Ang Laging Popular na Sibuyas
Ang Laging Popular na Sibuyas
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico
Magiging kumpleto kaya ang kusina kung wala ang karaniwang sibuyas? Ang gulay na ito na maraming gamit ay maaaring isangkap sa halos anumang bagay—sa sopas, salad, pangunahing mga putahe, at sa tinimplang mga gamot. Maaari pa nga tayong paluhain nito nang kaunti.
Ang karaniwang sibuyas ay kauri ng magaganda at namumulaklak na mga halaman—gaya ng golden onion, bride’s onion, at ng ornamental garlic—at pinagmumulan mismo ng magagandang bulaklak. Gayunman, ang makikita sa halos lahat ng kusina sa daigdig ay ang ulo ng sibuyas, isang usbong sa ilalim ng lupa na may namamagang mga suson ng balát.
Ang gulay na ito ay isa sa pinakamatandang pananim na pinatutubo ng tao. Ang malaganap na paggamit nito ay matatalunton sa ulat ng Bibliya na nagpapakitang noong mga taóng 1513 B.C.E., inasam ng bansang Israel ang mga sibuyas na kinakain nila samantalang nasa pagkaalipin sa Ehipto.—Bilang 11:5.
Subalit bakit gustung-gusto ng mga taong nagmula sa iba’t ibang kultura ang lasa ng sibuyas? Tiyak na dahil sa sangkap nitong asupre, na nagbibigay rito ng kakaibang samyo at matapang na amoy. At ang sulfenic acid nito ang sangkap na kilaláng nakapagpapaluha.
Hindi Lamang Masarap na Pagkain
Nakapagpapalusog ang sibuyas. May mga nutriyente ito na gaya ng kalsyum, phosphorous, at ascorbic acid, o bitamina C. Gayunman, ang sibuyas ay lalo nang pinahahalagahan noon pa man dahil sa nakagagamot na mga katangian nito. Kahit ngayon, ginagamit itong panlunas sa ilang karamdaman, kasali na ang sipon, laringhitis, atherosclerosis, sakit sa puso, diyabetis, at hika. Sinasabing panlaban din ang sibuyas sa impeksiyon, kolesterol, pamamaga, pamumuo ng dugo sa ugat, at kanser.
May iba’t ibang kulay ang mga sibuyas—puti, dilaw, kayumanggi, berde, pula at murado. Maaari itong kainin nang hilaw o luto, gawing de-lata, iatsara, patuyuin, pulbusin, hiwain nang maninipis, o hugis kubiko. Hindi ba’t kahanga-hangang gulay ang sibuyas—kahit na medyo pinaluluha ka nito?