Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inihanda Ako sa Buhay ng Mahihirap na Kalagayan Noong Panahon ng Digmaan

Inihanda Ako sa Buhay ng Mahihirap na Kalagayan Noong Panahon ng Digmaan

Inihanda Ako sa Buhay ng Mahihirap na Kalagayan Noong Panahon ng Digmaan

AYON SA SALAYSAY NI ERNST KRÖMER

“Ito ang kuwarto ninyo.” Sa pamamagitan ng mga salitang iyan ay tinanggap kami ng aking kapareha sa Gabon, Kanlurang Aprika. Halos kasyang-kasya lang doon ang isang kutson. Tumira kami sa kuwartong iyon sa loob ng anim na buwan.

ANG buhay ko sa isang bukid noong Digmaang Pandaigdig II ay naghanda sa akin sa pamumuhay sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Nang sumiklab ang digmaan noong 1939, ang Poland ay kaagad na sinakop ng Alemanya sa ilalim ng Nazi. Apat na taóng gulang ako noon. Ang aming pamilya ay binubuo ng aking mga magulang, nakababatang kapatid na lalaki at kapatid na babae, at dalawang ate. Pinayuhan kami ni Itay na maghanda para sa mahihirap na panahon kung sakaling matalo ang Alemanya sa digmaan.

Nakatira kami sa Löwenstein, isang maliit na nayon sa Alemanya sa Lower Silesia, na bahagi ngayon ng Poland. Sa bukid namin na mga 25 ektarya, nagtatanim kami ng butil at nag-aalaga ng mga hayop. Nagtatrabaho rin si Itay bilang administrador ng mga magsasaka sa rehiyon. Nang manakop ang mga Nazi, ginamit nila si Itay upang organisahin ang mga magsasaka bilang suporta sa digmaan.

Si Itay ay naglingkod sa kabalyeriya noong unang digmaang pandaigdig, at ang trabaho niya ngayon sa gobyerno ng mga Nazi ang naging dahilan upang hindi siya makalap sa hukbo. Matagal nang nagbitiw sa simbahan ang aking mga magulang dahil nadismaya sila sa naging pagkilos ng mga klero noong Digmaang Pandaigdig I. Dahil dito, lumaki akong walang anumang interes sa relihiyon.

Nagsimula akong mag-aral noong 1941, ngunit ayaw na ayaw ko ito at pakiramdam ko’y mas marami pang kawili-wiling bagay ang puwedeng gawin kaysa sa tumingin sa isang pisara. Sa pagtatapos ng 1944, anim na buwan lamang bago magwakas ang digmaan, ang Breslau (ngayo’y Wrocław), ang kabisera ng Lower Silesia, ay kinubkob ng mga Ruso. Isang Sabado ng gabi kitang-kita namin ang bayan, halos 50 kilometro ang layo, na maliwanag na maliwanag dahil sa mga putok ng mga kanyon at mga pagsabog ng mga bomba na inihulog mula sa mga eroplano. Di-nagtagal, kinailangan naming lumikas sa kabundukan. Pagkatapos ng digmaan, umuwi kami sa Löwenstein.

Pagkatapos ng Digmaan

Ang digmaan ay sinundan ng kahila-hilakbot na panahon. Ginahasa ang mga babae, at naging karaniwan na sa araw-araw ang pandarambong. Ang karamihan sa aming hayupan ay ninakaw.

Inaresto si Itay noong Hulyo 1945. Pagkatapos ng pitong gabi ng makahayop na interogasyon, pinalaya siya. Pagkalipas ng tatlong buwan, muli siyang inaresto at dinala. Hindi na namin siya nakita pang muli. Kinamkam ng dalawang lalaking Polako ang aming bukid at sinabing sila ang mga may-ari nito. Noong Abril 1946 lahat ng Aleman sa nayon ay sinabihang umalis at kunin lamang ang kaya nilang dalhin.

Napaghandaan ito ni Inay, kung kaya hindi kami nataranta. Mayroon siyang isang malaking basket na may gulong na kinalalagyan ng mga kagamitan sa pagtulog, at bawat isa sa amin ay may bag na puno ng kailangan namin. Isinakay kaming lahat ng mga milisyang Polako sa mga bagon ng baka​—30 katao sa bawat bagon. Pagkalipas ng dalawang linggo, dumating kami sa aming destinasyon sa hilagang-kanlurang Alemanya, di-kalayuan sa Netherlands.

Inilagay ng gobyerno ang aming pamilya, pati na ang aming mga kamag-anak​—19 kaming lahat​—sa dalawang silid sa isang bukid mga walong kilometro mula sa Quakenbrück. Nang maglaon, ang ilan sa aming pinapamilyang kamag-anak ay tumanggap ng mga lugar na matitirhan kasama ng iba pang mga magsasaka, kung kaya hindi na kami masyadong siksikan.

Maraming sakripisyo ang ginawa ni Inay para sa amin na mga anak niya, anupat madalas na hindi siya kumakain para makakain kami. Kulang kami sa panggatong noong unang taglamig namin doon. Ang aming mga dingding at mga kisame ay nabalutan ng makapal na suson ng yelo, at ang kuwarto namin ay nagmukhang isang kuweba ng yelo. Mabuti na lamang, mainit ang mga gamit namin sa pagtulog, kaya nakaraos kami.

Pakikipag-ugnayan sa mga Saksi

Mga 1949, tumanggap si Inay ng isang kopya ng Ang Bantayan mula sa isa sa aking mga tiyahin. Isang artikulo roon ang nagpaalaala sa kaniya na noong panahon ng digmaan ay narinig niya si Hitler sa radyo na tinutuligsa ang ‘isang lahi ng mga tao’ na humula sa pagbagsak ng Alemanya. Nag-isip si Inay kung sino ang mga taong ito. Nang mabasa niya sa Ang Bantayan na sila ang mga Saksi ni Jehova, napukaw ang kaniyang interes at nagpasiya siyang makipag-aral ng Bibliya sa kanila.

Isang araw noong Abril 1954, nakilala ko ang mag-asawang Saksi na nagdaraos ng pag-aaral kay Inay. Pagkatapos ng pag-aaral, tinanggap ko ang buklet na Can You Live Forever in Happiness on Earth? gayundin ang isang suskrisyon ng Ang Bantayan. Pagkabasa sa buklet, nakumbinsi ako na nasumpungan ko na ang katotohanan. Kaya ibinigay ko ito sa amo ko para mabasa niya. Nang tanungin ko siya kung ano ang kaniyang masasabi hinggil dito, sinabi niya: “Napakagaganda ng mga ideya, pero napakaimposible nito. Hindi ko talaga mapaniwalaan ito.”

“Buweno, nakatitiyak akong ito ang katotohanan,” ang sabi ko sa kaniya, “at susundin ko ito.” Iiling-iling niyang sinabi: “Ang mensaheng ito ay para sa isang mahinahong tao. Masyado kang magulo para maging isang Saksi.” Ngunit nagsimula akong gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay.

Bagaman walang mga Saksi sa lugar na iyon, nag-aral akong mag-isa at nagbibisikleta nang halos sampung kilometro bawat linggo para dumalo sa kanilang mga pagpupulong. Nang maglaon dumalo ako sa isang pansirkitong asamblea, kung saan ilang kongregasyon ng mga Saksi ang nagtipon para sumamba. Doon ako nakibahagi sa kauna-unahang pagkakataon kasama ng iba pa sa pangmadlang pangangaral. Di-nagtagal at regular ko na itong ginagawa. Noong Hulyo 14, 1954, nabautismuhan kami ni Inay. Sa kalaunan, sa edad na 80 taon, naging isa ring Saksi ang aking lola sa ina.

Masyadong maraming panahon ang inuubos ng trabaho ko bilang manggagawa sa bukid, kaya umalis ako roon at namasukan sa isang reserbasyon ng gubat. Pagkatapos nito ay lumipat ang aming pamilya sa Reutlingen, isang maliit na bayan malapit sa Stuttgart. Habang naroon kami, ang aking nakababatang kapatid na babae na si Ingrid ay naging isa ring Saksi, ang kaisa-isang naging Saksi sa aking mga kapatid.

Buong-Panahong Pangangaral

Noong 1957, naipadeklara na rin sa wakas ni Inay na si Itay ay legal nang patay. Bilang resulta, nagsimula na siyang tumanggap ng pensiyon, kaya nakayanan niyang mabuhay kahit hindi ko siya sinusustentuhan. Palibhasa’y wala nang gayong mga obligasyon sa pamilya, kumuha na lamang ako ng part-time na trabaho at noong Abril 1957 nagsimula akong mangaral nang buong panahon bilang isang payunir. Pagkaraan, tumanggap ako ng paanyaya na maglingkod bilang special pioneer. Nang mabalitaan ito ng isang kapuwa Saksi, inanyayahan niya ako sa kaniyang opisina at sinabi, “Nakatitiyak akong kailangan mo ng kaunting tulong.” Pagkatapos ay inabutan niya ako ng 500 deutsche mark. Dahil dito ay nabili ko ang lahat ng kailangan kong damit at may natira pa akong 200 mark.

Noong 1960, nagboluntaryo akong maglingkod sa Austria, kung saan nasiyahan ako sa pangangaral sa maliit na nayon ng Scheibbs at sa lunsod din ng Linz sa loob ng maikling panahon, ngunit sa kalaunan nang taon ding iyon, nagkaroon ako ng malubhang aksidente sa motorsiklo, anupat nabali ang aking kanang binti. Pagkatapos ng sunud-sunod na operasyon, nakapagpatuloy ako sa aking atas. Gayunman, noong 1962 ay kinailangan kong umuwi sa Reutlingen para asikasuhin ang mga problema ko may kaugnayan sa imigrasyon. Habang naroroon, inoperahan ako uli para alisin ang bakal na ikinabit sa binti ko. Tumigil ako sa pagpapayunir sa loob ng anim na buwan para makaipon ng panggastos sa pagpapagamot.

Nang dalawin ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang kongregasyong pinaglilingkuran ko, iminungkahi niyang mag-aplay ako para maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi, na matatagpuan noon sa Wiesbaden, Alemanya. Ganoon nga ang ginawa ko, at pagkalipas ng dalawang linggo ay tumanggap ako ng telegrama na nagsasabing magtungo ako roon sa lalong madaling panahon. Pagkalipas ng isang linggo, noong Mayo 1963, ako ay nasa sangay na sa Alemanya, na tinatawag na Bethel, at nagtatrabaho sa isang palimbagang rotary na nag-iimprenta ng mga magasin.

Masikap Akong Nag-aral

Ang Bethel ang pinakamainam na lugar na tinirhan ko kailanman, at mabilis kong nakasanayan ang mabigat na trabaho. Noong 1965, dumalaw ako sa Espanya, at palihim na nagdala ng literatura sa Bibliya, yamang ang pangangaral doon ay ipinagbabawal. Ang pagdalaw na iyon ang naging dahilan ng pagnanais kong matuto ng isa pang wika, at pinili ko ang Ingles. Ginamit ko ang bawat pagkakataon para mag-aral. Nang panahong iyon, binuo ang kauna-unahang grupo na gumagamit ng wikang Ingles sa Alemanya, at umugnay ako rito. Nang una akong mag-aral ng araling artikulo ng Bantayan sa Ingles, umabot ito ng pitong oras. Nang umabot na lamang ito ng limang oras sa ikalawang pagkakataon, alam kong sumusulong na ako.

Noong 1966, tumanggap ako ng imbitasyon para dumalo sa ika-43 klase ng Gilead, isang paaralan sa Estados Unidos na dinisenyo para sanayin ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova ukol sa gawaing misyonero. Sa aming pagtatapos, kami ni Günther Reschke ay inatasang magtungo sa Gabon, Kanlurang Aprika, noong Abril 1967. Nang dumating kami sa Libreville, ang kabisera ng Gabon, tumuloy kami sa maliit na kuwarto na inilarawan sa pasimula, anupat isinasabit namin ang aming mga damit sa silid-kainan. Pagkalipas ng anim na buwan, lumipat kami sa ibang tahanan ng mga misyonero.

Sa Gabon, ang pinakamalaki kong pinagsikapan ay ang pag-aaral ng wikang Pranses. Sa wakas, matapos ang puspusang pagsisikap ay naging bihasa na ako rito sa paanuman. Pagkatapos, noong 1970, biglang ipinagbawal ang aming gawaing pangangaral sa Gabon, at kaming mga misyonero ay binigyan ng dalawang linggong palugit para lisanin ang bansa.

Patungo sa Republika ng Sentral Aprika

Kasama ang iba pang misyonero, inatasan ako sa Republika ng Sentral Aprika. Pranses ang opisyal na wika ng bansa, ngunit para makapangaral sa karamihan ng mga tao, kinailangan naming mag-aral ng wikang Sango. Ipinadala kami para buksan ang isang tahanan ng mga misyonero sa bayan ng Bambari, halos 300 kilometro mula sa kabisera, ang Bangui. Walang kuryente o linya ng tubig sa Bambari, pero kailangan ng dalawang kongregasyon doon ang tulong namin. Dahil sa mga karanasan ko noong panahon ng digmaan sa Europa, naging mas madali para sa akin na harapin ang mga kalagayan ng pamumuhay sa Bambari, gayundin sa iba pang sumunod na mga lugar.

Pagkatapos maglingkod nang dalawang taon sa Bambari, inatasan akong dumalaw sa mga kongregasyon bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Mayroong mga 40 kongregasyon sa bansa, at gumugol ako ng isang linggo sa bawat kongregasyon na iniatas sa akin. Mayroon akong maliit na kotse, pero kapag napakapangit ng di-sementadong mga daan, sumasakay ako sa pampublikong transportasyon.

Ang Bangui ang tanging lugar sa buong bansa kung saan puwedeng magpakumpuni ng sasakyan. Yamang ang aking ministeryo ay nangangailangan ng malawakang pagbibiyahe, bumili ako ng ilang aklat sa pagkukumpuni ng sasakyan, kumuha ako ng ilang kagamitan, at ako mismo ang gumagawa ng karamihan sa pagkukumpuni ng kotse. Minsan, nasira ang pinakakaha ng universal bearing sa drive shaft, at ayaw nang umandar ng kotse. Mga 60 kilometro ang layo ko mula sa pinakamalapit na bahay, kaya pumutol ako ng isang piraso ng matigas na kahoy mula sa gubat at inukit ko ito para maging kaha ng bearing. Gamit ang maraming grasa, ikinabit ko ito sa drive shaft sa pamamagitan ng alambre at nakapagpatuloy ako sa paglalakbay.

Ang paglilingkod sa ilang, o liblib na mga lugar, ay lalo nang isang hamon dahil kadalasan, iilang tao lamang ang marunong bumasa o sumulat. Sa isang kongregasyon, isang tao lamang ang marunong bumasa, at mayroon pa siyang depekto sa pagsasalita. Ang aralin sa Ang Bantayan ay talagang mahirap, ngunit nakapagpapatibay ng pananampalataya na makita ang kongregasyon na gumagawa ng taimtim na pagsisikap na maunawaan ang mga puntong tinatalakay.

Pagkaraan, tinatanong ko ang grupo kung paano sila nakikinabang sa mga aralin na hindi naman nila lubusang maunawaan. Maganda ang sagot nila: “Tumatanggap kami ng pampatibay-loob sa isa’t isa.”​—Hebreo 10:23-25.

Bagaman marami sa aking mga kapatid na Kristiyano ang hindi marunong bumasa’t sumulat, marami silang naituro sa akin hinggil sa buhay at kung paano mamuhay. Naunawaan ko ang kahalagahan ng maka-Kasulatang payo na ‘ituring na ang iba ay nakatataas.’ (Filipos 2:3) Maraming naituro sa akin ng mga kapatid kong Aprikano hinggil sa pag-ibig, kabaitan, at pagkamapagpatuloy at kung paano mabuhay sa ilang. Ang huling mga pananalita ni Brother Nathan Knorr, na presidente noon ng Gilead School, sa araw ng aking pagtatapos ay naging higit na makabuluhan sa akin. Sinabi niya: “Manatiling mapagpakumbaba, na hindi kailanman iniisip na alam na natin ang lahat. Hindi. Napakarami nating dapat matutuhan.”

Ang Buhay sa Ilang ng Aprika

Tumutuloy ako sa lokal na mga kapatid habang dumadalaw ako sa bawat kongregasyon. Kadalasan, ang linggo ng pagdalaw ko ay mistulang kapistahan, lalo na sa mga bata. Ito’y dahilan sa ang kongregasyong dinadalaw ko ay nangangaso o nangingisda at gumagawa ng pantanging pagsisikap para makakuha ng maraming pagkain para sa lahat.

Sa pagtira kasama ng mga kapatid sa kanilang mga kubo, kinakain ko ang lahat mula sa mga anay hanggang sa karne ng elepante. Madalas maghain ng karne ng unggoy. Lalo nang malinamnam ang baboy-ramo at porcupino. Sabihin pa, hindi naman laging parang may handaan dito. Noong una, medyo matagal-tagal din bago nasanay ang katawan ko sa mga pagkaing iyon, ngunit nang mahirati na, kaya nang tunawin ng tiyan ko ang halos lahat ng ihain. Natutuhan ko na ang pagkain ng papaya kasama ang mga buto nito ay mahusay sa tiyan.

Ang lahat ng di-inaasahang mga bagay ay puwedeng mangyari sa ilang. Minsan, napagkamalan akong mammy-water, na sinasabing puting espiritu ng isang taong namatay na nakatira sa tubig. Naniniwala ang mga tao na kaya nitong hilahin pailalim ang isang tao at lunurin. Kaya nang minsang umahon ako sa isang batis matapos maligo, isang batang nag-iigib ang nakakita sa akin at nagtititili habang tumatakbo palayo. Nang sikapin ng isang kapuwa Saksi na ipaliwanag na ako ay isang dumadalaw na mangangaral, at hindi isang espiritu, ayaw maniwala ng mga tao. Nangatuwiran sila, “Hindi kailanman pupunta rito ang isang puting tao.”

Kadalasan ay natutulog ako sa labas dahil sariwa ang hangin. Lagi akong nagdadala ng kulambo, yamang proteksiyon din ito laban sa mga ahas, alakdan, daga, at iba pang bagay. Ilang ulit na akong sinalakay ng hukbo ng mga langgam, at ang kulambo ang nagsanggalang sa akin. Isang gabi ay inilawan ko ng flashlight ang kulambo at nakita kong nababalutan ito ng mga langgam. Kaagad akong kumaripas ng takbo dahil ang mga langgam, bagaman maliliit, ay kayang pumatay kahit ng mga leon.

Habang nasa timugang bahagi ako ng Republika ng Sentral Aprika, malapit sa Ilog Congo, nangaral ako sa mga Pygmy, na talagang umaasa sa lupain para mabuhay. Sila ay dalubhasang mga mangangaso at alam nila kung ano ang puwede at hindi puwedeng kainin. Nagsasalita ng Sango ang ilan sa kanila, at natutuwa silang makinig. Pumapayag silang magpadalaw-muli, ngunit sa aming pagbabalik, nasumpungan naming lumipat na pala sila sa ibang lugar. Wala pang naging Saksi sa kanila noon, ngunit nalaman ko nang maglaon na naging Saksi ang ilang Pygmy sa Republika ng Congo.

Sa loob ng limang taon, naglingkod ako bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Republika ng Sentral Aprika. Naglakbay ako sa buong bansa, na kadalasa’y dumadalaw sa mga kongregasyon sa ilang.

Paglilingkod sa Sangay sa Nigeria

Noong Mayo 1977, inanyayahan akong maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Lagos, Nigeria. Ang pinakamataong bansang ito sa Aprika ay mayroong halos 100,000 Saksi, at mga 80 katao ang naglilingkod sa sangay. Inatasan akong magtrabaho sa garahe, na kalakip dito ang pagmamantini ng mga sasakyan.

Noong 1979, bumalik ako sa pagbubukid, ang trabaho ko noong nagbibinata ako sa Europa. Ang bukid, na pinagtatamnan ng pagkain para sa mga miyembro ng sangay, ay nasa Ilaro, mga 80 kilometro mula sa Lagos. Natutuhan ko roon na ang pagbubukid sa isang maulang gubat sa tropiko ay ibang-iba pala sa pagbubukid sa Europa. Pagkalipas ng tatlo at kalahating taon ng pagtatrabaho roon, bumalik ako sa Lagos at muling nagtrabaho sa talyer.

Noong 1986, inilipat ako sa Igieduma, mga 360 kilometro mula sa Lagos, kung saan itinatayo ang malaki at bagong pasilidad ng sangay. Ang pasilidad na ito ay inialay noong Enero 1990. Kabilang dito ang isang palimbagan, isang maliit na bukid, at mga gusaling tirahan na naglalaman ng mahigit na 500 katao. Matatagpuan ang mga ito sa 60 ektarya ng lupa na nababakuran ng pader na halos dalawang metro ang taas. Sa kasalukuyan, ako ang nangangasiwa sa bukid at sa pagmamantini ng bakuran, na pinangangalagaan ng mga 35 katao.

Sa loob ng halos 27 taon na ngayon, nanirahan ako sa Nigeria at talagang nasiyahan sa iba’t ibang atas sa sangay. Natutuwa ako na ang aking ina ay nananatiling tapat kay Jehova at na ang aking nakababatang kapatid na babaing si Ingrid, na naglingkod bilang special pioneer sa loob ng 14 na taon, ay naglilingkod pa rin kay Jehova kasama ng kaniyang asawa.

Sa kabila ng mga hamong napaharap sa akin, talagang nasiyahan ako sa paglilingkod kay Jehova at sa aking espirituwal na mga kapatid sa Kanlurang Aprika. Nagpapasalamat ako sa mahusay na kalusugan na tinatamasa ko hanggang sa ngayon at dalangin ko na mapanatili ko ito upang makapagpatuloy ako sa aktibong paglilingkod sa ating dakilang Diyos na si Jehova.

[Mapa sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Nigeria

Republika ng Sentral Aprika

Gabon

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 18]

Kasama ang aking ina, si Gertrud, at kapatid kong si Ingrid noong 1939

[Larawan sa pahina 20]

Paglilingkod bilang misyonero sa Gabon

[Larawan sa pahina 20]

Habang nasa Republika ng Sentral Aprika, tumira ako sa mga nayon na tulad nito