mga sakit tulad ng diyabetis. Sa pananalitang siyentipiko, ang 25 porsiyento hanggang 40 porsiyento ng pagkakaiba sa timbang ng katawan ng mga tao sa pangkalahatan ay dahil sa mga gene.” Nagpatuloy pa ang aklat: “Sabihin na nating karaniwan nang maisisisi sa isang tao ang kaniyang sobrang katabaan, idiniriin ng mga numerong ito ang kahalagahan ng biyolohiya, subalit magkagayunman, 60 porsiyento o higit pa ng sanhi ng pagkakaiba sa timbang ng mga tao ay may kaugnayan sa kapaligiran.” Nangangahulugan ito na ang istilo ng pamumuhay ng isang tao ang pangunahin pa ring dahilan ng sobrang katabaan. Mas marami bang kalori ang nakukuha ng isang tao kaysa sa nagagamit niya bawat araw? Mali ba ang uri ng mga pagkain na lagi niyang kinakain? May inilalaan bang panahon bawat araw para sa katamtamang ehersisyo?

Sa simpleng pananalita, ipinaliwanag ng Mayo Clinic ang sanhi ng sobrang katabaan: “Ang mga gene ay maaaring isang salik na nagiging sanhi ng sobrang timbang o sobrang katabaan, ngunit ang iyong kinakain at pisikal na mga gawain ang siyang talagang dahilan ng iyong timbang. Sa kalaunan, ang sobrang kalori sa pagkain, pagkakaroon ng palaupong istilo ng pamumuhay, o ang kombinasyon ng dalawang ito ay humahantong sa sobrang katabaan.” (Amin ang italiko.) Sinabi pa ng klinika ring ito: “Hindi nangangahulugang namamana ang pagiging mataba. . . . Anuman ang kayarian ng mga gene mo, ang mga pinipili mong kainin at gawin ang talagang sanhi ng iyong timbang.”

Milyun-milyong dolyar ang kinikita ng mga negosyo na nilayong tulungan ang mga tao na magpapayat yamang hinahangad ng desperadong mga tao na maibalik ang kanilang dating pigura. Gayunman, ano ba ang sinasabi ng mga eksperto tungkol sa mga programang ito? “Napakahirap gamutin ang sobrang katabaan, at muling tumataba ang karamihan sa mga taong nagpapayat,” sabi ng aklat na Food Fight. “Ang pinakapositibong mga pagtaya ay na 25 porsiyento [isa sa apat] ang pumapayat at napananatili ito, na kadalasa’y resulta na ng maraming pagtatangka.”

Mga Panganib ng Sobrang Katabaan

Maaaring humantong sa malulubhang karamdaman ang sobrang katabaan. Si Dr. Scott Loren-Selco, isang neurologo sa University of Southern California Medical Center, ay nagbabala tungkol sa panganib ng Type 2 diabetes maging sa mga kabataang sobra ang katabaan. (Tingnan ang Gumising! ng Mayo 8, 2003.) Sinabi niya: “Palagi na kaming nakakakita ng ganitong kaso ngayon, at maniwala kayo, talagang nakatatakot ito. Sinasabi ko [sa mga pasyenteng sobrang taba] na puwede ko silang dalhin sa silid-pagamutan para sa mga may diyabetis at ipakita sa kanila ang posibleng kinabukasan nila: mga nabulag, pinutulan ng mga bahagi ng katawan, napakaraming tao na lubusang nabaldado dahil sa type 2 [diabetes]​—at ang lahat ay dahil sa sobrang taba.” Ano ang isang pangunahing dahilan? “Kaya nilang bumili ng dambuhalang mga burger at fries​—kaya bumibili sila nito,” ang sabi ni Loren-Selco. “Walang nagsasabi sa kanila na mali iyon​—lalo nang hindi sasabihin iyon ng mga kompanya ng fast-food, at, sa totoo lang, tiyak na hindi rin iyon sasabihin ng karamihan sa mga manggagamot, na wala pa ring pagsasanay tungkol sa nutrisyon.”

Ganito naman ang sabi ni Dr. Edward Taub, isang kilaláng manunulat tungkol sa nutrisyon: “Nauso kamakailan, at hindi pa nga itinuturing na masama, ang paniniwala na ang pagiging mataba ay normal lamang at tinatanggap na bahagi ng modernong pamumuhay. Ito ay tunay na isang kahanga-hangang tagumpay sa ugnayang pampubliko na nakamit ng mga negosyong kumikita habang pinatataba nila tayo.”

Sinasabi ng mga eksperto na ang mga taong “hugis-peras,” may labis na taba sa balakang, ay baka mas malusog pa sa mga “hugis-mansanas,” may labis na taba sa tiyan (lalo na kung lampas sa 35 hanggang 40 pulgada ang sukat ng baywang). Bakit? Sapagkat “pinalalaki ng taba sa iyong tiyan ang panganib na magkaroon ka ng alta presyon, sakit sa puso, diyabetis, atake serebral at ilang uri ng kanser,” sabi ng aklat na Mayo Clinic on Healthy Weight. “Kung ikaw ay hugis peras​—may malaking balakang, hita at pigi​—hindi gayon kalaki ang panganib sa iyong kalusugan.”

Kaya ano ba ang solusyon para sa milyun-milyong adulto at mga bata sa buong daigdig na sobra sa timbang at nanganganib na magkaroon ng malulubhang komplikasyon sa kalusugan? Mayroon bang mabisang lunas?

[Kahon/Chart sa pahina 5]

Ano ang BMI? Ano ang sinasabi nito sa iyo?

Ang BMI (body mass index) ay isang proporsiyon ng taas at timbang na makatutulong upang malaman kung ang isang tao ay mataba o sobra na sa katabaan. Ayon sa Mayo Clinic, ang proporsiyon na 18.5 hanggang 24.9 ang siyang itinuturing na pinakamalusog. Kung ang iyong BMI ay nasa pagitan ng 25 at 29.9, ikaw ay mataba. Anumang higit sa BMI na 30 ay itinuturing nang sobrang taba. Kumusta ka naman kung ihahambing sa tsart? Kailangan mo na kayang magpatingin sa iyong doktor upang humingi ng mga mungkahi o ng katiyakan kung ano ang iyong kalagayan?

Upang makalkula ang iyong BMI, paramihin ang iyong timbang nang 705 ulit, hatiin ang resulta sa pamamagitan ng iyong taas sa pulgada, saka hatiing muli ang resulta sa pamamagitan ng iyong taas sa pulgada. Halimbawa, kung ang timbang mo ay 200 libra at anim na piye ang taas mo, ang iyong BMI ay 27 (200×705÷72÷72=27).

[Chart]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Malusog Mataba Sobra sa Katabaan

BMI 18.5-​24.9 25-​29.9 30 o higit pa

Taas Timbang sa libra

4’10” 118 o mas mababa 119-​142 143 o higit pa

4’11” 123 o mas mababa 124-​147 148 o higit pa

5’0” 127 o mas mababa 128-​152 153 o higit pa

5’1” 131 o mas mababa 132-​157 158 o higit pa

5’2” 135 o mas mababa 136-​163 164 o higit pa

5’3” 140 o mas mababa 141-​168 169 o higit pa

5’4” 144 o mas mababa 145-​173 174 o higit pa

5’5” 149 o mas mababa 150-​179 180 o higit pa

5’6” 154 o mas mababa 155-​185 186 o higit pa

5’7” 158 o mas mababa 159-​190 191 o higit pa

5’8” 163 o mas mababa 164-​196 197 o higit pa

5’9” 168 o mas mababa 169-​202 203 o higit pa

5’10” 173 o mas mababa 174-​208 209 o higit pa

5’11” 178 o mas mababa 179-​214 215 o higit pa

6’0” 183 o mas mababa 184-​220 221 o higit pa

6’1” 188 o mas mababa 189-​226 227 o higit pa

6’2” 193 o mas mababa 194-​232 233 o higit pa

6’3” 199 o mas mababa 200-​239 240 o higit pa

[Credit Line]

Halaw sa Mayo Clinic on Healthy Weight

[Kahon sa pahina 5]

Ano ang kalori?

Paano binibigyang-katuturan ang kalori para sa mga nagdidiyeta? Ito ay isang pamantayang panukat ng enerhiyang init. Kaya naman, kapag pinapawisan ka, nagagamit mo ang kalori, o ang enerhiyang init. “Ang isang kalori ay ang init na kailangan upang itaas nang eksaktong isang digri sentigrado ang temperatura ng isang kilo ng tubig.” (Balance Your Body, Balance Your Life) Iba-iba ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao sa kalori, o enerhiya, depende sa mga salik gaya ng taas, timbang, edad, at antas ng gawain.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Ikaw ay di-aktibo kung

▪ Ginugugol mo ang halos buong maghapon na nakaupo​—nanonood ng TV o nasa mesa o nasa sasakyan​—sa ibang salita, hindi ka gumagalaw

▪ Bihira kang maglakad nang mahigit sa 90 metro

▪ Ang trabaho mo ay hindi gaanong nangangailangan ng lakas ng katawan

▪ Hindi ka gumugugol ng 20 hanggang 30 minuto upang mag-ehersisyo kahit minsan sa isang linggo

[Credit Line]

Batay sa Mayo Clinic on Healthy Weight