Kapag May Karamdaman sa Isip ang Iyong Minamahal
Kapag May Karamdaman sa Isip ang Iyong Minamahal
NORMAL naman ang simula ng umagang iyon para sa mga Johnson. * Nakabangon at nakabihis na ang apat na miyembro ng pamilya para sa mga gawain sa araw na iyon. Pinaalalahanan ni Gail ang kaniyang 14-na-taóng-gulang na anak na lalaki, si Matt, na huli na ito para makasakay sa school bus. Lubhang di-inaasahan ang sumunod na nangyari. Sa loob ng kalahating oras, inispreyhan ni Matt ng pintura ang dingding ng isang silid-tulugan, sinubukang sunugin ang garahe, at tinangka niyang magbigti sa atik.
Sinundan ni Gail at ng kaniyang asawang si Frank ang ambulansiyang nagdala kay Matt, anupat pinag-iisipan nang husto kung ano ang nangyari. Subalit ang nakalulungkot, pasimula lamang ito. Marami pang pangyayari ang naganap bunga ng pagkasira ng bait, na nagsadlak kay Matt sa nakapanlulumong daigdig ng mga may sakit sa isip. Kalakip sa kaniyang limang-taóng paghihirap ang maraming pagtatangkang magpatiwakal, dalawang ulit na pagkakaaresto, paglabas-masok sa pitong ospital para sa mga may sakit sa isip, at di-mabilang na pagpapatingin sa mga propesyonal sa kalusugan ng isip. Malimit na di-malaman ng nalilitong mga kaibigan at mga kamag-anak kung ano ang sasabihin o gagawin.
Tinataya na 1 sa 4 na tao sa buong daigdig ang magkakaroon ng sakit sa isip sa isang yugto ng kanilang buhay. Kung ibabatay sa nakagugulat na estadistikang ito, malamang na mayroon kang magulang, anak, kapatid, o kaibigan na may isang anyo ng karamdaman sa utak. * Ano ang magagawa mo kung ang minamahal mo ay may gayong karamdaman?
● Kilalanin ang mga Sintomas. Maaaring hindi kaagad matiyak kung ang isa ay may karamdaman sa isip. Maaaring iugnay ng mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya ang mga sintomas sa mga pagbabago ng hormon, mga sakit sa katawan, mga kahinaan ng personalidad, o sa resulta ng mahihirap na kalagayan. Patiuna nang nakita ng ina ni Matt ang ilang tanda ng problema kay Matt, ngunit inakala ng mga magulang niya na ang kaniyang pagkasumpungin ay bahagi ng yugto ng pagbibinata na lilipas din kaagad. Gayunman, maaaring ipahiwatig ng malalaking pagbabago sa pagtulog, pagkain, o paggawi na may mas malubhang problema. Ang pagsusuri ng isang propesyonal ay maaaring umakay sa mabisang paggamot at mas mabuting kalidad ng buhay ng iyong minamahal.
● Alamin ang Tungkol sa Sakit. Karaniwan nang limitado ang kakayahan ng mga taong may karamdaman
sa isip para magsaliksik may kinalaman sa kanilang sariling kondisyon. Kaya, ang makukuha mong impormasyon mula sa pinakabago at maaasahang pinagmumulan ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang dinaranas ng iyong minamahal. Makatutulong din ito sa iyo na makipag-usap sa iba nang hayagan at nang may kabatiran. Halimbawa, binigyan ni Gail ang lolo’t lola ni Matt ng medikal na mga pamplet na nakatulong sa kanila na madamang higit silang nakauunawa at nakatutulong.● Magpagamot. Bagaman nagtatagal ang ilang karamdaman sa isip, maraming maysakit ang nagkaroon ng matatag at kapaki-pakinabang na buhay dahil sa angkop na pagpapagamot. Nakalulungkot, marami ang nagtitiis nang ilang taon nang hindi humihingi ng tulong. Kung paanong nangangailangan ng espesyalista sa puso ang isang malubhang sakit sa puso, ang sakit sa isip ay nangangailangan din ng pansin ng mga nakaaalam kung paano gagamutin ang gayong mga sakit. Halimbawa, ang mga saykayatris ay makapagrereseta ng gamot na kapag ginamit nang tuluy-tuloy ay maaaring tumulong upang makontrol ang sumpong, mapawi ang kabalisahan, at maituwid ang baluktot na paraan ng pag-iisip. *
● Himukin ang maysakit na humingi ng tulong. Maaaring hindi matanto ng mga may karamdaman sa isip na kailangan nila ang tulong. Maaari mong imungkahi sa maysakit na magpatingin sa isang partikular na doktor, magbasa ng ilang kapaki-pakinabang na mga artikulo, o makipag-usap sa isa na matagumpay na naharap ang katulad na karamdaman. Maaaring hindi tanggapin ng iyong minamahal ang payo mo. Ngunit huwag kailanman mag-atubiling makialam kung ang isa na pinangangalagaan mo ay may tendensiyang pinsalain ang kaniyang sarili o ang iba.
● Iwasan ang paninisi. Hindi pa tiyak na nauunawaan ng mga siyentipiko ang masalimuot na impluwensiyang dulot ng henetiko, pangkapaligiran, at panlipunang mga salik na nagiging dahilan ng di-normal na paggana ng utak. Kabilang sa dalawa o higit pang mga salik na maaaring maging dahilan ng karamdaman sa isip ang pagkapinsala ng utak, pag-abuso sa nakasusugapang mga substansiya, mga kalagayan sa kapaligiran na nakapagpapaigting, di-balanseng mga kemikal sa katawan, at minanang tendensiya. Hindi makabubuti na paratangan ang mga indibiduwal sa inaakala mong ginawa nila na naging sanhi ng kanilang sakit. Gamitin ang iyong lakas upang suportahan at patibayin sila.
● Maging makatotohanan sa mga inaasahan. Kung mas malaki ang inaasahan mo kaysa sa kayang ibigay ng isang maysakit, makasisira ito ng loob. Sa kabilang panig naman, ang labis na pagdiriin sa mga limitasyon ng maysakit ay magpapadama sa kaniya na wala siyang kakayahan. Kaya panatilihing makatotohanan ang iyong mga inaasahan. Siyempre pa, hindi dapat kunsintihin ang maling mga gawa. Kagaya ng iba, ang mga may karamdaman sa isip ay maaaring matuto mula sa mga bunga ng kanilang mga gawa. Maaaring kailanganin ang legal na hakbang o ilang restriksiyon para sa isa na may marahas na paggawi upang maipagsanggalang ang indibiduwal at ang iba.
● Panatilihin ang komunikasyon. Mahalaga ang komunikasyon, bagaman kung minsan ay waring mali ang pagkaunawa sa iyong mga sinasabi. Maaaring mahirap hulaan ang mga tugon ng isang
may karamdaman sa isip, at baka waring di-angkop ang kaniyang mga emosyon sa kinakaharap na situwasyon. Gayunman, ang pagpintas sa mga sinasabi ng maysakit ay makapagpapadama lamang ng pagkakasala at makadaragdag sa kaniyang panlulumo. Kapag waring di-nakatutulong ang sinasabi mo, tahimik na maupo at makinig. Tanggapin ang nadarama at naiisip ng maysakit nang hindi siya hinahatulan. Sikaping manatiling mahinahon. Makikinabang ka at ang iyong minamahal kung patuloy mong ipakikita na nagmamalasakit ka. Naging totoo ito kay Matt. Pagkalipas ng ilang taon, ipinahayag niya ang kaniyang pagpapahalaga sa mga sinasabi niyang “tumulong sa akin noong ayaw kong magpatulong.”● Isaalang-alang ang mga pangangailangan ng ibang mga miyembro ng pamilya. Kapag kailangang magbuhos ng pansin ang pamilya sa isang may problema, maaaring mapabayaan ang ibang mga miyembro. Sa loob ng ilang panahon, nadama ni Amy, ang ate ni Matt, na hindi na siya “gaanong nabibigyan ng pansin dahil sa pagkakasakit ni Matt.” Binawasan niya ang kaniyang mga inaabot na tunguhin upang hindi maibaling ang pansin sa kaniya. Samantala, waring nais naman ng mga magulang niya na mas marami siyang maabot, na para bang mapagtatakpan niya ang mga pagkukulang ng kaniyang kapatid na lalaki. Tinatangka naman ng ilang kapatid na napabayaan dahil sa ganitong situwasyon na makatawag ng pansin sa pamamagitan ng paglikha ng problema. Nangangailangan ng tulong ang mga pamilyang nasa krisis upang maasikaso ang kabi-kabilang pangangailangan ng pamilya. Halimbawa, nang mabuhos ang pansin ng pamilyang Johnson sa mga problema ni Matt, ang mga kaibigan nila sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay tumulong kay Amy sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng ekstrang atensiyon.
● Itaguyod ang mabubuting kaugalian para sa kalusugan ng isip. Dapat na kalakip sa kumpletong plano upang mapabuti ang kalusugan ng isip ang pagbibigay-pansin sa kinakain, ehersisyo, tulog, at sosyal na mga gawain. Karaniwan nang hindi nakababahala ang simpleng mga gawain kasama ng maliliit na grupo ng mga kaibigan. Isa pa, tandaan na maaaring palubhain ng alkohol ang mga sintomas at makahahadlang ito sa paggagamot. Sinisikap ngayon ng pamilyang Johnson na panatilihin ang isang rutin para sa kalusugan ng isip na kapaki-pakinabang sa lahat lalo na sa kanilang anak na lalaki.
● Alagaan ang iyong sarili. Maaaring manganib ang iyong kalusugan dahil sa kaigtingang dulot ng pag-aalaga sa isang may karamdaman sa isip. Kung gayon, mahalagang bigyang-pansin mo ang iyong pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan. Ang pamilyang Johnson ay mga Saksi ni Jehova. Nadarama ni Gail na nakatulong nang malaki sa kaniya ang pananampalataya niya upang maharap ang krisis sa kaniyang pamilya. “Ang Kristiyanong mga pagpupulong ay nakapapawi ng kaigtingan,” ang sabi niya, “isang panahon upang isaisantabi ang kasalukuyang mga álalahanín at magtuon ng pansin sa mas mahahalagang isyu at sa ultimong pag-asa. Napakaraming ulit na nanalangin ako nang napakataimtim ukol sa kaginhawahan, at lagi namang may nangyayaring pagbabago upang maibsan ang aking pamimighati. Sa tulong ng Diyos na Jehova, nagkaroon ako ng kapayapaan ng isip na tila imposibleng matamo kung isasaalang-alang ang aming kalagayan.”
Si Matt ngayon ay isa nang adulto at may maaliwalas na pananaw sa buhay. “Mas bumuti ang pakiramdam ko sa aking sarili dahil sa naranasan ko,” ang sabi niya. Nadarama rin ni Amy, ang ate ni Matt, na nakinabang din siya sa karanasang iyon. “Hindi na ako gaanong mapamintas sa iba,” ang sabi niya. “Hindi mo alam kung ano ang mga kalagayang maaaring nagpapahirap sa isa. Tanging ang Diyos na Jehova lamang ang nakaaalam.”
Kung ang iyong minamahal ay may karamdaman sa isip, laging tandaan na ang pagiging handang makinig, pag-alalay, at pagkakaroon ng bukás na isip ay makatutulong upang makapagbata ang maysakit—at gumaling pa nga.
[Mga talababa]
^ par. 2 Binago ang mga pangalan.
^ par. 4 Ginagamit ng ilan ang terminong “karamdaman sa utak (brain disorder),” yamang hindi ito nakahihiyang pakinggan at agad itong nagpapahiwatig ng karamdaman sa nerbiyo.
^ par. 7 Dapat isaalang-alang hindi lamang ang potensiyal na mga pakinabang kundi pati ang posibleng masasamang epekto. Hindi inirerekomenda ng Gumising! ang anumang partikular na medikal na paggamot. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paggamot na pipiliin nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.
[Kahon sa pahina 21]
Ilang Pahiwatig na Tanda ng Karamdaman sa Isip
Kung makikita sa iyong minamahal ang alinman sa sumusunod na mga sintomas, baka kailangan siyang magpatingin sa isang doktor o sa isang propesyonal sa kalusugan ng isip:
• Nagtatagal na kalungkutan o pagiging magagalitin
• Umiiwas makihalubilo
• Pasumpung-sumpong na labis na katuwaan at labis na kalungkutan
• Sobrang galit
• Marahas na paggawi
• Pag-abuso sa nakasusugapang substansiya
• Labis-labis na takot, pangamba, at kabalisahan
• Di-normal na takot na tumaba
• Malaking pagbabago sa mga kaugalian sa pagkain o pagtulog
• Palaging binabangungot
• Litóng kaisipan
• Maling mga palagay o guniguni
• Pag-iisip hinggil sa kamatayan o pagpapatiwakal
• Kawalang-kakayahang harapin ang mga problema at mga gawain sa araw-araw
• Hindi pag-amin sa nakikitang mga problema
• Maraming di-maipaliwanag na mga sakit sa katawan
[Larawan sa pahina 22]
Kapag waring di-nakatutulong ang sinasabi mo, tahimik na maupo at makinig sa maysakit