Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagdalaw Ko sa Isang “Nalipol” na Ibon

Ang Pagdalaw Ko sa Isang “Nalipol” na Ibon

Ang Pagdalaw Ko sa Isang “Nalipol” na Ibon

LAGI akong nabibighani sa pagkasari-sari at kagandahan ng mga ibon. Samantalang naghahanda para sa pagdalaw sa Bermuda, may natagpuan akong reperensiya hinggil sa isang pambihirang ibon na tinatawag na cahow. “Ang kakaunting nabubuhay na populasyon ng uring ito,” ang sabi ng isang giyang-aklat tungkol sa mga ibon, ay “matatagpuan sa grupo ng mga isla ng Castle Harbour, ang pinakaliblib na bahagi ng Bermuda. Dito, sila ay mahigpit na sinusubaybayan at ipinagsasanggalang ng isang warden.”

Napukaw ang aking interes! Palibhasa’y determinadong makita nang personal ang kakaibang ibong ito, nakipag-ugnayan ako kay Dr. David Wingate, ang dating opisyal sa konserbasyon ng Bermuda. Retirado na siya ngayon, ngunit nang panahong makipag-ugnayan ako sa kaniya, siya rin ang warden sa grupo ng mga isla ng Castle Harbour. May-kabaitan akong pinahintulutan ni Dr. Wingate na sumama sa kaniya sa pagdalaw sa ipinagsasanggalang na pamugaran ng cahow.

Isang “Buháy na Museo”

Ang Castle Harbour Nature Reserve ay malapit sa pangunahing mga isla ng Bermuda, na matatagpuan sa Karagatang Atlantiko, mga 900 kilometro sa silangan ng North Carolina, E.U.A. Ang Nonsuch Island ang pinakamalaki sa siyam na maliliit na isla na bumubuo sa reserbasyon. Mga anim na ektarya ang laki ng Nonsuch at matatagpuan sa dulong silangan ng Bermuda. Sa ilalim ng patnubay ni Dr. Wingate, ang isla ay naging isang “buháy na museo” para sa muling pagpaparami sa dakong huli sa natitirang mga uri ng katutubong halaman at hayop sa Bermuda.

Maaliwalas at maganda ang araw habang paalis kami ni Dr. Wingate sakay ng kaniyang maliit na bangkang de-motor mula sa Nonsuch patungo sa isang karatig na maliit na isla. Isang lawing-dagat ang sumasalimbay sa ibabaw ng tahimik na dagat, anupat nanganganinag sa mapuputing balahibo ng ilalim ng mga pakpak nito ang matingkad na tulad-turkesang asul na kulay ng tubig. Ang magagandang ibon sa tropiko, na tinatawag na mga longtail sa Bermuda, ay masisiglang lumiligid-ligid sa paglipad sa kanilang pakikipagligawan, anupat ikinakaway nang pataas at pababa ang kanilang malalaking balahibo sa buntot. Bagaman ang tanawing ito ay karaniwan nang kapana-panabik para sa akin, sa pagkakataong ito ay ang cahow lamang ang nasa isip ko.

Muling Lumitaw ang “Nalipol” na Cahow

Ipinaliwanag ni Dr. Wingate: “May mga ulat mula sa unang mga nanirahan doon tungkol sa mga ibong-dagat na bumabalik lamang sa lupa tuwing gabi at kapag namumugad​—pawang karaniwang ginagawa ng mga cahow. Nang panahong iyon ay sampu-sampung libo pa ang mga cahow, ngunit nagbago ito. Noong mga taóng 1560, nagdala ng mga baboy sa Bermuda ang mga Kastila. Naging kapaha-pahamak ito sa populasyon ng mga cahow dahil kinain ng mga baboy ang mga itlog ng mga cahow at, marahil, maging ang mga sisiw at hustong-gulang na mga cahow. Mahalagang bahagi rin ng pagkain ng mga naninirahan doon ang mga cahow. Nang di-sinasadyang nadala ang mga daga sa Bermuda noong 1614, lalong maraming cahow ang namatay. Lalangoy ang mga daga patungo sa maliliit na isla kung saan namumugad ang mga cahow at kakainin ang mga itlog at sisiw ng mga ito. Kaya pagsapit ng 1630 ay umunti na ang populasyon ng mga cahow mula sa libu-libo tungo sa inaakalang lubos na pagkalipol.”

Habang umuugong ang motor ng bangka, nagtanong ako: “Paano muling natuklasan ang mga cahow?”

Sumagot si Dr. Wingate: “Noong 1906, natagpuan ni Louis Mowbray, isang naturalista, ang isang buháy ngunit kakaibang ibong-dagat sa isang isla sa Castle Harbour. Nakilala ito nang dakong huli bilang isang cahow. Nang maglaon, noong 1935, isang inakáy na cahow ang nasumpungang bumangga sa isang parola at namatay. At noong 1945, isang hustong-gulang na cahow ang nasumpungang patay sa dalampasigan ng Cooper’s Island, Bermuda. Sapat na ebidensiya ito upang magsagawa ng ekspedisyon para maghanap ng higit pang ispesimen ng ‘nalipol’ na uring ito. Ang ekspedisyon ay pinangunahan ni Dr. Robert Cushman Murphy ng American Museum of Natural History at ni Louis S. Mowbray, tagapangasiwa ng Bermuda Government Aquarium​—anak na lalaki ng Louis Mowbray na nakasumpong ng cahow noong 1906.”

Ngumiti si Dr. Wingate habang gumugunita: “Kaylaking pribilehiyo para sa akin na hilingan akong sumama sa ekspedisyong iyon, lalo na yamang ako ay 15 taóng gulang na estudyante pa lamang noon na interesadung-interesado sa mga ibon! Ang Linggong iyon, Enero 28, 1951, ay isang araw na nakaapekto sa natitirang bahagi ng aking buhay. Hindi ko malilimutan kailanman ang kaligayahan sa mukha ni Dr. Murphy nang magtagumpay sila ni Mowbray sa pagsilo sa isang buháy na cahow na natagpuan sa isang malalim na awang! Agad na idineklara ng pamahalaan na isang santuwaryo para sa mga cahow ang maliliit na isla sa Castle Harbour. Idinagdag ang Nonsuch Island sa santuwaryo noong 1961, at nang sumunod na taon, kami ng aking asawa ay lumipat doon upang makapaglingkod ako bilang warden nito.”

“Gaano karaming cahow ang natagpuan ninyo sa unang ekspedisyon?” ang tanong ko habang papalapit kami sa reserbasyong pangkalikasan.

“Walong namumugad na pares lamang ang natagpuan sa unang taon,” ang sagot niya. “Napakahirap hanapin ang mga pugad anupat kinailangan ang sampung taon upang matagpuan ang buong populasyon, na nang panahong iyon ay kinabibilangan ng 18 namumugad na pares. Pagkalipas ng karagdagang 35 taóng pangangalaga, dumami sila tungo sa kabuuang bilang na 52 pares.”

Tulong Mula sa Tao

“Ang mga cahow ay namumugad sa mga lungga na dalawa hanggang tatlo at kalahating metro ang haba, na may kurbada upang hindi tumagos sa pugad ang liwanag,” ang sabi pa ni Dr. Wingate. “Upang makapaglaan ng mas maraming mapamumugaran, nagsimula kaming gumawa ng artipisyal na mga lungga. Ginawa ang mga ito sa pamamagitan ng paghukay ng mga trinsera at pagkatapos ay pagbububong sa mga ito ng kongkreto. Ang bahaging pinakapugad sa dulo ng lungga ay may natatanggal na takip. Pinangyayari nito na masuri namin ang mga pugad kung mayroon nang itlog o napisang itlog o kung may nabugok na itlog. Kapag iniwan ang isang nabugok na itlog, maaari namin itong kunin upang masuri at matiyak kung ano ang dahilan ng pagkabugok nito. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, ang latak ng pestisidyong DDT ang naging sanhi ng pagnipis ng balat ng itlog at pagkabasag nito. Ngayon, ikinababahala namin na baka may gayunding epekto ang mga kemikal na gaya ng PCB [polychlorinated biphenyl]. Bagaman ipinagbawal ng Hilagang Amerika at ng Europa ang mga PCB, hindi ito ipinagbawal ng maraming papaunlad na bansa.”

May karagdagan pang mga hamon. Sinabi ni Dr. Wingate: “Laging nag-aagawan sa mga pugad ang mga cahow at ang mas agresibong mga ibon sa tropiko. Maaaring piliin ng cahow na mamugad sa loob ng isang mababaw na hukay, at pagkatapos ay mamumugad naman ang isang ibong tropiko sa mismong bukana nito! Sisirain ng walang-pakundangang manghihimasok na ito ang itlog ng cahow o sasalakayin at papatayin ang sisiw. Laging bumabalik sa pugad ding iyon ang dalawang uri ng ibon na ito, kaya taun-taon ay nagpapatuloy ang problema. Upang mailigtas ang cahow, nagsimula kaming maglagay ng simpleng halang na kahoy sa mga bukana ng mga lungga ng cahow. Ang mga halang ay may tambilugang butas na tamang-tama lamang ang sukat upang hayaang makapasok ang cahow ngunit hadlangan naman ang ibong tropiko na mas malaki nang kaunti. Sa ganitong kalagayan, nakasalalay ang buhay-at-kamatayan sa tatlong milimetro.”

Sa Reserbasyon

Sa wakas, dumating kami sa maliit na isla. Sa gitna ng mga alon ng karagatan, maingat kaming umibis sa bangka at tumapak sa magagaspang na batuhan. Upang marating ang mga pugad, kailangan naming akyatin ang matatarik at matatalim na tipak ng bato. Ang isang pugad ay mararating lamang sa pamamagitan ng hagdan. Maaaring rutin lamang ito para kay Dr. Wingate, ngunit para sa akin, ito’y kakaiba at kapana-panabik!

Siniyasat ni Dr. Wingate ang bawat pugad, anupat sinusuri ang katibayan. Pinupuntahan pa kaya ng mga pares ang kani-kanilang pugad? May mga bakas kaya ng mga yapak na papasok at palabas sa mga lungga? May mga itlog ba na nabugok? May natagpuan kaming isang itlog na bugok, ngunit yamang hindi pa ito iniiwan ng mga magulang nito, hinayaan doon ni Dr. Wingate ang itlog. Kalimitan, patuloy na lililiman ng mga cahow ang isang itlog na nabugok, anupat tumatangging sumuko. Mayroon ding natuklasan nang di-sinasadya si Dr. Wingate​—isang sisiw sa isang lugar na hindi niya inakalang pangingitlugan ng cahow! Napapawi ng tuklas na ito ang nadaramang pagkasira ng loob na dulot ng di-napisang itlog.

Naging maliwanag na makabuluhan ang lahat ng gayong pagsisikap nang alisin ni Dr. Wingate ang takip ng isang lungga at makita ko ang isang maliit at kulay-abong kumpol ng balahibo​—isang sisiw na cahow. Paminsan-minsan, gumagalaw nang kaunti ang sisiw, palibhasa’y nagagambala ng liwanag. Sa iba pang mga lungga, tumingin ako at nakakita ng isang adultong cahow na lumililim sa isang itlog.

Marami nang nasagip na nanganganib na sisiw si Dr. Wingate. Sinalakay ng isang ibong tropiko ang isang sisiw at binali ang tuka ng sisiw. Palibhasa’y desperado na, pinagdikit ni Wingate ang tuka sa pamamagitan ng kola. Kaylaking gulat at tuwa niya nang maingatang-buháy ang sisiw! Sa isa pang pagkakataon, kinuha niya ang isang mahinang sisiw na maagang inabandona ng mga magulang nito. Iningatan niya ito sa isang kahon at pinalaki sa pamamagitan ng pagpapakain dito ng hipon, pusit, langis ng atay ng gindara, at mga bitamina. Nang dakong huli, nakalipad ito sa laot ng dagat. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga pagsisikap na muling paramihin ang cahow ay unti-unting nagbubunga ng mabuti. Sa katunayan, tinawag ang cahow na sagisag ng pag-asa para sa mga konserbasyonista sa buong daigdig. Ang tunguhin ni Dr. Wingate ay magkaroon ang Nonsuch ng 1,000 pares ng cahow sa kalaunan. Gayunman, tinitingnan pa kung magkakatotoo nga ang pangarap niyang ito.

Ang pagdalaw ko sa “nalipol” na cahow ay nag-udyok sa akin na mag-isip. Walang alinlangan, kung alam ng Maylalang kapag may pangkaraniwang maya na nahulog sa lupa, hindi ba niya alam kapag ang buong uri ay nanganib? (Mateo 10:29) Nakaaaliw ngang malaman na darating ang panahon na hindi na pagbabantaan ng lipunan ng tao ang pag-iral ng alinmang uri ng hayop sa lupa!​—Isaias 11:6-9.​—Ipinadala.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BERMUDA

Nonsuch Island

[Larawan sa pahina 18]

Isang “cahow” sa loob ng lungga

[Credit Line]

Jeremy Madeiros, Conservation Officer, Bermuda

[Larawan sa pahina 18]

Ang bukana ng isang lungga ng “cahow”

[Larawan sa pahina 18]

Itinuturo ni Dr. Wingate ang halang sa bukana ng isang lungga ng “cahow”

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Jeremy Madeiros, Conservation Officer, Bermuda

Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

© Brian Patteson

Jeremy Madeiros, Conservation Officer, Bermuda