Buháy na mga Hiyas sa Daigdig ng mga Insekto
Buháy na mga Hiyas sa Daigdig ng mga Insekto
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
IKINUKUBLI ng mataas na kulandong ng mga sanga sa maulang kagubatan ang libu-libong buháy na mga hiyas. Ang ilan ay nagniningning na gaya ng ginto at pilak; ang iba ay kumikislap na parang mga esmeralda, rubi, at safiro. Ang mga hiyas na ito ng kagubatan, na bihirang nakikita ng tao, ay ang mga uwang.
Ano ang naguguniguni mo kapag naiisip mo ang mga uwang? Matitingkad-ang-kulay na mga insekto na may kakatwang anyo at nagkukumarimot sa ilalim ng iyong paa? Sa totoo lang, ang mga uwang ay nasa hanay ng pinakamakukulay na nilalang sa lupa, gayundin ng may pinakamalaking bilang. Ayon sa The Guinness Book of Animal Records, ang halos 400,000 kilalang uri ng Coleoptera—ang siyentipikong kategorya na kinabibilangan ng mga uwang—ay bumubuo sa halos sangkatlo ng lahat ng kilalang uri ng hayop sa planeta. At kung sakali mang gusto mong makatuklas ng isang bagong uri, maaari mong subukin ang paghahanap sa mga uwang. Tinataya ng entomologong si Dr. Terry Erwin na maaaring milyun-milyon pang uri ng uwang ang hindi pa nakikilala ng siyensiya. Nakapagtataka na nakakita si Erwin ng mga 1,200 iba’t-ibang uri ng mga uwang sa 19 na malalaking tropikal na punungkahoy lamang.
Kahanga-hangang Pagkakasari-sari
Kung isasaalang-alang ang dami ng mga uri ng uwang, hindi nga nakapagtataka na nagkakaiba-iba ang mga hugis at laki ng mga uwang. Ang ilan ay “napakalaki anupat ang naunang mga kolektor ay gumagamit ng mga shotgun na ang bala ay buhangin upang pabagsakin sila sa paglipad,” ang sabi ng magasing National Geographic. Ang iba naman ay “napakaliit anupat kumakabit sila sa pinakanguso ng mga bubuyog upang makapaglakbay. Mayroon pa ngang mga uwang na nakararating sa mga museo at kinakain
ang nakadispley na mga koleksiyong uwang,” ang sabi ng magasin.Sa katunayan, ang mga koleksiyong uwang ay nagkakahalaga ng malaking pera. Kapuwa ang kulay at ang pagiging di-pangkaraniwan ng mga uwang ay nakaaapekto sa kanilang halaga. Ang mga scarab beetle ay may iba’t-ibang mga kulay na berde at pula, gayundin ng kulay-pilak at ginto. Halimbawa, ang isang matingkad-na-pulang scarab ay maaaring ipagbili nang $200, samantalang ang scarab naman na may pino at ginintuang kinang ay maipagbibili nang higit pa sa doble ng halagang iyan.
Ang ilang long-horned beetle, na isinunod ang pangalan sa kanilang sobrang laking mga sungot, ay may ipinagmamalaking kahanga-hanga at makukulay na disenyo. Bukod pa rito, ang ibang mga uwang ay kumikinang-kinang na parang maliliit at makisap na mga moseyk. Ang kanilang kumikinang-kinang na mga kulay na berde at asul ay kaparis ng kulay ng mga hummingbird. Subalit mahalaga ang mga uwang hindi lamang dahil sa kanilang mga kulay. Gumaganap din sila ng mahalagang papel sa pagpapanatiling malusog ng ating ekosistema sa pamamagitan ng pagreresiklo sa nabubulok na mga sangkap ng halaman at dumi.
Mga Alahas na Insekto
Hindi lamang ang mga kolektor ng mga uwang ang lubhang nagpapahalaga sa mga hiyas na insektong ito. Sa mga lupain sa Amerika, gumagawa ng mga kuwintas ang ilang babae sa pamamagitan ng pagtutuhog sa makukulay na takip ng pakpak ng mga uwang. Sa mga bahagi ng Mexico, ang mga jewel beetle—angkop na pinanganlan—ay pinapalamutian ng idinidikit na mga piraso ng makulay na salamin at mga abaloryo at ginagawang buháy na mga alpiler, na dinidikitan naman ng isang maikling kawing para maikabit sa damit ng may-ari nito.
Mas gusto mo mang hangaan ang mga uwang sa malayo o suriin ang mga ito nang malapitan, ang buháy na mga hiyas na ito ay malinaw na nagpapakita ng kabigha-bighaning kagandahan at pagkamasalimuot ng mga nilalang sa lupa.
[Kahon/Larawan sa pahina 16]
Mga Leaf Beetle
Bagaman maganda, ang ilang uwang ay maaaring maging mga peste. Halimbawa, kinakain ng mga leaf beetle ang mga dahon, tangkay, at mga ugat ng maraming uri ng mga halaman at mga pananim.
Bagaman may mga 25,000 uri ng mga leaf beetle, isa lamang ang maaaring ipaalaala ng pangalang iyan sa maraming magsasaka—ang Colorado potato beetle. Ang uwang na ito ay unang nakilala ng mga naninirahan sa Hilagang Amerika bilang isang banta sa kanilang mga pananim na patatas noong 1859. Noong maagang bahagi ng ika-20 siglo, nasalakay na ng uwang na ito ang Europa, at ngayon ay lumaganap na ito sa kabilang ibayo ng kontinenteng iyan at sa Asia.
Dahil sa kakayahan nitong gumawa ng pandepensa sa mga pamatay-insekto, ang Colorado potato beetle ay naging isang napakahigpit na kalaban. Sa ngayon, ginagamit ang kombinasyon ng agrikultural, biyolohikal, at kemikal na mga taktika upang makontrol ang mga uwang na ito na matakaw sa dahon.
[Larawan]
“Colorado potato beetle,” E.U.A.
[Credit Line]
Scott Bauer/Agricultural Research Service, USDA
[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]
Ang mga Kampeon ng mga Uwang
▪ Ang mga uwang ang may pinakamahabang buhay sa mga insekto. Bagaman ang karamihan sa mga insekto ay nabubuhay nang wala pang isang taon, nabubuhay ang ilang jewel beetle hanggang sa mahigit na 30 taóng gulang, at isa ang may rekord na umabot sa pinakamatandang edad na 47. Ang mga jewel beetle ay “nangingitlog sa ilalim ng balat ng buháy na punungkahoy” ang paliwanag ng The Guinness Book of Animal Records. “Kapag pinutol ang puno, karaniwan nang nakaliligtas ang ilan sa mga larva at saka naililikas na nasa kahoy patungo sa ibang panig ng daigdig; yamang maraming taon ang bibilangin bago maging hustong gulang ang ilang uri, ang mga adultong uwang ay maaaring lumabas sa mga muwebles sa bandang huli.”
▪ Ang mga goliath beetle sa tropikal na Aprika ang mga kampeon sa pabigatan ng timbang sa daigdig ng mga insekto. Maaaring tumimbang nang hanggang 100 gramo ang ilang lalaki, tatlong ulit ng bigat ng isang karaniwang daga.
▪ Ang pinararangalan bilang pinakamalakas na tagabuhat sa daigdig ng mga hayop (na proporsiyon sa laki) ay ang mga rhinoceros beetle ng Dynastinae subfamily. Kayang buhatin ng malakas na nilalang na ito ang 850 ulit ng bigat nito.
[Larawan]
“Goliath beetle,” Zaire
[Credit Line]
Faunia, Madrid
[Larawan]
“Rhinoceros beetle,” Equatorial Guinea
[Larawan sa pahina 16]
“Jewel scarab beetle,” Mexico
[Larawan sa pahina 16]
“Jewel scarab beetle,” Honduras
[Larawan sa pahina 16]
“Jewel scarab beetle,” Costa Rica
[Larawan sa pahina 17]
“Long-horned beetle,” Indonesia
[Larawan sa pahina 17]
“Scarab beetle,” Thailand
[Larawan sa pahina 17]
“Metallic wood-boring beetle,” Thailand
[Larawan sa pahina 17]
“Metallic wood-boring beetle,” Hungary
[Larawan sa pahina 17]
“Jewel scarab beetle,” Honduras
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Itaas sa kanan at gitna: © David Hawks; kanan: © Barbara Strnadova/Photo Researchers, Inc.
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Itaas pakanan: Unang tatlo: Faunia, Madrid; ikaapat: Gyorgy Csoka, Hungary Forest Research Institute, www.insectimages.org; ikalima: © Barbara Strnadova/Photo Researchers, Inc.