Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pansinin: Ang seryeng “Pag-unawa sa mga Mood Disorder,” na lumitaw sa aming isyu ng Enero 8, 2004, ay tumanggap ng napakaraming pagtugon mula sa mga mambabasa. Ang sumusunod ay ilan lamang sa maraming sulat na natanggap namin.
Nakabasa na ako ng maraming artikulo sa inyong mga magasin na lubhang nakaantig sa akin, subalit walang nakaantig na gaya ng seryeng ito. Habang binabasa ko ang tungkol sa ating mga kapatid na dumaranas ng mga karamdamang ito, nababagbag ang puso ko. Kung nakapagsalita man ako nang masakit sa kanila, sana’y mapatawad nila ako. Pakisuyong magpatuloy kayo sa paglalathala ng mga artikulong gaya nito. Tinutulungan kaming lahat nito na maging mas maibigin at maunawain.
S. W., Estados Unidos
Para bang nasira ang buhay ko nang ako ay masuri na may bipolar disorder. Iyak ako nang iyak, subalit nagsumamo rin ako kay Jehova sa panalangin. Natanggap ko ang sagot sa aking mga panalangin ngayong linggo—ang Gumising! hinggil sa mga mood disorder. Para bang binabalot ako ni Jehova ng isang kumot para mainitan sa panahon ng taglamig. Dahil sa mga artikulong ito, nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpatuloy.
R. T., Canada
Tatlong taon na ang nakalilipas nang masuring may bipolar disorder ang aming 12-taóng-gulang na anak na lalaki. Madalas niyang madama na walang nakauunawa sa kaniyang mga problema at na hindi nagmamalasakit si Jehova sa kaniya. Nang ipakita namin sa kaniya ang mga artikulong ito, agad niyang binasa ang mga ito. May luha sa kaniyang mga mata nang sabihin niya: “Inay, may mga taong nakauunawa. At nauunawaan ako ni Jehova.” Malugod na tinanggap ng kaniyang manggagamot ang magasin, at nagkaroon ako ng kasiya-siyang pakikipag-usap sa kaniya hinggil sa Bibliya.
L. P., Estados Unidos
Taimtim akong nanalangin kay Jehova na sana’y maglathala ng impormasyon tungkol sa bipolar disorder. Ngayon, pagkaraan ng dalawang buwan, hawak ko na ang Enero 8, 2004, na labas ng Gumising! Dahil sa inyong praktikal na mga mungkahi, naragdagan ang pakikibahagi ko sa paglilingkod kay Jehova.
M. S., Mexico
Ginamit ko ang impormasyon sa seryeng ito para sa isang proyekto sa kolehiyo. Humingi ng isang kopya nito ang department head ng programa para sa mga may pantanging pangangailangan upang turuan ang mga kawani hinggil sa bipolar disorder. Ipagpatuloy ninyo ang inyong ekselenteng gawain. Marami ang nakikinabang.
K. R., Estados Unidos
Maliwanag na naitampok ninyo ang kahalagahan ng hindi pagtingin sa isang tao ayon sa kaniyang karamdaman. Kaming mga elder sa kongregasyon ay tinutulungan ng mga artikulong ito na maunawaan ang kalagayan ng mga kapatid na nakikipagbaka sa karamdamang ito at tulungan sila.
R. P., Italya
Ang ate ko ay dumaranas ng matinding depresyon. Nang mabasa ko ang mga artikulong ito, napaiyak ako sapagkat natanto ko na nagsalita ako nang walang kabatiran tungkol sa kaniyang kalagayan. Batid ko na ngayon na hindi ako dapat huminto sa pagtulong sa aking ate kundi may-pagtitiyagang unawain siya.
D. P., Estados Unidos
Nauunawaan ko ang lahat ng bagay na nabasa ko sa seryeng ito. Napaiyak ako at pakiramdaman ko’y naibsan ang pagkadama ko ng pagkakasala. Ibinigay ko ang isang kopya ng magasin sa aking doktor, na laging nagpapatibay sa akin na manatiling tapat sa aking mga paniniwala.
A. L., Pransiya
Ako po’y 13 taóng gulang. Maraming ulit ko na pong ninais na mamatay. Talaga pong natulungan ako ng Gumising! na patuloy na mabuhay. Alam ko na ngayon na talagang nagmamalasakit si Jehova at nakikinig siya sa atin!
M. S., Estados Unidos
Sa tuwina’y itinuturing ko na makasarili ang depresyon, isang bagay na basta dapat ihinto ng isang tao. Gayunman, pagkatapos kong mabasa ang mga artikulong ito, natanto ko na sa pagiging hindi makonsiderasyon sa damdamin ng iba, ako sa katunayan ang nagiging makasarili.
R. N., Estados Unidos
Salamat sa seryeng ito na mainam ang pagkakasulat. Nagbibigay ito ng kahanga-hangang saligan para sa paggamot. Ako sa kasalukuyan ay isang estudyanteng nagpapakadalubhasa sa sikolohikal na pagpapayo, at gagamitin ko ang artikulong ito sa aking mga kliyente.
P. Y., Estados Unidos
Sa loob ng mahigit na sampung taon na, ako’y nakikipaglaban sa depresyon. Binanggit ng mga artikulong ito ang kapakinabangan ng pag-iingat ng isang talaarawan, at sisikapin kong gawin iyon. Inirerekord ng isang kaibigang Kristiyano ang mga pagpupulong para sa akin kung mga araw na hindi ako makadalo, at malaking tulong ito.
M. S., Hapon
Sampung taon ko nang nararanasan ang mga sintomas na ito. Maraming ulit ko nang nabasa ang mga artikulo at pinag-aralang mabuti ang mga ito kasama ng aking mister. Nakatulong ang mga artikulo na pag-usapan namin ang tungkol sa aking mga damdamin at higit na bigyan ng pansin ang bawat isa.
I. H., Hungary
Mismong pamilya ko ang pumipintas sa akin anupat gusto ko nang magpakamatay. Subalit binigyan ako ng pag-asa ng seryeng ito, sa pagkaalam na nauunawaan ako ni Jehova. Dumadalo na ako ngayon sa mga pulong Kristiyano at nakikibahagi sa ministeryo.
M. B., Estados Unidos
Naaaliw akong malaman na hindi ako nag-iisa sa dinaranas kong mga paghihirap. May praktikal na mga mungkahi sa serye, at sisikapin kong ikapit ang mga ito hangga’t maaari. Pakisuyong patuloy na maglimbag ng gayong mga artikulo, na makatutulong sa marami.
V. L., Russia
Ako’y isang 68-taóng-gulang na elder na may clinical depression sa loob ng mga sampung taon na. Ang mga elder sa kongregasyon ay nangangailangan din ng pastol, at ang ilan sa amin ay maaari ring lubhang manlumo. Naantig ako nang husto sa pagbabasa kung paano hinaharap ng iba ang mga mood disorder.
B. A., Estados Unidos
Inudyukan ako ng impormasyon sa seryeng ito na magpagamot. Nakatulong din ito sa misis ko na lalong makayanan ang aking depresyon. Lagi akong humahanga sa pagiging napapanahon at sa katumpakan ng inyong mga artikulo.
C. B., Alemanya
Tatlong buwan bago ko mabasa ang seryeng ito, ako’y nasuri na may depresyon. Ang unang reaksiyon ko sa balita ay katulad na katulad ng inilarawan sa serye—nabigla ako at ayaw kong sabihin ito kaninuman. Salamat sa inyong serye, nadama kong ako’y nauunawaan at hindi na nag-iisa.
A. G., Austria
Mula pa noong bata ako, may bipolar disorder na ang tatay ko. Kapag siya ay nasa yugto ng labis na kasiyahan, hirap na hirap ang pamilya. Kahit na alam kong may sakit siya, namuhi ako sa kaniya. Subalit nang mabasa ko ang seryeng ito, naunawaan ko sa unang pagkakataon ang nararanasan ng aking tatay. Hindi ko mapigilan ang umiyak habang binabasa ko ito. Sa susunod na pag-uwi ko sa amin, gusto ko siyang makausap. Sisikapin kong tanggapin siya mula sa aking puso.
S. S., Hapon
May mga problema sa pag-iisip ang anak na babae ng aking kaibigan, at sinabi ko sa kaniyang anak na kung mag-aaral lamang siya at mananalangin nang higit, bubuti ang pakiramdam niya. Ipinakita sa akin ng impormasyon sa pahina 10 ng seryeng ito na mali ako. Nakatutulong ang panalangin at pag-aaral, subalit hindi ito ang lunas sa mga sakit. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na makaagapay sa makabagong pamamaraan.
B. D., Estados Unidos
Maraming ulit na akong umiyak kapag may nagsasabi sa akin na hindi nanlulumo ang mga Kristiyano. Subalit tinulungan ako ng seryeng ito, at inaliw ako nito na malaman na hindi lamang ako ang may ganitong problema.
P. B., Inglatera