Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Sakit na Dala ng Insekto Nagtuturo ako bilang isang guro sa isang pamantasan at naging pinuno ng mga laboratoryo roon ng microbiology, parasitology, at biochemistry sa nagdaang 24 na taon. Nagawa ninyong iharap sa simpleng paraan ang makasiyensiyang mga bagay! Nagandahan ako sa seryeng “Kapag Nagkalat ng Sakit ang mga Insekto.” (Mayo 22, 2003) Kung minsan, may mga punto sa mga aklat-aralin sa siyensiya na hindi ko maintindihan. Subalit nang iharap ninyo ang mga puntong iyon, kaagad kong naunawaan ang mga iyon. Salamat sa lahat ng inyong mga pagsisikap.
M. R., Mexico
Pandaraya Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pandaraya?” (Enero 22, 2003) Inalok ako ng malaking halaga ng salapi ng mga kapuwa ko estudyante para ako ang kumuha ng mga pagsusulit para sa kanila. Ang pagtanggi kong mandaya para sa kanila ay naipagkamali sa pagiging di-makatuwiran. Ipinaalaala sa akin ng artikulo na itaguyod ang mga pamantayan ng Diyos at huwag kailanman magkompromiso.
F.A.C., Nigeria
Hindi ako kailanman gumawa ng sarili kong araling-bahay kundi nangongopya lamang ako sa aking mga kaklase. Natulungan ako ng artikulong ito na maunawaan na ang pangongopya sa iba ay katulad ng pagnanakaw. At bagaman hindi tinatanggap ng mga kaeskuwela ko ang pangmalas na ito, nanindigan ako.
Y. D., Russia
Trolleybus Nakatira ako at nagtatrabaho sa Italya, at buong-puso kong pinasasalamatan ang babae, isang Saksi ni Jehova, na nagdadala sa akin ng inyong mga magasin sa wikang Ruso. Nabasa ko ang artikulong “Paglalakbay sa Pinakamahabang Ruta ng Trolleybus sa Daigdig.” (Marso 22, 2003) Inilahad nito ang tungkol sa baybayin ng Crimea sa Ukraine, kung saan ako dating nakatira. Salamat sa maikli subalit kawili-wiling pagdalaw na ito sa aking bayan.
Z. B., Italya
Diyabetis Nang mabasa ko sa seryeng “Ang Buhay ng May Diyabetis” (Mayo 8, 2003) na isang sintomas ang madalas na pag-ihi, napag-isip-isip ko na baka may diyabetis na rin ako. Kaya pumunta ako sa ospital at nalaman kong may diyabetis nga ako. Mahigit na isang buwan na ang lumipas mula nang ako’y masuri, at sinisikap kong mapababa ang antas ng asukal sa aking dugo sa pamamagitan ng gamot, diyeta sa pagkain, at ehersisyo. Kung hindi ko nabasa ang magasin, baka hindi ko natuklasan na may gayong sakit pala ako.
Y. N., Hapon
Hindi ako isang Saksi ni Jehova, pero natatanggap ko ang inyong mga magasin mula sa isang mabait na kapitbahay. Talagang nasiyahan ako sa serye tungkol sa diyabetis. Yamang nagsasanay ako bilang isang nars na nag-aaruga sa mga may-edad na, kinailangan kong sumulat ng isang sanaysay hinggil sa paksang ito. Kung natanggap ko lang sana nang mas maaga ng ilang araw ang magasin, sana’y hindi na ako nagsaliksik pa sa pagkarami-raming aklat! Lubhang kapaki-pakinabang ang inyong mga artikulo.
A. S., Alemanya
Mga Bulati Humanga ako sa artikulong “Ang Kawili-wiling Daigdig ng mga Bulati.” (Mayo 8, 2003) Nakikinig ako sa isang lokal na istasyon sa radyo nang talakayin ang tungkol sa mga bulati. Agad kong kinuha ang aking isyu ng Gumising! at binuklat ko sa artikulong ito. Nagulat ako dahil sumisipi mula sa artikulong iyon ang tagapagbalita sa radyo. Ibig sabihin niyan na napapakinabangan sa buong mundo ang Gumising!
F. B., Nigeria
Laking gulat ko nang mabasa ko na may mahigit na 1,800 uri pala ng mga bulati. Sa palagay ko, kung hindi dahil sa trabaho ng mumunting magsasakang ito, wala tayong ibang gagawin mula umaga hanggang gabi kundi ang magbungkal ng matigas na lupa. Magkagayunman, hindi ko masasabi na naudyukan ako ng artikulong ito na magustuhan ang mga bulati, pero nauunawaan ko ang kahalagahan nila.
Y. N., Hapon