Moises—Kung Paano Ka Naaapektuhan ng Kaniyang Buhay
Moises—Kung Paano Ka Naaapektuhan ng Kaniyang Buhay
PARA sa maraming iskolar at kritiko, si Moises ay isang tauhan lamang sa mitolohiya. Tinatanggihan nila ang ulat ng Bibliya, subalit kung ibabatay sa mga pamantayan ng katibayan, ipakikita niyaon na ang mga taong gaya nina Plato at Socrates ay dapat ding ituring na mga alamat.
Ngunit, gaya ng nakita na natin, walang makatuwirang dahilan para tanggihan ang mga ulat ng Bibliya tungkol kay Moises. Sa kabaligtaran pa nga, para sa mga may pananampalataya, napakaraming patotoo na ang buong Bibliya ay “salita ng Diyos.” * (1 Tesalonica 2:13; Hebreo 11:1) Para sa gayong mga tao, ang pag-aaral sa buhay ni Moises ay hindi basta isang akademikong bagay kundi sa halip, isang paraan ng pagpapatibay sa pananampalataya.
Ang Tunay na Moises
Madalas na itinatampok ng mga gumagawa ng pelikula ang kabayanihan at katapangan ni Moises—mga katangiang nagugustuhan ng mga manonood. Totoong si Moises ay matapang. (Exodo 2:16-19) Ngunit higit sa lahat, siya ay isang taong may pananampalataya. Ang Diyos ay totoo para kay Moises—gayon na lamang katotoo anupat nang maglaon ay sinabi ni apostol Pablo na si Moises ay “nagpatuloy [na] matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.”—Hebreo 11:24-28.
Sa gayo’y itinuturo sa atin ni Moises ang pangangailangang linangin ang kaugnayan sa Diyos. Sa ating pang-araw-araw na buhay, maaari rin tayong gumawi na para bang nakikita natin ang Diyos! Kung ganito ang gagawin natin, hindi tayo kailanman kikilos sa paraan na hindi nakalulugod sa kaniya. Pansinin din na ang pananampalataya ni Moises ay ikinintal sa kaniya habang siya ay sanggol pa. Napakalalim ng kaniyang pananampalataya anupat nanatili itong matibay sa kabila ng pagkakahantad niya sa “lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:22) Kaylaking pampatibay-loob nito sa mga magulang para simulang turuan ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos mula sa pagkasanggol!—Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:15.
Kapansin-pansin din ang kapakumbabaan ni Moises. Siya ang “pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Kaya naman handang aminin ni Moises ang kaniyang mga pagkakamali. Isinulat niya ang kaniya mismong kapabayaan nang hindi niya natuli ang kaniyang anak na lalaki. (Exodo 4:24-26) Tahasan niyang inilahad ang hindi niya pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa isang pagkakataon at ang nakapipighating parusa na inilapat ng Diyos. (Bilang 20:2-12; Deuteronomio 1:37) Isa pa, handa rin si Moises na tumanggap ng mga mungkahi mula sa iba. (Exodo 18:13-24) Hindi ba’t magandang tularan ng mga asawang lalaki, ama, at ng iba pang mga lalaking may awtoridad si Moises?
Totoo, pinag-aalinlanganan ng ilang kritiko kung talaga nga bang maamo si Moises, anupat binabanggit ang mararahas na ginawa niya. (Exodo 32:26-28) Ganito ang sabi ng manunulat na si Jonathan Kirsch: “Ang Moises sa Bibliya ay bihirang magpakita ng kapakumbabaan at hindi kailanman naging maamo, at ang kaniyang paggawi ay hindi laging masasabing matuwid. Sa ilang nakasisindak na pagkakataon, . . . ipinakita si Moises bilang isang arogante, uhaw-sa-dugo, at malupit na tao.” Napakakitid ng pananaw ng gayong kritisismo. Nakaligtaan nito ang katotohanan na ang mga ikinilos ni Moises ay hindi udyok ng kalupitan kundi ng matinding pag-ibig sa katarungan at di-pagkunsinti sa kabalakyutan. Sa panahon ngayon, na popular ang pagkunsinti sa imoral na istilo ng pamumuhay, si Moises ay nagsisilbing isang paalaala sa pangangailangang magkaroon ng matatag na mga pamantayan sa moralidad.—Awit 97:10.
Ang Pamana ng mga Akda ni Moises
Nag-iwan si Moises ng isang kahanga-hangang koleksiyon ng mga akda. Kabilang dito ang tula (Job, Awit 90), makasaysayang prosa (Genesis, Exodo, Bilang), mga talaangkanan (Genesis, kabanata 5, 11, 19, 22, 25), at isang kapansin-pansing kalipunan ng batas na tinatawag na Kautusan ni Moises (Exodo, kabanata 20-40; Levitico; Bilang; Deuteronomio). Ang Kautusang ito na kinasihan ng Diyos ay naglalaman ng mga konsepto, batas, at mga simulain ng pamamahala na di-hamak na mas masulong kaysa sa ibang mga kautusan na umiral noong panahong iyon.
Sa mga lupain kung saan ang mga pinuno ng Estado ay nagsisilbi rin bilang pinuno ng Simbahan, ang resulta ay kadalasang kawalang-pagpaparaya, relihiyosong paniniil, at pag-abuso sa kapangyarihan. Kalakip sa Kautusan ni Moises ang simulain ng paghihiwalay sa Simbahan at Estado. Ang hari ay hindi pinahihintulutang gumanap ng mga tungkulin ng mga saserdote.—2 Cronica 26:16-18.
Ang Kautusan ni Moises ay naglalaman din ng mga konsepto ng kalinisan at pagkontrol sa sakit, gaya ng pagkukuwarentenas ng mga taong may sakit at pagtatabon sa dumi ng tao, na tumutugma sa kasalukuyang siyensiya. (Levitico 13:1-59; 14:38, 46; Deuteronomio 23:13) Kahanga-hanga nga ito lalo na kung iisipin na ang karamihan sa panggagamot ng mga Ehipsiyo noong panahon ni Moises ay mapanganib na kombinasyon ng panggagamot ng albularyo at pamahiin. Sa papaunlad na mga lupain sa ngayon, milyun-milyong tao ang hindi sana magkakasakit at mamamatay kung susundin lamang ang mga pamantayan ng kalinisan na itinuro ni Moises.
Hindi naman hinihiling sa mga Kristiyano na sundin ang Kautusang Mosaiko. (Colosas 2:13, 14) Ngunit lubhang kapaki-pakinabang pa rin kung pag-aaralan ito. Ang Kautusang iyon ay nagtagubilin sa Israel na mag-ukol sa Diyos ng bukod-tanging debosyon at umiwas sa idolatriya. (Exodo 20:4; Deuteronomio 5:9) Iniutos nito sa mga anak na igalang ang kanilang mga magulang. (Exodo 20:12) Hinatulan din ng Kautusan ang pagpaslang, pangangalunya, pagnanakaw, pagsisinungaling, at pag-iimbot. (Exodo 20:13-17) Ang mga simulaing iyon ay lubhang pinahahalagahan ng mga Kristiyano sa ngayon.
Isang Propeta na Tulad ni Moises
Nabubuhay tayo sa nakapipighating panahon. Talagang nangangailangan ang sangkatauhan ng isang lider na tulad ni Moises—isa na hindi lamang nagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad kundi mayroon ding integridad, katapangan, habag, at taos-pusong pag-ibig sa katarungan. Nang mamatay si Moises, marahil ay naisip ng mga Israelita, ‘Mayroon pa kayang makikita sa daigdig na tulad niya?’ Si Moises mismo ang sumagot sa tanong na iyan.
Genesis 3:1-19; Job, kabanata 1, 2) Sa Genesis 3:15, iniulat ang kauna-unahang hula ng Diyos—isang pangako na sa dakong huli ay dudurugin ang kasamaan! Paano? Ipinakita ng hula na isang indibiduwal ang ipanganganak na panggagalingan ng kaligtasan. Ang pangakong ito ang pinagmulan ng pag-asa na isang Mesiyas ang babangon at magliligtas sa sangkatauhan. Ngunit sino ang magiging Mesiyas? Tinutulungan tayo ni Moises na makilala siya nang may katiyakan.
Ipinaliliwanag ng akda ni Moises kung paano nagsimula ang sakit at kamatayan at kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang kabalakyutan. (Nang malapit na siyang mamatay, binigkas ni Moises ang makahulang mga pananalitang ito: “Isang propeta mula sa gitna mo, mula sa iyong mga kapatid, na tulad ko, ang ibabangon ni Jehova na iyong Diyos para sa iyo—sa kaniya kayo dapat makinig.” (Deuteronomio 18:15) Nang dakong huli, tuwirang pinatungkol ni apostol Pedro ang mga salitang iyon kay Jesus.—Gawa 3:20-26.
Lubusang pinasisinungalingan ng karamihan sa mga komentaristang Judio ang anumang paghahambing kay Moises at Jesus. Sinasabi nila na ang pananalita sa tekstong ito ay kumakapit sa sinumang tunay na propeta na naging kasunod ni Moises. Gayunman, ayon sa Tanakh—The Holy Scriptures, ng Jewish Publication Society, ganito ang sinasabi ng Deuteronomio 34:10: “Wala nang bumangon pang propeta sa Israel na tulad ni Moises—na pinili ng PANGINOON nang mukhaan.”
Oo, maraming tapat na mga propeta, gaya nina Isaias at Jeremias, ang sumunod pagkatapos ni Moises. Subalit walang sinuman ang nagkaroon ng pambihirang pakikipag-ugnayan sa Diyos na gaya ng naranasan ni Moises—pakikipag-usap sa kaniya “nang mukhaan.” Kung gayon, ang pangako ni Moises na magkakaroon ng isang propetang ‘tulad niya’ ay kumakapit sa isang indibiduwal—ang Mesiyas! Kapansin-pansin, bago dumating ang Kristiyanismo—at relihiyosong pag-uusig mula sa huwad na mga Kristiyano—ang mga iskolar na Judio ay may gayunding pangmalas. Makikita ang mga bakas nito sa mga akda ng mga Judio, gaya ng Midrash Rabbah, kung saan inilalarawan si Moises bilang ang tagapagpauna ng “huling Tagatubos,” o Mesiyas.
Hindi maikakaila ang pagkakatulad ni Jesus kay Moises sa maraming paraan. (Tingnan ang kahong “Jesus—Isang Propeta na Tulad ni Moises.”) Si Jesus ay nagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad. (Mateo 28:19) Si Jesus ay “mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mateo 11:29) Kinapopootan ni Jesus ang katampalasanan at kawalang-katarungan. (Hebreo 1:9) Kaya nga, mailalaan niya sa atin ang pangunguna na siyang kailangang-kailangan natin! Di na magtatagal at lilipulin niya ang kabalakyutan at gagawing mala-Paraiso ang mga kalagayan sa lupa na inilalarawan sa Bibliya. *
[Mga talababa]
^ par. 3 Tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 20 Kung nais mong matuto pa nang higit hinggil sa pangako ng Bibliya na makalupang paraiso sa ilalim ng Kaharian ni Kristo, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Malulugod silang makipag-aral ng Bibliya sa iyo nang walang bayad.
[Kahon sa pahina 12]
Moises—Katotohanan Laban sa Kabulaanan
Pinanatili ng mga pelikula tungkol kay Moises ang maraming alamat at maling mga detalye. Narito ang ilan lamang sa mga ito:
Kabulaanan: Hindi alam ni Moises ang kaniyang Judiong pinagmulan.
Katotohanan: Si Moises ay inalagaan ng kaniyang inang Judio, maliwanag na sa loob ng ilang taon. Ipinahihiwatig ng Gawa 7:23-25 na itinuring ni Moises ang mga Judiong alipin bilang “kaniyang mga kapatid.”
Kabulaanan: Si Moises ay isang kaagaw sa paghahari sa Ehipto.
Katotohanan: Walang gayong binabanggit ang Bibliya. Sinasabi ng Daily Bible Illustrations, ni John Kitto, na walang dahilan para maniwala na si Moises ay “naging tagapagmana ng korona nang siya’y ampunin. . . . Hindi lumilitaw na may kakulangan sa mga lalaking tagapagmana ng korona.”
Kabulaanan: Nagbalik si Moises sa Ehipto para harapin ang kaniyang kaaway.
Katotohanan: Sinasabi ng Bibliya na lahat ng kaniyang mga kaaway ay patay na nang bumalik siya.—Exodo 4:19.
Kabulaanan: Unang binigkas ng Diyos ang Sampung Utos pagkatapos pumanhik ni Moises sa Bundok Sinai.
Katotohanan: Binigkas ng Diyos ang Sampung Utos, sa pamamagitan ng kaniyang anghel, sa buong bansang Israel. Pagkatapos niyaon, si Moises ay pinakiusapan ng natakot na mga Israelita na pumanhik at makipag-usap para sa kanila.—Exodo 19:20–20:19; 24:12-14; Gawa 7:53; Hebreo 12:18, 19.
Kabulaanan: Nakaligtas si Paraon sa pagkapuksa ng kaniyang hukbo sa Dagat na Pula.
Katotohanan: Si ‘Paraon at ang kaniyang hukbong militar’ ay namatay sa Dagat na Pula.—Exodo 14:28; Awit 136:15.
[Kahon sa pahina 13]
Jesus—Isang Propeta na Tulad ni Moises
Narito ang ilan sa mga kalagayang nagpatunay na si Jesus ay nakakatulad ni Moises:
▲ Sina Moises at Jesus ay parehong nakaligtas sa lansakang pagpatay sa mga sanggol na lalaki gaya ng iniutos ng namamahala noong kanilang kapanahunan.—Exodo 1:22; 2:1-10; Mateo 2:13-18.
▲ Mula sa Ehipto ay tinawag si Moises kasama ang “panganay” ni Jehova, ang bansang Israel. Mula sa Ehipto ay tinawag si Jesus bilang panganay na Anak ng Diyos.—Exodo 4:22, 23; Oseas 11:1; Mateo 2:15, 19-21.
▲ Sina Moises at Jesus ay kapuwa nag-ayuno nang 40 araw sa ilang.—Exodo 34:28; Mateo 4:1, 2.
▲ Natatangi ang pagiging maamo at mapagpakumbaba nina Moises at Jesus.—Bilang 12:3; Mateo 11:28-30.
▲ Sina Moises at Jesus ay kapuwa gumawa ng mga himala.—Exodo 14:21-31; Awit 78:12-54; Mateo 11:5; Marcos 5:38-43; Lucas 7:11-15, 18-23.
▲ Sina Moises at Jesus ay kapuwa nagsilbing mga tagapamagitan sa mga tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kaniyang bayan.—Exodo 24:3-8; 1 Timoteo 2:5, 6; Hebreo 8:10-13; 12:24.
[Mga larawan sa pahina 10]
Si Jesus lamang ang propeta na talagang katulad ni Moises
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga simulain sa kalinisan na itinuro sa Kautusang Mosaiko ay makatutulong upang maiwasan ang sakit