Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kapakinabangan ng Pagbabasa sa mga Bata

Mga Kapakinabangan ng Pagbabasa sa mga Bata

Mga Kapakinabangan ng Pagbabasa sa mga Bata

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND

Ganito ang sabi ng mga tagapag-organisa ng taunang kampanya na “Binabasahan ng Buong Poland ang mga Bata”: “Pagbabasa ang susi kapuwa sa kaalaman at intelektuwal na kakayahan. . . . Binubuksan nito ang pintuan ng ingatang-yaman ng kaisipan at kaalaman ng tao.” Kung totoo nga ito, bakit itinuturing ng maraming adulto at mga bata na pabigat lamang ang pagbabasa?

Ganito ang sabi ng mga tagapagpasimula ng kampanyang ito: “Kailangang linangin mula pagkabata ang kaugaliang magbasa at ang pagkagiliw sa mga aklat.” Pinayuhan nila ang mga magulang: “Kung gusto ninyong maging matalino at matagumpay sa paaralan at sa kanilang buhay ang inyong mga anak, basahan sila nang malakas sa loob ng 20 minuto araw-araw.”

Pinasisigla rin ang mga magulang na huwag ipagpaliban ang pagbabasa sa kanilang mga anak kundi “magsimula sa lalong madaling panahon.” Kailan? “Basahan natin ang isang sanggol, habang kalong siya, tinitingnan nang magiliw, at pinupukaw ang kaniyang interes sa pamamagitan ng ating tinig,” ang paghimok sa mga magulang. “Sa ganitong paraan, patuloy na naiuugnay ang pagbabasa sa pagkadama ng katiwasayan, kaluguran, at pagiging malapít sa isa’t isa. Bukod diyan, pinasisigla rin nito ang pag-unlad ng isip.”

Idiniin ng mga tagapag-organisa ng kampanya na “lalong mahalaga sa ngayon higit kailanman ang pagbabasa sa mga bata,” at binanggit nila ang iba pang kapakinabangan. Ang pagbabasa nang malakas ay nagtuturo sa mga bata na mag-isip, “tumutulong sa kanila na maunawaan ang ibang mga tao, ang daigdig, at ang kanila mismong sarili, . . . nagpapasigla sa kanilang interes, nagpapasulong sa imahinasyon, pumupukaw sa emosyonal na pag-unlad, naglilinang ng pagkamaunawain at empatiya, nagtuturo ng mga pamantayang moral, . . . nagpapaunlad ng paggalang sa sarili.” Walang alinlangan, ito ang “panlaban sa di-kanais-nais na mga impluwensiya . . . na nagsasapanganib sa isip at puso ng mga bata,” ang sabi ng mga namumuno sa kampanyang ito.

Upang lalong maging mabisa ang pagbabasa, dapat gamitin ang mga publikasyong nagpapasigla sa mga kabataan na maging malapít sa kanilang makalangit na Maylalang. Ang Bibliya ang pinakamahusay na aklat na makatutulong sa atin na maging malapít sa Diyos. “Mula sa pagkasanggol,” ang sabi ng Bibliya, tinuruan na ang kabataang si Timoteo hinggil sa “banal na mga kasulatan.” (2 Timoteo 3:15) Sa programa ng pagbabasa nang malakas sa mga bata, maisasama ng mga magulang ang mga aklat na salig sa Bibliya gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Matuto Mula sa Dakilang Guro, na pantanging isinulat para sa mga bata at inilathala ng mga Saksi ni Jehova.