Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naiibang Tulay na Bumago sa Isang Pulo

Naiibang Tulay na Bumago sa Isang Pulo

Naiibang Tulay na Bumago sa Isang Pulo

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Canada

MATATAGPUAN sa Gulpo ng St. Lawrence sa Baybaying Atlantiko ng Canada ang luntian at hugis-suklay na Pulo ng Prince Edward, ang pinakamaliit na probinsiya sa Canada. Inilarawan ito ni Jacques Cartier, isang manggagalugad na Pranses noong ika-16 na siglo, bilang “ang pinakakahali-halinang lupaing makikita.” Magiliw na tinatawag ito na Pulo ng mahigit na 130,000 tumatahan dito, at ang Pulo ng Prince Edward ay kilala sa malilinis nitong aplaya, mga patatas na lumaki sa mataba at mapulang lupa, at mga ulang na nahuhuli sa mga baybayin nito. Pagkaraan ng mahigit na isang siglo pagkatapos sumapi ang pulo sa Dominion of Canada noong 1873, nagtatag ito ng permanenteng kawing sa kontinente​—ang naiibang Confederation Bridge. Ano ang epekto ng tulay na ito sa pulo at sa mga tagaroon?

Ang Pulo ng Prince Edward ay inihihiwalay sa kontinente ng isang maliit na katubigan, na mga 13 kilometro lamang ang lapad sa pinakamakitid at pinakamababaw na bahagi nito. Gayunman, ang Kipot ng Northumberland na 300 kilometro ang haba ay nakatulong sa mga tagapulo na madamang naninirahan sila sa isang natatanging lugar. Pinahahalagahan nila ang kanilang kasaysayan, tradisyong pang-agrikultura, at ang katahimikan ng kanilang tulad-harding pulo.

Nagwakas ang pagkakabukod na ito noong Nobyembre 1996 nang ang huling kongkretong bahagi ng Confederation Bridge ay ilagay. Opisyal na binuksan ang tulay noong Mayo 31, 1997. Mula noon, nakatatawid na sa kipot ang mga residente at mga bisita sa pulo na sakay ng kotse sa loob ng 12 minuto, anupat makatatawid na sila anumang araw sa buong taon.

Ngunit ano kaya ang nakaaakit sa mga tao para magtungo sa nakabukod na pulong ito? Ang sagot para sa marami ay isang pamagat ng aklat​—ang Anne of Green Gables! Oo, ang awtor ng bantog na aklat na iyan, si Lucy Maud Montgomery (1874-1942), ay mula sa Cavendish, kung saan naroroon pa rin ang kaniyang tahanan. Tuwing tag-araw, mahigit sa 200,000 turista ang dumadayo roon.

Bakit Naiiba ang Tulay?

Sa buong daigdig, napakaraming kagila-gilalas na mga tulay na hinahangaan sa arkitektura sa ating modernong panahon. Kaya bakit natatangi ang isang ito? Tiyak na hindi ito ang pinakamahabang tulay sa daigdig, subalit sinasabing ito “ang pinakamahabang tulay na nasa ibabaw ng tubig na natatakpan ng yelo” kapag taglamig.

Halos laging napupuno ng yelo ang Kipot ng Northumberland sa loob ng limang buwang taglamig, kaya dinisenyo ang tulay na ito para makatagal sa gayong hangin at masamang lagay ng panahon. Sa kontinente, nagsisimula ang tulay sa Pulo ng Jourimain, New Brunswick. Mula roon, binabagtas nito ang kipot at nagtatapos sa timog-kanlurang baybayin ng Pulo ng Prince Edward, na may mabababang dalisdis na batong-buhangin, malapit sa maliit na nayon ng Borden. Nasasabik ka na bang tumawid sa makipot, mahaba, at salubungang haywey na ito na 11 metro ang lapad? Bawal ang maglakad o magbisikleta sa tulay, kaya isinaayos na isakay ang mga pedestriyan at mga nakabisikleta para makatawid. Sa pinakamataas na bahagi nito na nagpapahintulot sa mga barko na dumaan, nasa ibabaw ka ng tubig sa taas na 60 metro, mga kasintaas ng 20-palapag na gusali. Bakit napakataas? Pinararaan nito sa gitna ng kipot ang mga barkong patungo sa karagatan.

Pagtatayo na Isinasaalang-alang ang Kapaligiran

Nangangailangan ng masalimuot na komprehensibong seguro at maraming pagpaplanong pangkapaligiran ang ganito kalaking proyekto upang maingatan ang nakapalibot na ekosistema. Ang isang mahalagang salik ay ang magiging epekto ng tulay sa pagdaloy ng yelo sa kipot kapag tagsibol. Ang anumang maiipong yelo ay magkakaroon ng malaking epekto sa mga tirahan ng mga halaman at hayop doon sa lupa at tubig gayundin sa industriya ng pangingisda. Inilipat sa pantanging piniling mga lugar maging ang mga materyal na hinukay mula sa sahig ng karagatan upang makagawa ng bagong tirahan ng mga ulang.

Mahalaga ang kulay-tanso at hugis-konong mga pangharang ng yelo na inilagay na kapantay ng tubig sa bawat shaft ng piyer. (Tingnan ang dayagram, pahina 18.) Para saan ang mga ito? Habang sumasadsad patungo sa kono ang inaanod na yelo, naitutulak paitaas ang yelo hanggang sa mabiyak ito dahil sa sarili nitong bigat. Pagkatapos ay bumabagsak ito pabalik sa agos at nahuhulog sa magkabilang panig ng piyer. Upang maiwasang maipon ang maraming yelo na inaanod sa kipot, magkalayo nang 250 metro ang pagkakalagay ng mga piyer sa pinakasahig na batuhan.

Ang Hamon ng Pagbuo sa Tulay

Hindi pangkaraniwan ang pagkalalaking mga piraso ng tulay. Ang apat na pangunahing ginamit sa pagtatayo ng tulay ay (1) ang paanan ng piyer, na nasa sahig ng kipot na nakatayo sa inihandang pundasyon at umaabot sa ibabaw ng tubig, (2) ang shaft ng piyer na nakakabit sa paanan ng piyer, (3) ang pinakapingga na nasa ibabaw ng shaft ng piyer, at (4) ang mga drop-in span na pandugtong sa mga pinakapingga. (Tingnan ang dayagram sa itaas.) Nagtrabaho sa pagtatayo ang mahigit sa 6,000 manggagawa, at ginawa ang mahigit sa 80 porsiyento ng pagtatayo sa baybayin sa “pagkalaki-laking 60-ektaryang pasilidad ng pagtatayo.” Pagkatapos, dinala ang bawat piraso mula sa pasilidad sa lupa papunta sa puwesto nito sa tubig at binuo sa dagat.

Ang isang tapos nang pinakapingga ay may habang 192 metro. ‘Paano nailipat ang bahagi na gayon kalaki?’ baka itanong mo. Sa pamamagitan ng sasakyang panghakot. Kapag nakita mong naghahakot ito, maiisip mo ang isang langgam na nagpapasan ng isang bagay na di-hamak na mas malaki kaysa sa kaniya. Yamang tumitimbang nang 7,500 tonelada ang bawat pingga, pagkabigat-bigat nito! Umuusad sa bakal na daan sa bagal na tatlong metro bawat minuto, hindi nagwagi ang sasakyang panghakot sa anumang karera. Hindi nakapagtataka na binansagan ang dalawang sasakyang panghakot na Pagong at Ulang!

Yamang panlupa lamang ang “mga langgam” na ito, gumamit ng grua (crane) na may taas na 102 metro na isinakay sa isang tulad-barkong sasakyan na may kasko sa magkabilang gilid. Inilarawan ito ng isang reporter na “napakapangit na gamit, na may napakahabang leeg at pagkalalaking mga paa” subalit “kasinghinhin ng sisne kung kumilos.” Unang ginawa ito noong 1990 para sa itatayong tulay noon sa pagitan ng mga pulo sa Denmark na Funen at Zealand, at inayos muli ang sasakyang ito at dinala mula sa Dunkerque, Pransiya. Kamangha-mangha, ang sasakyang ito na pambuhat ng mabibigat na bagay “ay kayang bumuhat ng katumbas ng 30 eroplanong Boeing 737 at magmaniobra sa laot ng dagat na kasing-ingat ng siruhano.” Sa pamamagitan ng global positioning system na gumagamit ng mga satelayt, nailagay nito sa puwesto ang mga pinakapingga at ang iba pang mga piraso na ang pagkaeksakto ay kulang ng dalawang sentimetro.​—Tingnan ang larawan, pahina 18.

Ano ang Naging Epekto sa Pulo?

Ang bagong tulay ay sagisag ng pag-unlad. Gayunman, para sa ilan, hindi nito sinasagot ang mga tanong tungkol sa hinaharap. Maging sa ngayon, pitong taon pagkatapos itong pasinayaan, masyadong maaga pa para masabi kung ano ang pangkalahatang magiging epekto ng tulay, lalo na sa kapaligiran. Noong 2002, isang siyentipiko ng mga ulang ang nag-ulat na waring hindi nakaapekto sa mga ulang ang tulay. Sinabi rin niya: “Ang nakaraang limang taon ang pinakamagandang yugto para sa mga rock crab.” Paano naapektuhan ang turismo?

Nitong kamakailan, lumago ang turismo nang “nakagugulat na 61 porsiyento,” ang sabi ng isang ulat. Mangyari pa, dumarating ang karamihan ng mga turista kapag tag-araw. Karagdagan pa, halos naging doble ang pagluluwas ng kalakal sa pagitan ng 1996 at 2001. Dumami rin ang trabaho. Ang isang negatibong resulta ay lumiit nang di-hamak ang kita ng karamihan sa mga nagtatrabaho sa dating mga ferry. Isa pang inirereklamo ng ilan ay ang mataas na singil sa toll. Kung sa bagay, gaya ng sasabihin ng ilan, may kapalit ang pag-unlad.

Nabago ba ang panghalina ng pulo dahil mas madali nang pumunta sa kontinente? Maaaring iniisip ng ilan, na dumayo sa pulo para tamasahin ang kapayapaan nito, kung matatakasan pa nila ang abalang takbo ng buhay sa kontinente sa pagmamasid sa di-pa-nasisirang tanawin at sa mga bunton ng buhangin sa Abegweit, ang “kanlungan sa gitna ng mga alon,” gaya ng tawag dito ng katutubong mga Micmac.

Isang tunay na kahanga-hangang tagumpay ang Confederation Bridge. Nakakatulog ba ang mga drayber habang nagmamaneho sa maikling biyahe nila? Hinding-hindi. Tinutulungan silang manatiling alisto ng pahabang S na kurba upang masiyahan sa biyahe. Baka bigyan ka ng tulay na ito ng karagdagang dahilan para dalawin itong “Hardin ng Gulpo” at tikman ang mapayapa pa ring pamumuhay rito, magustuhan mo man o hindi ang aklat na Anne of Green Gables.

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

Mga Hamon ng Pagbibiyahe Kapag Taglamig

Di-nagtagal ay natuklasan ng sinaunang namayang mga Europeo sa Pulo ng Prince Edward na ang malalaking bloke ng inaanod na yelo ay naghihiwalay sa kanila mula sa kontinente sa loob ng limang buwan taun-taon. Napakahirap tumawid sa maninipis, pabagu-bago, at lumulutang na mga bloke ng yelo, na kadalasang natipon dahil sa napakalalakas na hangin. Talagang hindi ito para sa mahina ang loob. Unang tinangka ng mga namayang ito na tumawid sa kipot sa taglamig noong 1775 sakay ng maliliit na bangka na may nakadikit na mahahabang kahoy na pinagkakatangan ng paragos, bilang pagtulad sa mga katutubong Micmac. Mula noon, regular nang tumawid sa kipot ang mga koreo at mga pasahero kapag taglamig, bagaman “bihirang may nakapilang mga pasaherong sabik na makipagsapalaran sa mga bangkang pangyelo,” ang sabi ng aklat na Lifeline​—The Story of the Atlantic Ferries and Coastal Boats. Ganito ang sabi ni F. H. MacArthur sa Maritime Advocate and Busy East: “Itinatawid ang mga babae sa presyong doble ng karaniwang pamasahe yamang hindi sila inaasahang pisikal na magtrabaho. Nakatali ang mga lalaking pasahero sa bangka sa pamamagitan ng mga katad na istrap, na ang dalawang layunin ay panghatak sa bangka sa ibabaw ng yelo at pansagip [sa mga lalaki] sa pagkakalunod kapag hindi sinasadyang nahulog sila sa tubig. Ang mga bangka ay mga limang metro ang haba, isang metro ang lapad, [na] ang proa ay nakaturo paitaas gaya ng pinagkakatangan ng paragos. Pinatitibay ng makapal na estanyo ang labas ng bangka.” Ipinalalagay na huling tumawid ang mga bangkang pangyelo na ito noong Abril 28, 1917, na pagkatapos naman nito ay nagkaroon ang pamahalaan ng icebreaker na nakatatawid sa yelo nang regular at mas ligtas kaysa sa mga bangkang pangyelo.

[Larawan]

Tumatawid sa Kipot ng Northumberland ang mga bangkang pangyelo hanggang noong 1917

[Credit Line]

Public Archives and Records Office of Prince Edward Island, Accession No. 2301-273

[Dayagram sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

3 Main girder 4 Drop in span

 

2 Pier shaft

 

Pang-harang ng yelo

 

1 Pier base

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pulo ng Prince Edward

[Mga larawan sa pahina 17]

Umaakit ng daan-daang libong turista taun-taon ang Pulo ng Prince Edward

[Larawan sa pahina 18]

Inilalagay ng isang HLV Svanen ang isang pinakapingga sa “shaft” ng piyer

[Credit Line]

Photo courtesy of Public Works & Government Services Canada and Boily Photo of Summerside

[Mga larawan sa pahina 18, 19]

Ang gitna ng tulay ay mga 60 metro ang taas sa ibabaw ng tubig, upang makaraan ang mga barko

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Tourism Prince Edward Island/John Sylvester