Isang Alaala ng Makapangyarihang Imperyo ng Roma
Isang Alaala ng Makapangyarihang Imperyo ng Roma
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA
Ano ang mahigit nang 1,900 taóng gulang, mahigit 500 kilometro ang haba, at isa sa pinakamaringal at pinakamakasaysayang monumento ng Imperyo ng Roma sa Sentral Europa? Ang sagot: ang “limes.” *
ANG limes ang panlahatang tawag sa isang serye ng mga kutang itinayo ng mga Romano sa pagsisikap na ipagsanggalang ang kanilang hilagang hanggahan laban sa mga tribong Aleman. Sa ngayon, ang mga kutang ito ay nagpapatotoo sa kapangyarihan ng sinaunang Imperyo ng Roma.
Ang orihinal na kahulugan ng salitang Latin na limes ay ‘isang gawang-taong landas na bumabagtas sa isang teritoryo, anupat hinahati ito sa dalawa.’ Ginawa ang limes bilang isang landas, o daan. Noong una ay hindi ito nilayong maging hanggahan. Gayunman, nang magawa ito, unti-unting naging hanggahan ang limes. Ang paggawa rito ay naghudyat ng isang malaking pagbabago sa kasaysayan ng Imperyo ng Roma.
Bakit ba Ginawa ang Limes?
Galít sa Roma ang mga tribong Aleman sa kabilang panig ng hilagang hanggahan ng Imperyo ng Roma—isang rehiyon na kung minsan ay tinatawag na barbaricum. Sa lugar na iyon, madalas lumusob nang biglaan sa loob ng hanggahan ng Roma ang mga tribong gaya ng Chatti. Mababangis na mandirigma ang mga Chatti, kaya malamang na magastos ang isang kampanyang militar laban sa kanila.
Sa halip na tangkaing lusubin ang barbaricum, itinayo ng hukbong Romano ang limes na bumabagtas sa barbaricum, anupat gumawa ng isang daan sa pagitan ng mga ilog ng Rhine at Danube, patungo sa di-nalupig na teritoryo. Sa ilang lugar, ang daang ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagputol ng mga
puno sa makapal na kakahuyan. Pinapatrolya ito ng mga sundalo, na nagbibigay naman sa mga manlalakbay ng ligtas na daan sa paanuman.Noong una, gumawa lamang ang mga Romano ng isang malapad na landas. Nang maglaon, ang mga toreng gawa sa kahoy na may sapat na lugar para sa mga sundalo ay itinayo sa tabi ng daan. Ang distansiya ng bawat tore ay sa layong abot-tanaw ng susunod na tore. Sa tabi ng daan, itinayo rin ang isang bakod ng mga patulis na tulos ng kahoy na 2.7 metro ang taas. Paglipas ng ilang taon, isang muralya at trinsera naman ang ginawa. Sa ilang lugar, nagtayo rin ng mga pader at mga bantayang gawa sa bato.
Sa liblib na mga rehiyon, higit pang mga kuta ang itinayo upang tirhan ng mga sundalo. Sa wakas, pagsapit ng ikatlong siglo C.E., ang hangganang limes sa Alemanya ay umabot na nang 500 kilometro. Kasama rito ang 60 malalaking tanggulan at maraming maliliit na kuta. Bukod pa riyan, nagpapatrolya ang mga bantay sa di-kukulanging 900 bantayan. Sinasabi ng ilan na ang mga ito ay may taas na tatlong palapag, na umaabot nang sampung metro.
Artipisyal na Hanggahan
Kaya ang dating daanan patungo sa lupain ng kaaway ay naging isang artipisyal na hanggahan. Ang hanggahang limes ay lampas pa sa Alemanya tungo sa tinatawag ngayong Netherlands, na umaabot hanggang sa baybayin ng North Sea. At sa Inglatera na sinakop ng Roma noon, itinayo ang Pader ni Hadrian at ang Pader ni Antonine upang ipagsanggalang ang hanggahan laban sa mga tribo ng Caledonia na naninirahan sa tinatawag ngayong Scotland.
Hindi kailanman nilayon ang limes upang lubusang isara ang hanggahan. Itinayo ang mga pintuang-daan na nagpapahintulot sa mga mamamayan ng barbaricum na tumawid sa limes patungo sa mga lalawigan ng Roma na Rhaetia at Germania Superior. Naglaan ito ng pagkakataon sa mga tao na mangalakal.
Ang limes ay nagpapatotoo hinggil sa malaking pagbabago ng patakaran ng Roma. Ganito ang isinulat ni T. W. Potter: “Sa loob
ng maraming siglo, ang ideya na dapat magkaroon ng tiyak na mga hangganan ang imperyo ay halos di-kapani-paniwala sa mga Romano.” Kaya ang hanggahan ay naghudyat ng “pasimula ng isang mahalagang pagbabago sa patakaran, mula sa paglawak tungo sa paglalagay ng limitasyon.”Gaano Pa Kalaki ang Natitira sa Limes?
Pagsapit ng ikatlong siglo, nagsimula na ang unti-unting pagbagsak ng imperyo. Sa dakong huli, umurong ang hukbo mula sa mga hanggahang limes. Nasira ang mga kuta dahil napabayaan na; ang mga bato at troso ay kinuha at ginamit sa ibang mga bagay. Di-nagtagal, ang hanggahan ng isa sa pinakamakapangyarihang imperyo na nakita ng daigdig ay natakpan ng mga pananim at napabayaan at unti-unting nalimutan.
Gayunman, sumidhi ang interes sa Alemanya hinggil sa kasaysayan at tradisyon ng Roma noong pagtatapos ng ika-19 na siglo. Mula noon, ang maliliit na seksiyon ng mga trinsera, muralya, at pader ng limes ay kinumpuni, gayundin ang ilang kuta at bantayan. Magkagayunman, mayroon pa ring malalaking bahagi na hindi pa nakukumpuni, at hindi na halos makilala ang mga ito.
Ang isa sa pinakamainam na kutang itinayong muli ay ang Saalburg sa rehiyong Taunus, mga 40 kilometro mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Ang kuta ay may habang 147 metro at lapad na 221 metro at napalilibutan ng isang bambang at gawa-sa-batong pader na may mga bantayan. Dati itong
tinitirhan ng mga 500 sundalo. Sa gitna ng kutang ito masusumpungan ang pinakamahalagang gusali, ang punong-himpilan, o ang principia.Sa likuran ng principia ay makikita ang isang dambana kung saan nakalagay ang bandera, o estandarte. Ganito ang sinasabi ng buklet na Limeskastell Saalburg (Kutang Limes sa Saalburg): “Ang dambana para sa estandarte ay iniaalay sa mga diyos na patron ng Imperyo ng Roma at sa pagsamba sa emperador. Isang guwardiyang panseremonya ang nagmamartsa sa harapan nito kapag araw.” Kaya pinatototohanan ng mga pagkukumpuni sa limes na may papel na ginampanan ang relihiyon sa buhay-militar.
Mula noong gawin ang pagkukumpuning ito, naging popular na puntahan ng mga turista ang hangganang limes. Sa maraming lugar, ang rutang naitatag noon ng limes ay isa na ngayong daanan ng mga naglalakad. Kung makapunta ka sa Alemanya, bakit hindi mo mismo tingnan ito? Makikita mo ang isang kapansin-pansing alaala na sa malao’t madali, maging ang pinakamakapangyarihan sa mga imperyo ng tao ay bumabagsak at naglalaho.
[Talababa]
^ par. 3 Sa Ingles, ang salitang “limes” gaya ng pagkakagamit sa artikulong ito ay binibigkas na “laymis.”
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
ANG BUHAY NG ISANG SUNDALONG ROMANO
Ang hukbong Romano ay binubuo ng mga lehiyonaryo, na mga mamamayang Romano, at sumusuportang mga sundalo (auxilia), na kinalap naman mula sa mga bayang nilupig ng imperyo. Ang pinakamaliit na yunit ng hukbo ay ang contubernium, na binubuo ng mga sampung sundalo na naninirahang magkakasama. Ang sampung contubernium ay pinamumunuan ng isang opisyal, ang senturyon. Ang 60 century ay binubuo ng isang lehiyon, na ang kabuuang bilang ay mga 4,500 hanggang 7,000 sundalo.
“Kailangang pakaining mabuti ang isang hukbo,” ang sabi ni Napoléon Bonaparte. Matagal nang alam ng Roma ang katotohanang ito bago pa si Napoléon, at pinakakain nilang mabuti ang kanilang mga sundalo. “Hindi kailanman nagkaroon ng paghihimagsik sa loob ng hukbong Romano dahil sa di-masarap na pagkain,” ang komento ng Archäologie in Deutschland. Sa katunayan, “sa ilang bahagi ng daigdig ng mga Romano, mas mainam pa ang pagkain ng mga sundalo kaysa sa pagkain ng mga sibilyan.”
Ang pang-araw-araw na mga rasyon ay binubuo ng sariwang karne, prutas, gulay, tinapay na gawa sa trigo, at langis ng olibo. Gayunman, hindi naman sunod sa layaw ang mga sundalo. “Walang kapitirya ang hukbong Romano,” ang paliwanag ng nabanggit na magasin. Ang bawat contubernium ay dapat maghanda ng pagkain para sa mga sundalo sa grupong iyon.
Pagkatapos ng 25 taon ng paglilingkod militar, ang isang sundalong Romano ay binibigyan ng marangal na pamamaalam at ng salapi o lote, bilang pagkilala sa kaniyang paglilingkod. Ang isa namang sundalong auxiliary (sumusuportang sundalo) ay pinagkakalooban ng pagkamamamayang Romano, gayundin ang kaniyang mga anak. “Para sa maraming lalaki, ang paglilingkod sa hukbong Romano ang pinakamabilis na paraan upang maging mamamayang Romano,” ang ulat ng aklat na Der Limes zwischen Rhein und Main (Ang Limes sa Pagitan ng Rhine at Main).
[Mapa/Mga larawan sa pahina 16, 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MULING ITINAYONG LIMES SA ALEMANYA
—— Hanggahang “limes”
1 Wiesbaden
Bakod na mga tulos at isang bantayang gawa sa bato
2 Butzbach
Bantayang may kahoy na balangkas at mga pader na gawa sa luwad
3 Weissenburg
Pintuang-daan sa hilaga ng isang kutang gawa sa bato
4 Saalburg
Isa sa pinakamainam na kutang itinayong muli
5 Rainau
Toreng gawa sa kahoy at bakod na mga tulos
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.