Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natto—Ang Naiibang Balatong ng Hapon

Natto—Ang Naiibang Balatong ng Hapon

Natto​Ang Naiibang Balatong ng Hapon

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Hapon

Matatakam ka ba sa pinakasim, malagkit at mahiblang balatong? Malamang na hindi! Subalit ang natto​—​pinakasim at pinasingawang balatong​—ay popular na pagkain sa Hapon. Sa katunayan, tinataya na mahigit sa 110,000 tonelada ng balatong ang ginagamit taun-taon upang makagawa ng 220,000 tonelada ng natto.

AYON sa alamat, mga sanlibong taon na ang nakalilipas, natagpuan at tinikman ng mandirigmang si Minamoto Yoshiie ang pinakuluang balatong na naiwan at nangasim sa ibabaw ng dayami. Sa ganiyang paraan natuklasan ang natto. Pinaniniwalaang pagsapit ng katapusan ng yugto ng Edo (1603-1867), naging regular na bahagi ng pagkaing Hapon ang natto sa ilang lugar.

Paano ginagawa ang natto? Noon, inilalagay ang pinasingawang balatong sa bungkus-bungkos na dayami ng palay at pagkatapos ay iniimbak sa mainit at maumidong kapaligiran. Bilang resulta, kumakasim ito sa pamamagitan ng Bacillus natto, ang baktirya na nabubuhay sa dayami ng palay. Sa pagkasim, nabubulok ang mga protina at glucide na nasa balatong, na nagiging naiiba namang mga hibla ng natto, na mababanat nang hanggang anim na metro!

Sa ngayon, ginagawa nang maramihan ang natto sa mga pabrikang de-makina, kung saan winiwisikan ng tamang dami ng Bacillus natto ang pinasingawang balatong. Pagkatapos, inililipat ng makina ang mga balatong sa maliliit na lalagyan. Inilalagay ng conveyor ang mga ito sa imbakan, kung saan ang balatong ay pinakakasim at pinagugulang ng patiunang itinakdang temperatura at antas ng kaumiduhan. Pagkatapos ibalot, maaari nang ipagbili ang natto.

Ang natto ay may kakaibang amoy na itinuturing na mabaho ng ilan. Ngunit masustansiya ang malagkit at mahiblang balatong. Sa pagkasim, nagkakaroon ito ng mga bitamina B2 at K at mga mineral na gaya ng iron, kalsyum, at potasiyum. Mayroon ding mga enzyme ang natto na tumutulong sa panunaw. Matatagpuan din sa natto ang nattokinase, isang enzyme na tumutunaw sa mga namuong dugo.

May iba pang gamit ang mga hibla ng natto bukod sa pagkain. Halimbawa, ginagawa itong fiber, biodegradable na plastik, at resina. Sumisipsip ng tubig ang sintetikong resina na natto.

Ang pagkasim ay naglalabas ng init at mga substansiya na sumusupil sa ibang baktirya. Kaya naman, kapag tama ang pagkakagawa, nagtatagal ang natto. Sa isang eksperimento, nagparami ng natto bacilli kasama ng enteropathogenic na E. coli O157, na kilalang sanhi ng nakamamatay na pagkalason sa pagkain. Namatay ang E. coli O157. Gayunman, iminumungkahi na ilagay sa repridyeretor ang natto at kainin sa loob ng mga isang linggo dahil unti-unting magbabago ang lasa nito. Kapag masyadong tumagal ang pagkasim, ang balatong ay nalulusaw nang husto at nagkakaroon ng matapang na tulad-amonyang amoy.

Kinakain ng maraming tao ang natto sa nakaugalian nang paraan​—nilalagyan ng toyo. Mas gusto ng iba na lagyan ito ng mustard o tinadtad na sibuyas na mura, samantalang nilalagyan naman ito ng iba ng damong-dagat o hilaw na itlog. Masarap itambal ang natto sa umuusok na puting kanin. Puwede rin itong ihain kasama ng ispageti, noodles ng Hapon, at sopas pa nga. Gusto ito ng ilan sa tustadong tinapay na may mantikilya. Kapag inihain kasama ng kanin, pinakamainam na haluing mabuti ang balatong. Habang hinahalo mo ito, mas dumarami ang mga hibla.

Lalong nagiging popular ang natto habang higit na nakikilala na masustansiya ito. Sa katunayan, may nabibili na ngayong walang-amoy na natto, at malugod na itong tinatangkilik ng mga dating umiiwas dito dahil sa amoy nito. Subukan mo ang natto. * Magugustuhan mo rin ang pinakasim, malagkit at mahiblang balatong ng Hapon!

[Talababa]

^ par. 11 Dapat mabatid ng mga umiinom ng warfarin para sa sakit sa puso na ang bitamina K sa natto ay maaaring makaapekto sa bisa ng gamot na ito.