Ang Kahalagahan ng Pagtuturo sa Iyong Anak
Ang Kahalagahan ng Pagtuturo sa Iyong Anak
ANG natutuhan o di-natutuhan ng isang tao sa panahon ng pagkabata ay makaaapekto sa kaniyang magiging mga kakayahan sa hinaharap. Kung gayon, ano ang kailangan ng mga anak sa kanilang mga magulang upang sila’y maging balanse at matagumpay paglaki nila? Tingnan natin ang naging konklusyon ng ilan batay sa ginawang pagsasaliksik nitong nakalipas na mga dekada.
Ang Papel ng mga Synapse
Dahil sa pagsulong ng teknolohiyang sumusuri sa reaksiyon ng aktibong utak ng isang tao, mas detalyado ngayong napag-aaralan ng mga siyentipiko ang utak. Ipinakikita ng ganitong mga pag-aaral na ang mga unang taon ng bata ay isang napakahalagang panahon sa pagpapasulong ng mga kakayahan ng utak na kinakailangan sa paggamit ng impormasyon, sa normal na pagpapahayag ng damdamin, at sa pagiging mahusay sa pagsasalita. “Napakabilis na naghuhugpong ang mga koneksiyon ng utak sa mga unang taon ng sanggol, habang ang kayarian ng utak nito ay nahuhubog dahil sa sunud-sunod na inter-aksiyon ng henetikong mga impormasyon at ng mga nagaganap sa kapaligiran,” ang ulat ng magasing Nation.
Naniniwala ang mga siyentipiko na ang karamihan sa mga koneksiyong ito, na tinatawag na mga synapse, ay naghuhugpong sa mga unang taon ng buhay. Sa panahong ito “nabubuo ang posibleng maging kayarian ng mga hugpungan ng mga synapse ng sanggol na makaaapekto sa talino, kakanyahan, tiwala at pangganyak na matuto,” ayon kay Dr. T. Berry Brazelton, isang propesyonal sa larangan ng paglaki ng mga bata.
Ang utak ng sanggol ay mabilis na sumusulong sa sukat, kayarian, at kakayahan sa mga unang taon. Sa isang kapaligirang sagana sa pangganyak at mga bagay na matututuhan, dumarami ang koneksiyon ng mga synapse, anupat lumilikha
ng napakaraming kawing ng mga daanan ng signal ng mga neuron sa utak. Nagiging posible ang kakayahang mag-isip, mag-aral, at mangatuwiran dahil sa mga koneksiyong ito.Posible na kapag madalas na ginaganyak ang utak ng sanggol, lalo namang dumarami ang napasisiglang mga selula ng nerbiyo at lalong dumarami ang mga koneksiyong naghuhugpong sa mga ito. Kapansin-pansin, ang pangganyak na ito ay hindi lamang pang-intelektuwal, na natatamo dahil sa pagkakalantad sa mga impormasyon, numero, o wika. Natuklasan ng mga siyentipiko na kailangan din ang emosyonal na pangganyak. Ipinakikita ng pananaliksik na kapag ang mga sanggol ay hindi niyayakap at hinahaplos at hindi nilalaro o ginaganyak, mas kaunting koneksiyong lamang ng mga synapse ang mabubuo.
Pagtuturo at Angking Kakayahan
Darating ang panahon, habang lumalaki ang mga bata, nagaganap ang tinatawag na pagpupungos. Lumilitaw na inaalis ng katawan ang mga koneksiyon ng mga synapse na maaaring hindi kailangan. Nakaaapekto ito nang malaki sa angking kakayahan ng bata. “Kapag hindi tumanggap ang bata ng tamang uri ng pangganyak sa tamang edad,” ang sabi ng mananaliksik sa utak na si Max Cynader, “kung gayon ay hindi mabubuo nang tama ang mga koneksiyon sa utak.” Ayon kay Dr. J. Fraser Mustard, ang resulta nito ay maaaring mababang IQ, mahinang kakayahan sa pagsasalita at matematika, problema sa kalusugan paglaki nila, at mga problema pa nga sa pag-uugali.
Kaya lumilitaw na ang mga naranasan ng isang tao noong sanggol pa siya ay posibleng magkaroon ng tiyak na epekto sa kaniyang buhay pagsapit niya sa hustong gulang. Ang katatagan o kahinaan ng taong ito, ang pagkatuto niyang mag-isip ng mga teoriya o kawalan ng ganitong kakayahan, at ang pagkakaroon niya ng empatiya o kawalan nito ay maaaring epekto ng kaniyang mga naranasan sa murang edad. Kaya napakahalaga ng papel ng mga magulang. “Ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng maagang karanasang ito,” ang sabi ng isang pedyatrisyan, “ay ang pagkakaroon ng isang marunong na tagapag-alaga.”
Parang napakasimple lamang nito. Turuan at alagaan ang iyong mga anak, at sila’y susulong. Nakalulungkot sabihin, alam ng mga magulang na hindi laging madaling unawain kung paano aalagaan nang tama ang mga anak. Hindi awtomatikong nalalaman ng mga magulang ang mahusay na pagpapalaki sa mga anak.
Ayon sa isang pag-aaral, hindi alam ng 25 porsiyento ng tinanong na mga magulang kung ang ginawa nilang pag-aalaga sa kanilang anak ay makatutulong o makahahadlang sa talino, kumpiyansa, at hilig nito na matuto. Nagbabangon ito ng mga tanong: Ano ang pinakamainam na paraan upang mapasulong ang angking kakayahan ng iyong anak? At paano mo mailalaan ang tamang kapaligiran? Tingnan natin.
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga sanggol na pinabayaan at hindi ginanyak ay posibleng lumaking hindi kasinghusay ng iba