Bakit Papaubos Na ang mga Ito?
Bakit Papaubos Na ang mga Ito?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA
KAHANGA-HANGANG mga tigreng Bengal, maiilap na aso, sarus crane (tipol), matatandang pagong, at mga elepante ng Asia—ilan lamang ito sa uri ng mga hayop sa India na malapit nang maubos. Kuning halimbawa ang pinakamalaking mamalya sa lupa, ang elepante.
Napakalaki ng pangangailangan sa garing na mga pangil ng elepante. Ang Hapon ay isa sa pinakamalakas gumamit ng garing, at gayundin ang Tsina, kung saan popular pa rin ang mga chopstick na garing. Paano lalong nakasamâ sa mga elepante ng Asia ang pangangailangan sa garing?
Ipinaliwanag noon ng The Times of India: “Di-tulad ng mga elepante ng Aprika, mga lalaki lamang sa mga elepante ng Asia, at iilan lamang sa mga ito, ang may mga pangil. Kaya pangunahing pinupuntirya ang may-gulang na mga elepante na may mga pangil. Ayon sa opisyal na estadistika, mga sandaan [na lalaking elepante] ang pinapatay taun-taon sa India, anupat dahil dito ay nagbago ang proporsiyon ng bilang ng mga babae sa mga lalaki.” Isinasapanganib ng gayong mga pagpatay ang mismong pag-iral ng mga hayop na ito.
Dahil Lamang sa Masinsing Kimpal ng Buhok
Kunin ding halimbawa ang rinoseros, ang ikalawa sa pinakamalaking buháy na mamalya sa lupa sa ngayon. Ang India at Nepal na lamang ang natitirang mga dakong kanlungan para sa rinoseros
na may iisang sungay. Subalit ang Pobitara Wildlife Sanctuary sa estado ng Assam na nasa hilagang-silangan ng India ay mga 38 kilometro kuwadrado lamang ang laki, medyo maliit para panahanan ng mga rinoseros. Kaya ang mga hayop na ito ay nagpapalabuy-laboy sa kalapít na mga lupaing sakahan, kung saan maaari silang barilin o lasunin.Nakaimbento ang mga tao ng tusong paraan ng pagpatay sa isang rinoseros. Dalawang kable ng kuryente na may mataas na boltahe ang nasa itaas ng Pobitara Sanctuary. Gamit ang isang mahabang kawayan, isasabit ng mga mangangaso sa mga kableng ito ang isang kawad na halos sumayad sa lupa. Ipinaliwanag ng biyologo sa buhay-iláng na si Vivek Menon kung ano ang nangyari nang madikit sa kawad ang isang rinoseros: “Habang nananalaytay ang napakataas na boltahe ng kuryente sa katawan nito, humingasing ito nang dalawang ulit at agad na bumagsak . . . Patagilid na bumulagta ang pagkalaki-laking hayop, anupat agad na namatay.”
Nakalulungkot, pinatay ang higanteng hayop na ito dahil sa di-kalakihang sungay nito, na tumitimbang lamang ng mga isang kilo! Dahil sa napakalaking komersiyal na halaga ng sungay—isang masinsing kimpal ng buhok na parang mga kuko ng tao—kung kaya lubhang nanganib ang mga rinoseros.
Dahil sa mga Panwelong Shahtoosh
Ang antilope, o chiru, ng Tibet ay may uri ng lana na tinatawag na shahtoosh. Gayon na lamang kapino ito anupat ang isang panwelo na yari rito ay maaaring paraanin sa singsing ng hintuturo. Ang gayong panwelo ay maaaring magkahalaga ng $16,000, anupat itinuturing itong isa sa pinakamahal na panwelo sa daigdig. Ngunit ano ang kahulugan nito para sa antilope na may ganitong lana?
“Ang isang panwelong shahtoosh ay kapalit ng buhay ng di-kukulangin sa limang chiru,” ang sabi ng The Indian Express. Mga 20,000 chiru mula sa talampas ng Tibet ang iniuulat na pinapatay taun-taon. Nagaganap ito kahit ang chiru ay dapat sanang ipinagsasanggalang ng iba’t ibang batas ukol sa mga hayop na papaubos na. Bukod diyan, ipinagbawal noong 1979 ang pagbebenta ng lanang shahtoosh. Gayunman, mula noon, ang bilang ng mga chiru ay patuloy na nababawasan.
Dahil sa Balat at mga Buto
Nanganganib din ang pag-iral ng mga tigre at iba pang maiilap na pusa sa India. Sa ibang dako, ang ilang uri ng tigre, tulad ng tigreng Caspian, tigreng Java, at tigreng Bali, ay ipinalalagay na naubos na. Noong pasimula ng ika-20 siglo, mga 40,000 tigre ang gumagala-gala sa kagubatan ng India. Sa paglipas ng mga taon, nabawasan ang bilang ng mga ito. Dahil ito sa patuloy na pagsira sa kanilang tahanan at pagpatay sa kanila sa pag-aakalang ang balat at ilang buto nila ay nakapagpapagaling sang-ayon sa medisina ng mga Tsino.
Hinggil sa epekto ng kawalan ng angkop na tahanan para sa mga tigre, ang aklat na The Secret Life of Tigers ay nagsasabi: “Darami lamang ang bilang ng mga tigre kung lalawak ang kagubatang tinatahanan nila. Kapag hindi ito nangyari, mapipigilan ang pagdami ng mga tigre bunga ng nakamamatay na awayan ng mga ito dahil sa pagkain at teritoryo.”
Ano naman ang nangyayari sa ilang maiilap na pusa sa India? Sa isang zoo sa Junagadh, Gujarat, nakita ng isang bisita ang isang kulungang walang laman. Isang cheetah ng Asia ang nakalarawan sa labas ng kulungan at doo’y may nakasulat sa wikang Gujarati, na kababasahan ng ganito: “Ang cheetah ay naubos na sa India noong dekada ng 1950.”
Ano ang Kinabukasan ng mga Ito?
Waring madilim ang kinabukasan ng papaubos na mga nilalang sa India. Napakaraming katibayan na buong-kasakimang sinisira ng mga tao ang lupa, kasali na rito ang pagpuksa sa maraming kahanga-hangang buhay-iláng nito. Ano ang mangyayari? Ang dapat paniwalaang salita ng Diyos, na nakaulat sa Banal na Bibliya, ay nagpapahiwatig na malapit nang matupad ang sumusunod na hula: “Ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot [ng Diyos] ay dumating, at ang takdang panahon . . . upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Ano ang magiging resulta kapag pinawi na sa lupa ang lahat ng sumisira rito at sa kahanga-hangang buhay-iláng nito? Tiyak na magiging napakagandang panahon iyon! Hindi na kailanman isasapanganib ng mga tao ang anumang uri ng hayop. Magaganap ito sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na itinuro ni Jesu-Kristo na ipanalangin ng mga tao.—Isaias 11:6-9; Mateo 6:10.
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang ilan sa papaubos nang mga hayop sa India
“Sarus crane”
Tigreng Bengal
Elepante ng Asia
Rinoseros na may iisang sungay
Antilope ng Tibet
[Credit Lines]
Tipol: Cortesía del Zoo de la Casa de Campo, Madrid; antilope: © Xi Zhi Nong/naturepl.com