Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Higit na Popular ang Palakaibigang mga Bata
“Hindi garantiya sa popularidad ang pagkakaroon ng maong na may kilalang tatak at ng pinakabagong mga gadyet. Sa isang grupo ng mga kabataan, hindi gaanong mahalaga sa popularidad ng isang bata ang kaniyang katayuan sa lipunan, subalit nakahihigit na salik ang pagiging palakaibigan niya,” ang sabi ng magasing Psychologie Heute sa Alemanya. Sina Judith Schrenk at Christine Gürtler, mga sikologo sa Max Planck Institute for Human Development, sa Berlin, ay nagsurbey sa 234 na bata na nasa ikatlo at ikalimang baitang mula sa sampung iba’t ibang paaralang elementarya. Natuklasan nila na ang mga batang gustong magkaroon ng mas magandang kaugnayan sa iba, at palakaibigan at hindi malihim ay mas maimpluwensiya. Hindi gaanong maimpluwensiya sa kanilang mga kasamahan ang mga batang nananakit o pinagtatawanan ang iba. “Kahit ang pagiging kaakit-akit o pagkakaroon ng maraming pera ay hindi gaanong nagpapahanga sa mga kaeskuwela,” ang sabi ng ulat.
Ang Napakabisang Parsli
Bagaman madalas na ginagamit lamang bilang palamuti sa pagkain, ang parsli ay mayaman sa mga bitamina at mineral, ang sabi ng Sunday Telegraph ng Australia. “Ang isang tasa ng parsli ay naglalaman ng mas maraming beta carotene (Bitamina A) kaysa sa isang malaking karot, may Bitamina C na halos dalawang ulit ang dami kaysa sa kahel, at nagtataglay ng mas maraming kalsyum kaysa sa isang tasa ng gatas. Mas marami rin itong iron kaysa sa atay, kung pagtutumbasin ang timbang nila, at ito’y mahusay na pinagmumulan ng mga bitamina B1 at B2.” Bilang gamot naman, “ang parsli ay napakabisang pampaihi, na nangangahulugang tumutulong ito sa pag-alis ng sobrang likido sa katawan,” ang sabi ng pahayagan. Makatutulong din ito sa ilang sakit sa atay, palî, tiyan, at sa daanan ng ihi. Kapag kinain nang sariwa, “isa ito sa pinakamahusay na makukuhang pampabango ng hininga, at tiyak na ito ang pinakamura.” Gayunman, nagbabala ang artikulo na sa “ilang kalagayan, tulad sa pagbubuntis, . . . maaari itong maging mapanganib dahil sa sangkap nitong nauugnay sa oestrogen [estrogen].”
Ang mga Business Card—Malapit Na Bang Malugi?
“Dahil sa napakaraming mga kaso ng pagkidnap sa Brazil, mas ligtas para sa mga ehekutibo na huwag nang magdala ng mga kard na naglalaman ng kanilang titulo at katayuan sa trabaho,” ang sabi ng kasangguni sa seguridad na si Carl Paladini, na iniulat sa pangnegosyong babasahin na Exame sa Brazil. Para sa mga kriminal, ang gayong personal na impormasyon ay indikasyon ng pinansiyal na halaga ng isa. Si Vagner D’Angelo, direktor ng Kroll, isang malaking kompanya sa seguridad, ay nagsabi pa na “ang mga nilalaman ng iyong pitaka ay maaaring sumira sa buhay mo.” Pinayuhan niya ang mga negosyante sa lubhang mapanganib na mga bansa na alisin sa mga kard nila ang lahat ng may kaugnayan sa kanilang mga titulo at katayuan, at “huwag nang gumamit ng mamahaling papel [at] magagarang imprenta” sa kanilang mga kard. Dahil sa pangambang matutuklasan din ng mga kriminal ang taktikang ito sa kalaunan, lubusan nang inihinto ng ilang mga ehekutibo ang paggamit ng mga business card.
Ang Epidemya ng AIDS sa Carribean
Pumapangalawa sa Aprika ang Carribean sa pagkakaroon ng pinakamaraming kaso ng mga may HIV sa buong daigdig, ang ulat ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. “Ayon sa ilang pagtantiya, 2.4 porsiyento ng populasyon ng mga adulto sa Carribean ang nahawahan ng [HIV],” at halos 12 porsiyento ang nahawahan sa ilang mga siyudad. “Ang talagang lawak ng epidemya ay hindi nalalaman ng publiko dahil sa takot, pagkakaila, kakulangan sa paggamot at kawalan ng kakayahan at pananalapi para sa kalusugang pambayan,” ang sabi ng Herald. “Mga 40,000 adulto at bata sa Carribean ang pinaniniwalaang namatay dahil sa sakit na iyon noon lamang 2001.” Sinabi ni Patricio Marquez, isang espesyalista sa kalusugan para sa Carribean at Latin Amerika sa World Bank, na ang banta ng AIDS “ay nakaaapekto sa pinakamabungang populasyon na nasa pinakaproduktibong pangkat ng edad . . . May panganib na malipol ang isang buong salinlahi.” Ang pinakamalubhang naapektuhan ay ang Haiti, na mahigit sa 6 na porsiyento ang nahawahan. “Nagbabala ang mga dalubhasa sa kalusugan at pulitikal na mga lider hinggil sa posibilidad na mawasak ang rehiyon ng maliliit . . . na bansa na umaasa lamang sa limitadong mapagkukunan ng trabaho at yaman, gayundin sa turismo,” ang sabi ng pahayagan.
Kumikinang Dahil sa Ultraviolet na Liwanag
Matagal nang pinaniniwalaan ng mga siyentipiko na ang makináng na mga kulay ng ilang ibon ay tumutulong sa kanila na umakit ng kapareha. Natuklasan ng mga biyologo sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, Canada, na ang mga balahibo ng isang uri ng ibon ay nagpapasinag ng ultraviolet na liwanag. “Sa pamamagitan ng paggamit ng isang tulad-panulat na kasangkapang panukat na tinatawag na spectrometer,” ang sabi ng magasing Canadian Geographic, “isiniwalat ng mga mananaliksik ang di-nakikitang katotohanan tungkol sa mapusyaw na mga balahibo ng mga black-capped chickadee.” Isiniwalat ng spectrometer na “mas makináng ang mga lalaking chickadee kung ihahambing sa mga babae, anupat nagtataglay sila ng mas makináng na puti at mas matitingkad na kulay. Ang tuktok ng ulo at patse sa dibdib ng mga lalaking matagumpay sa pakikipagtalik ay nagpapasinag ng higit na ultraviolet—isang kulay na di-nakikita ng mga tao.” Sinusuhayan ng tuklas na ito ang umiiral na katibayan na ang mga ibon ay “nakakakita ng mas maraming kulay at nang may higit na katalasan kaysa sa mga tao,” ang sabi ng Canadian Geographic.
Ang Pinakamalakas na Naitalang Pagsabog sa Sistema Solar
Naranasan ng buwan ng Jupiter na pinanganlang Io “ang pinakamalakas na pagsabog ng bulkan na naitala sa sistema solar,” ang ulat ng Science News. “Ang napakalakas na puwersang sumisira sa anyo ng Io, na idinudulot ng grabidad ng Jupiter, ay walang tigil na humihila at nagpapainit dito, anupat ginawa tuloy nitong aktibo ang mga bulkan. Maaaring dumanas ang Io ng halos isang dosenang malalaking pagsabog taun-taon.” Ayon pa sa artikulo, “ang materyal mula sa naitalang pinakamalakas na pagsabog ay waring sumaklaw ng 1,900 kilometro kuwadrado, isang lugar na halos isang libong ulit ng sukat na sinasaklaw ng Bundok Etna sa Italya, isa sa pinakaaktibong bulkan sa Lupa.” Nakita ng mga siyentipiko ang pagsabog gamit ang Keck II, isang malakas na teleskopyo na nasa Mauna Kea sa Hawaii, na isa namang patay na bulkan. Nagawang makunan ng Keck II ang pagsabog dahil sa bumabagay na mga lente nito, na “bumabaluktot sa tamang bilis para hindi maapektuhan ng panlalabo na dulot ng paiba-ibang galaw ng atmospera ng Lupa,” ang sabi ng Science News.
Kung Paano Nakaaapekto sa mga Magulang ang Pagkamatay ng Isang Anak
“Ang mamatay nang dahil sa isang pusong wasak ay maaaring maging literal at hindi lamang isang matalinghagang pananalita,” ang sabi ng The Times ng London. Ang mga mananaliksik sa University of Århus sa Denmark ay “sumubaybay sa buhay ng 21,062 magulang sa Denmark na namatayan ng anak na wala pang 18 anyos, dahil sa sakit, aksidente, pagpaslang o pagpapatiwakal.” Inihambing nila ang mga magulang na ito sa 300,000 iba pa na hindi namatayan ng anak. “Sa unang tatlong taon pagkamatay ng anak, ang tsansang mamatay ang ina sa di-likas na mga kadahilanan—karaniwan nang sa aksidente o pagpapatiwakal—ay halos apat na ulit ang kahigitan, samantalang ang panganib naman para sa ama ay tumaas nang 57 porsiyento.” Sinasabi ng mga mananaliksik na ang tuminding kaigtingan ang maaaring pangunahing dahilan ng mas mataas na bilang ng mga namamatay.