Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Matalinong Hunyango ng Dagat

Isang Matalinong Hunyango ng Dagat

Isang Matalinong Hunyango ng Dagat

“Kayang-kayang lamunin ng oktopus ang isang tao, O nakatatakot! Hinihila nito ang tao papalapit sa kaniya, at papasók sa kaniya; at, habang tila nakagapos at di-makagalaw, nadarama ng tao na siya’y unti-unting kinakain ng di-kapani-paniwalang nilalang na halimaw.”​—TOILERS OF THE SEA, NI VICTOR HUGO.

ANG oktopus ay naging puntirya ng napakaraming negatibong kuwento. Ang sinaunang mga alamat at kathang-isip na mga salaysay​—gaya ng sinipi sa itaas​—ay di-makatuwirang nagbigay ng di-kaayaayang impresyon sa nilalang na ito.

Ang totoo, maging ang higanteng oktopus ng Pasipiko (giant Pacific octopus), na maaaring umabot sa haba na mga anim na metro at tumimbang ng hanggang 50 kilo, ay karaniwan nang hindi mapanganib sa mga tao. Nitong nakalipas na mga taon, ang gawa-gawang mga alamat hinggil sa “halimaw” na ito na may walong galamay ay napalitan ng mga katotohanan. Maraming natutuhan ang mga maninisid at mga biyologo sa dagat hinggil sa maraming uri ng oktopus.

Paninila at Pag-iwas sa mga Kaaway

Sa halip na lumamon ng mga tao, pangunahin nang kinakain ng mga oktopus ang mga krustasyo, anupat ginagamit sa paninila ang kanilang walong galamay at kasindami ng 1,600 malalamang pangkapit (suckers). Sa pamamagitan ng mga pangkapit na ito, ang isang maliit na oktopus ay may kakayahang kaladkarin ang isang bagay na 20 beses ng kaniyang bigat! Ang ilang oktopus ay naninirit din ng lason, na halos kaagad-agad na pumaparalisa sa kanilang sinisila. * Pagkatapos ay kumakain ang oktopus sa pamamagitan ng paghila sa pagkain nito patungo sa kaniyang tulad-tukang bibig.

Paano kung ang oktopus naman ang gustong kainin ng ibang nilalang? Nakagugulat ang disbentaha nito. Ang maputla at asul na dugo nito, na umaasa sa hemocyanin sa halip na sa hemoglobin, ay nagtataglay lamang ng kaunting oksiheno. Dahil dito, madaling mapagod ang oktopus. Gayunman, nagtataglay ito ng pantanging mga kakayahan upang ipagsanggalang ang kaniyang sarili mula sa mga poka, balyena, at iba pang maninila.

Ang isang kakayahan nito ay ang mabilis na pagsikad. Kapag nanganganib, itinutulak ng oktopus ang kaniyang sarili nang paatras sa pamamagitan ng paglalabas ng tubig mula sa makapal na balat nito. Ang tusong nilalang na ito ay may isa pang paraan ng pagtakas. Maaari itong maglabas ng tinta, na naglalaman ng pangulay na hindi lumalabnaw sa tubig-dagat. Kaya habang hindi nakikita, maaaring magbago ng direksiyon ang oktopus at tumakas sa ligtas na dako bago maglaho ang tinta.

Dalubhasa sa Pagbabalatkayo

Siyempre, mas gusto ng oktopus na hindi ito salakayin. Paano ito nakapagtatago mula sa mga maninila? Ganito ang isinulat ng kilalang manggagalugad sa ilalim ng tubig na si Jacques-Yves Cousteau: “Sa Marseilles, kung saan nagsimulang mag-video ng mga oktopus ang aming pangkat, ang karamihan sa mga maninisid namin ay nag-ulat na walang mga oktopus sa lugar na iyon; o, kung mayroon mang ilan, nawala na doon ang mga oktopus. Sa katunayan, nilampasan ng mga maninisid ang mismong mga oktopus, na napakahusay magbalatkayo anupat halos hindi makita ang mga ito.” Paano ito nagagawa ng mga oktopus?

Ang isang adultong oktopus ay nagtataglay ng hanggang dalawang milyong chromatophore, o mga selulang pangulay​—umaabot sa 200 bawat milimetro kuwadrado​—sa balat nito. Ang bawat selulang pangulay ay may pula, dilaw, o itim na kulay. Sa pamamagitan ng pagpapaliit o pagrerelaks ng mga kalamnan sa palibot ng mga selula, maaaring magpakita ng iisang kulay ang oktopus o maging ng makukulay na disenyo sa loob ng ilang segundo.

Balintuna naman, lumilitaw na ang oktopus ay hindi nakakakita ng kulay. Subalit ang dami ng mga kulay ng balat nito ay hindi lamang nalilimitahan sa tatlong pangulay. Ang mga iridocyte, mga selulang naglalaman ng tulad-salaming mga pohas, ay naglilihis ng liwanag upang itulad ang kulay ng oktopus sa kapaligiran nito. Hindi lamang iyan. Kapag nagtatago sa bahura ng korales, maaaring baguhin ng oktopus ang makinis na balat nito sa pamamagitan ng paglukot dito para mag-anyong tusuk-tusok, anupat tinutularan ang magaspang na ibabaw ng bahura.

Masipag na Tagapagtayo at Tagapag-ingat ng Tirahan

Hindi kataka-taka, mahirap hanapin ang tirahan ng isang oktopus. Mahilig silang magtayo ng lungga sa mga bitak at ilalim ng malalaking bato na gumagamit ng lokal na mga materyales sa paggawa ng tirahan. Ang bubong at mga pader ng lungga ng isang oktopus ay maaaring binubuo ng mga bato, piraso ng metal, kabibi, at maging ng mga labí ng lumubog na barko at basura sa karagatan.

Minsang naitayo ang lungga nito, ang oktopus ay isang metikulosong tagapag-ingat ng tirahan. Sinisiritan nito ng tubig ang mabuhanging sahig sa loob upang maging makinis ito. Pagkatapos kumain, lahat ng basurang pagkain ay itinutulak palabas. Upang subukin ang kakayahan ng nilalang na ito sa pagmamantini, tinanggal ng pangkat ng mga maninisid ni Cousteau ang ilan sa mga bato sa pader ng lungga ng isang oktopus. Ano ang ginawa ng oktopus? Unti-unti nitong itinayong muli ang pader, na paisa-isang ikinabit ang mga bato! Sumulat si Cousteau: “Nagpatuloy ang proseso hanggang sa naitayong muli ang pader nang buung-buo; at katulad na katulad ito ng pader na binuwag ng mga maninisid.” Ang reputasyon ng oktopus sa pagpapanatili sa tirahan nito na masinop at maayos ay kilalang-kilala. Kapag nakakakita ang mga maninisid ng isang lungga na punô ng buhangin o basura sa loob, alam nilang walang nakatira roon.

Ang Kaniyang Kahuli-hulihang Tirahan

Sa pangkalahatan, ang kahuli-hulihan at pinakamahalagang tirahan na pananahanan ng babaing oktopus ay ang kaniyang pinangingitlugang lungga. Pagkatapos na matagumpay na tumanggap ng kumpol ng punlay mula sa kapareha niya at imbakin ito hanggang sa mangitlog siya, maaari siyang gumugol ng ilang linggo para humanap ng angkop na tirahan. Pagkatapos, pinatitibay niya ang kaniyang pinangingitlugang lungga at idinidikit sa bubong nito ang libu-libong itlog, nang kumpul-kumpol. Subalit ang blue-ringed octopus ay hindi gumagawa ng gayong lungga. Yamang ang matitingkad na kulay nito ay nagbababala sa mga maninila na lumayo, mas pinipili niyang alagaan ang kaniyang mga anak sa laot, kung saan maaari niyang ipagbigay-alam ang kaniyang nakalalasong kagat.

Ang oktopus ay isang masipag na ina. Pagkatapos niyang mangitlog, malamang na tatanggi siyang kumain. Sa halip, iniingatan niya ang kaniyang mga itlog, nililinis at binubugahan ang mga ito ng tubig, pinatitibay ang kaniyang lungga, at pumupuwesto sa posisyong pandepensa upang itaboy ang mga maninila. Bagaman mamamatay ang babaing oktopus matapos mapisa ang kaniyang mga itlog, inaalagaan niya ang mga ito hanggang sa mamatay siya. Ganito ang sabi ni Cousteau: “Wala pang naiulat na pinabayaan ng isang babaing oktopus ang kaniyang mga itlog.”

Sa karamihan sa mga uri ng oktopus, ang maliliit at bagong-pisang mga oktopus ay lumulutang sa ibabaw ng tubig na parang plankton. Marami sa mga ito ang nakakain ng ibang mga hayop sa dagat. Gayunman, pagkatapos ng ilang linggo ang mga nakaligtas ay nagbabalik sa ilalim ng dagat at lumalaki tungo sa hustong-gulang na mga oktopus, na nabubuhay nang hanggang tatlong taon.

Gaano ba Sila Katalino?

Ipinapalagay ng ilan na pagdating sa mga hayop, ang salitang “katalinuhan” ay nagsasangkot ng kakayahang matuto mula sa karanasan at lumutas ng mga problema. Sa bagay na ito, isaalang-alang ang komentong ito ni Cousteau: “Ang pagkamahiyain ng oktopus ay reaksiyong salig sa katuwiran, isa na pangunahin nang nakabatay sa pag-iingat. . . . Kung maipakikita ng isang maninisid na wala siyang balak maminsala, mabilis na nawawala ang pagkamahiyain ng oktopus​—mas mabilis pa sa anumang ‘mailap’ na hayop.”

Ang mga oktopus ay nagtataglay ng pinakamahusay na utak at mata sa lahat ng hayop na walang gulugod. Ang kanilang mga mata, kagaya ng sa atin, ay maaaring ipokus na mabuti at ibagay sa mga pagbabago sa liwanag. Ang optic lobe ang nagbibigay-kahulugan sa impormasyong natatanggap ng mga mata at ito, kalakip na ang mahusay na pandama, ang nagpapangyari sa oktopus na gumawa ng kahanga-hanga at matatalinong pasiya.

Iniulat ng ilang siyentipiko na kanilang nakita kung paano natutuhan ng isang oktopus na tanggalin ang tapón ng isang bote upang kunin ang krustasyo sa loob ng bote. Iniulat naman ng iba na kayang tuklasin ng isang oktopus kung paano alisin ang takip ng isang garapon upang makuha ang pagkain sa loob nito. Sa Vancouver Aquarium ng Canada, gabi-gabi ay nawawala ang isang oktopus dahil nagpupunta ito sa isang tubo ng drenahe upang kainin ang isda sa katabing tangke.

Ganito ang konklusyon ng aklat na Exploring the Secrets of Nature hinggil sa katalinuhan ng oktopus: “May hilig tayong ipalagay na ang mga unggoy ang nagtataglay ng pinakamataas na antas ng katalinuhan, ngunit may patotoo na ang mga oktopus ay kabilang din sa pinakamatatalino sa mga hayop.”

Maaaring ipaalaala sa atin ng katalinuhang makikita sa paggawi ng oktopus ang mga nilalang na inilalarawan ng Bibliya na “may likas na karunungan.” (Kawikaan 30:24) Talagang kamangha-mangha silang mga nilalang. Sa mga siyentipiko at mga maninisid, ang “nakatatakot” sa imahinasyon ni Victor Hugo ay hindi na nakasisira sa reputasyon ng oktopus. Yaong mga nag-aaral tungkol sa nilalang na ito ay lubhang humahanga sa matalinong hunyangong ito ng dagat.

[Talababa]

^ par. 6 Tanging ang blue-ringed octopus, na katutubo sa Australia, ang itinuturing na nakamamatay sa mga tao. Ang kagat nito ay maaaring magdulot ng paghinto ng palahingahan.

[Larawan sa pahina 15]

Isang “blue-ringed octopus”

[Credit Line]

© Jeffrey Rosenfeld

[Larawan sa pahina 16]

Isang oktopus sa bahura ng Pasipiko na napakahusay ng pagkakabalatkayo, sa ilalim mismo ng bibig ng maninilang isda. Nakikita mo ba ang oktopus?

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Maraming uri at kulay ang mga oktopus

[Larawan sa pahina 17]

Bagong-pisang mga oktopus na patungo sa ibabaw ng tubig

[Credit Line]

© Fred Bavendam

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Kaliwa sa itaas: © Roger T. Hanlon; itaas: © Jeffrey Rosenfeld